Natatandaan Mo Ba?
Nasiyahan ka ba sa pagbasa sa mga kamakailang labas ng Ang Bantayan? Kung oo, masusumpungan mong kawili-wiling alalahanin ang mga sumusunod:
▫ Ano ang kahulugan ng Griegong salitang pa·rou·si’a na ginamit sa Mateo 24:3, 27, 37, 39?
Sinasabi ng Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine: “Ang PAROUSIA . . . ay nagpapahiwatig kapuwa ng pagdating at ng kasunod na pagkanariritong kasama.” Samakatuwid, hindi lamang iyon basta ang mismong sandali ng pagdating kundi ang patuluyang pagkanaroroon mula nang dumating.—8/15, pahina 11.
▫ Paano ‘pinaikli ang mga araw na iyon’ upang ang “laman” ay maligtas noong unang siglo, at paano ito mangyayari sa isang malawak na antas? (Mateo 24:22)
Noong 66 C.E., di-inaasahan ang pagpapaikli ng mga Romano sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem, anupat pinahintulutang makatakas ang Kristiyanong “laman.” Gayundin naman, inaasahan natin na ang napipintong pagsalakay sa Babilonyang Dakila ay paiikliin sa paano man. Sa gayon ay maliligtas ang mga pinahirang Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan buhat sa posibleng pagkapuksa.—8/15, pahina 18-20.
▫ Ano ang dapat nating igawi kapag ang isang tao ay nagsimulang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal o tumigil sa paggawa ng gayon?
Hindi dapat mabahala ang ibang Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang aking mga tupa.” Gayon din katiyak, kilala ni Jehova yaong kaniyang pinili bilang espirituwal na mga anak. (Juan 10:14; Roma 8:16, 17)—8/15, pahina 31.
▫ Ano ang pangunahing layunin ng Batas Mosaiko?
Pangunahin nang itinuro nito sa mga Israelita ang kanilang pangangailangan ng isang Mesiyas, na tutubos sa kanila buhat sa kanilang makasalanang kalagayan. (Galacia 3:24) Itinuro rin ng Batas ang maka-Diyos na takot at pagsunod, at tinulungan nito ang Israel na manatiling hiwalay sa masasamang gawain ng mga nakapalibot na bansa. (Levitico 18:24, 25)—9/1, pahina 9.
▫ Ano ang layunin ng bagong tipan? (Jeremias 31:31-34)
Iyon ay ang magluwal ng isang bansa ng mga hari at mga saserdote na magpapala sa buong sangkatauhan. (Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9; Apocalipsis 5:10)—9/1, pahina 14, 15.
▫ Bakit dapat tayong magsanay ng sining ng paghingi ng tawad?
Makatutulong ang paghingi ng tawad upang maibsan ang kirot na sanhi ng di-kasakdalan, at malulunasan nito ang maiigting na ugnayan. Ang bawat paghingi natin ng tawad ay isang aral sa pagpapakumbaba at nagsasanay sa atin na maging mas makonsiderasyon sa damdamin ng iba.—9/15, pahina 24.
▫ Totoo bang pangyayari ang pangglobong Delubyo noong kaarawan ni Noe?
Oo. Ang sinaunang mga ulat na nagsasalaysay tungkol sa isang pangglobong baha ay masusumpungan sa buong daigdig, mula sa mga lupain sa Amerika hanggang sa Australia. Ang pagiging malaganap ng ganitong paksa ay karagdagang suhay sa bagay na talagang naganap ang isang pambuong-daigdig na delubyo, gaya ng iniulat sa Bibliya. (Genesis 7:11-20)—9/15, pahina 25.
▫ Ano ang nasasangkot sa pagiging mapagpatuloy? (Roma 12:13)
Ang “pagkamapagpatuloy” ay isinalin buhat sa Griegong salita na binubuo ng dalawang salitang ugat na nangangahulugan ng “pag-ibig” at “estranghero.” Samakatuwid, ang pagkamapagpatuloy ay talagang nangangahulugang “pag-ibig sa mga estranghero.” Subalit nagsasangkot ito nang higit pa sa pag-ibig salig sa simulain, na ipinakikita dahil sa pagkadama ng tungkulin. Ito ay salig sa taimtim na pagkamagiliw, pagmamahal, at pagkakaibigan.—10/1, pahina 9.
▫ Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, kabanata 7, ano ang pangangatuwiran ni Pablo may kinalaman sa pag-aasawa at pagiging walang asawa?
Ang pag-aasawa ay nararapat at, sa ilang kalagayan, makabubuti para sa ilan. Subalit ang pagiging walang asawa ay di-maikakailang kapaki-pakinabang sa Kristiyanong lalaki o babae na ibig maglingkod kay Jehova nang walang gaanong abala.—10/15, pahina 13.
▫ Paano “naglalaan para doon sa mga sariling kaniya” ang isang matanda? (1 Timoteo 5:8)
Ang isang matanda ay dapat ‘maglaan para sa mga sariling kaniya’—sa kaniyang asawa gayundin sa kaniyang mga anak—sa materyal, espirituwal, at emosyonal na paraan.—10/15, pahina 22.
▫ Paano nagbibigay ng kaaliwan si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
Ang banal na espiritu ng Diyos ay kumikilos na gaya ng isang “mang-aaliw.” (Juan 14:16, talababa sa Ingles) Ang isa pang paraan na doo’y naglalaan ng kaaliwan ang Diyos ay sa pamamagitan ng Bibliya. (Roma 15:4) Batid ng Diyos ang ating indibiduwal na pangangailangan at magagamit niya tayo upang umaliw sa isa’t isa, gaya ni Pablo na naaliw sa ulat ni Tito tungkol sa mga taga-Corinto. (2 Corinto 7:11-13)—11/1, pahina 10, 12.
▫ Ano ang ipinahiwatig ng paglalarawan ni Pablo kay Jehova bilang “ang Ama ng magiliw na mga awa,” na masusumpungan sa 2 Corinto 1:3?
Ang Griegong pangngalan na isinaling “magiliw na mga awa” ay galing sa isang salita na ginagamit upang magpahayag ng pagkalungkot sa pagdurusa ng iba. Kaya inilalarawan ni Pablo ang magiliw na damdamin ng Diyos para sa sinuman sa Kaniyang tapat na mga lingkod na dumaranas ng kapighatian.—11/1, pahina 13.
▫ Ano ang naisakatuparan ng pag-aayuno ng mga Israelita sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala? (Levitico 16:29-31; 23:27)
Ang pangingilin ng Araw ng Pagbabayad-sala ay nagpakilos sa bayan ng Israel upang higit na maging palaisip sa kanilang pagkamakasalanan at pangangailangan ng katubusan. Sa pamamagitan nito ay ipinahahayag nila ang kanilang kalungkutan sa kanilang mga pagkakasala at pagsisisi sa harap ng Diyos.—11/15, pahina 5.
▫ Ano ang ipinahihiwatig ng utos sa mga kabataan na: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang”? (Eclesiastes 12:1)
Sinabi ng isang awtoridad na ang salitang Hebreo na isinaling “alalahanin” ay malimit na nagpapahiwatig ng “pagmamahal sa isip at ng pagkilos na kaakibat ng pag-alaala.” Kaya ang pagsunod sa utos na ito ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pag-iisip lamang tungkol kay Jehova. Nagsasangkot ito ng pagkilos, anupat ginagawa kung ano ang nakalulugod sa kaniya.—12/1, pahina 16.