Gaano Kahalaga sa Iyo ang Katotohanan?
“Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—JUAN 8:32.
1. Paano lumilitaw na magkaiba ang pagkakagamit ni Pilato at ni Jesus sa salitang “katotohanan”?
“ANO ang katotohanan?” Nang itanong ito ni Pilato, lumilitaw na interesado lamang siya sa pangkalahatang kahulugan ng katotohanan. Noon naman ay kasasabi lamang ni Jesus: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37, 38) Ipinakikita ng teksto sa orihinal na Griego na ginamit ni Jesus ang pamanggit na pantukoy nang tukuyin ang “katotohanan.” Tinutukoy niya ang katotohanang mula sa Diyos.
Ang Saloobin ng Sanlibutan sa Katotohanan
2. Anong pananalita ni Jesus ang nagpapakita sa kahalagahan ng katotohanan?
2 Sinabi ni Pablo: “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Gayundin ang masasabi tungkol sa katotohanan. Kahit na magkaroon ng pagkakataong malaman ang katotohanang salig sa Bibliya, maraming tao ang kusang nagwawalang-bahala rito. Gayunman, napakahalaga nito! Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
3. Anong babala hinggil sa mapandayang mga turo ang dapat nating bigyang-pansin?
3 Sinabi ni apostol Pablo na hindi masusumpungan ang katotohanan sa mga pilosopiya at tradisyon ng tao. (Colosas 2:8) Ang totoo, mapandaya ang gayong mga turo. Nagbabala si Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso na kung mananampalataya sila sa mga ito, magiging katulad sila ng mga espirituwal na sanggol na “sinisiklut-siklot ng mga alon . . . ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.” (Efeso 4:14) Sa ngayon, ang “pandaraya ng mga tao” ay itinataguyod ng propaganda ng mga sumasalansang sa katotohanang mula sa Diyos. Binigyang-katuturan ng The New Encyclopædia Britannica ang “propaganda” bilang “ang sistematikong pagsisikap na manipulahin ang mga paniniwala, saloobin, o mga kilos ng ibang tao.” May-katusuhang pinipilipit ng gayong propaganda ang katotohanan upang ito’y maging kabulaanan at itinataguyod ang kasinungalingan bilang katotohanan. Upang masumpungan ang katotohanan sa harap ng gayong mapanlinlang na mga panggigipit, dapat na masikap tayo sa pagsangguni sa Kasulatan.
Ang mga Kristiyano at ang Sanlibutan
4. Kanino ibinibigay ang katotohanan, at ano ang pananagutan ng mga nakatatanggap nito?
4 Patungkol sa mga naging alagad niya, nanalangin si Jesu-Kristo kay Jehova: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang gayong mga indibiduwal ay pababanalin, o ibubukod, sa layuning paglingkuran si Jehova at itanyag ang kaniyang pangalan at Kaharian. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Bagaman hindi ito taglay ng lahat ng tao, ibinibigay ang katotohanan ni Jehova bilang isang walang-bayad na kaloob sa lahat ng naghahanap nito, anuman ang kanilang nasyonalidad, lahi, o kulturang pinagmulan. Sinabi ni apostol Pedro: “Napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
5. Bakit madalas pag-usigin ang mga Kristiyano?
5 Ibinabahagi ng mga Kristiyano sa iba ang katotohanan sa Bibliya subalit hindi sila malugod na tinatanggap sa lahat ng dako. Nagbabala si Jesus: “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Sa pagkokomento sa talatang ito, sumulat noong 1817 ang klerigong taga-Ireland na si John R. Cotter: “Sa halip na magpahalaga ang mga tao, ang mga pagsisikap nila [ng mga Kristiyano] na mapabuti ang buhay ng sangkatauhan sa pamamagitan ng kanilang pangangaral ay, sa katunayan, nagiging dahilan upang kapootan at pag-usigin ng mga ito ang mga alagad dahil sa paglalantad sa kanilang masasamang gawa.” Hindi “tinanggap [ng mga mang-uusig na iyon] ang pag-ibig sa katotohanan upang sila ay maligtas.” Dahil dito, “hinahayaan ng Diyos na mapasakanila ang pagkilos ng kamalian, upang mapaniwalaan nila ang kasinungalingan, upang silang lahat ay mahatulan sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang katotohanan kundi nalugod sila sa kalikuan.”—2 Tesalonica 2:10-12.
6. Anong mga pagnanasa ang hindi dapat linangin ng isang Kristiyano?
6 Pinapayuhan ni apostol Juan ang mga Kristiyanong naninirahan sa napopoot na sanlibutang ito: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. . . . Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:15, 16) Sa pagsasabing “ang lahat ng bagay,” walang ipinupuwera si Juan. Dahil dito ay hindi natin dapat linangin ang pagnanasa sa anumang bagay na iniaalok ng sanlibutang ito na makapaglilihis sa atin mula sa katotohanan. Ang pagbibigay-pansin sa payo ni Juan ay magdudulot ng malakas na impluwensiya sa ating buhay. Paano?
7. Paano pinakikilos ng kaalaman sa katotohanan ang mga may matuwid na puso?
7 Noong taóng 2001, bawat buwan ay nagdaos ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ng mahigit sa apat at kalahating milyong pantahanang pag-aaral sa Bibliya, anupat tinuturuan ang mga indibiduwal at mga grupo tungkol sa mga kahilingan ng Diyos ukol sa buhay. Bilang resulta, 263,431 tao ang nabautismuhan. Naging mahalaga sa mga bagong alagad na ito ang liwanag ng katotohanan, at itinakwil nila ang masasamang pakikisama at ang imoral at lumalapastangan-sa-Diyos na mga landasin na palasak sa sanlibutang ito. Mula nang mabautismuhan, patuloy silang nagsikap na mamuhay kasuwato ng mga pamantayang itinakda ni Jehova para sa lahat ng mga Kristiyano. (Efeso 5:5) Ganoon ba kahalaga sa iyo ang katotohanan?
Pinangangalagaan Tayo ni Jehova
8. Paano tumutugon si Jehova sa ating pag-aalay, at bakit isang katalinuhan na “hanapin muna ang kaharian”?
8 Sa kabila ng ating di-kasakdalan, may-kaawaang tinatanggap ni Jehova ang ating pag-aalay, anupat nagpapakababa, wika nga, upang ilapit tayo sa kaniya. Sa gayon ay tinuturuan niya tayo na paunlarin ang ating mga tunguhin at mga hangarin. (Awit 113:6-8) Kasabay nito, hinahayaan tayo ni Jehova na magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya, at nangangako siya na pangangalagaan tayo kung ating ‘patuloy . . . na hahanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.’ Kung gagawin natin ito at iingatan ang ating sarili sa espirituwal na paraan, ipinangangako niya: “Ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33.
9. Sino “ang tapat at maingat na alipin,” at sa paggamit sa “alipin” na ito, paano tayo pinangangalagaan ni Jehova?
9 Pinili ni Jesu-Kristo ang kaniyang 12 apostol at inilatag ang pundasyon para sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano na tinawag na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Apocalipsis 21:9, 14) Nang maglaon ay inilarawan ito bilang ang “kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Ipinakilala ni Jesus ang mga miyembro ng kongregasyong iyon bilang “ang tapat at maingat na alipin” at bilang “ang tapat na katiwala, yaong maingat.” Sinabi ni Jesus na magiging pananagutan ng tapat na lingkod na iyon ang pagbibigay sa mga Kristiyano ng “kanilang takdang pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:3, 45-47; Lucas 12:42) Kung walang pagkain ay mamamatay tayo sa gutom. Gayundin naman, kung hindi tayo kakain ng espirituwal na pagkain, hihina tayo at mamamatay sa espirituwal na paraan. Kaya naman, ang pag-iral ng “tapat at maingat na alipin” ay isa pang patotoo na pinangangalagaan tayo ni Jehova. Lagi nawa nating pahalagahan ang importanteng mga espirituwal na paglalaan na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng “alipin” na iyon.—Mateo 5:3.
10. Bakit mahalaga na regular tayong dumalo sa mga pulong?
10 Ang pagkuha ng espirituwal na pagkain ay nagsasangkot ng personal na pag-aaral. Nagsasangkot din ito ng pakikisama sa ibang mga Kristiyano at pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Natatandaan mo ba kung ano mismo ang iyong kinain noong nakalipas na anim na buwan, o kahit na noong nakalipas na anim na linggo? Marahil ay hindi. Gayunman, anuman ang kinain mo ay nagbigay sa iyo ng sustansiya na kinailangan mo upang lumakas ka. At malamang na mula noon ay nakakain kang muli ng gayunding pagkain. Totoo rin ito sa espirituwal na pagkain na inilalaan sa ating mga Kristiyanong pagpupulong. Marahil ay hindi natin maalaala ang bawat detalye ng naririnig natin sa mga pulong. At malamang na hindi lamang minsan iniharap ang gayunding impormasyon. Gayunman, espirituwal na pagkain pa rin ito, mahalaga sa ating kapakanan. Ang mga pulong natin ay laging naglalaan ng mabuting espirituwal na pagkain, na inihain sa tamang panahon.
11. Ano ang mga pananagutan natin kapag dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?
11 Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong ay nag-aatang din sa atin ng pananagutan. Pinapayuhan ang mga Kristiyano na ‘magpatibayang-loob sa isa’t isa,’ anupat inuudyukan ang mga kapuwa miyembro ng kongregasyon sa “pag-ibig at sa maiinam na gawa.” Ang ating paghahanda, pagdalo, at pakikibahagi sa lahat ng Kristiyanong pagpupulong ay nakapagpapalakas sa ating pananampalataya bilang mga indibiduwal at nakapagpapatibay-loob sa iba. (Hebreo 10:23-25) Gaya ng mumunting bata na maaaring maging pihikan sa pagkain, ang ilan ay baka kailangang laging pasiglahin na kumain ng espirituwal na pagkain. (Efeso 4:13) Pagpapakita ng pag-ibig na ilaan ang gayong pampatibay-loob kung kinakailangan upang ang gayong mga indibiduwal ay sumulong bilang may-gulang na mga Kristiyano, na tungkol sa kanila ay sumulat si apostol Pablo: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, sa kanila na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Hebreo 5:14.
Pangangalaga sa Ating Sariling Espirituwalidad
12. Sino ang may pangunahing pananagutan para makapanatili tayo sa katotohanan? Ipaliwanag.
12 Maaari tayong patibaying-loob ng ating kabiyak o ng ating mga magulang sa daan ng katotohanan. Gayundin naman, ang matatanda sa kongregasyon ay maaaring magpastol sa atin bilang bahagi ng kawan na kanilang pinangangalagaan. (Gawa 20:28) Ngunit sino ang may pangunahing pananagutan upang makapagtiyaga tayo sa ating paraan ng pamumuhay na salig sa katotohanan? Ang totoo, nakasalalay ang pananagutan sa bawat isa sa atin. At iyan ay totoo kapuwa sa ilalim ng normal na mga kalagayan at sa mahihirap na panahon. Isaalang-alang ang sumusunod na pangyayari.
13, 14. Gaya ng inilarawan ng isang karanasan hinggil sa isang batang tupa, paano natin matatamo ang kinakailangang espirituwal na tulong?
13 Sa Scotland, nanginginain ang ilang batang tupa sa isang pastulan nang mapalayo ang isa sa kanila hanggang sa gilid ng isang burol at mahulog tungo sa ibabaw ng isang nakausling bato sa ibaba. Hindi naman ito napinsala, ngunit nahintakutan ito at hindi makaakyat. Kaya nagsimula itong umungâ nang malakas. Narinig ito ng kaniyang ina, at ito rin ay umungâ nang malakas hanggang sa dumating ang pastol at kinuha ang batang tupa.
14 Pansinin ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Humingi ng tulong ang batang tupa, nakisali naman ang babaing tupa sa pag-ungâ nito, at ang napahiwatigang pastol ay agad na kumilos upang sagipin ito. Kung ang isang napakabatang hayop at ang ina nito ay maaaring makadama ng panganib at agad na humihingi ng tulong, hindi ba dapat na gawin din natin ang gayon kapag natitisod tayo sa espirituwal o napapaharap sa di-inaasahang mga panganib sa sanlibutan ni Satanas? (Santiago 5:14, 15; 1 Pedro 5:8) Dapat nga, lalo na kung kulang tayo sa karanasan dahil sa bata pa tayo o dahil sa medyo baguhan pa tayo sa katotohanan.
Nagdudulot ng Kaligayahan ang Pagsunod sa mga Utos ng Diyos
15. Ano ang nadama ng isang babae nang magsimula siyang makisama sa kongregasyong Kristiyano?
15 Isaalang-alang ang kahalagahan ng unawa sa Bibliya at ang kapayapaan ng isip na idinudulot nito sa mga naglilingkod sa Diyos ng katotohanan. Isang 70-taóng-gulang na babae na dumalo sa Church of England sa buong buhay niya ang sumang-ayon na personal na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay natutuhan niya na Jehova ang pangalan ng Diyos at nakisali siya sa pagsasabi ng “Amen” sa taos-pusong mga pangmadlang panalangin na binibigkas sa lokal na Kingdom Hall. Taglay ang matinding damdamin, sinabi niya: “Sa halip na ilarawan ang Diyos na napakalayo sa atin na mga tao lamang, waring siya ay nailapit ninyo sa mismong gitna natin na parang isang minamahal na kaibigan. Ngayon ko pa lamang ito naranasan.” Malamang, hindi kailanman malilimutan ng minamahal na interesadong iyon ang unang impresyon na nagawa ng katotohanan sa kaniya. Huwag din nawa nating kalimutan kailanman kung gaano kahalaga sa atin ang katotohanan nang una natin itong tanggapin.
16. (a) Ano ang maaaring mangyari kung gagawin nating pangunahing tunguhin ang pagkakamal ng salapi? (b) Paano natin masusumpungan ang tunay na kaligayahan?
16 Marami ang naniniwala na magiging mas maligaya sila kung mas marami silang salapi. Gayunman, kung gagawin nating pangunahing tunguhin sa buhay ang pagkakamal ng salapi, baka dumanas tayo ng “katakut-takot na pahirap sa isipan.” (1 Timoteo 6:10, Phillips) Isaalang-alang kung gaano karami ang bumibili ng mga tiket sa loterya, gumugugol ng salapi sa mga casino, o walang-ingat na nakikipagsapalaran sa stock market, anupat nangangarap na magkamal ng napakaraming salapi. Iilan-ilan lamang ang nagkakamit ng kayamanan na kanilang pinapangarap. At kadalasan ay nasusumpungan maging niyaong mga nagkakamit nito na hindi nagdudulot ng kaligayahan ang kanilang biglang pagyaman. Sa halip, ang namamalaging kaligayahan ay nagmumula sa pagtupad sa kalooban ni Jehova, anupat gumagawang kasama ng kongregasyong Kristiyano taglay ang patnubay ng banal na espiritu ni Jehova at ang tulong ng kaniyang mga anghel. (Awit 1:1-3; 84:4, 5; 89:15) Kapag ginagawa natin ito, baka maranasan natin ang di-inaasahang mga pagpapala. Sapat ba ang pagpapahalaga mo sa katotohanan upang magdulot ito ng gayong mga pagpapala sa iyong buhay?
17. Ano ang isiniwalat ng pagtira ni Pedro kina Simon, isang mangungulti, tungkol sa saloobin ng apostol?
17 Isaalang-alang ang karanasan ni apostol Pedro. Noong taóng 36 C.E., naglakbay siya bilang misyonero patungo sa Kapatagan ng Saron. Huminto siya sa Lida, kung saan pinagaling niya ang paralisadong si Eneas at pagkatapos ay nagpatuloy siya patungo sa daungan ng Jope. Doon ay binuhay niyang muli si Dorcas. Sinasabi sa atin ng Gawa 9:43: “At nanatili siya nang maraming araw sa Jope kasama ng isang Simon, na isang mangungulti.” Isinisiwalat ng maikling reperensiyang ito ang walang-pagtatanging saloobin ni Pedro habang naglilingkod sa mga tao sa lunsod na iyon. Paano? Sumulat ang iskolar sa Bibliya na si Frederic W. Farrar: “Walang mahigpit at debotong tagasunod ng Pasalitang [Mosaikong] Kautusan ang mahihikayat na manirahan sa bahay ng isang mangungulti. Ang araw-araw na paghawak sa mga balat at mga bangkay ng iba’t ibang hayop na kinakailangan sa ganitong hanapbuhay, at ang mga materyales na kailangan dito, ay nagpapangyari na maging marumi at kasuklam-suklam ito sa paningin ng lahat ng istriktong legalista.” Bagaman ang “bahay [ni Simon] sa tabi ng dagat” ay hindi katabi ng kaniyang kultihan, si Simon ay sangkot sa ‘isang hanapbuhay na minamalas noon nang may pagkasuklam anupat nagpababa sa paggalang sa sarili ng lahat ng gumawa ng gayon,’ ang sabi ni Farrar.—Gawa 10:6.
18, 19. (a) Bakit naguluhan si Pedro sa isang pangitain na natanggap niya? (b) Anong di-inaasahang pagpapala ang natanggap ni Pedro?
18 Tinanggap ng di-nagtatanging si Pedro ang pagkamapagpatuloy ni Simon, at nakatanggap doon si Pedro ng di-inaasahang utos mula sa Diyos. Nakakita siya ng isang pangitain na doo’y inutusan siyang kumain ng mga nilikhang marumi ayon sa kautusang Judio. May-pagtutol na sinabi ni Pedro na kailanman ay hindi pa siya “kumain ng anumang bagay na marungis at marumi.” Ngunit tatlong beses siyang sinabihan: “Huwag mo nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” Mauunawaan naman, “si Pedro ay lubhang naguguluhan sa loob niya kung ano kaya ang kahulugan ng pangitain na kaniyang nakita.”—Gawa 10:5-17; 11:7-10.
19 Hindi alam ni Pedro na isang araw pa lamang noon ang nakalipas, isang Gentil na nagngangalang Cornelio ang nakakita rin ng isang pangitain sa Cesarea, na 50 kilometro ang layo. Tinagubilinan ng anghel ni Jehova si Cornelio na magsugo ng mga lingkod upang hanapin si Pedro sa bahay ni Simon na mangungulti. Isinugo ni Cornelio ang kaniyang mga lingkod sa bahay ni Simon, at sumama sa kanila si Pedro pabalik sa Cesarea. Doon ay nangaral siya kay Cornelio at sa mga kamag-anak at mga kaibigan nito. Bilang resulta, sila ang naging unang di-tuling nananampalatayang mga Gentil na tumanggap ng banal na espiritu bilang mga tagapagmana ng Kaharian. Bagaman di-tuli ang mga taong ito, ang lahat ng nakinig sa salita ni Pedro ay binautismuhan. Binuksan nito ang pagkakataon para ang mga tao ng mga bansa, na minamalas na marumi ayon sa pananaw ng mga Judio, ay maging mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Gawa 10:1-48; 11:18) Isa ngang pambihirang pribilehiyo para kay Pedro—pawang dahil sa mahalaga sa kaniya ang katotohanan at inakay siya nito upang sundin ang utos ni Jehova at kumilos nang may pananampalataya!
20. Anong tulong mula sa Diyos ang ibinibigay sa atin kapag inuuna natin ang katotohanan sa ating buhay?
20 Nagpapayo si Pablo: “Sa pagsasalita ng katotohanan, sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumaki tayo sa lahat ng mga bagay tungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:15) Oo, ang katotohanan ay magdudulot sa atin ng walang-katumbas na kaligayahan ngayon kung uunahin natin ito sa ating buhay at hahayaan si Jehova na akayin ang ating mga hakbang sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Laging isaisip din ang suporta ng banal na mga anghel sa ating gawaing pag-eebanghelyo. (Apocalipsis 14:6, 7; 22:6) Kaylaki nga ng pribilehiyo natin na tamuhin ang gayong suporta sa gawain na ipinatutupad sa atin ni Jehova! Ang pananatiling tapat ay aakay sa atin na purihin si Jehova, ang Diyos ng katotohanan, magpakailanman. Mayroon pa bang mas mahalaga kaysa riyan?—Juan 17:3.
Ano ang Natutuhan Natin?
• Bakit marami ang hindi tumatanggap sa katotohanan?
• Paano dapat malasin ng mga Kristiyano ang mga bagay sa sanlibutan ni Satanas?
• Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga pulong, at bakit?
• Ano ang ating pananagutan sa pangangalaga sa ating sariling espirituwalidad?
[Mapa/Larawan sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MALAKING DAGAT
Cesarea
KAPATAGAN NG SARON
Jope
Lida
Jerusalem
[Larawan]
Sinunod ni Pedro ang utos ng Diyos at umani ng di-inaasahang mga pagpapala
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Nagpatotoo si Jesus tungkol sa katotohanan
[Larawan sa pahina 15]
Tulad ng pisikal na pagkain, mahalaga sa ating kapakanan ang espirituwal na pagkain