Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Ebanghelisador”
  • Ebanghelisador

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ebanghelisador
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • “Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Lahat ng Tunay na Kristiyano ay Kailangang Maging mga Ebanghelisador
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Sino ang mga Tunay na Ebanghelisador?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • “Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Ebanghelisador”

EBANGHELISADOR

Isang mangangaral ng ebanghelyo o mabuting balita; isang mensahero ng mga bagay na mabuti. Ang salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ (ebanghelisador) ay may malapit na kaugnayan sa salitang eu·ag·geʹli·on, “mabuting balita” o “ebanghelyo.” (Tingnan ang MABUTING BALITA; gayundin ang Na 1:15, tlb sa Rbi8; Mat 4:23, tlb sa Rbi8.) Si Jehova ang Dakilang Ebanghelisador, o Tagapagdala ng mabuting balita. Pagkatapos na mahulog si Adan sa kasalanan, isang mabuting balita na malaman, sa Genesis 3:15, na magkakaroon ng isang binhi na dudurog sa ulo ng serpiyente. Nagbigay ito ng pag-asa sa tao. (Ro 8:20) Nang palawakin ni Jehova kay Abraham ang pangako tungkol sa binhi, nagpahayag Siya ng mabuting balita sa kaniya. (Gal 3:8; Gen 12:1-3) Sa Isaias 52:7, inihula na may ‘magdadala ng mabuting balita’ tungkol sa pagsasauli sa mga Judio mula sa Babilonya. Sinipi ng apostol na si Pablo ang tekstong ito may kaugnayan sa gawaing pag-eebanghelyo ng mga Kristiyano. (Ro 10:15) Ang anghel na si Gabriel ay nagsilbing ebanghelisador noong ipatalastas niya kay Zacarias ang mabuting balita tungkol sa darating na kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo at kay Maria naman ang tungkol sa kapanganakan ni Jesus. Isang anghel ang nagsilbing ebanghelisador sa mga pastol noong ipanganak si Jesus. (Luc 1:18-38; 2:10) Si Juan na Tagapagbautismo ay isang ebanghelisador, sapagkat iniulat na siya’y “nagpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita sa mga tao.” (Luc 3:18) Ang lahat ng mga alagad ni Jesus ay nakibahagi sa pangmadlang ministeryo ng paghahayag ng mabuting balita at samakatuwid ay mga ebanghelisador.​—Gaw 8:4.

Mga Pantanging Misyonerong Ebanghelisador. Bagaman ang lahat ng mga Kristiyano ay inatasang maging mga ebanghelisador, ang salitang ito ay ginagamit sa Efeso 4:8, 11, 12 sa isang pantanging paraan, anupat doo’y inilalarawan ni Pablo ang “mga kaloob na mga tao” na ibinigay ni Kristo sa kongregasyon nang umakyat siya sa kaitaasan: “At ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, . . . ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” Ang espesipikong gawain ng gayong mga ebanghelisador ay katulad niyaong sa mga misyonero. Kadalasan, sila ang mga nagbubukas ng mga bagong teritoryo na hindi pa napangangaralan. Sa talaan sa Efeso 4:11, ang mga ebanghelisador ay unang binabanggit kaysa sa mga pastol at mga guro, yamang matapos maipangaral ang mabuting balita at makagawa ng mga alagad, ang mga pastol at mga guro naman ang gumagawa ng karagdagang pagpapatibay.

Isa si Felipe na pantanging binabanggit bilang ebanghelisador. Pagkatapos ng Pentecostes, siya ang nagpasimula ng gawain sa lunsod ng Samaria anupat naging napakamatagumpay nito. Si Felipe ay inutusan ng isang anghel na mangaral ng mabuting balita tungkol kay Kristo sa bating na Etiope, na kaniya ring binautismuhan. Pagkatapos nito, si Felipe ay kinuha ng espiritu upang mangaral sa Asdod at sa lahat ng mga lunsod na madaraanan niya patungong Cesarea. (Gaw 8:5, 12, 14, 26-40) Si Pablo ay gumawa ng maraming pag-eebanghelyo. (2Co 10:13-16) Si Timoteo ay isang ebanghelisador, o misyonero, at pantanging idiniin ni Pablo ang pag-eebanghelyo nang payuhan niya si Timoteo bago sila maghiwalay: “Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” Bukod sa pangangaral ng mabuting balita kasama ng iba pang mga Kristiyano, si Timoteo ay nagsagawa rin ng gawaing pagpapastol at pagtuturo bilang isang tagapangasiwa sa Efeso.​—2Ti 4:5; 1Ti 1:3.

Pag-eebanghelyo sa “Panahon ng Kawakasan.” Ang pinakamalawak na pag-eebanghelyo ay isasakatuparan sa “panahon ng kawakasan,” ayon sa malinaw na pananalita ni Jesus sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa . . . at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Sa kasalukuyang panahon, ang mga bansa ay may mga misyonero para sa ekonomiya, pulitika, at medisina, at mga katulad nito. Subalit ang mga Kristiyano ay inutusang mangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos at gumawa ng mga alagad ni Jesu-Kristo. (2Ti 4:2; 1Co 9:16; 1Pe 1:12, 25; 4:17) Ang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit at may walang-hanggang mabuting balita ay naghahayag ng ganito: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apo 14:6, 7) Ito ang mabuting balita na dadalhin ng mga Kristiyanong ebanghelisador, o misyonero. Kung paanong inilalarawan ng Bibliya ang ilang tao, gaya ni Felipe na ebanghelisador, bilang mga misyonero o mga ebanghelisador sa isang pantanging diwa, ang ilang Kristiyano ngayon ay maaari ring magsagawa ng gawaing pagmimisyonero sa isang pantanging diwa, anupat nagtutungo pa nga sa ibang mga bansa upang mangaral. (Gaw 21:8) Gayunpaman, ang lahat ng mga Kristiyano ay inatasan at obligado na maging mga ebanghelisador saanman sila naroroon, anupat nangangaral ng mabuting balita sa lahat ng uri ng mga tao.​—Ro 10:9, 10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share