Magpakatino ng Isip—Malapit Na ang Wakas
“Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Magpakatino nga kayo ng isip, at maging mapagpuyat sa pananalangin.”—1 PEDRO 4:7.
1. (a) Anong pagkabigo ang naranasan ng isang lider ng relihiyon at ng kaniyang mga tagasunod? (b) Dahilan sa mga inaasahang hindi natupad, anong mga tanong ang maaaring ibangon?
“AKO ay tumanggap ng isang tawag buhat sa Diyos sa katapusang panalangin sa gabing ito. Kaniyang sinabi na 116,000 tao ang aakyat sa langit at ang pinaglibingan sa 3.7 milyong mananampalataya ay mabubuksan patungo sa direksiyon ng langit.” Ganiyan ang sabi ng isang lider ng Misyon Para sa Dumarating na mga Araw sa gabi ng Oktubre 28, 1992, ang kanilang inihulang araw ng pagtutuos. Subalit, nang sumapit ang Oktubre 29, wala isa mang tao ang umakyat sa langit, at walang mga pinaglibingan sa mga patay ang nabuksan. Sa halip na biglang kunin sa isang makalangit na rapture, ang mga naniniwalang ito sa araw ng paghuhukom sa Korea ay nakasaksi ng isang karaniwang araw. Dumating at lumipas ang itinakdang araw ng paghuhukom, subalit ang mga naniniwala rito ay hindi nagbabago sa kanilang paniniwala sa araw ng paghuhukom. Ano ba ang kailangang gawin ng mga Kristiyano? Sila ba’y dapat huminto ng paniniwala na mabilis na dumarating ang wakas?
2. Sino ang bumanggit sa mga apostol ng tungkol sa isang panghinaharap na araw ng paghuhukom, at sa ilalim ng anong mga kalagayan napag-alaman nila ito?
2 Upang masagot ito, gunitain natin nang si Jesus ay may sarilinang pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad. Doon, sa distrito ng Cesarea Filipos, sa hilagang silangan ng Dagat ng Galilea, na ang maringal na Bundok Hermon ang nagsisilbing isang maningning na tanawin, kanilang narinig na sinabi niyang siya’y papatayin. (Mateo 16:21) May iba pang mahinahong mga pananalita na kasunod. Matapos ipaliwanag sa kanila na ang pagkaalagad ay nangangahulugan ng isang buhay ng patuloy na pagsasakripisyo-sa-sarili, si Jesus ay nagbabala: “Ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel, at kung magkagayo’y bibigyan ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.” (Mateo 16:27) Ang tinukoy ni Jesus ay isang pagparito sa hinaharap. Gayunman, sa pagkakataong ito siya ay magiging isang Hukom. Sa panahong iyan lahat ay depende sa kung masusumpungan niya ang isang tao na may katapatang sumusunod o hindi sa kaniya. Ang paghatol ni Jesus ay ibabatay sa gawa, gaano mang karami o gaano mang kakaunti ang makasanlibutang mga pag-aari ng taong iyon. Ang katotohanang ito ang kailangang buong-linaw na laging nasa isip ng kaniyang mga alagad. (Mateo 16:25, 26) Sa gayon, si Jesu-Kristo mismo ang nagsasabi sa kaniyang mga tagasunod na abangan ang kaniyang maningning na pagparito, na may kasamang paghuhukom.
3. Papaano ipinaghalimbawa ni Jesus ang katiyakan ng kaniyang pagparito sa hinaharap?
3 Ang sumunod na sinabi ni Jesus ay isang paghahalimbawa ng katiyakan ng kaniyang pagparito sa hinaharap. Taglay ang awtoridad na kaniyang sinasabi: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan na nangakatayo rito na hindi titikim ng kamatayan sa ano mang paraan hanggang sa kanilang makita muna ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:28) Ang mga salitang ito ay natupad makalipas ang anim na araw. Isang napakaningning na pangitain ng pagbabagong-anyo ni Jesus ang pumukaw ng panggigilalas ng kaniyang matalik na mga alagad. Aktuwal na nakikita nila ang mukha ni Jesus na nagniningning na gaya ng araw at ang kaniyang damit ay nakasisilaw na puti. Ang pagbabagong-anyo ay isang patiunang pangitain ng kaluwalhatian at Kaharian ni Kristo. Isang nagpapalakas na patotoo ng mga hula ng Kaharian! Anong bisang pampasigla para sa mga alagad na magpakatino ng isip!—2 Pedro 1:16-19.
Bakit Kailangang Apurahang Magpakatino ng Isip
4. Bakit kailangang ang mga Kristiyano ay laging gising sa espirituwal sa kaniyang pagparito?
4 Wala pang isang taon ang nakalipas, makikita natin si Jesus na nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, muli na namang may sarilinang pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad. Samantalang sila’y nakatanaw sa lunsod ng Jerusalem, ipinaliliwanag niya kung ano ang magiging tanda ng kaniyang pagkanaririto sa hinaharap at saka nagbabala: “Patuloy na magbantay kayo, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” Ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang patuloy na magbantay sapagkat ang panahon ng kaniyang pagparito ay hindi ipinaalám. Sila’y kailangang laging handa para rito.—Mateo 24:42.
5. Papaano maipaghahalimbawa ang pangangailangan ng patuloy na pagbabantay?
5 Sa paraan ng kaniyang pagparito, ang Panginoon ay nakakatulad ng isang magnanakaw. Siya’y nagpapatuloy ng pagsasabi: “Datapuwat ito’y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng maybahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya’y mananatiling gising at hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang bahay.” (Mateo 24:43) Hindi ipinagbibigay-alam ng magnanakaw sa maybahay kung kailan siya darating; ang kaniyang pangunahing armas ay ang biglain ang kaniyang biktima. Kung gayon, ang maybahay ay kailangang patuloy na nagbabantay. Gayunman, para sa tapat na Kristiyano, ang patuloy na pagbabantay ay hindi dahil sa anumang pangangamba sa panganib. Bagkus, ang motibo niyaon ay ang kasabikan sa pagdating ni Kristo nang may kaluwalhatian upang pasimulan ang Sanlibong Taón ng kapayapaan.
6. Bakit kailangang tayo’y magpakatino ng isip?
6 Sa kabila ng lahat ng pagbabantay, walang sinuman na makahuhula nang patiuna sa eksaktong araw na siya’y nakatakdang dumating. Sinasabi ni Jesus: “Kaya nga kayo man ay manatiling handa, sapagkat ang Anak ng tao ay paririto sa oras na hindi ninyo sukat akalain.” (Mateo 24:44) Kaya nga kinakailangan ang katinuan ng isip. Kung iisipin ng isang Kristiyano na sa isang takdang araw, si Kristo’y hindi darating, baka iyon ang mismong araw na siya’y dumating! Mangyari pa, ang may mabuting hangarin, tapat na mga Kristiyano noong nakalipas ay taimtim na nagsikap manghula kung kailan darating ang wakas. Gayunman, ang payo ni Jesus na magpakaingat ay napatunayang totoo nang paulit-ulit: “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalám, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak man, kundi ang Ama lamang.”—Mateo 24:36.
7. Upang maging mga tagasunod ni Kristo, papaano tayo kailangang mamuhay?
7 Ano, kung gayon, ang dapat nating sabihin? Na upang maging mga tagasunod ni Kristo, tayo’y kailangang mamuhay na sa tuwina ay naniniwala na ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ay napipinto na.
8. Ano ang naging katangian ng mga Kristiyano mula pa nang pinakamaagang mga araw ng Kristiyanismo?
8 Ang gayong saloobin ang sa tuwina ay naging katangian ng mga Kristiyano, gaya ng kinikilala ng mga historyador ng sanlibutan at ng mga iskolar ng Bibliya. Halimbawa, ang mga editor ng The Translator’s New Testament, sa ilalim ng salitang “Day” (Araw) sa kanilang glosaryo, ay nagsasabi: “Ang mga Kristiyano ng kapanahunan ng [B]agong [T]ipan ay namuhay na umaasang darating ang Araw (ibig sabihin ang panahon) na ang kasalukuyang sanlibutan at lahat ng kasamaan at kabalakyutan nito ay wawakasan at si Jesus ay babalik sa lupa upang hatulan ang buong sangkatauhan, pasinayaan ang isang bagong panahon ng kapayapaan at pasimulan ang kaniyang Pamamahala sa buong sanlibutan.” Sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang pambihirang paglawak sa buong globo ng Kristiyanismo ay tuwirang kaugnay ng inaasahan ng mga Kristiyano na dulo ng panahon, sa kaanyuan ng isang napipintong inaasam na pagbabalik ni Kristo. Ang inaasahan ng mga Kristiyano na dulo ng panahon ay hindi lamang isang malahiningang pagnanasa sa dumarating na Kaharian ng Diyos.”
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Pagpapakatino ng Isip
9. Bagaman ang ilan sa inaasahan ni Pedro tungkol sa Mesiyas ay hindi natupad, bakit siya nakapanatiling may tiwala?
9 Si apostol Pedro, mga 30 taon pagkatapos ng matalik na mga pakikipag-usap ni Jesus sa kaniyang pinakamalalapít na alagad, ay hindi nanghinawa ng paghihintay ng wakas. Kahit na hindi natupad ang mga unang inaasahan nila ng kaniyang mga kapuwa alagad may kaugnayan sa Mesiyas, siya’y nanatiling may tiwala na ang pag-ibig at kapangyarihan ni Jehova ang garantiya ng katuparan ng kanilang pag-asa. (Lucas 19:11; 24:21; Gawa 1:6; 2 Pedro 3:9, 10) Siya’y nagpapahayag ng isang punto na hindi nagbabago sa Kasulatang Griego nang kaniyang sabihin: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” Pagkatapos ay ipinapayo niya sa kapuwa mga Kristiyano: “Magpakatino nga kayo ng isip, at maging mapagpuyat sa pananalangin.”—1 Pedro 4:7.
10. (a) Ano ba ang kahulugan ng pagiging matino ang isip? (b) Ano ba ang kasangkot sa pagkakita sa mga bagay ayon sa kanilang tamang kaugnayan sa kalooban ng Diyos?
10 Ang pagiging ‘matino ng isip’ ay hindi nangangahulugan ng pagiging mabikas (o matalino) ayon sa makasanlibutang pangmalas. Sinasabi ni Jehova: “Papawiin ko ang karunungan ng marurunong, at ang talino ng matatalino ay itatakwil ko.” (1 Corinto 1:19) Ang salitang ginagamit ni Pedro ay maaaring mangahulugang “maging mapagpigil.” Itong espirituwal na pagpipigil ay kaugnay ng ating pagsamba. Samakatuwid, sa pagiging matatag ang isip, ang mga bagay ay nakikita natin sa kanilang tamang kaugnayan sa kalooban ni Jehova; ating nauunawaan kung aling mga bagay ang mahalaga at alin naman ang hindi. (Mateo 6:33, 34) Bagaman napipinto na ang wakas, tayo’y hindi napadadala sa isang may pagkabalisang istilo ng pamumuhay; ni tayo man ay nagwawalang-bahala sa panahon na ating kinabubuhayan. (Ihambing ang Mateo 24:37-39.) Bagkus, tayo’y pinangingibabawan ng pagkamakatuwiran at ng pagiging timbang sa kaisipan, ugali, at asal, ipinapahayag una sa Diyos (“mapagpuyat sa pananalangin”) at pagkatapos sa ating kapuwa (“magkaroon ng maningas na pag-iibigan”).—1 Pedro 4:7, 8.
11. (a) Ano ang kahulugan ng ‘pagiging bago sa puwersang nagpapakilos sa [ating] isip’? (b) Papaano ang isang bagong saloobin ng isip ay tumutulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya?
11 Sa pagkakaroon ng matinong isip ay kasangkot ang ating pagbabago ng “puwersang nagpapakilos ng [ating] isip.” (Efeso 4:23) Bakit ginawang bago? Yamang tayo ay may minanang di-kasakdalan at namumuhay sa makasalanang kapaligiran, ang ating isip ay dominado ng hilig na salungat sa espirituwalidad. Ang puwersang iyan ang patuloy na nagtutulak sa mga kaisipan at hilig sa isang materyalistiko, mapag-imbot na tunguhin. Sa gayon, pagka ang isa ay naging Kristiyano, nangangailangan siya ng isang bagong puwersa, o dominanteng saloobin ng isip, na magtutulak sa kaniyang mga kaisipan sa tamang direksiyon, ang espirituwal na direksiyon, tungo sa pagiging handa na magsakripisyo sa sarili. Sa gayon, pagka iniharap ang isang dapat pagpilian, halimbawa, sa edukasyon, karera, trabaho, libangan, aliwan, istilo ng pananamit, o anuman nga iyon, ang kaniyang unang kahihiligan ay pag-isipan ang bagay na iyon buhat sa espirituwal sa halip na sa isang makalaman, mapag-imbot na punto de vista. Itong bagong saloobin ng isip ay nagpapadali na magpasiya sa mga bagay-bagay na taglay ang katinuan ng isip at ang pagkaalam na malapit na ang wakas.
12. Papaano tayo makapananatiling “malusog sa pananampalataya”?
12 Ang pagiging matino ng isip ay nagpapahiwatig na tayo ay nasa mabuting espirituwal na kalusugan. Papaano tayo makapananatiling “malusog sa pananampalataya”? (Tito 2:2) Ang ating isip ay kailangang pasukan natin ng tamang uri ng pagkain. (Jeremias 3:15) Ang patuluyang pagkain ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos na inaalalayan ng pagkilos ng kaniyang banal na espiritu ay tutulong sa atin na mapanatili ang ating pagiging timbang sa espirituwal. Samakatuwid, ang pagiging regular sa personal na pag-aaral, gayundin sa paglilingkod sa larangan, pananalangin, at pakikihalubilo sa kapuwa mga Kristiyano, ay mahalaga.
Kung Papaano Iniingatan Tayo ng Katinuan ng Isip
13. Papaano tayo iniingatan ng katinuan ng isip upang makaiwas sa paggawa ng kamangmangan?
13 Maiingatan tayo ng katinuan ng isip upang makaiwas sa may kamangmangan na pagwawala ng ating buhay na walang-hanggan. Papaano ito mangyayari? Binanggit ni apostol Pablo ang “batas ng isip.” Para sa isang taong malusog sa pananampalataya, ang batas na iyan ng isip ay inuugitan ng isang bagay na kaniyang kinalulugdan, samakatuwid nga “ang batas ng Diyos.” Totoo, ang “batas ng kasalanan” ay laban sa batas ng isip. Gayunman, ang Kristiyano ay makapagtatagumpay sa tulong ni Jehova.—Roma 7:21-25.
14, 15. (a) Aling dalawang impluwensiya ang naglalaban upang makontrol ang isip? (b) Papaano tayo makapagtatagumpay sa labanan ng isip?
14 Si Pablo ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagpapakita ng malaking pagkakaiba ng isip na pinangingibabawan ng makasalanang laman, na nakatutok sa pamumuhay sa kalayawan, at ng isip na pinangingibabawan ng espiritu ng Diyos, na nakatutok sa isang buhay na mapagsakripisyo sa sarili sa paglilingkod kay Jehova. Si Pablo ay sumulat sa Roma 8:5-7: “Ang mga ayon sa laman ay naglalagak ng kanilang isip sa mga bagay ng laman, ngunit ang mga ayon sa espiritu ay sa mga bagay ng espiritu. Sapagkat ang pag-iisíp ng ukol sa laman ay nagdadala ng kamatayan, ngunit ang pag-iisíp ng ukol sa espiritu ay nagdadala ng buhay at kapayapaan; sapagkat ang pag-iisíp ng ukol sa laman ay pakikipag-alitan sa Diyos, sapagkat hindi ito napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari.”
15 Sa Roma 8 talatang 11 ay ipinaliliwanag ni Pablo kung papaano nagwawagi sa labanan ang isip na nakikipagtulungan sa banal na espiritu: “Kung, ngayon, ang espiritu niyaong bumuhay na mag-uli kay Jesus ay nananahan sa inyo, ang bumuhay na mag-uli kay Kristo Jesus sa mga patay ay magbibigay-buhay naman sa inyong katawang may kamatayan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu na nananahan sa inyo.”
16. Buhat sa anong mga pang-aakit iniingatan tayo ng katinuan ng isip?
16 Samakatuwid, sa pagiging matino ng isip, hindi tayo madadala ng malaganap na mga pang-aakit buhat sa sanlibutang ito, na makikilala sa pamamagitan ng lubusang pagkahulog sa lahat ng uri ng layaw, materyal na mga bagay, at seksuwal na kalikuan. Ang ating matinong isip ay magsasabi sa atin na ating “layuan ang pakikiapid” at iwasan ang kapahamakang likha nito. (1 Corinto 6:18) Ang ating matinong saloobin ng isip ang magtutulak sa atin na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian at iingatan nito ang ating kaisipan pagka tayo ay tinutukso ng mga alok na makasanlibutang karera na maaaring magpahina sa ating kaugnayan kay Jehova.
17. Papaano nagpakita ng katinuan ng isip ang isang sister na payunir nang mapaharap siya sa mga pananagutan sa gastos?
17 Halimbawa, sa isang bansa sa tropiko sa Timog-silangang Asia, may isang kabataang sister na ang pangunahing laging nasa isip ay mga kapakanang pang-Kaharian. Kaniyang pinaunlad ang pag-ibig sa buong-panahong paglilingkod. Sa bansang iyon karamihan ng trabaho ay nangangailangan ng anim o pitong araw na buong-panahong paggawa. Pagkatapos niya ng pag-aaral sa unibersidad, ang kaniyang ama, na hindi naman isa sa mga Saksi ni Jehova, ay umasang siya’y kikita ng maraming salapi para sa pamilya. Subalit yamang matindi ang kaniyang pagnanasang magpayunir, nakakita siya ng isang trabahong part-time at nagsimulang magpayunir. Ito’y ikinagalit ng kaniyang ama, na nagbantang itatapon sa kalye ang kaniyang mga kagamitan. Dahilan sa pagsusugal, siya ay maraming pagkakautang, at ang kaniyang anak na babaing iyon ang inaasahan niyang magbabayad ng kaniyang mga utang. Ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ay nag-aaral sa isang unibersidad, at dahilan sa mga utang, walang maibabayad sa kaniyang matrikula. Ang nakababatang kapatid ay nangako na kung tutulungan siya ng kaniyang ate, siya ang gagastos para sa pamilya pagka siya ay nagkatrabaho na. Ang kalooban ng sister ay nahahati ng pag-ibig sa kaniyang kapatid na lalaki at ng kaniyang pag-ibig sa pagpapayunir. Pagkatapos pag-isipang maingat ang bagay na iyon, kaniyang ipinasiya na magpatuloy ng pagpapayunir at humanap ng naiibang trabaho. Bilang sagot sa kaniyang mga panalangin, nakakita siya ng isang mabuting trabaho na kung saan hindi lamang niya natulungan sa gastusin ang kaniyang pamilya at ang kaniyang kapatid kundi nakapagpatuloy pa rin siya sa kaniyang unang pag-ibig, ang pagpapayunir.
Humingi ng Tulong kay Jehova Upang Mapanatili ang Katinuan ng Isip
18. (a) Bakit ang ilang tao ay nasisiraan ng loob? (b) Anong mga talata ang nakapagbibigay ng kaaliwan sa mga nasisiraan ng loob?
18 Ang ilang tagasunod ni Kristo ay maaaring nahihirapan na mapanatili ang katinuan ng kanilang isip. Baka ang kanilang tiyaga ay unti-unting pumapanaw dahilan sa ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay tumatagal pa nang higit kaysa kanilang inaasahan. Baka nasisiraan sila ng loob dahil doon. Gayunman, ang wakas ay darating. Ipinapangako iyan ni Jehova. (Tito 1:2) At pati na ang kaniyang ipinangakong makalupang Paraiso. Tinitiyak iyan ni Jehova. (Apocalipsis 21:1-5) Pagdating ng bagong sanlibutan, magkakaroon doon ng “isang punungkahoy ng buhay” para sa lahat ng nanatili sa katinuan ng kanilang isip.—Kawikaan 13:12.
19. Papaano mapananatili ang katinuan ng isip?
19 Papaano natin mapananatili ang katinuan ng isip? Humingi ka ng tulong kay Jehova. (Awit 54:4) Maging malapít sa kaniya. Anong laki ng ating kagalakan na nais pala ni Jehova na tayo’y maging malapít sa kaniya! “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:8) Sinasabi ni Pablo: “Mangagalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, Mangagalak kayo! Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao. Ang Panginoon ay malapit na. Huwag kayong mabalisa sa ano mang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong puso at sa inyong kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:4-7) At pagka ang mga pasanin ng naghihingalong sistemang ito ng mga bagay ay waring napakabigat upang makaya pa, ilagak ito kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.—Awit 55:22.
20. Sa anong landas dapat tayong patuloy na lumakad, ayon sa 1 Timoteo 4:10?
20 Oo, ang wakas ay malapit na, kaya magpakatino ng isip! Ito ay mabuting payo may 1,900 taon na ngayon ang lumipas; ito ay mahalagang payo sa ngayon. Patuloy na gamitin natin ang ating matinong mga sangkap ng isip upang purihin si Jehova samantalang siya’y nagpapatuloy sa ligtas na pag-akay sa atin hanggang sa kaniyang bagong sanlibutan.—1 Timoteo 4:10.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang katinuan ng isip?
◻ Bakit lubhang kailangang magpakatino ng isip?
◻ Papaano tayo magagawang bago sa puwersang nagpapakilos sa ating isip?
◻ Anong patuluyang labanan ang kailangang ipaglaban natin sa ating isip?
◻ Papaano natin mapananatili ang katinuan ng isip?
[Larawan sa pahina 15]
Ang paglapit sa Diyos sa panalangin ay tumutulong sa atin na makapanatili sa katinuan ng isip
[Larawan sa pahina 17]
Sa pagkakaroon ng katinuan ng isip, hindi tayo padadala sa mga pang-aakit ng sanlibutang ito