Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Lumisan ang Aking Matalik na Kaibigan?
‘PARA kang nawalan ng matalik na kaibigan.’ Ganito ang sasabihin ng mga tao kapag ang isa ay medyo malungkot o nanlulumo. Subalit kapag talagang nawala ang iyong matalik na kaibigan, ang sinabing yaon ay lalong makahulugan.
Sa paano man, ang tunay na pagkakaibigan ay isang bagay na natatangi at mahalaga. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kagipitan.” (Kawikaan 17:17) Ang mabubuting kaibigan ay nakapaglalaan ng pakikipagsamahan at tulong sa atin. Sila’y tumutulong sa ating emosyonal at espirituwal na paglaki. Samantalang ang di-gaanong malapit na mga kaibigan o mga kakilala ay maaaring marami, ang mga taong iyo talagang mapagkakatiwalaan at mapagtatapatan ay karaniwang bihira.
Kaya kung ang iyong matalik na kaibigan ay lumisan, mauunawaan naman na para kang may wasak na damdamin. Naalaala pa ng isang kabataang nagngangalang Bryan kung ano ang nadama niya nang lumisan ang kaniyang matalik na kaibigan. “Takot ako, nalungkot, at nasaktan,” aniya. Marahil ay gayundin ang iyong nadama.
Pagharap sa Katotohanan
Makatutulong kung pag-iisipan ang mga dahilan kung bakit lumisan ang iyong kaibigan. Tiyak naman, hindi iyon dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa inyong pagkakaibigan. Ang paglisan ay naging isang tatag na bahagi ng makabagong buhay. Taun-taon sa Estados Unidos lamang, mahigit na 36 na milyon katao ang lumilipat! Ayon sa Kawanihan ng Sensus sa Estados Unidos, ang isang karaniwang Amerikano ay lilipat ng 12 ulit sa kaniyang buong buhay.
Bakit nagaganap ang ganitong paglisan? Iba’t iba ang dahilan. Maraming pamilya ang lumilisan upang magkaroon ng mas mabuting trabaho at bahay. Sa mga nagpapaunlad na bansa, ang digmaan at karukhaan ang sapilitang nagpapalisan sa milyun-milyong pamilya. At habang ang mga kabataan ay sumasapit sa hustong gulang, pinipili ng marami ang lumisan at magsarili. Ang ilan ay lumilisan upang mag-asawa. (Genesis 2:24) Subalit ang iba naman ay lumilisan upang itaguyod ang espirituwal na mga interes. (Mateo 19:29) Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, iniiwan ng marami ang kaalwanan ng kinasanayan nang lugar upang maglingkod sa mga lugar—marahil sa ibang bansa pa nga—kung saan may malaking pangangailangan para sa Kristiyanong mga ministro. Nililisan ng ilan ang kanilang sariling bayan upang maglingkod sa Bethel, kapag may panawagan sa mga pasilidad na nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Oo, bagaman mahal natin ang ating mga kaibigan, dapat nating malasin ito na bahagi ng buhay na sa paglipas ng panahon, malamang na sila’y lumisan.
Anuman ang dahilan ng paglisan ng iyong kaibigan, maaaring iniisip mo kung paano mo makakayanan ang pagkawala. Subalit bagaman likas na makadama ng bahagyang pagkalungkot at panlulumo sa sandaling panahon, marahil ay mababatid mo na hindi makatutulong sa anumang paraan ang pagmumukmok sa bahay. (Kawikaan 18:1) Kaya suriin natin ang ilang bagay na makatutulong.
Pakikipag-ugnayan
“Isaisip na ang inyong pagkakaibigan ay hindi nagwawakas,” ang payo ng kabataang si Bryan. Oo, ang paglisan ng iyong matalik na kaibigan ay tiyak na makapagpapabago sa inyong kaugnayan, subalit hindi ito nangangahulugan na kailangang maglaho ang inyong pagkakaibigan. Ang tagapayo ng mga tin-edyer na si Dr. Rosemarie White ay nagsabi: “Ang paglayo ng isang kaibigan ay napakahirap sa anumang yugto ng buhay, subalit ang matagumpay na pakikitungo rito ay basta ang pagturing dito bilang isang pagbabago, at hindi pagwawakas.”
Ano ang maaari mong gawin upang mapanatiling bukas ang pinto ng pagkakaibigan? Kuning halimbawa ang ulat ng Bibliya tungkol kina David at Jonathan. Sa kabila ng napakalaking agwat sa edad, sila’y naging napakatalik na magkaibigan. Nang ang mga kalagayan ay sapilitang nagtulak kay David na tumakas, hindi sila naghiwalay nang hindi nag-usap. Sa kabaligtaran, tiniyak nila ang kanilang walang maliw na pagkakaibigan, anupat nagsumpaan pa nga, o nagkasundo, na mananatili silang magkaibigan.—1 Samuel 20:42.
Gayundin naman, maaari kang makipag-usap sa iyong kaibigan bago siya lumisan. Ipaalam mo sa iyong kaibigan kung gaano mo pinahahalagahan ang inyong pagkakaibigan at kung gaano kalaki ang pagnanais mong mapanatiling bukas ang inyong komunikasyon. Sina Patty at Melina, matalik na magkaibigan na pinaghiwalay ng lupa at karagatan sa layong 5,000 milya, ang gumawa ng gayon. “Isinaplano naming mag-ugnayan sa isa’t isa,” ang paliwanag ni Patty. Gayunman, ang gayong mga plano ay maaaring magmintis, malibang gumawa kayo ng tiyak na mga kasunduan.—Ihambing ang Amos 3:3.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na nang hindi makita ni apostol Juan ang kaniyang kaibigang si Gayo, siya’y nakipagbalitaan sa pamamagitan ng ‘pagsulat sa tinta at panulat.’ (3 Juan 13) Maaari rin kayong magkasundo na regular na magsulatan o magpadala ng kard sa isa’t isa, marahil minsan sa isang linggo o minsan sa isang buwan. At kung hindi naman tututol ang iyong mga magulang sa pagbabayad ng iyong long-distance na tawag, marahil ay maaari kayong magtawagan sa pana-panahon at magbalitaan tungkol sa mga nangyayari sa inyong mga buhay. O maaari kayong magkasundo na magpadala sa isa’t isa ng mga mensahe na inirekord sa cassette o video tape. Sa hinaharap, baka posible pa nga na magsaayos ng pagdalaw sa dulo ng sanlinggo o magbakasyon nang magkasama. Sa gayon ang pagkakaibigan ay magpapatuloy pang lumago.
Pagpuno sa Kawalan
Magkagayon man, ang paglisan ng matalik na kaibigan ay mag-iiwan ng puwang sa iyong buhay. Bunga nito, masusumpungan mo na mas marami kang panahon sa ganang sarili mo. Buweno, huwag mong hayaang masayang ang panahong iyan. (Efeso 5:16) Gamitin mo ito sa paggawa ng bagay na kapaki-pakinabang—marahil maaari mong pag-aralang tumugtog ng isang instrumento sa musika, magpakadalubhasa sa isang bagong wika, o gumawa ng isang libangan. Ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa nangangailangan ay isa pang kapaki-pakinabang na paggamit ng panahon. Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, maaari mong mapasulong ang iyong pakikibahagi sa pangmadlang pangangaral. (Mateo 24:14) O maaari mong pasimulan ang isang kawili-wiling proyekto ng pag-aaral sa Bibliya.
Isa pa, ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na “magpalawak”—iyon ay, ilakip ang iba sa grupo ng kanilang mga kaibigan. (2 Corinto 6:13) Marahil ay maraming panahon ka nang ginugol sa iisa lamang kaibigan mo anupat hindi mo na napansin ang iba na maaaring maging mga kaibigan. Itinuturing iyan ng mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova na isang pagkakataon upang makipagkaibigan na malimit na napakarami sa kanila mismong mga lokal na kongregasyon. Kaya magsikap na dumalo nang maaga sa mga pulong sa kongregasyon at magpahuli nang kaunti pagkatapos nito. Magbibigay ito sa iyo ng mas maraming panahon upang makilala ang mga tao. Ang mga kombensiyon ng mga Kristiyano at munting sosyal na pagtitipon ay magbibigay ng pagkakataon para sa pagkakaroon ng bagong mga kaibigan.
Subalit, angkop naman ang isang paalaala: Huwag magmadali sa pagkakaroon ng bagong mga kaibigan anupat makikisama ka nang napakalapit sa mga kabataan na hindi mo katulad ang espirituwal na mga tunguhin at mga bagay na pinahahalagahan. Ang mga taong gaya nila ay maaaring makaimpluwensiya sa iyo at maaaring magdulot ng kasamaan sa iyo kaysa kabutihan. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Makisama lamang sa mga kabataan na palaisip sa espirituwal na bagay na kilala sa mabuting pag-uugali.
Kung masumpungan mo ang isang taong gaya niyan, linangin ito sa pamamagitan ng pagpaplanong gumawa ng isang bagay na magkasama. Kumain nang magkasama. Magpunta sa museo. Maglakad-lakad. Magsaayos ng isang araw na magkasama sa Kristiyanong ministeryo, na dumadalaw sa mga tao taglay ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng panahon at pagsisikap, maaaring lumago ang isang bagong pagkakaibigan. Dahil sa lumalawak ang Kristiyanong pag-ibig—‘lumalawak’ ito upang ilakip ang iba—kapag nagkakaroon ka ng bagong mga kaibigan, hindi mo kailangang madama na hindi ka nagiging tapat sa iyong kaibigan na lumisan.
Maaari mo ring samantalahin ang pagkakataon na maging lalong malapit sa mga taong higit na nagmamahal sa iyo—ang iyong mga magulang. Malaki ang kanilang maitutulong, bagaman sa una’y maaaring maasiwa ka sa pakikisama sa kanila. Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Josh: “Halos kailangan kong pilitin ang aking sarili na gumugol ng panahong kasama sila, dahil sa hindi naman ako malapit kay inay o itay noon. Pero ngayon sila ang aking pinakamatatalik na kaibigan!”
Tandaan din naman na ikaw ay may isang kaibigan sa kalangitan. Gaya ng sabi ng 13-taong-gulang na si Dan, “hindi ka talaga nag-iisa dahil alam mong kasama mo pa rin si Jehova.” Ang ating makalangit na Ama ay laging nariyan para sa atin sa pamamagitan ng panalangin. Tutulungan ka niyang mabata ang mahirap na kalagayang ito kung ikaw ay magtitiwala sa kaniya.—Awit 55:22.
Magkaroon ng Positibong Pangmalas
Ganito ang ipinayo ng matalinong Haring si Solomon: “Huwag mong sabihin: ‘Ano ang kadahilanan na ang mga unang araw ay maigi kaysa mga ito?’” (Eclesiastes 7:10) Sa ibang salita, huwag kang maglugami sa kahapon; samantalahin ang kasalukuyan taglay ang lahat ng pagkakataong mayroon ito. Ganiyan ang ginawa ni Bill, na di pa natatagalang mag-edad 20, nang lumisan ang kaniyang matalik na kaibigan. Ganito ang kaniyang naalaala: “Hindi nagtagal ay pinasimulan kong magkaroon ng bagong mga kaibigan at hindi na ako gaanong nagmukmok sa nakalipas. Sinikap kong maghanda sa hinaharap at mamuhay sa kasalukuyan.”
Ang mga mungkahing ito ay maaaring makatulong, subalit malungkot pa rin kapag lumisan ang isang matalik na kaibigan. Maaaring matagalan bago ang mabubuting alaala nang kayo’y magkasama pa ay hindi na makapagpasakit ng iyong loob. Tandaan mo na lamang, ang pagbabago ay bahagi ng buhay at ito’y nagbibigay ng pagkakataon upang ikaw ay maging may-gulang at lumaki. Bagaman waring imposible na talagang mapalitan ang isang natatanging kaibigan, maaari mong pasulungin ang mga katangian na magpapangyari sa iyo na ‘kalugdan kapuwa ni Jehova at ng mga tao rin naman.’ (1 Samuel 2:26) Kapag ginawa mo iyan, lagi kang magkakaroon ng isang matatawag na iyong kaibigan!
[Larawan sa pahina 15]
Ang pamamaalam sa iyong matalik na kaibigan ay isang masakit na karanasan