Ginagawa Mo ba ang Kalooban ng Diyos?
SA KANILANG ministeryo sa bahay-bahay, natagpuan ng dalawang Saksi ni Jehova ang isang pari ng Episcopal Church. Waring siya ay isang kawili-wiling tao, may balbas, mga 60 anyos, nakasuot ng isang kamiseta na nakasulat doon ang pangalan ng kaniyang iglesya. Walang pag-aatubili, sinabi niya: “Nais ko sanang ang mga miyembro ng aming iglesya ay kasinsigasig ninyo sa pagpapalaganap ng Salita, ngunit hihilingin ko sa inyo na huwag nang dumalaw sa aking tahanan.”
Oo, maraming tao ang humahanga sa gawain ng mga Saksi ni Jehova at pinupuri sila sa kanilang sigasig at kasiglahan. Subalit, sila’y walang bahagya mang interes sa gawain ng mga Saksi, ni isinasaalang-alang man na sila mismo ang gumawa niyon. Gayunman, ang waring nagkakasalungatang kalagayang ito ng mga bagay-bagay ay hindi bago. Ito’y napansin ni Jesus noong kaniyang kaarawan, at mabisang idiniin niya ang punto sa pamamagitan ng isang pumupukaw-isip na ilustrasyon.
“Ano sa palagay ninyo? Isang tao ang may dalawang anak. Sa pagparoon sa una, ay sinabi niya, ‘Anak, pumaroon ka at gumawa ngayon sa ubasan.’ Bilang sagot ay sinabi ng isang ito, ‘Paroroon ako, ginoo,’ ngunit hindi siya pumaroon. Sa paglapit sa ikalawa, ay sinabi niya ang gayundin. Bilang tugon ay sinabi ng isang ito, ‘Hindi ako paroroon.’ Pagkatapos ay nagsisi siya at pumaroon. Alin sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?”—Mateo 21:28-31.
Ang sagot ay maliwanag. Tulad ng karamihan na nakarinig kay Jesus, tayo’y tutugon, “Ang huli.” Subalit totoong maliwanag na, sa pamamagitan ng ilustrasyong iyan, itinatawag-pansin sa atin ni Jesus na ang paggawa ng kalooban ng ama ang siyang mahalaga. Bagaman sinabi ng ikalawang anak na hindi niya ibig pumaroon, siya’y pumaroon at pinapurihan sa paggawa ng gayon. Ang pagsasagawa ng tamang uri ng gawain ay mahalaga rin. Kumilos ang ikalawang anak sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa ubasan ng ama; siya’y hindi lumabas at gumawa sa kaniyang sariling ubasan.
Ano ba ang ipinahihiwatig sa atin ng lahat ng ito? Ano ang kahilingan ng Diyos sa mga mananamba sa ngayon? Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa buhay ni Jesus na tutulong sa atin na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama? Ang mga ito ay mahahalagang tanong, at ang pagkasumpong natin ng tamang mga kasagutan ay mangangahulugan ng ating walang-hanggang ikabubuti, yamang “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17; Efeso 5:17.
Ano ba ang “Kalooban ng Diyos”?
Ang pangngalang “kalooban” (sa Ingles) ay nakatala nang mahigit sa 80 ulit sa Comprehensive Concordance of the New World Translation of the Holy Scriptures. Sa mga 60 ng mga pagkakataong ito (o mga 75 porsiyento ng pag-ulit) ang tinutukoy ay ang kalooban ng Diyos. Ang mga pananalitang gaya ng “kalooban ng Diyos,” “kalooban ng aking Ama,” at “sa Diyos na kalooban” ay lumilitaw nang mahigit na 20 ulit. Mula rito ay makikita natin na ang banal na kalooban ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang dapat na maging pangunahin sa ating buhay.
Sa Ingles ang pangngalang “will” (kalooban) ay nangangahulugang ‘naisin, kagustuhan, determinasyon, isang bagay na ninanais, lalo na ang pinili o determinasyon ng isang may awtoridad o kapangyarihan.’ Kung gayon, si Jehova, ang Kataas-taasang Awtoridad, ay may kalooban, isang naisin o determinasyon. Ano iyon? Sinasabi sa atin ng Kasulatan sa isang bahagi na “kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Si Jesu-Kristo at ang sinaunang mga Kristiyano ay gumawa nang buong-kaluluwa upang madala sa iba ang tumpak na kaalamang ito.—Mateo 9:35; Gawa 5:42; Filipos 2:19, 22.
Sino ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa ngayon? Sa halos dalawang bilyong katao na nag-aangking mga tagasunod ni Jesu-Kristo, ilan ang katulad ng nakababatang anak, na sa ilustrasyon ni Jesus ay umalis at gumawa ng kalooban ng kaniyang ama? Ang sagot ay hindi mahirap na masumpungan. Ginagawa ng tunay na mga tagasunod-yapak ni Jesu-Kristo ang gawain na sinabi niyang gagawin nila: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Ang mga Saksi ni Jehova, na may bilang na mahigit sa apat at kalahating milyon sa buong daigdig, ay aktibong nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at nagtuturo sa iba, tinutukoy ang Kaharian bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan ukol sa kapayapaan at katiwasayan. Ikaw ba ay may lubusang bahagi sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Ipinangangaral mo ba ang mabuting balita ng Kaharian gaya ng ginawa ni Jesus?—Gawa 10:42; Hebreo 10:7.
Pagkasumpong ng Kagalakan sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
Bagaman may kagalakan sa pagkatuto ng kalooban ng Diyos, may lalong malaking kagalakan sa pagtuturo sa iba ng kalooban ng Diyos. Nakasumpong si Jesus ng kagalakan sa pagtuturo sa mga tao ng tungkol sa kaniyang Ama. Iyon ay mistulang pagkain sa kaniya. (Juan 4:34) Tayo man ay magagalak sa tunay na kaligayahan kung gagawin natin ang gaya ng ginawa ni Jesus, samakatuwid nga, ipangaral at ituro ang mga bagay na kaniyang itinuro, ang mga bagay na kaniyang tinanggap buhat sa kaniyang Ama. (Mateo 28:19, 20) Gaya ng ipinangako ni Jesus, “kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.”—Juan 13:17.
Bilang halimbawa: Ganito ang sabi ng isang ina na kamakailan ay muling pumasok sa buong panahong ministeryo ng pagpapayunir: “Ang makitang sumigla ang mukha ng isang estudyante sa Bibliya habang sari-saring katotohanan ng Bibliya ang pumupukaw sa puso ay totoong nakatutuwa! Isang malaking kagalakan para sa akin na makita na isulat ng isang natatanging estudyante ang lahat ng teksto sa kasulatan bago ganapin ang pag-aaral at kumuha ng mga nota sa panahon ng pag-aaral upang siya’y makasagot sa anumang mga tanong sa repaso sa bandang huli.” Isa pa sa kaniyang mga estudyante ng Bibliya ay nagkaroon ng pagkakataong makaalam ng katotohanan sa maagang mga taon ng pagkatin-edyer. Palibhasa’y may asawa na ngayon at nababahala tungkol sa ilang personal na mga suliranin, hinahangad niyang masumpungan ang mga Saksi. Anong tuwa niya nang matagpuan siya ng sister na payunir! Galak na galak ang kabataang babae na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya.
Pagpapanatili ng Kagalakan sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
Si Haring David ng sinaunang Israel ay isa sa nagsikap na gawin ang kalooban ng Diyos sa buong buhay niya. Sa kabila ng maraming kahirapan at panggigipit sa kaniya, siya’y kinasihan na magsabi: “Aking kinalulugdang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos ko, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” (Awit 40:8) Ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay naroon sa mismong kaluluwa ni David, sa kaniya mismong pagkatao. Iyan ang lihim ng kaniyang walang-kupas na kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay hindi mahirap para kay David. Sa halip, iyon ay isang kaluguran, isang bagay na nanggaling sa kaniyang puso. Sa buong buhay niya, siya’y nagpunyagi upang gawin ang kaniyang buong kaya upang maglingkod sa kaniyang Diyos, si Jehova, bagaman kung minsan ay nagkakasala siya at hindi nakaaabot sa pamantayan.
Manaka-naka, maaaring unti-unting nawawala ang ating kagalakan. Baka tayo’y nahahapo o nasisiraan ng loob. Baka binabagabag tayo ng ating nakalipas, nililigalig tayo ng ating budhi dahil sa ilang pagkakamaling nagawa nang malaon na. Kadalasan, maaari nating madaig ang damdaming ito sa pamamagitan ng lalong puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Maaaring maging pakay natin na isulat ang kautusan ng Diyos sa ‘loob ng ating puso,’ gaya ng ginawa ni David. Kung sisikapin nating gawin ang kalooban ng Diyos nang buong kaluluwa, samakatuwid nga, sa pinakamagaling na kaya natin, gagantihin niya tayo nang nararapat dahil siya ay tapat.—Efeso 6:6; Hebreo 6:10-12; 1 Pedro 4:19.
Kapansin-pansin, sa Hebreo 10:5-7, sinipi ni apostol Pablo ang mga salita ni David sa Awit 40:6-8 at ikinapit iyon kay Jesu-Kristo. Sa paggawa ng gayon, tinukoy ni Pablo kung gaano kalapit si Jesus sa kaniyang Ama. Ang salitang Hebreo para sa “kalooban” ay nagpapahiwatig ng ‘kasiyahan, naisin, pabor, o kaluguran.’ Samakatuwid, ganito ang mababasa sa Awit 40:8 tungkol sa Kristo: “Sa paggawa ng iyong kinalulugdan, Oh Diyos ko, ay nasisiyahan ako.”a Si Jesus ay nagnais na gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniyang Ama. Higit pa ang ginawa ni Jesus sa hiniling sa kaniya. Ginawa niya ang malapit sa puso ng kaniyang Ama, at siya’y may kagalakan sa paggawa niyaon.
Ang buong buhay ni Jesus ay nakasentro sa pagtuturo sa iba kung ano ang kalooban ng Diyos at ano ang kailangan nilang gawin upang kamtin ang pagpapala ng Diyos. Siya’y isang buong-panahong mangangaral at guro at nakasumpong ng malaking kagalakan sa paggawa niyaon. Sa gayon makatuwiran lamang na habang higit nating ginaganap ang gawain ni Jehova, higit na kagalakan ang tatamuhin natin. Ikaw ba ay makapaglilingkod din nang buong panahon sa gawaing pangangaral upang sumagana rin ang iyong kagalakan?
Ang isa pang tulong upang mapanatili ang kagalakan sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay panatilihing buong linaw sa ating isip ang hinaharap. Ganiyan ang ginawa ni Jesus. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.” Para sa kaniya, ang kagalakan ay ang pagpapatunay ng katapatan sa Diyos hanggang sa wakas at kung magkagayo’y pagkakamit ng gantimpalang paghahari sa kanan ng kaniyang Ama.—Hebreo 12:2.
Gunigunihin ang panghinaharap na kagalakan na matatamo ng mga magpapatuloy sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Masasaksihan nila ang pagkapuksa niyaong iginigiit ang paggawa ng kanilang sariling mapag-imbot na kalooban kahit na ito’y nagiging dahilan ng pagdurusa para sa mga nagsisikap gawin ang kalooban ng Diyos. (2 Tesalonica 1:7, 8) Isip-isipin ang kagalakan ng bubuhayin-muling mga mahal sa buhay sa pagkakamit ng pagkakataon na matuto at gawin ang kalooban ng Diyos. O isaalang-alang ang layunin ng Diyos na isauli ang Paraiso sa lupa. At sa wakas, gunigunihin ang kalayaan na magiging bunga ng pagkapuksa ni Satanas, ang mananalansang sa kalooban ni Jehova.
Oo, ang paggawa ng kalooban ng Diyos sa ngayon ay maaaring magdulot ng malaking kagalakan ngayon at ng walang-hanggang kaligayahan sa hinaharap. Anuman ang maging tugon sa ating gawaing pangangaral, tularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pagkakaroon ng kaluguran sa pagsasagawa ng kalooban ng kaniyang Ama.
[Talababa]