Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Paano ka maiingatan ng “kakayahang mag-isip”? (Kawikaan 1:4)
Maaari itong magbabala sa atin hinggil sa espirituwal na mga panganib at mag-udyok sa atin na magplano ng matalinong landasin, tulad ng pag-iwas sa seksuwal na mga tukso sa lugar ng trabaho. Tinutulungan tayo nitong kilalanin na di-sakdal ang ating mga kapuwa Kristiyano, na magpapakilos naman sa atin na iwasan ang padalus-dalos na reaksiyon kapag tayo’y napukaw sa pagkagalit. Matutulungan din tayo nito na iwasan ang materyalistikong mga panggigipit na maaaring maglihis sa atin sa espirituwal na paraan.—8/15, pahina 21-4.
• Paano maaaring maging kapaki-pakinabang bilang kapitbahay ang isa?
Ang dalawang paraan upang maging mainam na kapitbahay ay maging handa sa pagbibigay at maging mapagpahalaga sa pagtanggap. Mahalaga na maging mabuting kapitbahay kapag sumapit ang kagipitan. Nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na maging mabubuting kapitbahay sa pamamagitan ng pagbibigay-babala sa iba hinggil sa malapit nang maganap, ang pagkilos ng Diyos upang wakasan ang kabalakyutan.—9/1, pahina 4-7.
• Ayon sa Bibliya, sino ang tunay na mga santo, at paano nila tutulungan ang sangkatauhan?
Lahat ng sinaunang mga Kristiyano ay tunay na mga santo, o mga banal, na ginawang gayon ng Diyos, hindi ng mga tao o ng mga organisasyon. (Roma 1:7) Kapag muling binuhay sa makalangit na buhay, ang mga banal ay makakasama ni Kristo sa pagpapala sa mga tapat sa lupa. (Efeso 1:18-21)—9/15, pahina 5-7.
• Ano ang maaaring kahalagahan sa mga Kristiyano ng pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa mga kaganapan sa paligsahan ng mga atleta sa sinaunang Gresya?
Ang mga isinulat nina apostol Pedro at apostol Pablo ay naglalaman ng mga ilustrasyon o mga pahiwatig salig sa sinaunang mga laro. (1 Corinto 9:26; 1 Timoteo 4:7; 2 Timoteo 2:5; 1 Pedro 5:10) Para sa isang sinaunang atleta, mahalaga na magkaroon ng mahusay na tagapagsanay, pagpipigil sa sarili, at makapagtuon ng pansin sa makabuluhang mga pagsisikap. Totoo rin iyan hinggil sa espirituwal na mga pagsisikap ng mga Kristiyano sa ngayon.—10/1, pahina 28-31.
• Ano ang mga hamon at mga gantimpala sa pagpapalaki sa mga bata sa isang banyagang lupain?
Maraming bata ang mas mabilis matuto ng bagong wika kaysa sa kanilang mga magulang, na maaaring mahirapang umunawa sa pag-iisip at reaksiyon ng kanilang mga anak. At maaaring mahirapan ang mga bata na maunawaan ang mga turo ng Bibliya sa wika ng kanilang mga magulang. Gayunman, mapatitibay ang mga buklod ng pamilya habang itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kanilang katutubong wika, anupat dahil dito ay maaaring matuto ang mga anak ng dalawang wika at maging pamilyar sa dalawang kultura.—10/15, pahina 22-6.
• Bakit mahalaga na matutong humingi ng paumanhin?
Ang taimtim na paghingi ng paumanhin ay madalas na isang paraan upang maayos ang nasirang ugnayan. Naglalaan ang Bibliya ng mga halimbawa hinggil sa kapangyarihan ng paghingi ng paumanhin. (1 Samuel 25:2-35; Gawa 23:1-5) Kadalasan, kapag hindi nagkakaunawaan ang dalawang tao, pareho silang may kasalanan sa paanuman. Kaya kailangan ang pagpapahinuhod at paghingi ng paumanhin sa isa’t isa.—11/1, pahina 4-7.
• Bakit masama ang pagsusugal, kahit na maliit na halaga lamang ng salapi ang nasasangkot?
Ang pagsusugal ay maaaring pumukaw ng egotismo, espiritu ng pagpapaligsahan, at kasakiman, na hinahatulan ng Bibliya. (1 Corinto 6:9, 10) Marami na naging sugapa sa pagsusugal ay nagsimula noong sila’y bata pa sa pamamagitan ng pagpusta ng maliliit na halaga.—11/1, pahina 31.
• Yamang maraming aklat sa Bibliya ang isinulat sa Griego, bakit kinailangan pang isalin ang Bibliya sa Griego, at ano ang mga resulta nito?
Ibang-iba ang makabagong Griego sa Griego ng saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan at niyaong sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Nitong nakalipas na mga siglo, maraming pagsisikap ang isinagawa upang maisalin ang buong Bibliya o ang bahagi nito tungo sa pangkaraniwang Griego. Sa ngayon ay may mga 30 salin ng Bibliya, buo man o bahagi lamang nito, na mababasa ng karaniwang mamamayang Griego, at ang isang kapansin-pansing salin ay ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na inilathala noong 1997.—11/15, pahina 26-9.
• Bakit hindi hinihilingan ang mga Kristiyano na magbigay ng ikapu?
Sa ilalim ng Kautusang ibinigay sa sinaunang Israel, ang pagbibigay ng ikapu ay isang paraan upang suportahan ang tribo ni Levi at pangalagaan ang mga nangangailangan. (Levitico 27:30; Deuteronomio 14:28, 29) Pinawalang-bisa ng sakripisyong kamatayan ni Jesus ang Kautusan at ang kahilingan nitong magbigay ng ikapu. (Efeso 2:13-15) Sa sinaunang kongregasyon, ang parisan ay ang magbigay ang bawat Kristiyano ng ayon sa kaniyang kakayahan at ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso. (2 Corinto 9:5, 7)—12/1, pahina 4-6.
• Ibig bang sabihin ng Apocalipsis 20:8 na napakalaking bilang ng mga tao ang maililigaw ni Satanas sa huling pagsubok?
Sinasabi ng teksto na yaong maililigaw ay magiging “gaya ng buhangin sa dagat.” Sa Bibliya, ang pananalitang iyan ay madalas na tumutukoy sa isang di-nababatid na bilang, na hindi naman nagpapahiwatig na ito’y napakalaki. Ang binhi ni Abraham, na magiging “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat,” ay napatunayang 144,000 katao lamang, bukod kay Jesu-Kristo. (Genesis 22:17; Apocalipsis 14:1-4)—12/1, pahina 29.