Ang Pag-asa Mo—Ang Diyos o ang Kayamanan?
“Kung ilang taon din na siya’y nalugmok sa kaniyang makisig na tahanang napalilibutan ng matitibay na bakod at may dalawang tarangkahang bakal na nakakandado.”
GANIYAN ang pagbabalita tungkol sa isang mayamang biyuda na pinatay ng mga magnanakaw na nagnakaw ng mga alahas at $1 milyong sa kaniyang bahay. Pagkatapos na matagpuan ang kaniyang bangkay, ang pulisya ay gumamit ng isang kari-karitunan sa grocery upang hakutin sa kaniyang tahanan ang natira pa roon na $5 milyong. Natagpuan din doon ng pulisya ang libu-libong “mga regalo sa kompleanyo” na may nakakabit na mga tarhetang ipadadala “Kay Jesu-Kristo” at “Sa Diyos.”
Ang irederang babaing ito ay waring walang mga kaibigan, at siya’y namumuhay na pinangingibabawang palagi ng takot. Tanungin ang iyong sarili, Gaano nga kayang kahalaga ang angaw-angaw na salaping lubhang minahalaga niya? Isa pa, Gaanong kayaman siya kung tungkol sa relasyon niya sa Diyos? Tunay na alam mo na hindi maaaring kamtin ang lingap ng Diyos sa pamamagitan ng “mga regalo sa kompleanyo,” ni kapayapaan man na buhat sa Diyos ang resulta ng pag-aari ng kayamanan. Nakikita natin iyan sa payo ng Bibliya ‘na ilagak natin ang ating pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay nang may kasaganaan para sa ikasisiya natin.’—1 Timoteo 6:17.
Bakit nga ba walang kasiguruhan ang kayamanan? Bueno, marahil ay alam mo kung gaano katotoo ang mga sinabi ni Jesus: “Huwag kayong magtipon ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nakapapasok ang magnanakaw at nagnanakaw.” (Mateo 6:19) Gaya ng alam mo, sa tuwina’y nariyan ang panganib na ang isang tahanan ay masunog. Ang ibang mga tao ay sa mga bangko inilalagak ang kanilang mga mahahalagang bagay, subalit hindi baga ang mga ito ay napagnanakawan ding mga magnanakaw? Kahit na ang isang bagong kotse ay kinakalawang.
Kumusta naman ang ekonomiya ng mga bansa? Sa mga ibang bansa ang implasyon ay nakakatulad ng isang magnanakaw; dahilan dito ay lumiliit ang pag-aari ng isang tao. “Nang magkaroon ng hyperinflation sa Alemanya noong maagang 1920’s, ang mga mamimili ay may dalang basket-basket na salapi . . . sa pagbili ng mga groserya . . . Ang mga halaga ng bilihin sa Alemanya ay sumulong nang mahigit na 1 trilyong porsiyento mula Agosto 1922 hanggang Nobyembre 1923.” (The World Book Encyclopedia) Anong laking kabiguan ang magtiwala ka sa salapi!
Matalino ang payo ni Jesus: “Magtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.” (Mateo 6:20) Ano ba ang “mga kayamanan” na ito? Ito’y ang ating indibiduwal na rekord ng mabubuting gawa, ng ating pagiging mayaman sa Diyos. ‘Ano,’ marahil ay itatanong mo, ‘ang hinihiling niyan sa akin?’ Bilang isang bahagi, ang Bibliya ay sumasagot na nangangahulugan iyan ng “paggawa ng mabuti, pagiging sagana sa mabubuting gawa, bukas-palad, pagiging handang magbigay.”—1 Timoteo 6:18.
Sa buong daigdig sa ngayon ay mayroong milyung-milyong mga Saksi ni Jehova na nagpapatotoo na ang pamimigay sa iba ng espirituwal at materyal na mga bagay—lalo na ang pagtulong sa mga tao na matuto tungkol sa pag-asa sa Kaharian sa pamamagitan ng pangangaral, pagtuturo, at paggawa ng mga alagad—ay mabubuting gawa na may pagsang-ayon ni Jehova, at nagdudulot ng tunay na kasiyahan. Kahit na kamatayan ay walang kapangyarihang nakawan ang isang tao ng kagantihan na dala ng gayong pagtitipon ng kayamanan sa langit. Bakit nga gayon? Ipinangako ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siyang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay ay mabubuhay.”—Juan 11:25.
Walang Katulad na mga Kayamanan na Matatamasa Natin Ngayon
Pagkatapos na sabihing dapat nating ilagak “sa Diyos” ang ating pag-asa, patuloy na sinabi ni Pablo na ‘ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay nang sagana ukol sa ating kasiyahan.’ (1 Timoteo 6:17) Bukod sa araw-araw na pangangailangan sa buhay, ang Kataastaasan ay maibiging naglalaan ng walang katumbas na kayamanan para sa mga taong kaniyang kinalulugdan. Ano ba ang gayong mga kayamanan?
Pansinin na sinasabi ng Kawikaan 3:13-18: “Maligaya ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, pagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa ginto man. Mahalaga nga kaysa mga rubi, at lahat ng mga ibang kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay may mga kayamanan at kaluwalhatian. . . . Yao’y punongkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan sa kaniya, at maliligaya yaong mga patuluyang nanghahawakang mahigpit sa kaniya.” Samakatuwid ang “karunungan” ay isang kayamanan na nakahihigit sa lahat ng kayamanan ng sanlibutan.
Ang karunungan ay pagkakapit ng kaalaman sa tamang paraan. Ito ang abilidad na gamitin ang kaalaman at kaunawaan upang mapagtagumpayan ang mga suliranin, maiwasan o mahadlangan, ang mga panganib, marating ang mga tiyak na tunguhin o tulungan ang iba na magawa iyon. Hindi ka ba sumasang-ayon na sa ngayon ay kailangan natin ang ganiyang karunungan upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok sa buhay at makapanatili sa isang mabuting katayuan sa harap ng Diyos?
Sa paglalahad ng tungkol sa karunungan, sa Kawikaan 3:13-18 ay itinatampok ang kaligayahan. Hindi ba ang kaligayahan ay isang kayamanan na nais nating lahat na kamtin? Ang maka-Diyos na karunungan ang magbibigay sa atin ng kaligayahang ito sapagkat ang tunay na kaligayahan ay maaaring manggaling tangi sa Bukal na ito, ang Diyos na Jehova. Pinatunayan ng karanasan na ang tunay na kaligayahan ay hindi makakamit hiwalay sa pagsunod sa Kataastaasan at sa pagsunod sa patnubay ng kaniyang espiritu. Ang mga kaligayahan na ipinangako ng Bibliya ay depende sa ating wastong kaugnayan, o sinang-ayunang katayuan, sa ating makalangit na Ama. (Mateo 5:3-10) Kung gayon, sa pamamagitan ng pagsunod sa ating natutuhan sa pag-aaral ng Bibliya, ating ipakikita “ang karunungan buhat sa itaas” na magbibigay sa atin ng kaligayahan na hindi mabibili ng lahat ng kayamanan sa sanlibutan.
Alalahanin din ang sinasabi ng Kawikaan 3:16: “Ang haba ng mga araw ay nasa kaniyang kanang kamay.” Nauunawaan na ito’y tumutukoy sa kanang kamay ng proteksiyon, ang kamay na handang tumulong at ingatan ang isang tao kung mga panahon ng panganib. Sa ngayon marami ang napapalulong sa kalibugan, sa seksuwal na imoralidad, sa pag-abuso sa droga, at sa iba pa. Marahil ay nabasa mo na ang AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay iniugnay sa ganiyang mga gawain. Batay sa iyong nakikita, ang mga tao na gumagawa ng gayong mga bagay ay talaga nga kayang maliligaya? O dinadalhan lamang nila ang kanilang sarili ng kalungkutan at kahirapan, at kamatayan pa nga?
Sa kabaligtaran, ang pagsunod sa matalinong payo buhat sa Salita ng Diyos ay doroon lagi sa ating “kanang kamay” upang iligtas tayo sa ganiyang mga panganib. Kung gayon, ang karunungan ay makapagpapahaba ng ating buhay, ilalayo tayo sa pamumuhay na hahantong sa isang maagang kamatayan. Samakatuwid, ang maka-Diyos na karunungan ay tiyak na nagpapaligaya sa ating kasalukuyang buhay.
Lumakad Nang May Karunungan Ngayon
Nasa palibot natin ang lahat ng tanda na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) Kung gayon, mahalaga na mag-ingat tayo laban sa pagpapadala sa espiritu ng sanlibutan. Ang gayong espiritu ay mga materyal na bagay ang pinatitingkad sa pamamagitan ng pagpukaw sa ating mapag-imbot na mga pita. Ang isang bintang laban kay Job, isang tapat na tao na iniulat ng Bibliya, ay na naglilingkod daw sa Diyos ang taong ito dahil sa kaimbutan, sapagkat binibigyan siya ng kayamanan. (Job 1:9-11) Tayo kaya ay mapararatangan din ng ganiyan nang may katotohanan?
Kung ang sagot natin ay hindi, baka matagumpay na nilalabanan natin ang kasalukuyang materyalismo. Subalit ang panganib na ito, ang materyalismo, ay isa sa pinakamapangdaya na nakaharap sa atin. Sinabi ni Jesu-Kristo na “ang pagsusumakit sa sistemang ito ng mga bagay at ang daya ng kayamanan ang umiinis sa salita.” (Mateo 13:22) Maliwanag, kailangang pakaingat tayong palagi laban sa “daya ng kayamanan,” sapagkat ito’y tunay na hindi mahalaga.
Kailangang paalalahanan natin ang sarili laban sa kung ihahambing ay di-gaanong mahalagang materyal na mga bagay. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Ang yaman ng taong mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling guni-guni.” (Kawikaan 18:11) Oo, ang kasiguruhan na ibinibigay ng kayamanan ay nasa guni-guni lamang, isang panlilinlang. Hindi naman ibig sabihin na ang materyal na mga bagay sa ganang sarili ay masama. Ang masama ay ang gawin itong pinakamahalaga sa ating buhay imbes na ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Si Jesus, na kinikilala bilang isa sa pinakamarunong na guro sa kasaysayan, ay mariing nagsabi: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.”—Lucas 12:15.
Kaya mamuhay tayo sa paraan na tayo’y gagawin nito na “mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Walang higit na mahalaga kaysa isang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Maylikha. Lahat ng pagsisikap upang mapanatili ito ay hahantong sa ating ‘pagtitipon para sa ating sarili ng mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang tayo’y makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:19.