Maging Maligaya at Organisado
SA PAGIGING organisado ay nagagawa nating mainam ang mga bagay-bagay. Ang kasanayan ay tumutulong sa atin na gamitin sa pinakamagaling na paraan ang panahon at kakayahan. (Galacia 6:16; Filipos 3:16; 1 Timoteo 3:2) Subalit may higit pa sa buhay kaysa organisasyon at kasanayan. Ang kinasihang salmista ay sumulat: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” (Awit 144:15) Ang hamon ay maging maligaya at gayundin organisado sa lahat ng ginagawa natin.
Organisado at Maligaya
Ang Diyos na Jehova ang pinakadakilang halimbawa ng mabuting organisasyon. Lahat ng kaniyang mga nilalang, mula sa nag-iisang mga selula hanggang sa masalimuot na mga nilikhang nabubuhay, mula sa pagkaliliit na mga atomo hanggang sa pagkalalaking mga galaksi, ay kakikitaan ng kaayusan at katiyakan. Ang kaniyang mga batas sa sansinukob ay tumutulong sa atin na isaplano ang ating buhay na taglay ang pagtitiwala. Batid natin na ang araw ay sisikat tuwing umaga at ang tag-araw ang kasunod ng tagginaw.—Genesis 8:22; Isaias 40:26.
Subalit si Jehova ay higit pa kaysa isang Diyos ng kaayusan lamang. Siya rin “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11; 1 Corinto 14:33) Ang kaniyang kaligayahan ay nakikita sa kaniyang mga paglalang. Mapaglarong mga kuting, kaakit-akit na mga paglubog ng araw, masasarap na pagkain, nagbibigay-inspirasyong musika, nagpapasiglang mga gawain, at ang marami pang bagay ay nagpapakita na nilayon niyang maligayahan tayo sa buhay. Ang kaniyang mga batas ay hindi nakayayamot na mga paghihigpit kundi nagsisilbing proteksiyon para sa ating kaligayahan.
Si Jesu-Kristo ay isang modelo mismo ng kaniyang Ama. Siya “ang maligaya at tanging Makapangyarihan” at kagayang-kagaya ng kaniyang Ama kung kumilos. (1 Timoteo 6:15; Juan 5:19) Nang siya’y gumawang kasama ng kaniyang Ama sa paglalang, siya’y hindi lamang isang mahusay na “dalubhasang manggagawa.” Siya’y maligaya sa kaniyang ginawa. Siya’y “nagagalak sa harap [ni Jehova] sa lahat ng panahon, palibhasa’y nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga bagay na [kaniyang] kinahihiligan ay nasa mga anak ng tao.”—Kawikaan 8:30, 31.
Ang ibig natin ay makapagpakita ng nakakatulad na kabaitan, kagalakan, at pagkahilig na makitungo sa mga tao sa lahat ng ating ginagawa. Subalit, kung minsan, sa paghahangad na makagawa nang may kahusayan, baka makalimutan natin na ang “paglakad nang maayos . . . sa pamamagitan ng espiritu [ng Diyos]” ay may kalakip na mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22-25) Kaya makabubuting itanong natin, Papaano tayo magiging kapuwa organisado at maligaya sa ating sariling gawain at sa pamamahala sa gawain ng iba?
Huwag Pagmalupitan ang Iyong Sarili
Isaalang-alang ang mabuting payo na nakasulat sa Kawikaan 11:17. Una sinasabi sa atin ng kinasihang manunulat na ang “isang taong may kagandahang-loob ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” Pagkatapos ay sinasabi niya ang kabaligtaran nito: “Ngunit ang taong malupit ay nagdadala ng kapinsalaan sa kaniyang sariling katawan.” Ganito naman ang pagkasalin ng New International Version: “Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sarili, ngunit ang taong malupit ay pumipinsala sa kaniyang sarili.”
Papaano tayo magiging malupit sa ating sarili nang hindi sinasadya? Ang isang paraan ay ang pagkakaroon ng mabuting intensiyon ngunit lubusang disorganisado. Ano ang mga resulta? Ang sabi ng isang dalubhasa: “Ang pagkalimot, ang maling pagkasulat ng dokumento, ang pag-uutos na hindi sapat na naunawaan, isang tawag sa telepono na hindi wasto ang impormasyong napasulat—ang mga ito ang walang-kabuluhang mga pagkakamali, ang mistulang uod na sumisira sa kasanayan at nagpapahamak sa pinakamagagaling na hangarin.”—Teach Yourself Personal Efficiency.
Ito’y kasuwato ng kinasihang manunulat na nagsabi: “Ang isang pabaya sa kaniyang trabaho—siya ay kapatid ng isang sanhi ng pagkapahamak.” (Kawikaan 18:9) Oo, ang disorganisado, di-sanay na mga tao ay maaaring maging sanhi ng kalamidad at pagkapahamak ng kanilang sarili at ng iba. Dahilan dito, ang mga iba ay kadalasan umiiwas sa kanila. Bilang bunga ng kanilang pagpapabaya, sila’y nagdadala ng kapinsalaan sa kanilang sarili.
Isang Asong Buháy o Isang Leong Patay?
Subalit mapagmamalupitan din natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtatakda ng pagkatataas na mga pamantayan. Maaaring ang pakay natin, ang sabi ng nabanggit na manunulat tungkol sa kasanayan, ay “isang pamantayan ng kasakdalan na imposibleng matamo.” Ang resulta, aniya, ay “mahulog tayo sa wakas sa kadalamhatian at pagkabigo ng pag-asa.” Ang isang perpeksiyonista ay maaaring totoong organisado o sanay, ngunit kailanman ay hindi siya magiging tunay na maligaya. Sa malao’t madali ay wala siyang natatamo kundi pusong wasak.
Kung tayo’y napapahilig na maging isang perpeksiyonista, makabubuting tandaan natin na “ang asong buháy ay mas maigi kaysa isang leong patay.” (Eclesiastes 9:4) Baka hindi naman natin literal na pinapatay ang ating sarili sa pamamagitan ng di-makatotohanang pagsisikap na matamo ang kasakdalan, subalit mapipinsala natin nang malubha ang ating sarili sa pamamagitan ng pagkahapo. Dito, sabi ng isang awtoridad, ay kasangkot ang “pisikal, emosyonal, espirituwal, intelektuwal, at sosyal na pagkahapo.” (Job Stress and Burnout) Ang paghapo sa ating sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na matamo ang imposibleng mga tunguhin ay tiyak na pagmamalupit sa ating sarili at sa di-inaasahang paraan ay nagnanakaw ng ating kaligayahan.
Gawan Mo ng Mabuti ang Iyong Sarili
Tandaan: “Ang taong may kagandahang-loob ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 11:17) Ating ginagawan ng mabuti ang ating sarili pagka tayo’y nagtatakda ng makatotohanan at makatwirang mga tunguhin, isinasaisip na ang maligayang Diyos, si Jehova, ay nakaaalam ng ating mga limitasyon. (Awit 103:8-14) Tayo’y liligaya kung atin ding kinikilala ang mga limitasyong iyon at pagkatapos “gagawin ang ating buong kaya,” saklaw ang ating mga kakayahan, na tupding mainam ang ating obligasyon.—Hebreo 4:11; 2 Timoteo 2:15; 2 Pedro 1:10.
Mangyari pa, nariyan lagi ang panganib ng pagbaling sa kabilang dulo—pagiging labis na mabait sa ating sarili. Huwag kalilimutan ang tugon ni Jesus sa mungkahi ni apostol Pedro, “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” gayong, ang totoo, matatag na pagkilos ang kinakailangan. Ganiyan na lang kapanganib ang kaisipan ni Pedro kung kaya sinabi ni Jesus: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang batong katitisuran sa akin, sapagkat ang iniisip mo ay, hindi mga kaisipan ng Diyos, kundi ng mga tao.” (Mateo 16:22, 23) Ang paggawa ng mabuti sa ating sariling kaluluwa ay hindi nagpapahintulot ng isang saloobing pabaya, nagpapalayaw sa sarili. Iyan ay nakapag-aalis din sa atin ng lahat ng kaligayahan. Ang pagkamakatuwiran, hindi ang panatismo, ang kailangan natin.—Filipos 4:5.
Gumawa Ka ng Mabuti sa Iba
Ang mga eskriba at ang mga Fariseo noong kaarawan ni Jesus ay malamang na nag-isip na sila’y totoong mahuhusay at organisado. A Dictionary of the Bible ay nagsasabi tungkol sa kanilang paraan ng pagsamba: “Bawat biblikal na utos ay napalilibutan ng napakaraming regulasyong walang-kabuluhan. Hindi nagpapataan para sa pagbabago ng mga kalagayan; lubos na pagsunod sa Kautusan sa lahat ng bahagi niyaon ay walang-pagbabagong hinihingi sa bawat Judio . . . Ang legal na mga detalye ay pinarami hanggang sa ang relihiyon ay naging isang negosyo, at ang buhay ay isang mabigat na pasanin. Ang mga tao ay napauwi sa pagiging moral na mga robot. Ang tinig ng budhi ay sinawata; ang nabubuhay na lakas ng salita ng Diyos ay hindi nagkabisa at natabunan ng isang tambak na walang-hanggang mga alituntunin.”
Hindi nga katakatakang sila’y hatulan ni Jesu-Kristo dahil dito. “Sila’y nagbibigkis ng mabibigat na pasanin,” aniya, “at ipinapapasan sa mga tao, subalit sila mismo ay ayaw man lamang kilusin ang kanilang daliri.” (Mateo 23:4) Ang maibiging matatanda ay hindi nagpapabigat sa kawan ng napakaraming walang-kabuluhang mga tuntunin at regulasyon. Sila’y gumagawa ng mabuti sa kawan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa may kabaitan, nakagiginhawang halimbawa ni Kristo Jesus.—Mateo 11:28-30; Filipos 2:1-5.
Kahit na kung ang mga pananagutan sa organisasyon ay dumarami, hindi kailanman kaliligtaan ng maasikasong matatanda na sila’y nakikitungo sa mga tao—mga taong iniibig ng Diyos. (1 Pedro 5:2, 3, 7; 1 Juan 4:8-10) Kailanman ay hindi sila magiging labis na okupado sa pang-organisasyong mga bagay o pamamaraan na anupat kanilang nalilimutan ang kanilang pangunahing bahagi bilang mga pastol, mga tagapangalaga, at mga tagapagsanggalang sa kawan.—Kawikaan 3:3; 19:22; 21:21; Isaias 32:1, 2; Jeremias 23:3, 4.
Ang matinding pagkaabala sa mga eskedyul at mga numero, halimbawa, ay maaaring humalili sa pagmamalasakit sa mga tao. Isaalang-alang ang isang tsuper ng bus na nag-aakalang ang kaniyang pangunahing tungkulin ay kumapit nang mahigpit sa kaniyang eskedyul anuman ang mangyari. Siya’y napangingibabawan ng paghahangad na makarating buhat sa isang dulo ng kaniyang ruta hanggang sa kabila sa eksaktong panahong itinakda. Nakalulungkot naman, mula sa kaniyang punto de vista, ang mga pasahero ay nakaaabala sa daan. Sila ay mababagal at disorganisado at laging dumarating sa hintuan ng bus samantalang siya’y papaalis na. Sa halip na tandaan na ang pinakalayunin ng kaniyang trabaho ay tugunin ang mga pangangailangan ng kaniyang mga pasahero, ang tingin niya sa kanila ay isang hadlang sa kahusayan at kaniyang iniiwasan sila.
Pag-aasikaso sa Bawat Indibiduwal
Ang walang-pusong pagtataguyod ng kahusayan ay kalimitan ipinagwawalang-bahala ang mga pangangailangan ng mga indibiduwal. Ang mas mahihina, di-mahuhusay na manggagawa ay baka malasin na isang hadlang. Pagka ganito ang nangyari, kakila-kilabot na mga kahihinatnan ang maaaring mangyari. Halimbawa, sa sinaunang Griegong lunsod-estado ng Sparta, ang mahihina at masasakiting bata ay hinahayaang nakabilad hanggang sa mamatay. Sila’y hindi maaaring maging malalakas, mahuhusay na kawal na magtatanggol sa isang malakas, mahusay na estado. “Pagsilang ng isang bata,” ang sabi ng pilosopong si Bertrand Russell, “siya’y dinadala ng ama sa harap ng matatanda ng kaniyang pamilya upang masuri: kung siya ay malusog, ibinabalik siya sa kaniyang ama upang palakihin; kung hindi naman, siya’y itinatapon sa isang malalim na balon ng tubig.”—History of Western Philosophy.
Ang kahigpitan at katipiran, hindi ang kaligayahan, ang matatagpuan sa gayong walang-awang estado. (Ihambing ang Eclesiastes 8:9.) Walang alinlangan na ang mga awtoridad ng Sparta ay naniniwalang sila’y may mabuting kaso dahil sa kanilang kahusayan, subalit ang kanilang asal ay salat sa anumang pagkahabag o kabaitan. Ang kanilang paraan ay hindi siyang paraan ng Diyos. (Awit 41:1; Kawikaan 14:21) Sa kabaligtaran naman, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay hindi nakalilimot na lahat ng tupa ng Diyos ay mahalaga sa kaniyang paningin, at sila’y gumagawa ng mabuti sa bawat isa sa kanila. Ang kanilang inaasikaso ay hindi lamang ang 99 na malulusog kundi pati ang isa na mahina o nababagabag.—Mateo 18:12-14; Gawa 20:28; 1 Tesalonica 5:14, 15; 1 Pedro 5:7.
Mamalaging Malapít sa Kawan
Ang matatanda sa ngayon ay namamalaging malapít sa kawan na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Gayunman, ang modernong pagsasaliksik sa mga pamamaraan ng negosyo, ay maaaring magpahiwatig na para sa pinakamahusay na resulta, ang isang manedyer o isang tagapangasiwa ay hindi dapat maging labis na palakaibigan sa kaniyang mga pinamamahalaan. Ayon sa isang mananaliksik ang naiibang mga resulta na naranasan ng isang opisyal ng hukbong panghimpapawid nang siya’y malapít o malayo sa kaniyang mga nasasakupan ay: “Pagka siya’y totoong malapít sa [kaniyang] mga opisyal, wari bang sila’y panatag at hindi labis na nababahala tungkol sa kahusayan ng kanilang mga yunit. Sa sandaling siya’y maging hindi gaanong palakibo at palaisip sa kaniyang nakatataas na puwesto, ang mga sub-commander ay nagsisimulang mabahala kung baga may anumang di-tama . . . at ang kanilang mga pagkabalisa ay itinutok sa pagbibigay ng higit na atensiyon sa kanilang gawain. Kaya naman, nagkaroon ng kapunapunang pagsulong sa kahusayan ng base militar.”—Understanding Organizations.
Datapuwat, ang kongregasyong Kristiyano ay hindi isang organisasyong militar. Ang Kristiyanong matatanda na nangangasiwa sa gawain ng iba ay tumutulad kay Jesu-Kristo bilang modelo. Siya’y laging malapít sa kaniyang mga alagad. (Mateo 12:49, 50; Juan 13:34, 35) Hindi niya kailanman pinagsamantalahan ang kanilang pagkabalisa na makagawa nang higit pang kahusayan. Siya’y nagtatag ng matibay na buklod ng kumpiyansa at pagtitiwala sa pagitan niya at ng kaniyang mga tagasunod. Matalik na mga buklod ng malumanay na pagmamahalan ang namagitan sa kaniyang mga alagad. (1 Tesalonica 2:7, 8) Pagka may umiiral na gayong matalik na kaugnayan, ang isang maligayang kawan, na ang lubusang nagpapakilos ay pag-ibig sa Diyos, ay tutugong mainam sa mga tagubilin nang hindi pinipilit at gagawin ang kanilang buong makakaya sa kusang paglilingkod sa kaniya.—Ihambing ang Exodo 35:21.
Maraming teksto na nagtatampok ng mga katangiang Kristiyano na gaya ng kaligayahan at pag-ibig sa kapatiran. (Mateo 5:3-12; 1 Corinto 13:1-13) Kung ihahambing ay kakaunti ang nagtatampok sa pangangailangan ng kahusayan. Tiyak, kailangan ang isang mabuting organisasyon. Ang bayan ng Diyos sa tuwina ay organisado. Subalit isipin kung gaano kadalas na ang mga manunulat ng mga awit, halimbawa, ay naglalarawan na maligaya ang mga lingkod ng Diyos. Ang Awit 119, na may maraming masasabi tungkol sa mga batas, mga paalaala, at mga alituntunin ni Jehova, ay nagsisimula: “Maligaya ang mga walang kapintasan sa kanilang lakad, ang mga nagsisilakad sa kautusan ni Jehova. Maligaya ang mga tumutupad ng kaniyang paalaala; buong pusong kanilang patuloy na hinahanap siya.” (Awit 119:1, 2) Iyo bang masasagot ang hamon na maging kapuwa organisado at maligaya?
[Larawan sa pahina 28]
Armillary sphere—isang kagamitan noong una na ipinakikita ang mahalagang mga balantok ng langit
[Larawan sa pahina 31]
Si Jehova, bilang isang mapagmahal na Pastol, ay isang Diyos, hindi lamang ng kaayusan kundi rin naman ng kaligayahan
[Credit Line]
Garo Halbandian