Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/8 p. 5-6
  • Mga Huling Araw—‘Kaharian Laban sa Kaharian’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Huling Araw—‘Kaharian Laban sa Kaharian’
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Digmaang Pandaigdig II​—Pambihirang Mapangwasak na Lakas
  • Ang Tunay na Salarin sa Likod ng Digmaan at Pagdurusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kapayapaan at Katiwasayan—Ang Pangangailangan
    Gumising!—1986
  • Hindi ba Maiiwasan ang mga Digmaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/8 p. 5-6

Mga Huling Araw​—‘Kaharian Laban sa Kaharian’

“Ang labanan ng mga bansa mula noong 1914 hanggang 1918 ay hindi ‘mahinang alingawngaw lamang ng ibang digmaan.’ Ang labanan ay nagpasimula ng isang bagong lawak ng digmaan, ang kauna-unahang lubus-lubusang digmaan sa karanasan ng sangkatauhan. Ang tagal, tindi, at lawak nito ay nakahihigit sa anumang dating nalalaman o karaniwang inaasahan. Dumating na ang araw ng lansakang pakikipagdigma.”​—The World in the Crucible, nina Bernadotte E. Schmitt at Harold C. Vedeler.

ANG digmaan noong 1914-18 ay napakalaki sa pagkawasak at kawalan ng buhay anupa’t sa Pransiya hanggang sa araw na ito, makikita mo ang mga monumentong inialay sa mga namatay sa La Grande Guerre, ang Dakilang Digmaan. Nang maglaon tinawag ito ng Amerikanong manunulat na si Ernest Hemingway na “ang pinakamalaki, pinakanakamamatay, pinakamasamang pinangasiwaang pagpapatayan na kailanma’y naganap sa lupa.” Ang Dakilang Digmaan ay muling pinanganlang Digmaang Pandaigdig I nang ang mundo ay sirain ng Digmaang Pandaigdig II (1939-45).

Ang Digmaang Pandaigdig I ay naiiba sa naunang mga digmaan sa maraming paraan. Angaw-angaw na mga lalaki sa hukbo ay nagpatayan sa isa’t isa sa mga parang at mga kagubatan ng Kanluraning Europa. Ang machine gun ang naghari at napatay nito ang maraming kumikilos na impanteriya. Gaya ng pagkakasabi ni Gwynne Dyer sa kaniyang aklat na War: “Sa loob lamang ng dalawang buwan [nang magsimula ang digmaan], mahigit na isang milyong mga lalaki ang patay . . . Mga sandatang makina​—ang mabilis-pumutok na artilyeria at mga machine gun na bumubuga ng anim na raang bala sa isang minuto​—ang naglipana sa himpapawid na may nakamamatay na ulan ng bakal.” Binago ng tangke, ng submarino, at ng eruplano ang pag-iisip at mga taktika. Ngayon ang kamatayan ay nahuhulog buhat sa langit at umaahon buhat sa dagat.

Ang labanan sa trintsera, pati na ang paggamit ng nakalalasong gas, ay nagtulak sa mga tao sa sukdulan ng pagtitiis, paghihirap, at kaimbihan. Ang Dakilang Digmaan ay naiiba sa iba pang paraan: “Ito ang kauna-unahang digmaan kung saan ang mga bilanggo ay may bilang na angaw-angaw (8,400,000 lahat-lahat) at ikinulong sa loob ng mahahabang panahon.” (The World in the Crucible) Ito rin ang unang digmaan na talagang nagsangkot sa buong mamamayang sibilyan, alin sa paggawa ng mga armas o bilang mga biktima ng pananakop at digmaan.

Nakita ng mga Saksi ni Jehova noong 1914 sa kakila-kilabot na digmaang iyon ang pasimula ng katuparan ng mga hula ni Jesus. Subalit higit pa ang darating.

Digmaang Pandaigdig II​—Pambihirang Mapangwasak na Lakas

Isa pang katibayan na, kahit na sa pangmalas ng tao, baka ito na ang mga huling araw ay ang kakayahan ng tao na wasakin-ang-sarili. Si Dr. Bernard Lown ay nagsabi sa kaniyang Nobel Peace Prize lektyur: “Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nagsimula ng lubus-lubusang digmaan​—walang prinsipyo sa pamamaraan, walang hangganan sa karahasan, at walang pinipiling biktima. Ang mga hurno sa Auschwitz at ang atomikong pagsunog sa Hiroshima at Nagasaki ay nagtala pa ng mas madilim na kabanata sa kasaysayan ng kalupitan ng tao.”

Ang sangkatauhan ba ay natuto ng pagkahabag at awa buhat sa kakila-kilabot na karanasang ito? Sabi pa niya: “Ang pinatagal na katakut-takot na hirap na nag-iwan ng 50 milyong patay [halos katumbas ng kabuuang populasyon ng Britaniya, Pransiya, o Italya] ay hindi nagbigay ng nagtatagal na saligan para sa isang pansamantalang kapayapaan laban sa barbarismo. Sa kabaligtaran, di nagtagal ang mga arsenal ay nanagana sa mga sandatang pamuksa na katumbas ng libu-libong Digmaang Pandaigdig II.”​—Amin ang italiko.

Walang alinlangan, nakita natin ang ‘bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian,’ at ang nakasakay sa kabayong mapula ng Apocalipsis ay pinalaganap ang pagpapatayan sa ibayo ng lupa. (Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4) Subalit ano pa kaya ang magiging kahulugan ng imbensiyon at pagpapaunlad ng mga sandatang nuklear sa ating “mga huling araw”?​—2 Timoteo 3:1.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

“Ang ika-20 siglo ay tinandaan ng tumataas na antas ng karahasan kung ihahambing sa dalawang naunang siglo. . . . Ang ika-20 siglo ay nakatala na ng 237 mga digmaan, yaon ay mga pagkakapootan na nagbunga ng mga kamatayan na tinatayang 1,000 o mahigit pa sa bawat taon.”

“Hindi lamang nagkaroon ng higit na mga digmaan kundi tumindi rin ang pagkamapangwasak nito. Ang mga digmaan sa ika-20 siglo ay pumatay ng 99 na angaw na mga tao, 12 ulit na mas marami kaysa noong ika-19 na siglo, 22 ulit na mas marami kaysa noong ika-18 siglo. . . . Noong nakalipas na siglo mayroon dalawang digmaan na ang mga namatay ay mahigit na 1 milyon; sa siglong ito mayroong 13 gayong mga digmaan.”​—World Military and Social Expenditures 1986, ni Ruth Leger Sivard.

[Credit Line]

U.S. Army photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share