Mga Pamilya, Purihin ang Diyos Bilang Bahagi ng Kaniyang Kongregasyon
“Sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova.”—AWIT 26:12.
1. Ano ang isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba bukod pa sa pag-aaral at pananalangin sa tahanan?
HINDI lamang pananalangin at pag-aaral ng Bibliya sa tahanan ang kasali sa pagsamba kay Jehova kundi pati ang paggawa bilang bahagi ng kongregasyon ng Diyos. Ang sinaunang Israel ay inutusan na ‘tipunin ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata,’ upang maturuan sa batas ng Diyos nang sa gayo’y makalakad sila sa kaniyang daan. (Deuteronomio 31:12; Josue 8:35) Kapuwa ang mga nakatatanda at ‘ang mga binata at mga dalaga’ ay pinasigla na makibahagi sa pagpuri sa pangalan ni Jehova. (Awit 148:12, 13) Ganito ring mga kaayusan ang kumakapit sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa mga Kingdom Hall sa buong lupa, ang mga lalaki, babae, at mga bata ay malayang nakikibahagi sa mga sesyon na doo’y kasama ang mga tagapakinig, at marami ang lubhang nasisiyahan sa pakikibahagi.—Hebreo 10:23-25.
2. (a) Bakit isang mahalagang salik ang paghahanda upang matulungan ang mga bata na masiyahan sa mga pulong? (b) Kaninong halimbawa ang mahalaga?
2 Totoo, maaaring maging isang hamon ang pagtulong sa mga bata na makibahagi sa kapaki-pakinabang na rutin ng mga gawain sa kongregasyon. Kung nakikitang hindi nasisiyahan sa mga pulong ang ilang bata na dumadalo na kasama ng kanilang mga magulang, ano kaya ang suliranin? Mangyari pa, karamihan sa mga bata ay hindi makapagtuon ng pansin sa mahabang panahon at madaling mainip. Makatutulong ang paghahanda upang mapagtagumpayan ang suliraning ito. Kung walang paghahanda, ang mga bata ay hindi maaaring makibahagi sa mga pulong sa isang makabuluhang paraan. (Kawikaan 15:23) Kung walang paghahanda, mahihirapan silang sumulong sa espirituwal na siyang nagdudulot ng kasiyahan. (1 Timoteo 4:12, 15) Ano ang maaaring gawin? Una, kailangang tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili kung sila ba mismo ay naghahanda para sa mga pulong. Ang kanilang halimbawa ay isang mabisang pangganyak. (Lucas 6:40) Mahalagang salik din ang maingat na pagpaplano para sa pag-aaral ng pamilya.
Patibayin ang Puso
3. Sa panahon ng pag-aaral ng pamilya, bakit dapat gumawa ng pantanging pagsisikap na patibayin ang puso, at ano ang kailangan dito?
3 Ang pampamilyang pag-aaral ay dapat na isang panahon hindi lamang upang punuin ang ulo ng kaalaman kundi upang patibayin din ang puso. Kailangan dito ang kabatiran sa mga suliranin na kinakaharap ng mga miyembro ng pamilya at ang maibiging pagmamalasakit sa bawat isa. Si Jehova ay “tagasuri ng puso.”—1 Cronica 29:17.
4. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagiging “kapos ang puso”? (b) Ano ang nasasangkot sa ‘pagtatamo ng puso’?
4 Ano ba ang nasusumpungan ni Jehova kapag sinusuri niya ang puso ng ating mga anak? Karamihan sa kanila ay magsasabi na iniibig nila ang Diyos, at kapuri-puri naman iyan. Gayunman, ang isa na bata pa o bago pa lamang natututo tungkol kay Jehova ay may limitadong karanasan sa mga daan ni Jehova. Dahil sa siya’y walang karanasan, baka siya ay maging “kapos ang puso,” gaya ng pagkasabi ng Bibliya. Marahil ay hindi naman masama ang lahat ng kaniyang motibo, ngunit kailangan ng panahon upang ang puso ng isa ay mapasa kalagayan na talagang nakalulugod sa Diyos. Kailangan na ang mga kaisipan, hangarin, pagmamahal, emosyon, at mga tunguhin sa buhay ng isa ay gawing kasuwato ng sinasang-ayunan ng Diyos, hanggang sa antas na posible para sa di-sakdal na mga tao. Kapag ginagawa ng isa ang gayong paghubog sa panloob na pagkatao sa isang makadiyos na paraan, siya ay “nagtatamo ng puso.”—Kawikaan 9:4; 19:8.
5, 6. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’?
5 Matutulungan ba ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’? Totoo, walang sinumang tao ang makapaglalagay ng mabuting kalagayan ng puso sa ibang tao. Bawat isa sa atin ay may malayang kalooban, at ang malaking bahagi nito ay nakasalalay sa kung ano ang iniisip natin. Subalit, taglay ang kaunawaan, kadalasang magaganyak ng mga magulang ang kanilang anak, anupat maaarok kung ano ang nasa puso at malalaman kung saan nangangailangan ng tulong. Gumamit ng mga tanong na ‘Ano ang nadarama mo tungkol dito?’ at ‘Ano talaga ang gusto mong gawin?’ Pagkatapos, matiyagang makinig. Huwag magalit. (Kawikaan 20:5) Ang kabaitan, unawa, at pag-ibig ay mahalaga kung nais mong maabot ang puso.
6 Upang mapasigla ang mabubuting hilig, ipakipag-usap nang madalas ang mga bunga ng espiritu—ang bawat anyo nito—at gumawang magkakasama bilang isang pamilya upang linangin ito. (Galacia 5:22, 23) Patibayin ang pag-ibig para kay Jehova at kay Jesu-Kristo, anupat hindi lamang basta sinasabi na dapat nating ibigin sila kundi tinatalakay rin ang mga dahilan kung bakit natin sila iniibig at kung paano natin maipahahayag ang pag-ibig na iyan. (2 Corinto 5:14, 15) Palakasin ang hangarin na gawin ang tama sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa mga pakinabang na dulot nito. Patibayin ang hangaring iwasan ang mga maling kaisipan, pananalita, at paggawi sa pamamagitan ng pagtalakay sa masasamang epekto ng gayong mga bagay. (Amos 5:15; 3 Juan 11) Ipakita kung paanong ang kaisipan, pananalita, at paggawi—mabuti man o masama—ay makaaapekto sa kaugnayan ng isa kay Jehova.
7. Ano ang maaaring gawin upang matulungan ang mga bata na harapin ang mga suliranin at makagawa ng mga pasiya sa paraan na pananatilihin silang malapit kay Jehova?
7 Kapag ang isang anak ay may suliranin o kailangang gumawa ng mahalagang pasiya, maitatanong natin sa kaniya: ‘Ano sa palagay mo ang pangmalas dito ni Jehova? Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jehova na nag-udyok sa iyo na sabihin iyan? Naipanalangin mo na ba sa kaniya ang bagay na ito?’ Magsimula nang maaga hangga’t maaari, anupat tinutulungan ang inyong mga anak na bumuo ng isang landasin sa buhay na doo’y laging taimtim na sinisikap na alamin ang kalooban ng Diyos at saka ginagawa iyon. Habang nagkakaroon sila ng malapit at personal na kaugnayan kay Jehova, masisiyahan sila sa paglakad sa kaniyang mga landas. (Awit 119:34, 35) Pasisiglahin nito sa kanila ang pagpapahalaga sa pribilehiyong makisama sa kongregasyon ng tunay na Diyos.
Paghahanda Para sa mga Pulong ng Kongregasyon
8. (a) Ano ang makatutulong sa atin upang mailakip sa ating pampamilyang pag-aaral ang lahat ng bagay na kailangang bigyang-pansin? (b) Gaano kahalaga ang pag-aaral na ito?
8 Maraming bagay ang kailangang bigyang-pansin sa panahon ng pag-aaral ng pamilya. Paano ninyo mailalakip ang lahat ng ito? Imposibleng gawin ang lahat nang sabay-sabay. Ngunit makatutulong kung gagawa kayo ng listahan. (Kawikaan 21:5) Sa pana-panahon, repasuhin ito at isaalang-alang kung ano ang nangangailangan ng pantanging pansin. Magkaroon ng taimtim na interes sa pagsulong ng bawat miyembro ng pamilya. Ang kaayusang ito ng pampamilyang pag-aaral ay mahalagang bahagi ng edukasyong Kristiyano, anupat sinasangkapan tayo para sa buhay ngayon at inihahanda tayo para sa darating na buhay na walang hanggan.—1 Timoteo 4:8.
9. Anong mga tunguhin hinggil sa paghahanda para sa pulong ang maaaring unti-unti nating gawin sa ating pampamilyang pag-aaral?
9 Kasali ba sa inyong pampamilyang pag-aaral ang paghahanda para sa mga pulong sa kongregasyon? Maraming proyekto ang maaari ninyong unti-unting gawin habang magkakasama kayong nag-aaral. Ang ilan sa mga ito ay baka gumugol ng mga sanlinggo, buwan, o mga taon pa nga upang matapos. Isaalang-alang ang mga tunguhing ito: (1) ang bawat isa sa pamilya ay handang magkomento sa mga pulong ng kongregasyon; (2) ang bawat isa ay nagsisikap na magkomento sa kaniyang sariling pananalita; (3) inilalakip ang mga teksto sa pagkokomento; at (4) pagsusuri sa materyal taglay ang layuning maikapit sa sarili. Ang lahat ng ito ay makatutulong sa isa na dibdibin ang katotohanan.—Awit 25:4, 5.
10. (a) Paano natin mabibigyan ng atensiyon ang bawat isa sa ating mga pulong sa kongregasyon? (b) Bakit sulit ito?
10 Kahit na ang inyong pampamilyang pag-aaral ay karaniwan nang batay sa aralin sa Bantayan linggu-linggo, huwag kaligtaan ang kahalagahan ng paghahanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at sa Pulong sa Paglilingkod. Mahahalagang bahagi rin ito ng programa upang turuan tayo na lumakad sa daan ni Jehova. Baka sa pana-panahon ay makapaghanda kayo para sa mga pulong bilang isang pamilya. Sa inyong paggawang magkakasama, susulong ang inyong kakayahan sa pag-aaral. Bunga nito, higit na kapakinabangan ang matatamo buhat sa mga pulong. Bukod sa iba pang bagay, pag-usapan ang mga kapakinabangan ng regular na paghahanda para sa mga pulong na ito at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiyak na panahon na inilaan para rito.—Efeso 5:15-17.
11, 12. Paano tayo makikinabang sa paghahanda para sa pag-awit sa kongregasyon, at paano ito magagawa?
11 Sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon, pinasigla tayo na maghanda para sa isa pang bahagi ng ating mga pulong—ang pag-awit. Nagawa na ba ninyo iyan? Ang paggawa nito ay makatutulong upang ikintal ang mga katotohanan ng Bibliya sa ating isip at puso at kasabay nito ay pag-ibayuhin ang ating kasiyahan sa mga pulong ng kongregasyon.
12 Ang paghahanda na may kalakip na pagbabasa at pagtalakay sa kahulugan ng mga salita sa ilang nakaiskedyul na mga awitin ay makatutulong sa atin na umawit nang taos-puso. Sa sinaunang Israel, ang mga instrumentong pangmusika ay madalas gamitin sa pagsamba. (1 Cronica 25:1; Awit 28:7) Mayroon ba sa inyong pamilya na tumutugtog ng isang instrumentong pangmusika? Bakit hindi gamitin ang instrumentong iyon upang mag-ensayo ng isa sa mga awiting pang-Kaharian para sa linggong iyon, at saka kantahin ang awit bilang isang pamilya. Maaari ring gumamit ng recording ng mga awit. Sa ilang lupain, nakaaawit nang maganda ang ating mga kapatid kahit walang saliw na musika. Habang naglalakad sila o nagtatrabaho sa bukid, kadalasa’y nasisiyahan silang umawit ng mga awitin na nakaiskedyul para sa mga pulong ng kongregasyon sa linggong iyon.—Efeso 5:19.
Paghahanda ng Pamilya Para sa Paglilingkod sa Larangan
13, 14. Bakit mahalaga ang pagtalakay ng pamilya na naghahanda sa ating puso para sa ministeryo sa larangan?
13 Ang pagpapatotoo sa iba tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin ay isang mahalagang bahagi ng ating buhay. (Isaias 43:10-12; Mateo 24:14) Bata man o matanda, higit na masisiyahan tayo sa gawaing ito at mas mabuti ang magagawa natin kung tayo ay handa. Paano natin magagawa ito bilang pamilya?
14 Tulad ng ibang bagay na may kinalaman sa ating pagsamba, mahalaga na ihanda ang ating puso. Kailangang pag-usapan natin hindi lamang kung ano ang gagawin natin kundi kung bakit din natin gagawin iyon. Noong panahon ni Haring Jehosapat, ang mga tao ay tinuruan sa batas ng Diyos, ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya na “hindi pa [nila] naihanda ang kanilang puso.” Dahil dito’y madali silang matangay ng mga pang-akit na maaaring maglayo sa kanila sa tunay na pagsamba. (2 Cronica 20:33; 21:11) Ang tunguhin natin ay hindi lamang ang makapag-ulat ng mga oras na ginugol sa paglilingkod sa larangan, ni ang makapagpasakamay lamang ng literatura. Ang ating ministeryo ay dapat na isang kapahayagan ng ating pag-ibig kay Jehova at ng ating pag-ibig sa mga tao na nangangailangan ng pagkakataong makapili para sa buhay. (Hebreo 13:15) Ito ay gawain na doo’y “mga kamanggagawa [tayo] ng Diyos.” (1 Corinto 3:9) Anong laking pribilehiyo! Habang nakikibahagi tayo sa ministeryo, ginagawa natin iyon na katulong ang mga banal na anghel. (Apocalipsis 14:6, 7) Wala nang pinakamabuting panahon upang linangin ang pagpapahalaga rito kaysa sa pagtalakay ng pamilya, iyon man ay sa ating lingguhang pag-aaral o kapag tinatalakay ang angkop na teksto mula sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw!
15. Kailan tayo maaaring maghanda para sa paglilingkod sa larangan bilang isang pamilya?
15 Paminsan-minsan ba’y ginagamit ninyo ang panahon sa inyong pampamilyang pag-aaral upang tulungan ang mga miyembro ng inyong sambahayan na maghanda para sa paglilingkod sa larangan sa linggong iyon? Kapaki-pakinabang ang paggawa nito. (2 Timoteo 2:15) Makatutulong ito upang maging makabuluhan at mabunga ang kanilang paglilingkuran. Paminsan-minsan, maaari ninyong italaga ang isang buong sesyon ng pag-aaral para sa gayong paghahanda. Kadalasan, maaari ninyong talakayin nang mas maikli ang mga pitak ng ministeryo sa larangan sa pagtatapos ng pampamilyang pag-aaral o sa ibang panahon sa loob ng sanlinggong iyon.
16. Talakayin ang kahalagahan ng bawat isa sa mga hakbang na itinala sa parapo.
16 Ang mga sesyon ng pamilya ay maaaring ituon sa sunud-sunod na hakbang, gaya sa sumusunod: (1) Maghanda ng isang presentasyon na inensayong mabuti na doo’y kalakip ang pagbasa ng isang teksto mula sa Bibliya kung ipinahihintulot ng pagkakataon. (2) Tiyakin na bawat isa, kung posible, ay may kani-kaniyang bag, Bibliya, kuwaderno, panulat o lapis, mga tract, at iba pang presentableng literatura. Hindi naman kailangang maging mamahalin ang bag sa paglilingkod, ngunit ito ay dapat na masinop. (3) Pag-usapan kung saan at kung paano gagawa ng di-pormal na pagpapatotoo. Sundan ang bawat hakbang sa pagtuturong ito ng mga panahon na doo’y sama-sama kayong gumagawa sa paglilingkod sa larangan. Magbigay ng mga mungkahing makatutulong, ngunit huwag magpayo sa napakaraming punto.
17, 18. (a) Anong uri ng paghahanda bilang isang pamilya ang makatutulong upang maging lalong mabunga ang ating ministeryo sa larangan? (b) Anong pitak ng paghahandang ito ang maaaring gawin sa bawat linggo?
17 Isang malaking bahagi ng gawain na iniatas ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod ang paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20) Hindi lamang pangangaral ang nasasangkot sa paggawa ng mga alagad. Kailangan dito ang pagtuturo. Paano kayo matutulungan ng inyong pampamilyang pag-aaral upang maging mabisa sa paggawa nito?
18 Bilang isang pamilya, pag-usapan kung sino ang makabubuting dalawing muli. Ang ilan sa kanila ay maaaring tumanggap ng literatura; ang iba naman ay maaaring nakinig lamang. Baka sila’y natagpuan sa gawaing pagbabahay-bahay o sa di-pormal na pagpapatotoo sa palengke o sa paaralan. Hayaang patnubayan kayo ng Salita ng Diyos. (Awit 25:9; Ezekiel 9:4) Pagpasiyahan kung sino ang gustong dalawin ng bawat isa sa inyo sa linggong iyon. Ano ang pag-uusapan? Ang talakayan ng pamilya ay makatutulong sa bawat miyembro para makapaghanda. Itala ang espesipikong mga teksto na ibabahagi sa mga interesado gayundin ang angkop na mga punto mula sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Huwag tumalakay ng napakaraming punto sa isang pagdalaw lamang. Mag-iwan sa maybahay ng isang tanong na sasagutin sa susunod na pagdalaw. Bakit hindi gawing bahagi ng lingguhang rutin ng pamilya ang pagpaplano kung sino ang dadalawing muli ng bawat isa, kung kailan siya dadalaw muli, at kung ano ang inaasahan niyang maisagawa. Makatutulong ang paggawa nito upang maging lalong mabunga ang ministeryo sa larangan ng buong pamilya.
Patuloy na Turuan Sila sa Daan ni Jehova
19. Upang patuloy na makalakad sa daan ni Jehova ang mga miyembro ng pamilya, ano ang kailangang maranasan nila, at ano ang nagpapangyari nito?
19 Isang hamon ang pagiging isang ulo ng pamilya sa balakyot na sanlibutang ito. Sinisikap ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na sirain ang espirituwalidad ng mga lingkod ni Jehova. (1 Pedro 5:8) Bukod dito, marami ngayong panggigipit sa inyo na mga magulang, lalo na sa inyo na nagsosolong mga magulang. Mahirap makasumpong ng panahon para magawa ang lahat ng bagay na nais ninyong gawin. Ngunit sulit ang pagsisikap, kahit na paisa-isang mungkahi lamang ang maikakapit natin sa bawat pagkakataon, at unti-unting pinasusulong ang inyong programa sa pampamilyang pag-aaral. Isang nakapagpapasiglang gantimpala ang makitang matapat na lumalakad sa daan ni Jehova ang mga totoong malapit sa inyo. Upang matagumpay na makalakad sa daan ni Jehova, kailangang makasumpong ng kagalakan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Upang mangyari iyan, kailangan ang paghahanda—paghahanda na nagpapatibay sa puso at nagsasangkap sa bawat isa upang magkaroon ng makabuluhang bahagi.
20. Ano ang makatutulong sa marami pang mga magulang upang maranasan ang uri ng kagalakan na ipinahayag sa 3 Juan 4?
20 Hinggil sa mga natulungan niya sa espirituwal na paraan, sumulat si apostol Juan: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang pampamilyang pag-aaral na pinangangasiwaan taglay sa isip ang malinaw na mga tunguhin at ang mga ulo ng pamilya na nakikitungo sa isang may kabaitan at kapaki-pakinabang na paraan sa indibiduwal na mga pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya ay may malaking magagawa upang madama ng pamilya ang gayong kagalakan. Sa paglilinang ng pagpapahalaga sa daan ng Diyos ukol sa buhay, tinutulungan ng mga magulang ang kanilang pamilya na tamasahin ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.—Awit 19:7-11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit napakahalaga sa ating mga anak ang paghahanda para sa mga pulong?
◻ Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’?
◻ Paano makatutulong ang ating pampamilyang pag-aaral sa paghahanda para sa lahat ng pulong?
◻ Paanong ang paghahanda para sa paglilingkod sa larangan bilang isang pamilya ay makatutulong sa atin na maging mas mabisa?
[Larawan sa pahina 20]
Maaaring ilakip sa inyong pampamilyang pag-aaral ang paghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon
[Larawan sa pahina 21]
Kapaki-pakinabang ang pag-eensayo para sa pag-awit sa mga pulong