Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 1/1 p. 10-19
  • Ang Bansang Nag-iingat ng Katapatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bansang Nag-iingat ng Katapatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isinilang ang Bansa
  • Isang Bagong Peak ng Mamamahayag
  • “Patuloy Ninyong Gawin Ito”
  • “Hindi Pinababayaan ang Ating Pagtitipon”
  • “Maging Apurahan Ka Rito”
  • Ingatan ang Katapatan Hanggang sa Wakas
  • Pagpapatotoo Nagdadala ng Pagsulong sa Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Maging Masigasig sa Mabuti!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • ‘Pinabibilis Iyon’ ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 1/1 p. 10-19

Ang Bansang Nag-iingat ng Katapatan

“Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan . . . upang ang matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi ay makapasok.”​—ISAIAS 26:2.

1. Bakit maaaring nakagugulat ang sinabi ni Isaias tungkol sa isang “matuwid na bansa”?

SA NGAYON, naririto ang lahat ng uri ng mga bansa. Ang ilan ay demokrasya, ang ilan naman ay makadiktador. Ang ilan ay mayaman, ang ilan ay mahirap. Iisang bagay ang kanilang pagkakatulad: Lahat ay bahagi ng sanlibutan na si Satanas ang diyos. (2 Corinto 4:4) Dahil dito, ang mga salita ni Isaias ay maaaring makagulat sa ilan nang sabihin niya: “Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, kayong mga tao, upang ang matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi ay makapasok.” (Isaias 26:2) Isang matuwid na bansa? Oo, totoong may isang matuwid na bansa, yamang tinutukoy ng hula ang pag-iral nito sa ating panahon. Papaano makikilala ang naiibang bansang ito?

2. Ano “ang matuwid na bansa”? Papaano natin ito malalaman?

2 Sa pagkasalin sa Isaias 26:2 ng New World Translation, sinasabing ang bansa ay “nag-iingat ng tapat na paggawi.” Ang salin ng King James Version (mardyin) sa talata ay, “ang matuwid na bansa na nag-iingat ng mga katotohanan.” Kapuwa naaangkop ang pagkalarawan. Sa katunayan, madaling makilala ang matuwid na bansa sapagkat iyon lamang ang tanging bansa sa lupa na nagpapasakop kay Kristo na Hari, samakatuwid ay hindi bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (Juan 17:16) Kaya naman, kilala ang mga miyembro nito dahil sa ‘pananatiling mainam ng kanilang paggawi sa gitna ng mga bansa.’ Sinusunod nila ang isang istilo ng pamumuhay na lumuluwalhati sa Diyos. (1 Pedro 2:12) Isa pa, saan man sila naroroon sa sanlibutan, sila’y bahagi ng “kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Bilang pagsuporta sa katotohanan, tinatanggihan nila ang mga pilosopyang pagano na itinuturo ng Sangkakristiyanuhan, at ipinagtatanggol nila ang “di-nabantuang gatas na nauukol sa salita”​—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (1 Pedro 2:2) Bukod doon, masigasig nilang ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Nakapag-aalinlangan pa ba na ang bansang ito ay binubuo ng mga nalabi ng “Isarel ng Diyos,” ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano? Hinding-hindi!​—Galacia 6:16.

Isinilang ang Bansa

3. Ilarawan kung papaano isinilang “ang matuwid na bansa.”

3 Kailan isinilang “ang matuwid na bansa”? Ang pasimula nito ay inihula sa aklat ni Isaias. Sa Isaias 66:7, 8, mababasa natin: “Bago siya [ang Sion] makadama ng kirot ng pagdaramdam siya’y nagsilang. Bago dumating sa kaniya ang hapdi ng pagsisilang, siya’y nagsilang nga ng isang batang lalaki. . . . Nakadama ang Sion ng kirot ng pagdaramdam at nagsilang ng kaniyang mga anak na lalaki.” Kataka-taka, ang Sion, ang makalangit na organisasyon ng Diyos, ay magsisilang ng “isang batang lalaki” bago siya makadama ng kirot ng pagdaramdam. Noong 1914 isinilang sa langit ang Mesiyanikong Kaharian. (Apocalipsis 12:5) Pagkatapos niyaon, habang higit at higit pang mga bansa ang sinasakmal ng unang digmaan, at ang pinahirang mga Kristiyano ay dumanas ng matinding kabagabagan at pag-uusig. Sa wakas, noong taóng 1919, ang espirituwal na bansa, ang “batang lalaki,” ay isinilang sa lupa. Sa gayon ang Sion ay “nagsilang ng kaniyang mga anak na lalaki”​—ang pinahirang mga miyembro ng bagong “matuwid na bansa”​—at ang mga ito’y binuo para sa isang patuloy-ang-paglawak na gawaing pagpapatotoo.​—Mateo 24:3, 7, 8, 14; 1 Pedro 2:9.

4. Bakit kinakailangang makipagpunyagi ang matuwid na bansa upang mapanatili ang katapatan?

4 Buhat nang ito’y magsimula, napaharap na ang bansang ito sa matitinding pagsubok ng katapatan nito. Bakit? Nang isilang ang makalangit na Kaharian, Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis mula sa langit tungo sa lupa. Nagpahayag ang isang malakas na tinig: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos! At dinaig nila siya dahil sa dugo ng Kordero at dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo, at hindi nila inibig ang kanilang mga kaluluwa maging sa harap ng kamatayan.” Gumanti si Satanas sa pagbabagong ito ng mga pangyayari taglay ang malaking galit “at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa binhi [ng babae], na tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Sa pagharap sa mabangis na pagsalakay ni Satanas, tumayong matatag ang pinahirang mga Kristiyano. Hanggang sa kasalukuyan, ang masisigasig na miyembro ng matuwid na bansa ng Diyos ay sumasampalataya sa tumutubos na dugo ni Jesus at patuloy na nagbibigay kay Jehova ng sagot sa mahigpit na mánunuyâ sa pamamagitan ng pananatiling tapat “maging sa harap ng kamatayan.”​—Apocalipsis 12:1, 5, 9-12, 17; Kawikaan 27:11.

5. Anong mainam na saloobin ng modernong-panahong mga Saksi ang tumutulong sa kanila upang mapanatili ang katapatan?

5 Noong 1919, nang magsimula ang modernong-panahong pagpapatotoo sa Kaharian ng Diyos, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, ay kakaunti lamang sa bilang ngunit matibay sa pananampalataya. Sila’y naging mga miyembrong pundasyon ng ‘isang matibay na lunsod, na ang kaligtasan ay inilalagay na pinaka-kuta at pinaka-katibayan.’ Ang kanilang tiwala ay nasa kay “Jah Jehova [na siyang] Batong walang-hanggan.” (Isaias 26:1, 3, 4) Gaya ni Moises noon, sila’y nagpahayag: “Aking ihahayag ang pangalan ni Jehova. Dakilain ninyo ang ating Diyos! Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y wala ang kawalan ng katarungan; matuwid at banal siya.”​—Deuteronomio 32:3, 4.

6. Sa anong paraan pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa mga huling araw na ito?

6 Mula noon, ang mga pintuan ng kaayusan ng Kaharian ng Diyos ay nanatiling bukás na bukás kung papaanong sa pasimula ay tinipon ang nalabi ng 144,000 pinahirang Kristiyano at ngayon ay isang malaking pulutong ng “ibang tupa” ang sumasama sa paghahayag ng mga layunin ng Kaharian ni Jehova. (Juan 10:16) Samakatuwid, maaaring ipatalastas nang may kagalakan: “Iyong pinarami ang mga nasa bansa; O Jehova, iyong pinarami ang mga nasa bansa; niluwalhati mo ang iyong sarili. Iyong pinalawak ang lahat ng hangganan ng lupain.” (Isaias 26:15) Kung ating susuriin ang larangan ng sanlibutan sa ngayon, nakikita natin kung gaano katotoo ang mga pananalitang iyon! Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu, ang pagpapatotoo sa nalalapit na Kaharian ni Kristo ay naipahayag na “sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang lawak ng pagsulong na iyan ay maaaring sukatin sa 1994 Taunang Ulat ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig, na makikita sa pahina 12 hanggang 15.

Isang Bagong Peak ng Mamamahayag

7, 8. (a) Anong katibayan mayroon na ‘hinabaan [ng bayan ng Diyos] ang mga lubid ng kanilang tolda’? (b) Kung titingnan ang 1994 Taunang Ulat ng Paglilingkod, saan-saang lugar ang nakikita mong namumukod-tangi sa ‘pagpapalawak ng kanilang hangganan’?

7 Tingnan ang ilang tampok ng ulat na ito. Ang peak ng mga mamamahayag ng Kaharian sa larangan ay umabot sa 4,914,094! Nakapananabik na malasin ang patuloy na pagtitipon ng “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti”! Oo, sila man ay napatunayang mga tagapag-ingat ng katapatan. “Nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,” anupat sila’y itinuring na matuwid dahil sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.​—Apocalipsis 7:9, 14.

8 Lalo na mula noong 1919, ang panawagan ay ipinabatid sa organisasyon ni Jehova: “Iyong palakihin ang dako ng iyong tolda. At hayaang iladlad nila ang tabing ng tolda ng iyong dakilang tabernakulo. Huwag kang umurong. Habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang mga tulos ng iyong tolda.” (Isaias 54:2) Bilang pagtugon, walang-sawang nagpatuloy ang gawaing pangangaral, maging sa mayelong Yukon, na nasa hangganan ng Alaska, na doon ang matitibay na mga payunir ay nagtitiis ng mga temperaturang bumababa kung minsan nang hanggang -45 o -50 degrees celcius sa loob ng mga linggo. Nitong mga nakaraang taon lalong dumarami ang mga taong sumasama sa nag-iingat-ng-katapatang bansa ni Jehova. Ang mga pintuan ay lalong nabuksan upang papasukin ang mga ito mula sa mga lupain ng Asia sa labas ng Sangkakristiyanuhan, mula sa dating mga balwarte ng Komunista, mula sa maraming lupain sa Aprika, at mula sa mga sakop ng Katoliko, gaya ng Italya, Espanya, Portugal, at Timog Amerika. Mula sa nangalat na mga tao ay nabuksan ang isa pang larangan. Halimbawa, sa Inglatera, ang mga Saksi ay nangangalaga sa mga pangangailangan ng 13 iba-ang-wikang mga grupo ng lahing minoridad.

“Patuloy Ninyong Gawin Ito”

9. (a) Ano ang ipinakikita ng bilang ng dumalo sa Memoryal noong 1994? (b) Alin-aling bansa ang may di-karaniwang taas ng bilang ng dumalo sa Memoryal?

9 Ang isa pang tampok sa taunang ulat ay ang bilang ng dumalo sa Memoryal. Di-nagtagal bago siya mamatay, pinasimulan ni Jesus ang Memoryal sa pag-alaala sa kaniyang kamatayan at sinabihan ang kaniyang mga alagad: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (1 Corinto 11:24) Nakapananabik na makita noong 1994 ang 12,288,917​—lubhang napakalaki ng kahigitan sa dinobleng bilang ng aktibong mamamahayag​—na nagsama-sama upang tuparin ang utos na iyan, bilang nakikibahagi o bilang tagapagmasid. Sa ilang lupain ang katumbasan ng dumalo sa Memoryal sa mamamahayag ay mas mataas pa nga. Ang 4,049 mamamahayag sa Estonia, Latvia, at Lithuania ay nagalak sa pagkakaroon ng 12,876 na dumalo sa Memoryal, mahigit na tatlong ulit ng bilang ng mamamahayag. At sa Benin, ang 16,786 na dumalo sa Memoryal ay kumatawan sa halos limang ulit na bilang ng mamamahayag. Ang isang kongregasyon na may mga 45 mamamahayag ay dinaluhan ng 831!

10. (a) Anong pananagutan ang inilalagay sa atin ng mataas na bilang ng dumalo sa Memoryal? (b) Ilarawan ang maaaring mangyari kapag tumanggap ng higit pang tulong ang isang dumalo sa Memoryal.

10 Nasisiyahan ang mga Saksi ni Jehova na napakaraming interesado ang sumasama sa kanila sa magandang pagkakataong iyon. Ngayon ay gusto nilang tulungan ang mga ito na sumulong pa sa kanilang kaunawaan at pag-ibig sa katotohanan. Ang ilan ay baka tumugon na gaya ni Alla sa Rusya. Si Alla ay nakikipag-aral sa isang special-pioneer na babae ngunit hindi gaanong sumusulong, kaya napahinto ang pag-aaral. Gayunman, tinanggap ni Alla ang paanyaya na dumalo sa Memoryal. Ang pulong na iyan, na napakahalaga, ay tumimo sa kaniyang diwa. Nang siya’y umuwi, itinapon niyang lahat ang kaniyang imahen at nanalangin kay Jehova na tulungan siya. Pagkaraan ng dalawang araw ang babaing payunir ay dumalaw kay Alla upang alamin kung nasiyahan siya sa Memoryal. Nauwi ito sa mabungang pag-uusap. Ang pakikipag-aral ni Alla ay muling sinimulan. Di-nagtagal siya’y nakibahagi sa gawaing pagpapatotoo. Ipinakikita ng karanasang ito ang kahalagahan ng muling pagdalaw sa mga dumadalo sa Memoryal. Marami ang malamang na tumugon na gaya ni Alla.

“Hindi Pinababayaan ang Ating Pagtitipon”

11-13. (a) Ano ang bahagi ng tapat na paggawi ng matuwid na bansa? (b) Bakit kailangang dumalo sa mga pulong ang tunay na mga Kristiyano?

11 Ang Memoryal ang pinakamahalagang pulong sa kalendaryo ng mga Saksi ni Jehova, subalit tiyak na hindi ito nag-iisa lamang. Linggu-linggo ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitipon bilang pagsunod sa mga salita ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Sila’y kaugnay ng matuwid na bansa ni Jehova na kilala sa tapat na paggawi nito. Kasali sa tapat na paggawi ang regular na pagdalo sa mga pulong.

12 Maliwanag na nauunawaang mabuti ito sa Pilipinas, kung saan ang aberids ng dumadalo sa buong bansa sa mga pulong kung Linggo ay 125 porsiyento ng bilang ng mamamahayag. Gayundin, nauunawaan din itong mabuti ng isang grupo ng mga Saksi at mga interesado sa Argentina. Sila’y nakatira mga 20 kilometro mula sa Kingdom Hall. Gayunman, nag-ulat ang tagapangasiwa ng sirkito na maliban kung may sakit, walang isa man sa kanila ang pumapalya sa pulong. Naglalakbay sila nang apat na oras sa kalesa o sakay ng kabayo, at kung panahon ng taglamig sila’y umuuwi sa gitna ng pusikit na gabi.

13 Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, lalong humihirap ang buhay, dumarami ang mga suliranin, at ang regular na pagdalo sa mga pulong ay baka maging mas mahirap. Subalit sa mga kalagayang iyan, lalo nating kailangan higit kailanman ang espirituwal na pagkain at mainit na pagsasamahan na matatagpuan lamang sa gayong mga pagtitipon.

“Maging Apurahan Ka Rito”

14. Bakit nakadarama ng pagkaapurahan ang mga Saksi ni Jehova hinggil sa kanilang ministeryo, at anong resulta ang naglalarawan nito?

14 Noong isang taon, tinukoy ng Iglesiya Katolika sa Italya ang gawain ng mga Saksi ni Jehova bilang “mabagsik na pangungumberte.” Bagaman, ang totoo, wala namang kabagsikan sa ginagawa ng mga Saksi. Sa halip, ang kanilang ministeryo ay kapahayagan ng taimtim na pag-ibig sa kanilang kapuwa. Katunayan din iyon ng pagsunod sa mga salita ni Pablo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2 Timoteo 4:2) Ang pagkadama ng pagkaapurahan ang nag-udyok sa mga Saksi ni Jehova na maging masigasig sa kanilang ministeryo, gaya ng makikita sa kanilang nagugol na 1,096,065,354 na oras sa kabuuan noong 1994 sa pangangaral sa kanilang kapuwa, pagbabalik-muli, at pagdaraos ng lingguhang 4,701,357 pag-aaral ng Bibliya. Marami ang nakibahagi sa paglilingkod bilang mga payunir, na nagpapakitang ang espiritu ng pagpapayunir ay buháy at aktibo. Ang aberids na 636,202 payunir sa buong daigdig ang nagpapatunay nito.

15, 16. (a) Papaano nagpakita ng espiritu ng pagpapayunir ang kapuwa mga bata at matatanda? (b) Kung titingnan ang bawat bansa sa Taunang Ulat ng Paglilingkod ng 1994, saan-saan mo makikita ang namumukod-tanging bilang ng mga payunir?

15 Kabilang sa mga payunir na iyon ang maraming kabataan. Ang ilan sa Estados Unidos ay naglilingkod ngayon bilang mga regular pioneer sa panahon ng haiskul, anupat ang mga kaeskuwela ang kanilang pangunahing teritoryo. Nasumpungan ng mga kabataang ito na ang pagpapayunir ang pinakamabuting paraan upang maipagsanggalang ang kanilang mga sarili sa droga, imoralidad, at karahasan na palasak sa maraming paaralan sa lupaing iyan. Marami pang ibang kabataan ang may tunguhin na magpayunir kapag hindi na nag-aaral. Si Irina, sa Ukraine, ay nag-auxiliary pioneer hanggang matapos ng haiskul upang maihanda ang kaniyang sarili sa pagpapayunir pagkatapos ng gradwasyon. Nang matapos na siya sa pag-aaral, nag-alok ng tulong ang kaniyang pamilya may kinalaman sa kaniyang pinansiyal na pangangailangan upang siya ang maging kinatawan nila sa pagreregular pioneer. Kung tungkol sa pananalapi, ang mga bagay ay hindi madali sa Ukraine. Ngunit sabi ni Irina: “Alam kong ang ginagawa ko’y nangangahulugan ng buhay hindi lamang para sa akin kundi para rin sa mga napapangaralan ko.” Tunay na nakagagalak makita ang maraming kabataan sa ngayon na may-pag-iisip na gaya ng kay Irina. May hihigit pa kaya para sa kanila kaysa ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng kanilang kabataan’?​—Eclesiastes 12:1.

16 Malaking bilang ng mga payunir ang mga may edad na. Nag-ulat ang isa na noong ikalawang digmaang pandaigdig, nápatay ang kaniyang ama at kapatid na lalaki habang nakikipagdigma, at ang kaniyang ina at kapatid na babae ay binaril sa ghetto. Pagkaraan ay namatay naman ang kaniyang anak na lalaki. Sa ngayon, habang patuloy ang kaniyang pagtanda at paghina ng kaniyang katawan, binigyan siya ni Jehova, sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, ng mas napakalaking pamilya kaysa sa nawala sa kaniya. At nasumpungan niya ang kagalakan sa pagtulong sa iba bilang isang regular pioneer.

17, 18. Papaanong ang bawat isa sa atin, payunir man o hindi, ay makapagpapakita ng espiritu ng pagpapayunir?

17 Mangyari pa, hindi lahat ay makapagpapayunir. Nasisiyahan si Jehova na tanggapin ang ating buong ikapu, ang pinakamagaling na ating maihahandog, anuman ito batay sa ating partikular na kalagayan. (Malakias 3:10) Totoo, maaaring linangin nating lahat ang espiritu ng masisigasig na payunir na ito at gawin ang anumang ipahihintulot ng ating kalagayan upang pasulungin ang pangangaral ng mabuting balita.

18 Halimbawa, sa Australia, pinili ang Abril 16 bilang isang pantanging araw para sa pagpapatotoo sa lansangan. Iyon ay lubusang sinuportahan ng mga mamamahayag at gayundin ng mga payunir, gaya ng pinatutunayan ng bagong pinakamataas na bilang ng mamamahayag na 58,780 sa buwang iyon. Bukod doon, 90,000 higit pang mga magasin ang naipamahagi kaysa sa kaparehong buwan noong isang taon. Sa panahon ng pantanging araw, isang sister ang nakapaglagay ng mga magasin sa isang lalaki, at habang itinatala niya ang kaniyang pangalan at direksiyon upang masubaybayan ang interes, natuklasan niyang sila pala’y magkamag-anak! Lumabas na sila pala’y magpinsan na hindi pa nagkikita sa loob ng 30 taon. Tiyak na iyo’y nagbukas ng mga pagkakataon para sa masasayang pagdalaw-muli!

Ingatan ang Katapatan Hanggang sa Wakas

19. Bakit mahalaga na ang matuwid na bansa ni Jehova ay makapanatiling tapat hanggang wakas?

19 Mahalaga na lahat ng nasa matuwid na bayan ng Diyos ay manatiling tapat habang ang sanlibutan ni Satanas ay patungo sa bingit ng kamatayan. Di-magtatagal, ang banal na bayan ni Jehova ay makaririnig ng panawagan: “Humayo ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga panloob na silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa likod mo. Magkubli kang sandali hanggang sa ang galit ay makalampas.” Ang nagkasala-sa-dugong sanlibutang ito ay tiyak na haharap sa maka-Diyos na paghatol. “Sapagkat, narito! si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kasamaan ng mga nananahan sa lupa laban sa kaniya, at tunay na ilalantad ng lupa ang kaniyang ibinubong dugo at hindi na tatakpan ang kaniyang mga pinatay.” (Isaias 26:20, 21) Sana’y makatayong matatag ang bawat isa sa atin bilang isang Kristiyanong nag-iingat-ng-katapatan na kaugnay sa matuwid na bayan ni Jehova. Kung gayon ay magagalak tayo sa pagtatamo ng walang-hanggang buhay sa makalupa o makalangit na nasasakupan ng Kaharian ni Kristo.

Maalaala Mo Kaya?

◻ Kailan isinilang “ang matuwid na bansa”?

◻ Bakit kailangan ng bayan ng Diyos ang pagtitiis sa mga huling araw na ito?

◻ Ano ang ipinakikita ng mataas na bilang ng mamamahayag at ng oras na ginugol sa ministeryo na makikita sa Taunang Ulat ng Paglilingkod ng 1994?

◻ Bakit napakahalaga ng pagdalo sa mga pulong habang ang sanlibutang ito’y papalapít sa kaniyang kawakasan?

◻ Bakit dapat manatiling tapat ang lahat ng kaugnay sa matuwid na bansa ng Diyos?

[Chart sa pahina 12-15]

1994 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang bound volume)

[Larawan sa pahina 18]

Ang mga tagapag-ingat ng katapatan sa loob ng matuwid na bansa ni Jehova ay makaaabot sa walang-hanggang buhay sa kasakdalan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share