Ang Pangalan na Umaakay sa Tunay na Pananampalataya
“HINDI kayo naniniwala kay Jesus at sa kaniyang dugong pantubos,” sabi ng isang babae sa isang Saksi ni Jehova. Sabi ng isang lalaki: “Saksi ni Jehova ang tawag ninyo sa inyong sarili, subalit ako’y saksi ni Jesus.”
Pangkaraniwan na ang pangmalas na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesus o na sila’y hindi nagbibigay sa kaniya ng sapat na kahalagahan. Subalit, ano ba ang katotohanan?
Totoo na lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos, na Jehova.a Ganito ang gunita ni Itamar, isang Saksi sa Brazil: “Dumating ang malaking pagbabago sa buhay ko nang malaman ko ang pangalan ng Diyos. Nang mabasa ko ito sa kauna-unahang pagkakataon, para bang ako’y nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Pinakilos at pinukaw ako ng pangalang Jehova; naantig ang kaibuturan ng aking kaluluwa.” Sa kabila nito, susog pa niya: “Nag-uumapaw rin ang puso ko sa pag-ibig kay Jesus.”
Oo, batid ng mga Saksi ni Jehova na upang magtamo ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang maglagak ng pananampalataya “sa pangalan ng Anak ng Diyos,” si Jesus. (1 Juan 5:13) Subalit ano ba ang kahulugan ng pananalitang ‘sa pangalan ni Jesus’?
Kung Ano ang Kinakatawan ng Pangalang Jesus
“Sa pangalan ni Jesus” at ang katulad na mga pananalita ay masusumpungan sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan.” Sa katunayan, ang salitang “pangalan” na ginamit may kaugnayan sa papel ni Jesus ay lumilitaw nang mahigit na 80 ulit, mga 30 ulit sa aklat lamang ng Mga Gawa. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nagbautismo sa pangalan ni Jesus, nagpagaling sa pangalan niya, nagturo sa pangalan niya, tumawag sa pangalan niya, nagdusa alang-alang sa pangalan niya, at lumuwalhati sa pangalan niya.—Gawa 2:38; 3:16; 5:28; 9:14, 16; 19:17.
Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang salitang Griego para sa “pangalan” ay kadalasang ginagamit sa Bibliya “para sa lahat ng kahulugan ng pangalan, gaya ng awtoridad, katangian, ranggo, kamaharlikahan, kapangyarihan, kabunyihan, atb., at lahat ng ipinahihiwatig ng pangalan.” Samakatuwid, ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan sa marangal at malawak na awtoridad na mamahala na ipinagkatiwala sa kaniya ng Diyos na Jehova. Sinabi mismo ni Jesus: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Nang mapagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking pilay, nagtanong ang mga Judiong lider ng relihiyon: “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?” Nang magkagayo’y buong-tapang na ipinahayag ni Pedro ang kaniyang pananampalataya sa awtoridad at kapangyarihan na kinakatawan ng pangalan ni Jesus nang ipinabatid niya na ito’y “sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, . . . sa pamamagitan ng isang ito ang taong ito ay nakatayo rito sa harap ninyo na magaling.”—Gawa 3:1-10; 4:5-10.
Pananampalataya kay Jesus o kay Cesar?
Subalit, hindi madali ang pag-aangkin ng gayong pananampalataya sa pangalan ni Jesus. Gaya ng inihula na ni Jesus, ang kaniyang mga alagad ay magiging ‘mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa kaniyang pangalan.’ (Mateo 24:9) Bakit? Sapagkat ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan sa kaniyang katayuan bilang ang Tagapamahala na hinirang ng Diyos, ang Hari ng mga hari, na sa kaniya dapat yumukod bilang pagpapasakop ang lahat ng mga bansa, isang bagay na sila’y hindi handa ni nagnanais na gawin.—Awit 2:1-7.
Ayaw ring yumukod bilang pagpapasakop kay Jesus ang mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus. Kanilang sinabi: “Wala kaming hari kundi si Cesar,” sa gayo’y tinatanggihan ang Anak ng Diyos. (Juan 19:13-15) Sa halip, naglagak sila ng kanilang pananampalataya sa pangalan—sa kapangyarihan at awtoridad—ni Cesar at ng kaniyang imperyal na pamahalaan. Nagpasiya pa nga silang dapat mamatay si Jesus upang mapanatili nila ang kanilang posisyon at ranggo.—Juan 11:47-53.
Mga dantaon pagkamatay ni Jesus, tinaglay ng maraming nag-aangking Kristiyano ang katulad na saloobin niyaong mga lider na Judio. Ang diumano’y mga Kristiyanong ito ay naglagak ng kanilang pananampalataya sa kapangyarihan at awtoridad ng Estado at nasangkot sa mga digmaan nito. Halimbawa, noong ika-11 siglo, pagkatapos organisahin ng simbahan ang walang-trabahong mga mandirigma upang maging militia Christi, o mga kabalyerong Kristiyano, “ang pananagutan sa pagsasagawa ng makatarungang digmaan ay inalis sa sekular na mga kapangyarihan ng Sangkakristiyanuhan at inako, sa halip, ng simbahan sa pamamagitan ng ahensiya ng mga kabalyerong Kristiyano nito.” (The Oxford History of Christianity) Idinaragdag pa ng ulat na may mga kapahayagan ng papa na umakay upang papaniwalain ang karamihan ng mga nagkukrusada na sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga krusada, “sila’y gumawa ng isang kasunduan sa Diyos at tumiyak para sa kanilang sarili ng isang dako sa Paraiso.”
Maaaring mangatuwiran ang ilan na posibleng maging matapat kay Jesus at kasabay nito’y makibahagi sa pulitika, gayundin sa mga digmaan ng bansa. Maaaring inaakala nilang tungkulin ng Kristiyano na labanan ang kasamaan saanman ito masumpungan at na kasali rito ang pakikidigma kung kinakailangan. Subalit ganito ba ang pangmalas ng sinaunang mga Kristiyano?
“Ang unang mga Kristiyano ay hindi naglingkod sa mga hukbong sandatahan,” sabi ng isang artikulo sa magasing The Christian Century. Ipinaliliwanag nito na hanggang noong dekada ng 170-180 C.E., walang anumang katibayan na ang mga Kristiyano ay naglingkod sa hukbo. Sinabi pa ng artikulo: “Nang dakong huli na lamang tinalikdan ng mga Kristiyano ang kanilang pagtutol sa paglilingkod militar.”
Anu-ano ang naging resulta? “Marahil wala nang higit pang nakasira sa Kristiyanismo kaysa sa paninindigan nito na walang ipinagkaiba sa mga hindi Kristiyano kung tungkol sa pakikidigma,” sabi ng artikulo sa The Christian Century. “Ang bagay na sa isang panig ay itinaguyod ng mga Kristiyano ang pananampalataya ng mahinahong Tagapagligtas samantalang sa kabilang panig naman ay maalab nilang itinaguyod ang relihiyoso at nasyonalistikong mga digmaan ay lubhang nakapinsala sa pananampalataya.”
Pagtulad Ngayon sa Unang mga Kristiyano
Posible bang tularan ng mga Kristiyano ngayon ang mainam na halimbawa ng unang mga Kristiyano? Ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova sa siglong ito na ito’y posible. Tungkol sa kanila, ganito ang sinabi ng editor ng Holocaust Educational Digest: “Walang Saksi ni Jehova ang kailanma’y magtutungo sa digmaan. . . . Kung taglay ng lahat ng nasa kapangyarihan sa daigdig ang pananampalatayang ito, hinding-hindi sana nangyari ang [Digmaang Pandaigdig II].”
Gayundin ang masasabi tungkol sa mga digmaang panrehiyon kamakailan, gaya niyaong nanalanta sa Hilagang Ireland. Mga ilang taon na ang nakalipas, isang Saksi ni Jehova ang nangaral noon sa bahay-bahay sa isang purok ng mga Protestante sa lunsod ng Belfast. Isang maybahay, pagkatapos malaman na ang Saksi ay dating isang Katoliko, ay nagtanong: “Noong Katoliko ka pa, itinaguyod mo ba ang IRA [Irish Republican Army]?” Natanto ng Saksi na ang lalaki ay maaaring maging marahas sapagkat ito’y nakulong pagkatapos mahuli na may dalang baril upang pumatay ng isang Katoliko at kalalaya pa lamang. Kaya sumagot ang Saksi: “Hindi na ako Katoliko ngayon. Isa na akong Saksi ni Jehova. Bilang isang tunay na Kristiyano, hinding-hindi ako papatay ng sinuman alang-alang sa alinmang pamahalaan o kaninumang tao.” Sa gayo’y kinamayan siya ng maybahay at sinabi: “Masama ang pumatay. Mabuti ang ginagawa ninyo. Ipagpatuloy ninyo.”
Ang Kahulugan ng Paglalagak ng Pananampalataya sa Pangalan ni Jesus
Gayunman, higit pa ang kahulugan ng paglalagak ng pananampalataya sa pangalan ni Jesus kaysa basta pag-iwas sa pakikidigma. Nangangahulugan ito ng pagsunod sa lahat ng mga utos ni Kristo. Dahil dito, sinabi ni Jesus: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko,” at isa sa kaniyang mga utos ay na “ibigin [natin] ang isa’t isa.” (Juan 15:14, 17) Sinisikap ng pag-ibig na gumawa ng mabuti sa iba. Inaalis nito ang lahat ng pagtatangi dahil sa lahi, relihiyon, at lipunan. Ipinakita ni Jesus kung paano.
Ang mga Judio noong panahon ni Jesus ay may matinding damdamin laban sa mga Samaritano. Sa kabaligtaran, si Jesus ay nakipag-usap sa isang Samaritana, at bunga nito, ang babae at ang marami pang iba ay nanampalataya sa pangalan niya. (Juan 4:39) Sinabi rin ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magiging mga saksi niya “kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang kaniyang mensahe na nagbibigay-buhay ay hindi lamang para sa mga Judio. Kaya naman, si Pedro ay tinagubilinang dumalaw sa Romanong senturyon na si Cornelio. Bagaman labag sa batas para sa isang Judio na dumalaw sa sinumang iba ang lahi, ipinakita ng Diyos kay Pedro na “hindi [niya] dapat tawaging nadungisan o di-malinis ang sinumang tao.”—Gawa 10:28.
Bilang pagtulad kay Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa lahat ng tao—anuman ang kanilang pinagmulang lahi, relihiyon, o kabuhayan—upang malaman ang kaligtasan sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus. Ang pananampalataya sa pangalan ni Jesus ay nag-uudyok sa kanila na ‘hayagang ipahayag na si Jesus ay Panginoon.’ (Roma 10:8, 9) Hinihimok ka namin na tanggapin ang kanilang tulong upang matutuhan mo ring maglagak ng pananampalataya sa pangalan ni Jesus.
Ang pangalan ni Jesus ay dapat ngang pumukaw sa atin ng mga damdamin ng pagpaparangal, paggalang, at pagsunod. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:10, 11) Bagaman ang karamihan ng naninirahan sa lupa ay ayaw pasakop sa pamamahala ni Jesus, ipinakikita ng Bibliya na malapit na ang panahon na ang lahat ng tao ay kailangang magpasakop o kaya’y malipol. (2 Tesalonica 1:6-9) Samakatuwid, ngayon na ang panahon upang maglagak ng pananampalataya sa pangalan ni Jesus sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos niya.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, pahina 28-31, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1984.
[Larawan sa pahina 6]
Sa pangalan ni Jesus, milyun-milyon ang pumatay at napatay
[Larawan sa pahina 7]
Hindi nagtangi ng lahi si Jesus. Nagtatangi ka ba ng lahi?