Kabanata 10
Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad
Nagtataka ba kayo kung bakit ibang-iba ang kalagayan sa ngayon kung ihahambing sa nakalipas na isandaang taon? Ang ilang bagay ay lalong bumuti. Sa maraming lupain, nagagamot na ngayon ang mga sakit na nakamamatay noong una, at ang karaniwang tao ay nagtatamasa ng isang uri ng buhay na hindi pa naguniguni ng mga ninuno niya. Sa kabilang dako, nasaksihan ng siglong ito ang pinakamalalagim na digmaan at mga kalupitan sa buong kasaysayan. Ang kasaganaan ng sangkatauhan—maging ang patuloy nitong pag-iral—ay pinagbabantaan ng pagputok ng populasyon, problema sa polusyon, at ng dambuhalang imbakan ng mga sandatang nukleyar, bayolohikal, at kemikal. Bakit ibang-iba ang ika-20 siglong ito sa mga nauna?
1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Papaano naiiba ang ika-20 siglo sa mga nauna? (b) Ano ang tutulong sa atin upang maunawaan kung bakit ibang-iba ang ating panahon?
ANG sagot sa tanong na ito ay may kinalaman sa isang kapansinpansing hula sa Bibliya na nakita ninyong natupad. Ito’y hula na binigkas mismo ni Jesus at, bukod sa pagbibigay ng patotoo sa pagkasi ng Bibliya, ay nagpapahiwatig na tayo’y napakalapit na sa madulang mga pagbabago sa tanawin ng daigdig. Ano ang hulang ito? At papaano natin nalaman na ito’y natutupad na?
Ang Dakilang Hula ni Jesus
2, 3. Anong tanong ang iniharap ng mga alagad ni Jesus sa kaniya, at saan natin makikita ang kaniyang sagot?
2 Sinasabi ng Bibliya na nang malapit nang mamatay si Jesus, ang malalaking gusali ng templo sa Jerusalem ay pinag-usapan ng mga alagad niya; namangha sila sa laki at tibay ng mga ito. Nguni’t sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa anomang paraa’y walang bato na maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.”—Mateo 24:1, 2.
3 Malamang na nabigla ang mga alagad sa sinabi ni Jesus at nang maglaon ay lumapit sila sa kaniya upang magtanong, at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Makikita ang sagot ni Jesus sa natitirang bahagi ng Mateo kabanata 24 at 25. Nakaulat din ito sa Marcos kabanata 13 at Lucas kabanata 21. Maliwanag na ito ang pinakamahalagang hula na binigkas ni Jesus nang siya’y nasa lupa.
4. Anong magkakaibang bagay ang itinatanong ng mga alagad ni Jesus?
4 Sa katunayan, mahigit sa isang bagay ang itinatanong ng mga alagad ni Jesus. Una, nagtanong sila: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?” alalaong baga, Kailan mawawasak ang Jerusalem at ang templo nito? Bukod dito, gusto nilang malaman ang tanda na magpapahiwatig na nagsimula na ang pagkanaririto ni Jesus bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos at na malapit na ang katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.
5. (a) Ano ang unang katuparan ng hula ni Jesus, nguni’t kailan lubos na matutupad ang kaniyang mga salita? (b) Papaano sinimulang sagutin ni Jesus ang tanong ng mga alagad?
5 Sa sagot niya, isinaalang-alang ni Jesus ang dalawang punto. Marami sa sinabi niya ang aktuwal na natupad noong unang siglo, noong mga taon na umakay sa malagim na pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. (Mateo 24:4-22) Nguni’t ang hula niya ay magkakaroon pa ng mas malawak na kahulugan, oo, sa atin mismong mga kaarawan. Ano, kung gayon, ang sinabi ni Jesus? Nagsimula siya sa pamamagitan ng pagbigkas sa mga salitang nakaulat sa Mat 24 bersikulo 7 at 8: “Titindig ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian, at magkakagutom at lilindol sa iba’t-ibang dako. Lahat ng ito ay pasimula ng kahirapan.”
6. Anong kahalintulad na hula ang ipinaaalaala ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:7, 8?
6 Maliwanag, ang pagkanaririto ni Jesus bilang makalangit na Hari ay makikilala dahil sa malaking kaguluhan sa lupa. Tinitiyak ito ng nakakahawig na hula sa aklat ng Apocalipsis: ang pangitain ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis. (Apocalipsis 6:1-8) Ang unang mangangabayo ay lumalarawan kay Jesus mismo bilang matagumpay na Hari. Ang ibang mga kabayo at ang sakay nila ay lumalarawan sa mga kaganapan sa lupa na tanda ng pasimula ng paghahari ni Jesus: digmaan, gutom, at di napapanahong kamatayan sa iba’t-ibang sanhi. Natutupad ba ang dalawang hulang ito sa ngayon?
Digmaan!
7. Ano ang makahulang inilalarawan ng pagsakay ng ikalawang mangangabayo ng Apocalipsis?
7 Suriin nating mabuti ang mga ito. Una, sinabi ni Jesus: “Titindig ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian.” Hula ito tungkol sa digmaan. Ang ikalawa sa apat na mangangabayo ay lumalarawan din sa digmaan. Mababasa natin: “At lumabas ang isa pa, isang mapulang kabayo; at sa nakasakay doon ay ipinagkaloob na mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y mangagpatayan sa isa’t-isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 6:4) Ang sangkatauhan ay libulibong taon nang nagdidigmaan. Bakit, kung gayon, magkakaroon ng pantanging kahulugan ang mga salitang ito para sa ating kaarawan?
8. Bakit dapat asahan na ang digmaan ay maging isang namumukod-tanging bahagi ng tanda?
8 Tandaan na ang digmaan lamang ay hindi siyang tanda ng pagkanaririto ni Jesus. Ang tanda ay binubuo ng lahat ng detalye ng hula ni Jesus na sabaysabay na natutupad sa iisang yugto ng panahon. Subali’t digmaan ang unang bahagi na binabanggit, kaya maaasahan natin na ang bahaging ito ay matutupad nang bukod-tangi anupa’t matatawagan ang ating pansin. At dapat aminin na ang mga digmaan sa ika-20 siglong ito ay walang kapantay sa kasaysayan.
9, 10. Papaano nagsimulang matupad ang mga hula hinggil sa digmaan?
9 Halimbawa, walang naunang digmaan—gaano man kalupit at kalaki ang pinsala nito—ang makalalapit sa pagiging-mapaminsala ng dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglo. Ang unang digmaang pandaigdig lamang ay pumatay na ng mga 14 na milyong katao, mahigit pa ito sa buong populasyon ng maraming bansa. Oo, “ipinagkaloob na mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y mangagpatayan sa isa’t-isa.”
10 Ayon sa hula, “isang malaking tabak” ang ibinigay sa paladigmang ikalawang mangangabayo ng Apocalipsis. Papaano ito kumakapit? Ganito: Ang mga sandata ng digmaan ay naging mas mabagsik. Palibhasa nasasangkapan ng tangke, eroplano, nakalalasong gas, mga submarino, at kanyon na nakapagpapasabog ng bomba nang maraming milya ang layo, ang tao ay naging mas mabisa sa pagpatay sa kapuwa. At mula noong unang digmaang pandaigdig ang “malaking tabak” ay lalo pang naging mapamuksa—dahil sa paggamit ng mga bagay na gaya ng komunikasyon ng radyo, radar, modernong riple, sandatang kemikal at bakteryolohikal, flamethrower, napalm, bagong uri ng mga bomba, intercontinental ballistic missile, submarinong nukleyar, makabagong eroplano, at malalaking bapor de-giyera.
“Pasimula ng Kahirapan”
11, 12. Papaanong ang unang digmaang pandaigdig ay naging isa lamang “pasimula ng kahirapan”?
11 Nagtatapos ang unang mga bersikulo ng hula ni Jesus sa mga salitang: “Lahat ng ito ay pasimula ng kahirapan.” Totoo ito noong unang digmaang pandaigdig. Ang pagtatapos nito noong 1918 ay hindi naghatid ng namamalaging kapayapaan. Agad itong sinundan ng limitado subali’t mararahas na paglalabanan sa Etiopiya, Libya, Espanya, Rusya, Indiya, at iba pang lupain. Pagkatapos ay dumating ang kakilakilabot na ikalawang digmaang pandaigdig, na pumatay ng 50 milyong sundalo at sibilyan.
12 Bukod dito, sa kabila ng palagiang mga kasunduan sa pakikipagpayapaan at pamamahinga sa paglalabanan, ang sangkatauhan ay nasa pakikidigma pa rin. Noong 1987 iniulat na 81 pangunahing digmaan ang naganap mula noong 1960, at pumatay ng 12,555,000 lalaki, babae at bata. Nasaksihan ng 1987 ang mas maraming digmaan kaysa alinmang naunang taon sa kasaysayan.1 Karagdagan pa, ang paghahanda at gugulin ng militar, na umaabot ngayon sa kabuuang halos $1,000,000,000,000 bawa’t taon, ay nagpasamâ sa ekonomiya ng daigdig.2 Ang hula ni Jesus hinggil sa ‘bansang tumitindig laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian’ ay tiyak na natutupad. Ang mapulang kabayo ng digmaan ay patuloy sa mabangis na pagtakbo sa buong lupa. Kumusta ang ikalawang bahagi ng tanda?
Mga Kagutom!
13. Anong kalunuslunos na mga pangyayari ang inihula ni Jesus, at papaano sinuhayan ng pangitain ng ikatlong mangangabayo ng Apocalipsis ang kaniyang hula?
13 Inihula ni Jesus: “At magkakagutom . . . sa iba’t-ibang dako.” Pansinin kung papaano ito nakakasuwato ng pagsakay ng ikatlo sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis. Mababasa tungkol sa kaniya: “At tumingin ako, at narito! isang maitim na kabayo; at ang nakasakay rito ay may timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na waring nagmumula sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi: ‘Sa isang denaryo ay isang takal na trigo, at sa isang denaryo ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis ng olibo at ang alak.’ ” (Apocalipsis 6:5, 6) Oo, matitinding kagutom!
14. Anong matitinding kagutom mula noong 1914 ang tumupad sa hula ni Jesus?
14 Posible kayang matupad ngayon ang hulang ito, gayong ang ilang bansa ay may napakataas na antas ng pamumuhay? Isang sulyap lamang sa daigdig bilang kabuuan ay titiyak na sa sagot. Ayon sa kasaysayan, ang mga kagutom ay dulot ng mga digmaan at likas na kasakunaan. Kaya hindi katakataka na ang siglong ito, na masyado nang narindi sa mga kasakunaan at digmaan, ay patuloy na sinasalot ng kagutom. Maraming bahagi ng lupa ang dumanas ng ganitong mga kasakunaan mula noong 1914. Isang ulat ang nagtatala ng mahigit na 60 pangunahing kagutom mula noong 1914, sa magkakalayong lupain na gaya ng Gresya, Holandya, U.S.S.R., Nigeria, Chad, Chile, Peru, Bangladesh, Bengal, Kampuchea, Etiopiya, at Hapón.3 Ang ilan sa mga kagutom na ito ay tumagal nang maraming taon at pumatay ng milyunmilyong tao.
15, 16. Ano pang naiibang kagutom ang lubhang mapaminsala sa ngayon?
15 Bagaman ang matitinding kagutom ay napapabalita nang malawakan, lumilipas din ito at ang mga nakaligtas ay nagbabalik sa kainamang paraan ng pamumuhay. Gayunman, isang mas nagbabantang uri ng kagutom ang lumitaw sa ika-20 siglong ito. Hindi ito gaanong madula kung kaya malimit itong waling-bahala. Subali’t nagpapatuloy ito taun-taon. Ito ang malubhang salot ng malnutrisyon na nakakaapekto sa ikalimang bahagi ng populasyon ng ating planeta at pumapatay ng 13 hanggang 18 milyong tao bawa’t taon.4
16 Sa ibang salita, sa bawa’t dalawang araw ang ganitong kagutom ay palagiang pumapatay ng mga tao na kasindami niyaong napatay ng bomba atomika sa Hiroshima. Oo, bawa’t dalawang taon, mas marami ang namamatay sa gutom kaysa sa mga sundalong napatay ng pinagsamang Digmaang Pandaigdig I at II. Nagkaroon ba ng “mga kagutom . . . sa iba’t-ibang dako” mula noong 1914? Talaga naman!
Mga Lindol
17. Anong mapaminsalang lindol ang naganap karakarakang matapos ang 1914?
17 Noong Enero 13, 1915, nang iilang buwan pa lamang ang unang digmaang pandaigdig, isang lindol ang yumanig sa Abruzzi, Italya, at pumatay ng 32,610 katao. Ipinaaalaala sa atin ng pangunahing kasakunaang ito na ang mga digmaan at kagutom na magaganap sa pagkanaririto ni Jesus ay may iba pang kasabay: “Lilindol sa iba’t-ibang dako.” Gaya ng digmaan at salot, ang lindol sa Abruzzi ay isa lamang “pasimula ng kahirapan.”a
18. Papaano natupad ang hula ni Jesus hinggil sa lindol?
18 Ang ika-20 siglo ay isang siglo ng mga lindol, at salamat sa pagsulong ng mga pamamaraan sa paghahatid-balita, lahat ay may kabatiran sa pinsalang naidudulot nito. Kung babanggit tayo ng ilan, nasaksihan ng 1920 ang pagkamatay ng 200,000 sa isang lindol sa Tsina; noong 1923, mga 99,300 ang namatay sa lindol sa Hapón; noong 1935, isa pang lindol ang pumatay ng 25,000 sa dako na ngayo’y Pakistan, samantalang 32,700 ang namatay sa Turkiya noong 1939. May 66,800 na nasawi sa lindol sa Peru noong 1970. At noong 1976, mga 240,000 (o, ayon sa ilang balita, 800,000) ang namatay sa Tangshan, Tsina. Kamakailan lamang, noong 1988, 25,000 ang namatay sa isang malakas na lindol sa Armenya.b Oo, “lilindol sa iba’t-ibang dako”!6
“Nakamamatay na Salot”
19. Ano pang karagdagang detalye ng tanda ang inihula ni Jesus at inilarawan ng ikaapat na mangangabayo ng Apocalipsis?
19 Isa pang detalye ng hula ni Jesus ay ang tungkol sa sakit. Sa kaniyang ebanghelyo, ay iniulat ni Lucas na humula si Jesus na “sa iba’t-ibang dako ay magkakasalot.” (Lucas 21:11) Ito rin ay nakakasuwato ng makahulang pangitain ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis. Ang ikaapat na mangangabayo ay tinatawag na Kamatayan. Inilalarawan niya ang di-napapanahong kamatayan mula sa iba’t-ibang kadahilanan, pati na ang “nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”—Apocalipsis 6:8.
20. Anong namumukod-tanging epidemya ang naging bahagi ng katuparan ng hula ni Jesus hinggil sa mga salot?
20 Noong 1918 at 1919, mahigit na 1,000,000,000 tao ang naratay dahil sa trangkaso Espanyola, at mahigit na 20,000,000 ang namatay. Kumitil ang salot ng mas maraming buhay kaysa pandaigdig na digmaan mismo.7 At “ang nakamamatay na salot,” o ‘peste,’ ay patuloy pa ring nagpapahirap sa lahing ito, sa kabila ng kapunapunang mga pagsulong sa medisina. Bakit ganoon? Ang isang dahilan ay sapagka’t hindi laging natatamasa ng maralitang mga bansa ang mga pagpapala ng pagsulong sa siyensiya. Ang mga dukha ay naghihirap at namamatay sa mga sakit na mapagagaling sana kung mailalaan lamang ang sapat na salapi.
21, 22. Papaano dumanas ng “nakamamatay na salot” ang mga tao mula sa mayayaman at mahihirap na lupain?
21 Kaya, 150 milyong tao sa buong daigdig ang may sakit na malarya. Mga 200 milyon ang dinapuan ng sakit sa susô. Ang Chagas’ disease ay nagpapahirap sa sampung milyong tao. Mga 40 milyon ang dinapuan ng river blindness. Milyun-milyong bata ang namamatay taun-taon dahil sa malubhang pagtatae.8 Ang tuberkulosis at ketong ay pangunahin pa ring problema sa kalusugan. Pangunahin na, mga dukha ang pinahihirapan ng ‘mga salot sa iba’t-ibang dako.’
22 Subali’t ganoon din ang mayayaman. Ang trangkaso, halimbawa, ay dumadapo sa kapuwa mahirap at mayaman. Noong 1957 isang uri ng trangkaso ang pumatay ng 70,000 sa Estados Unidos lamang. Sa Alemanya tinataya na isa sa bawa’t anim na tao ang dadapuan ng kanser.9 Ang mga sakit sa babae ay sumasalanta sa mayaman at mahirap. Ang gonorea, na pinakamalimit iulat na nakakahawang sakit sa Estados Unidos, ay sumasalot sa 18.9 porsiyento ng populasyon sa maraming bahagi ng Aprika.10 Ang syphilis, chlamydia, at genital herpes ay ilan lamang sa laganap na “mga salot” na ikinakalat ng pagsisiping.
23. Anong “nakamamatay na salot” ang kamakaila’y naging ulo ng mga balita?
23 Nitong nakaraang mga taon, ang “nakamamatay na salot” ng AIDS ay napasama sa listahan ng “mga salot.” Ang AIDS ay isang kakilakilabot na sakit sapagka’t, habang isinusulat ito, ay wala pa ring nakikitang lunas, at dumarami ang mga biktima. Sinabi ni Dr. Jonathan Mann, direktor ng WHO (World Health Organization) Special Program on AIDS: “Tinataya rin na may lima hanggang 10 milyong tao sa daigdig ngayon ang nahawa sa human immunodeficiency virus (HIV).”11 Ayon sa isang tantiya, ang mikrobyo ng AIDS ay umaangkin ng isang biktima bawa’t minuto. “Nakamamatay na salot” nga! Nguni’t kumusta ang hula hinggil sa kamatayan mula sa mababangis na hayop?
“Mababangis na Hayop sa Lupa”
24, 25. (a) Sa anong uri ng ‘mabangis na hayop’ tumukoy si Ezekiel? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa “mababangis na hayop” na magiging aktibo sa lupa sa kaniyang pagkanaririto?
24 Ang totoo, kapag ibinabalita sa mga pahayagan ngayon ang mababangis na hayop, ito’y sapagka’t nanganganib o malapit nang maglaho ang ilang tiyak na uri. Ang “mababangis na hayop sa lupa” ay higit na pinagbabantaan ng tao at hindi ang kabaligtaran. Sa kabila nito, sa ilang lupain marami pa rin ang napapatay ng mababangis na hayop, gaya ng mga tigre sa Indiya.
25 Gayunma’y, inaakay ng Bibliya ang ating pansin sa isa pang uri ng mabangis na hayop na naghasik ng lagim sa nakalipas na mga taon. Inihambing ni propeta Ezekiel ang mararahas na tao sa mababangis na hayop nang sabihin niya: “Ang mga prinsipe ay parang mga lobo na lumuluray upang magbubo ng dugo, at nagpapahamak ng mga kaluluwa upang magkamit ng mahalay na pakinabang.” (Ezekiel 22:27) Nang ihula niya ang “paglago ng katampalasanan,” ipinahiwatig ni Jesus na ang gayong “mababangis na hayop” ay maglilipana sa lupa sa kaniyang pagkanaririto. (Mateo 24:12) Idinagdag ng manunulat ng Bibliya na si Pablo na sa “mga huling araw” ang mga tao ay magiging “maibigin sa salapi . . . walang pagpipigil, mababangis, hindi maibigin sa mabuti.” (2 Timoteo 3:1-3) Ganito ba ang nangyari mula noong 1914?
26-28. Anong mga ulat mula sa palibot ng daigdig ang nagpapakita na gumagala ngayon sa lupa ang kriminal na “mababangis na hayop”?
26 Tiyak iyon. Kung nakatira kayo sa halos alinmang malaking lunsod, alam ninyo ito. Kung may alinlangan, isaalang-alang ang sumusunod na mga balita sa pahayagan. Mula sa Colombia: “Noong nakaraang taon iniulat ng pulisya ang . . . 10,000 pagpaslang at 25,000 armadong nakawan.” Mula sa Victoria, Australya: “Malaking Pagsulong sa Malalaking Krimen.” Mula sa Estados Unidos: “Ang mga Patayan sa Nueba York ay Patungo sa Pinakamataas na Bilang.” “Noong nakaraang taon ay naunahan ng Detroit ang Gary, Ind., bilang pangunahing lunsod na may pinakamataas na ulat ng pagpaslang sa bansa—58 sa bawa’t 100,000 mamamayan.”
27 Mula sa Zimbabwe: “Ang pagpaslang sa sanggol ay nagiging krisis.” Mula sa Brazil: “Sobra ang krimen dito, at sobra ang dami ng mga may armas, kaya hindi na gaanong pinapansin ang balita tungkol sa karahasan.” Mula sa Nueba Zelandiya: “Ang panggagahasa at mararahas na krimen ay pangunahing problema pa rin ng pulisya.” “Ang karahasan ng mga taga-Nueba Zelandiya ay mailalarawan lamang na barbarismo.” Mula sa Espanya: “Nakikipagbuno ang Espanya sa lumalagong problema sa krimen.” Mula sa Italya: “Ang Mafia ng Sicily, pagkaraan ng pagkauntol, ay muling sumigla sa isang daluyong ng pagpaslang.”
28 Ilan lamang ito sa mga balita sa pahayagan na inilathala hindi pa natatagalan mula nang simulang isulat ang aklat na ito. Tiyak, ang “mababangis na hayop” ay gumagala sa lupa, at ang mga tao ay nangangatog sa takot.
Pangangaral ng Mabuting Balita
29, 30. Ano ang relihiyosong sitwasyon sa Sangkakristiyanuhan, bilang katuparan ng hula ni Jesus?
29 Ano ang mangyayari sa relihiyon sa maligalig na panahon ng pagkanaririto ni Jesus? Sa isang dako, ay inihula ni Jesus ang paglago ng relihiyosong gawain: “Magsisilitaw ang mga bulaang propeta at ililigaw ang marami.” (Mateo 24:11) Sa kabilang dako, inihula niya na sa Sangkakristiyanuhan sa kabuuan, ay mananamlay ang interes sa Diyos. “Ang pag-ibig ng marami ay manlalamig.”—Mateo 24:12.
30 Lumalarawan nga ito sa nagaganap sa Sangkakristiyanuhan ngayon. Sa isang dako, humihina ang pangunahing mga iglesiya saanman dahil sa kawalan ng pagtangkilik. Sa dati’y saradong Protestanteng mga lupain ng hilagang Europa at Inglatiyera, ang relihiyon ay halos patay na. Kasabay nito, ang Iglesiya Katolika ay sinasalot ng kakulangan ng pari at ng humihinang pagtangkilik. Sa kabilang dako, sumisikat ang maliliit na grupo ng relihiyon. Lumalaganap ang mga kulto ng mga Silanganing relihiyon, samantalang milyunmilyong dolyar ang hinuhuthot ng sakim ng mga ebanghelisador sa telebisyon.
31. Ano ang inihula ni Jesus na tumutulong sa pagkilala sa tunay na mga Kristiyano sa ngayon?
31 Nguni’t kumusta ang tunay na Kristiyanismo, ang relihiyon na itinatag ni Jesus at ipinangaral ng kaniyang mga apostol? Iiral pa rin ito sa pagkanaririto ni Jesus, subali’t papaano ito makikilala? Maraming bagay ang nagpapakilala sa tunay na pagka-Kristiyano, at ang isa rito ay binabanggit sa dakilang hula ni Jesus. Ang mga tunay na Kristiyano ay magiging abala sa isang pandaigdig na gawain ng pangangaral. Humula si Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
32. Aling grupo ang tanging nakakatupad sa hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:14?
32 Napakalawak na ng antas ng pangangaral na ito! Sa ngayon, ang grupo na tinatawag na Mga Saksi ni Jehova ay abala sa pinakamalaganap na pangangaral sa kasaysayan ng Kristiyanismo. (Isaias 43:10, 12) Noong 1919, samantalang ang nahatulang Liga ng mga Bansa ay itinataguyod ng palaisip-sa-politika na mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang Mga Saksi ni Jehova ay naghahanda sa pangglobong kampanya ng pangangaral.
33, 34. Gaano na kalawak ang nagawang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa?
33 Noon ay mga 10,000 lamang ang mga Saksi, nguni’t alam nila kung ano ang dapat gawin. Kaya, may tibay-loob nilang hinarap ang gawaing pangangaral. Naunawaan nila na ang pagbubukod ng klero sa karaniwang maninimba ay salungat kapuwa sa utos ng Bibliya at sa apostolikong huwaran. Kaya silang lahat, hanggang sa kaliitliitan, ay natutong makipag-usap sa kapuwa hinggil sa Kaharian ng Diyos. Sila’y naging isang organisasyon ng mga mangangaral.
34 Sa paglipas ng panahon, nagtiis ng mahigpit na pag-uusig ang mga mangangaral na ito. Sa Europa, iba’t-ibang totalitaryong rehimen ang sumalansang sa kanila. Sa Estados Unidos at Canada, sila ay napaharap sa mga usapin sa hukuman at sa mga pang-uumog. Sa ibang lupain, kinailangan nilang mapagtagumpayan ang panatikong pagtatangi sa relihiyon at malupit na pag-uusig mula sa mapang-aping mga diktador. Nitong nakaraang mga taon, kinailangan din nilang labanan ang laganap na espiritu ng pag-aalinlangan at ng pagpapalayaw-sa-sarili. Subali’t nakapagtiis sila anupa’t ngayon ay mahigit na silang tatlo at kalahating milyon sa 212 lupain. Kailanma’y hindi pa ganito kalaganap ang pangangaral ng mabuting balita—isang kapansinpansing katuparan ng bahaging ito ng tanda!
Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?
35. (a) Papaano tumutulong ngayon ang katuparan ng hula upang patunayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos? (b) Ano ang kahulugan para sa atin ng katuparan ng hula na binigkas ni Jesus?
35 Walang alinlangan na nasasaksihan natin ang katuparan ng dakilang tanda na ibinigay ni Jesus. Karagdagang ebidensiya ito na ang Bibliya ay tunay ngang kinasihan ng Diyos. Walang tao ang makahuhula nang napakaaga hinggil sa mga pangyayari na nakatakdang maganap sa ika-20 siglo. Bukod dito, ang katuparan ng tanda ay nangangahulugan na nabubuhay tayo sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay. (Mateo 24:3) Ano ang kahulugan nito? Ano ang nasasangkot sa pagkanaririto ni Jesus? At aling pamamalakad ang magwawakas? Upang masagot ito, dapat na isaalang-alang ang isa pang matibay na ebidensiya ng pagkasi sa Bibliya: ang kamanghamanghang panloob na pagkakasuwato nito. Ito ang susunod nating tatalakayin at susuriin natin kung papaanong ngayon pa lamang ang pangunahing tema ng Bibliya ay papalapit na sa kagilagilalas na kasukdulan.
[Mga talababa]
a Hindi kukulangin sa limang lindol ang naganap sa pagitan ng 1914 at 1918 na sumukat ng 8 o higit pa sa Richter scale—mas malakas kaysa lindol sa Abruzzi. Gayunman, ang mga pagyanig na ito ay naganap sa malalayong dako, kaya hindi ito gaanong nakatawag ng pansin na gaya ng lindol sa Italya.5
b Iba’t-iba ang bilang na iniuulat hinggil sa mga biktima ng ilang mga kasakunaang ito. Gayunman, lahat ay lubhang naging mapaminsala.