Mga Nagtapos sa Gilead—“Tunay na mga Misyonero!”
“ANO ang isang misyonero?” Ang tanong na iyan ay iniharap ng isang editoryal sa pahayagan halos apat na dekada na ang nakalilipas. Ipinangatuwiran ng manunulat na ang tunay na misyonero ay may kinalaman sa repormang panlipunan at ekonomiya. Gayunman, noong Linggo, Marso 5, 1995, sa Jersey City Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova, mariing ibinigay ang isang lubhang kakaibang-uring sagot. Ang okasyon? Ang pagtatapos ng ika-98 klase ng Watchtower Bible School of Gilead—ang paaralan na nagpapadala ng mga misyonero sa buong daigdig!
Pagkatapos ng pambungad na awit at panalangin, mainit na tinanggap ni Albert D. Schroeder mula sa Lupong Tagapamahala ang lahat ng 6,430 dumalo. Sa kaniyang pambungad na pananalita, niliwanag ni Brother Schroeder kung bakit ang mga nagtatapos sa Gilead ay naiiba sa karamihan na ang tawag sa sarili’y mga misyonero. Sabi niya: “Ang pangunahing aklat-aralin sa Gilead ay ang Bibliya.” Ang mga nagtatapos sa Gilead ay sinasanay na maging mga guro ng Salita ng Diyos, hindi upang maging mga social worker. Sa gayon ay bukod-tanging kuwalipikado sila na mangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao sa ibang bansa.
Tinalakay naman ng sumunod na mga tagapagsalita ang iba pang mga bahagi na doo’y pinatunayan ng mga nagtapos sa Gilead ang kanilang pagiging “tunay” na mga misyonero. Tinalakay sa kanila ni Charles Molohan ang paksang “Patuloy na Magluwal ng Mainam na Bunga Bilang mga Misyonero.” Bilang pag-akay sa mga salita ni apostol Pablo sa Colosas 1:9, 10, pinaalalahanan ni Brother Molohan ang mga nagtapos na ang kanilang nagdaang limang buwan sa Gilead ay tumulong sa kanila na sumulong “sa tumpak na kaalaman ng Diyos.” Ito’y tutulong sa kanila na mamunga sa dalawang paraan: sa pamamagitan ng pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos at ng pamamahagi ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba.
Sumunod si Daniel Sydlik mula sa Lupong Tagapamahala sa kaniyang maselang na temang “Huwag Mong Ikompromiso ang Iyong Buhay.” Binanggit niya ang tanong ni Jesus: “Ano ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?” (Mateo 16:26) Ganito ang komento ni Brother Sydlik: “Ipinagpalit ng mga tao ang kanilang mga kaluluwa para sa mas madali at magaang na pamumuhay.” Gayunman, hindi maaaring makipagkompromiso yaong may buháy na pananampalataya sa harap ng mga pagsubok. Ipinahihiwatig ng pananalita ni Jesus na ang isa’y dapat na handang “magbigay,” alalaong baga’y, magsakripisyo, upang matamo ang kaluluwa, o ang buhay ng isa. Pinayuhan ang mga bagong misyonero na ibigay kay Jehova ang kanilang buong kaluluwa, ang pinakamagaling nila, sa paglilingkod sa kaniya!
Pagkatapos, nagpahayag si William Van de Wall mula sa Service Deparment Committee sa paksang “Si Apostol Pablo—Isang Halimbawang Karapat-dapat Tularan.” Ipinaliwanag ni Brother Van de Wall: “Pinangunahan ni Pablo ang gawaing pagmimisyonero noong unang siglo.” Angkop lamang kung gayon na itampok ang apat na bahagi na doo’y nagbigay si apostol Pablo ng isang mabuting halimbawa para sa mga misyonero sa ngayon: (1) ang tapat na pagmamalasakit at pag-ibig ni Pablo sa mga tao, (2) ang kaniyang pagiging mabisa sa ministeryo, (3) ang kaniyang mapakumbabang pagtanggi na itanghal ang sarili, (4) ang kaniyang lubus-lubusang pagtitiwala kay Jehova.
“Hayaang Siyasatin Kayo ni Jehova sa Inyong Bagong Atas” ang paksang tinalakay ni Lyman A. Swingle mula sa Lupong Tagapamahala. Sa paggamit sa teksto sa araw na iyon na, Awit 139:16, inamin ni Brother Swingle na, bilang mga bagong misyonero, sila’y mapapaharap sa mga suliranin sa kani-kanilang atas at na alam naman ni Jehova ang mga kalutasan. “Pumaroon kayo sa kaniya,” ang payo niya, “makipag-usap kayo sa kaniya kung kayo’y may suliranin. Pakawariin kung ano ang kaniyang kalooban.”
Pagkatapos ay nagpahayag naman si John E. Barr mula sa Lupong Tagapamahala sa paksang “Ang Inyong Pananampalataya Ay Lumalaki Nang Labis-labis.” (2 Tesalonica 1:3) Sa Lucas 17:1, mababasa natin na sinabi ni Jesus: “Hindi maiiwasan na dumating ang mga sanhi ng ikatitisod.” Ang ilan ay natisod na dahil sa personalidad ng kapuwa mga misyonero. Subalit pinalakas ni Brother Barr ang loob ng mga misyonero na taglayin ang pananampalatayang kinakailangan upang maging mapagpatawad. Tunay, dahil sa kontekstong ito kung kaya nakiusap ang mga alagad ni Jesus: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” (Lucas 17:2-5) Maaari ring masubok ang pananampalataya ng mga misyonero dahil sa iba’t ibang pang-organisasyong pagbabago. “Taglay ba natin ang pananampalataya upang tanggapin ang mga ito,” tanong ni Brother Barr, “o ang mga ito’y magiging tulad-bundok na mga hadlang?”
Sumunod naman ang ilang payo ng dalawang instruktor sa Gilead. Hinimok ni Jack Redford ang mga nagtapos na panatilihin ang isang positibong saloobin. Binanggit niya ang isang misyonero na nag-iwan ng kaniyang atas dahil sa ilang panunukso ng kapuwa mga misyonero. Gayunman, ang Kasulatan ay nagbababala sa atin laban sa di-kinakailangang pagkagalit. (Eclesiastes 7:9) “Magtaglay ng tamang saloobin,” ang payo niya. “Maging mapagpatawad sa mga pagkakamali at di-kasakdalan ng iba sa iyong paligid.”
Si U. V. Glass, tagarehistro ng Gilead, ay nagtanong pagkatapos: “Kayo ba’y handa nang makiharap sa ‘panahon at di-inaasahang pangyayari’ ”? (Eclesiastes 9:11) “Ang ating istilo ng pamumuhay ay palagi nang nasa ilalim ng pagbabago,” ang komento ni Brother Glass, “at ang ilan ay maaaring nakabibigla.” Ang ilang misyonero ay bigla na lamang napapaharap sa panghihina ng katawan, sakit, at mga suliranin sa pamilya, anupat napipilitan silang iwan ang kanilang mga atas. “Anuman ang maganap na di-inaasahang pangyayari,” sabi ni Brother Glass, “alam nating batid ito ni Jehova at siya’y nagmamalasakit. Kung tayo’y magtitiwala sa kaniya, alam nating tayo’y magtatagumpay!”
Ang pinakatampok sa pang-umagang serye ng mga pahayag ay ang paksang pinamagatang “Inilaan Para sa Misyonerong Paglilingkod.” Ipinahayag ni Theodore Jaracz mula sa Lupong Tagapamahala ang tanong na panimulang ibinangon, alalaong baga’y, “Ano ang isang misyonero?” Bilang sagot, tinalakay niya ang Gawa kabanata 13 at 14 tungkol sa gawaing pagmimisyonero nina Pablo at Bernabe. Maliwanag nga, ang gawaing iyon ay nakapako, hindi sa paglutas ng mga suliraning panlipunan, kundi sa ‘paghahayag ng mabuting balita.’ (Gawa 13:32) Nagtanong si Brother Jaracz: “Hindi ba kayo sasang-ayon na ipinakita nina Pablo at Bernabe kung ano dapat ang tunay na misyonero?” Ang makaranasang misyonero na si Robert Tracy ng Mexico ay tinawag pagkatapos upang ibahagi ang ilan niyang nakapagpapasiglang karanasan bilang isang ebanghelisador.
Sumapit sa pinakasukdulan nito ang pang-umagang programa nang ipamahagi ni Brother Schroeder ang mga diploma sa 48 nagtapos. Nanabik ang mga dumalo na marinig ang mga pangalan ng 21 lupaing pinag-atasan sa mga misyonero: Barbados, Benin, Bolivia, Central African Republic, Costa Rica, Côte d’Ivoire, Ecuador, Equatorial Guinea, Estonia, Guinea-Bissau, Honduras, Latvia, Leeward Islands, Mauritius, Mozambique, Nicaragua, Paraguay, Peru, Senegal, Taiwan, at Venezuela.
Pagkatapos ng kaunting pahinga sa tanghalian, muling nagtipon ang mga dumalo at sila’y nasiyahan sa isang masayang pag-aaral ng Ang Bantayan, na pinangasiwaan ni Robert P. Johnson mula sa Service Department. Ang mga kabilang sa ika-98 klase ang sumagot sa mga tanong. Ito’y sinundan ng isang kalugud-lugod na serye ng mga panayam na pinangasiwaan naman ng mga miyembro ng staff ng Gilead. Lubusang napatibay ang mga dumalo habang ibinabahagi ng mga nagtapos ang kanilang karanasan sa larangan at ipinahahayag ang kanilang nadarama hinggil sa kanilang atas sa ibang lupain.
Sa loob ng anim at kalahating taon, ang Gilead ay nasa mga pasilidad ng Samahang Watchtower sa Wallkill, New York. Ngunit, noong Abril 1995, inilipat ang paaralan sa bagong Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Ano ang nadama ng pamilyang Bethel sa Wallkill hinggil sa pagbabagong ito? Sa gradwasyong ito ay kinapanayam ang ilang taga-Wallkill. Naging malinaw mula sa kanilang makabagbag-damdaming mga pahayag na ang mga estudyante ng Gilead ay nag-iwan sa kanila ng mga alaalang di-malilimot kailanman. Naging maliwanag nga na ang mga lalaki at babaing ito ay tunay na mga misyonero—mapagpakumbaba, mapagsakripisyo sa sarili, lubhang interesado na makatulong sa iba.
Sa pagwawakas ng gradwasyon, lahat ng naroroon ay nananalig na ang Paaralang Gilead ay matagumpay na magpapatuloy sa paggawa ng nagawa na nito sa mahigit na 50 taon—ang magluwal ng tunay na mga misyonero!
[Kahon sa pahina 18]
Estadistika ng Klase:
Bilang ng bansang kinatawanan: 8
Bilang ng bansang pinag-atasan: 21
Bilang ng mga estudyante: 48
Aberids ng edad: 32.72
Aberids ng taon sa katotohanan: 15.48
Aberids ng taon sa pambuong-panahong ministeryo: 10.91
[Larawan sa pahina 18]
Ika-98 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Eszlinger, A.; Mann, T.; Rivera, G.; Baruero, M.; Vaz, M.; Durga, K.; Silweryx H.; Alvarado, D. (2) Toth, B.; Segarra, S.; Hart, R.; Rooryck, I.; Escobar, P.; Ejstrup, J.; Sligh, L.; Rivera, E. (3) Archard, D.; Snaith, S.; Marciel, P.; Koljonen, D.; Waddell, S.; Blackburn, L.; Escobar, M.; Archard, K. (4) Hart, M.; Toth, S.; Koljonen, J.; Bergman, H.; Mann, D.; Blackburn, J.; Park, D.; Vaz, F. (5) Segarra, S.; Sligh, L.; Leslie, L.; Bergman, B.; Baruero, W.; Alvarado, J.; Leslie, D.; Park, D. (6) Silweryx, K.; Eszlinger, R.; Waddell, J.; Snaith, K.; Durga, A.; Rooryck, F.; Ejstrup, C.; Marciel, D.