Ang Pangmalas ng Bibliya
Makaaasa ba ang mga Tunay na Kristiyano ng Proteksiyon Mula sa Diyos?
UPANG maghatid ng mga relief sa mga kapuwa mananamba, ang mga Kristiyano, pagkatapos manalangin, ay naglakbay nang magkakasunod sa mga lugar na ginigiyagis ng digmaan kung saan malamang na sila’y mapatay. Nakarating sila nang ligtas, na pinagtakhan nang malaki ng mga naglalabang hukbo. Iningatan ba sila ng anghel ng Diyos?
Isang Kristiyanong mag-asawa na maraming taon nang naglilingkod bilang mga ministro ang nasawi nang bumagsak ang isang eroplano sa lugar na kung saan nangangaral sila sa bahay-bahay. Bakit sila o ang eroplano ay hindi iginiya ng anghel ng Diyos sa ibang lugar sa partikular na pagkakataong iyon?—Ihambing ang Gawa 8:26.
Kung paghahambingin ang mga pangyayaring ito, maitatanong natin: Bakit ang ilang Kristiyano ay namamatay samantalang gumagawa ng kalooban ng Diyos, samantalang ang iba, kalimitang nasa ubod ng panganib na mga kalagayan, ay nabubuhay? Makaaasa ba ang mga Kristiyano ng proteksiyon mula sa Diyos, lalo na sa mapanganib na “mga huling araw” na ito?—2 Timoteo 3:1.
Ang Layunin ng Proteksiyon ng Diyos
Nangako ang Diyos na Jehova na pagpapalain at iingatan niya ang kaniyang bayan. (Exodo 19:3-6; Isaias 54:17) Ginawa niya ang gayon noong unang siglo, nang ang Kristiyanong kongregasyon ay bago pa lamang. Napakaraming uri ng himala ang naganap. Si Jesus ay nagparami ng pagkain upang mapakain ang libu-libo; siya at ang kaniyang mga tagasunod ay gumamot ng lahat ng uri ng sakit at kapansanan, nagpalabas ng espiritung malakas kaysa tao mula sa inaalihan ng demonyo, at bumuhay pa nga ng patay. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos ang bagong kongregasyon ay lumaki at tumatag. Subalit, sa kabila ng kitang-kitang pagtulong ng Diyos, maraming tapat na mga Kristiyano ang nakaranas ng tinatawag na di-napapanahong kamatayan.—Ihambing ang Awit 90:10.
Isaalang-alang ang mga kaso nina Santiago at Juan, mga anak na lalaki ni Zebedeo. Palibhasa’y pinili bilang mga apostol, sila, kasama pa si Pedro, ay kabilang sa pinakamalalapit na kaibigan ni Kristo.a Subalit si Santiago ay namatay na isang martir noong taóng 44 C.E., samantalang ang kaniyang kapatid na si Juan ay nabuhay hanggang sa katapusan ng unang siglo. Tiyak na sila’y parehong gumawa ng kalooban ng Diyos. Bakit pinahintulutan si Santiago na mamatay, samantalang si Juan ay nanatiling buháy?
Tiyak na may kakayahan ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na iligtas ang buhay ni Santiago. Ang totoo, kamamatay pa lamang ni Santiago bilang isang martir, si Pedro ay nailigtas mula sa kamatayan dahil sa isang anghel ni Jehova. Bakit hindi iniligtas ng anghel si Santiago?—Gawa 12:1-11.
Ginamit sa Pagsasakatuparan ng Layunin ng Diyos
Upang maunawaan kung bakit may proteksiyon ng Diyos, kailangan nating maunawaan na ipinagkakaloob ito hindi upang mabuhay lamang ng mas mahaba ang mga indibiduwal kundi upang ingatan ang isang bagay na higit na mahalaga, ang pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Halimbawa, ang pagkaligtas ng buong kongregasyong Kristiyano ay tiniyak sapagkat ito’y malapit na nauugnay sa pagtupad sa layuning iyan. Gayunman, basta sinabi ni Kristo sa kaniyang mga alagad na sila bilang mga indibiduwal ay mapapaharap sa kamatayan dahil sa kanilang pananampalataya. Pagkatapos sabihin ito, idiniin ni Jesus, hindi ang makahimalang pagkaligtas, kundi ‘ang pagbabatá hanggang sa wakas.’ (Mateo 24:9, 13) Ang bagay na ang ilang indibiduwal ay naingatan, samantalang ang iba nama’y hindi, ay hindi nagpapakita na ang Diyos ay nagtatangi. Ginamit lamang ng Diyos ang taong iyon na nasa pinakamabuting kalagayan upang isakatuparan ang kaniyang layunin, na sa wakas ay mapapakinabangan ng buong sangkatauhan.
Yamang ang di-napapanahong kamatayan sa paglilingkuran sa Diyos ay tunay na posible, ang mga Kristiyano ay dapat na magkaroon ng gayunding timbang na saloobin gaya sa tatlong tapat na Hebreo na hinatulan ng kamatayan dahil sa pagsamba sa Diyos. Sinabi nila sa hari ng Babilonya: “Narito, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Sa mabangis na hurnong nagniningas at sa iyong kamay, Oh hari, ililigtas niya kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni magsisisamba man kami sa larawang ginto na iyong itinayo.”—Daniel 3:17, 18.
Iningatang buhay ni Jehova sina Pedro at Juan dahil sa kanilang pangunahing ginagampanang bahagi sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Si Pedro ay ginamit upang “palakasin” ang kongregasyon sa pamamagitan ng gawaing pagpapastol, kalakip na ang pagsulat ng dalawang kinasihang mga aklat sa Bibliya. (Lucas 22:32) Si Juan ay sumulat ng limang aklat ng Bibliya at naging isang ‘haligi’ sa sinaunang kongregasyon.—Galacia 2:9; Juan 21:15-23.
Kung paano may katumpakang tinitiyak ni Jehova kung kailan at sa paanong paraan siya mamamagitan sa buhay ng kaniyang mga lingkod ay imposible nating masabi. Ang tanging tiyak na masasabi ay na nangako si Kristo na siya’y makakasama ng kaniyang mga tagasunod “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Lalo na, siya’y ‘sasaatin’ sa pamamagitan ng patnubay ng anghel sa gawaing pangangaral. (Mateo 13:36-43; Apocalipsis 14:6) Bukod pa sa pangkalahatang mga pahiwatig na ito, hindi natin maaasahan nang may katiyakan kung paano maipapakita ang tulong ng Diyos o kung sino ang maaaring tumanggap ng proteksiyon ng Diyos. Paano kung inaakala ng isang Kristiyano na siya’y nagkaroon ng proteksiyon at patnubay ng Diyos? Yamang hindi ito tuwirang masasang-ayunan o matatanggihan, walang sinuman ang makahahatol sa taimtim na pag-aangkin sa gayong bagay ng taong iyon.
Ang Diyos ba ay Manhid?
Ang bagay ba na pinahihintulutan ng Diyos ang kamatayan ng mga Kristiyano ay nagpapakita na sa paano man ay manhid siya? Hindi naman. (Eclesiastes 9:11) Si Jehova ay gumagawa ng paraan upang iligtas ang ating buhay hindi lamang sa loob ng ilang mga taon o maging mga dekada pa nga kundi sa walang-hanggan. Mula sa nakatataas na kinalalagyan niya, minamaniobra niya ang mga pangyayari para sa walang-hanggang kapakanan ng bawat indibiduwal na nagmamahal sa kaniya o lumalapit sa kaniya. (Ihambing ang Mateo 18:14.) Ang katuparan ng kaniyang layunin ay mangangahulugan ng lubusang pag-aalis ng anumang nagdudulot ng pagdurusa sa atin sa sistemang ito ng mga bagay—maging ng kamatayan. Gayon na lamang kasalimuot at kasakdal ang pakikitungo ng Diyos anupat si apostol Pablo ay napakilos na bumulalas: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Anong di-masaliksik ng kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Roma 11:33.
Yamang walang anumang bagay ang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos, hindi dapat itanong ng bawat Kristiyano ang bagay na ‘Ako ba’y magkakaroon ng proteksiyon ng Diyos?’ kundi ‘Ako ba’y may pagpapala ni Jehova?’ Kung taglay nga natin, pagkakalooban niya tayo ng buhay na walang-hanggan—anuman ang mangyari sa atin sa sistemang ito ng mga bagay. Kung ihahambing ang walang-hanggang sakdal na buhay, anumang paghihirap—maging kamatayan man—sa sistemang ito ay waring magiging “panandalian at magaan.”—2 Corinto 4:17.
[Talababa]
a Sina Pedro, Santiago, at Juan ay nakasaksi sa pagbabagong-anyo ni Jesus (Marcos 9:2) at sa pagkabuhay-muli ng anak na babae ni Jairo (Marcos 5:22-24, 35-42); sila’y malapit sa Hardin ng Getsemani noong panahon ng personal na pagsubok ni Jesus (Marcos 14:32-42); at sila, kasama pa si Andres, ang nagtanong kay Jesus tungkol sa pagkapuksa ng Jerusalem, sa kaniyang pagkanaririto sa hinaharap, at sa wakas ng sistema ng mga bagay.—Mateo 24:3; Marcos 13:1-3.