Desididong Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso
“Paglingkuran mo siya nang may sakdal na puso at may nalulugod na kaluluwa; sapagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan.”—1 CRONICA 28:9.
1. Anong mga tanong ang ibinabangon ng 1 Cronica 28:9?
ANG teksto na sinipi sa itaas ay nagbabangon ng mga ilang tanong tungkol sa puso. Kung ito ay tumutukoy sa pisikal na puso, paano ngang mabubuhay ang isang tao kung walang sakdal o kompletong puso? Halimbawa, maaari bang mabuhay ang sinuman kung kalahati lamang ang puso? Tulad ng isang espesyalista ngayon sa puso, sinasaliksik ba ni Jehova ang pisikal na puso para hanapin ang mga diperensiya niyaon? Kung tungkol sa hilig ng kaisipan, mayroon bang mga kaisipan ang ating puso? Ayon sa mga ilang reperensiya sa Bibliya waring gayon nga, na tumutukoy sa ‘hilig ng kaisipan ng puso.’ (Genesis 6:5; 1 Cronica 29:18) Sinusuri bang mainam ni Jehova ang ating pisikal na puso upang makilala niya ang laman ng ating isip? Anong ngang talaga ang ibig sabihin ng ‘paglilingkod sa kaniya nang may sakdal na puso’?
2. Anong mga paniwala tungkol sa puso ang taglay ng sinaunang mga taga-Ehipto, taga-Babilonya, at ng pilosopong Griego na si Aristotle?
2 Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay naniniwala na ang pisikal na puso ang sentro ng talino at ng mga emosyon. Kanilang iniisip din na ito’y may sariling kalooban. Ayon sa mga taga-Babilonya nasa puso raw ang kapuwa talino at ang pag-ibig. Ang turo ng pilosopong Griego na si Aristotle ay na ito raw ang sentro ng mga sentido at kinaroroonan ng kaluluwa. Ngunit habang lumalakad ang panahon at lumalago ang kaalaman, iniwaksi na ang ganitong mga paniwala. Sa wakas ay nakilala ang puso ayon sa kung ano nga ito, isang nagbubomba ng dugo para sa sirkulasyon sa buong katawan.
3. Anong mga katotohanan ang nagpapatunay na ang puso ay kagila-gilalas?
3 Oo, unang-una nga na ito ay isang tagapagbomba, subalit anong kagila-gilalas na bomba nga, patuloy na pinaaandar nito ang dugo na nagpapaandar sa buhay tuwing segundo ng ating buhay! Ang puso ng tao ay malaki-laki lamang sa isang kamao, may bigat na wala pang isang libra, at pumipintig ng 100,000 beses isang araw, at nagbubomba ito ng dugo ng buhay sa katawan sa 60,000-milyang sistemang cardiovascular—mga 2,000 galon araw-araw ang naibubomba, milyun-milyong galon sa tanang buhay ng isa.a Ang nagpapapintig sa puso ay isang kumpol ng mga selula na bumubuo ng pacemaker nito, nagpapaandar ng elektrikal na mga impulso at dito depende ang bilis ng pintig ng puso. Walang kalamnan sa katawan na nagtatrabaho nang mas mabigat, mas matagal, panay-panay, sa loob ng maraming mga taon, kaysa sa puso. Pagka dumanas ng emosyonal na kaigtingan o ng mabigat na pag-eehersisyo makalimang beses ang tindi ng pagtatrabaho nito. Alisin ang puso sa dibdib at ito ay magpapatuloy na pumintig pa rin ng sandali. Maging ang mga selula man na pinutol sa puso, sa ilalim ng kaaya-ayang mga kalagayan, ay patuloy na pipintig. Ang utak lamang ang nangangailangan ng higit na pagkain at oksiheno kaysa sa puso.
4, 5. (a) Sang-ayon sa Kasulatan ano ang mga katangian ng puso? (b) Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, anong mga emosyon at motibo ang taglay ng puso?
4 Sa Salita ng Diyos ang puso ay tinutukoy nang halos isang libong beses. Ang ilan sa mga pagtukoy na ito ay tungkol sa literal na puso. Ang mga ilan ay tumutukoy sa sentro o gitna ng isang bagay, tulad baga ng “sa puso [pusod] ng dagat” at “sa puso [kailaliman] ng lupa.” (Ezekiel 27:25-27; Mateo 12:40) Subalit, sa halos isang libong iba pang mga reperensiya ang puso ay ginagamit sa makasagisag na kahulugan. Sa Theological Dictionary of the New Testament ni Kittel ay nakatala ang maraming mga teksto sa ilalim ng “puso” para sa bawat isa sa sumusunod na mga paulo: “Sa puso naroroon ang mga damdamin at emosyon, hangarin at silakbo ng damdamin.” “Ang puso ang sentro ng kaunawaan, ang pinagmumulan ng kaisipan at pagmumunimuni.” “Ang puso ang sentro ng kalooban, ang pinagmumulan ng pasiya.” “Kaya ang puso ang pinakamataas na kaisa-isang sentro na sinusuri ng Diyos, at dito nag-uugat ang buhay relihiyoso, na nagpapasiya kung ano ang susunding moral na asal.”
5 Ang emosyon at motibo ay narito sa makasagisag na puso. Sang-ayon sa maraming teksto, ang puso ay sumasaya, nalulungkot, napapasa-kadiliman, kaliwanagan, kawalang-pag-asa, pagtitiwala, panghihina, pagmamatigas. Ito’y maaaring magsiklab ng galit o matunaw sa pagkatakot, maging mapagmataas at palalo o maamo at mapagpakumbaba, umibig nang marubdob o mapuspos ng pagkapoot, maging dalisay at malinis o magkasala ng pangangalunya. Ito ay nahihilig sa masama, ngunit maaari tayong itulak nito na gumawa ng mabuti.
Huwag Maging Salawahan ni Mapagpaimbabaw
6, 7. (a) Anong uri ng mga tao ang kinapootan ng salmista, at ang kalagayang ito ay ipinakikita ng mga halimbawa ng anong pagkilos ng mga tao sa Isarel at sa Juda? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na ang salawahang paglilingkod kay Jehova ay hindi niya tinatanggap?
6 Ang literal na puso ay kailangang maging buo upang umandar, ngunit ang makasagisag na puso ay maaaring mahati. Ang salmista, na maliwanag ngang isang taong kinalulugdan ng Diyos, ay kinasihang sumulat: “Ang mga salawahan ay aking kinapopootan.” (Awit 119:113) Kabilang sa mga ito yaong mga Israelita na hinamon ni Elias, na ang sabi: “Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang nagkakaibang isipan? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sundin ninyo siya; ngunit kung si Baal, sundin ninyo siya.” (1 Hari 18:21) Palibhasa’y salawahan, sila’y ‘nag-alinlangan sa pagitan ng dalawang nagkakaibang isipan.’
7 Gayundin, pagkatapos nang bahagyang bumalik kay Jehova ang Juda, nasusulat: “Gayunman, ang bayan ay naghahandog pa rin ng hain sa matataas na dako; kaya lamang ay kay Jehova na kanilang Diyos.” (2 Cronica 33:17) Bagaman nagdadalawang-loob, sila’y nag-aangkin na sumasamba kay Jehova ngunit ayon sa di-nararapat na paraan at ginagawa nila iyon sa mga lugar na dating pinagsasambahan nila kay Baal. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon.” (Mateo 6:24) Noong mga kaarawang iyon ang mga alipin ay tulad ng kapirasong ari-arian. Sila’y nakahandang tawagin ng kanilang panginoon 24 oras maghapon. Ang kanilang panahon ay hindi maaaring hatiin para sa dalawang panginoon—kalahati para sa isa at yaong kalahati para sa isa naman. Ang punto ni Jesus ay ito: walang dalawang-loob na paglilingkod kay Jehova!
8. Sa makasagisag na pananalita, paanong ang isang tao ay maaaring magkaroon ng dalawang puso, at anong mga teksto ang nagpapahiwatig nito?
8 Iisa lamang ang literal na puso ng bawat tao, ngunit, sa makasagisag na pananalita, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng dalawang puso. Ang gayong mga tao ang tinutukoy ni David, na ang sabi: “Sa pamamagitan ng madulas na labi sila’y patuloy na nangungusap nang may dobleng puso [“nang may isang puso at isang puso,” Ref. Bi., talababa].” (Awit 12:2) Ang isang puso ay para ipagparangalan sa madla, yaong isa naman ay lihim na nakikipagsabwatan para sa mapag-imbot na pakinabang. Ang doble-cara, dalawahang-pusong pagkataong ito ang inilalarawan sa Kasulatan, na: “Sapagkat kung ano ang iniisip ng isa sa kaniyang kaluluwa, ganoon siya. ‘Kumain ka at uminom,’ ang sasabihin niya sa iyo, ngunit wala roon ang kaniyang puso.” “Bagama’t kaniyang pinagiging magiliw ang kaniyang tinig, huwag mo siyang paniwalaan, sapagkat sa kaniyang puso ay naroon ang pitong kasuklam-suklam na bagay.”—Kawikaan 23:7; 26:25; Awit 28:3.
9. Ano ang nagpapakita na ang mapagpaimbabaw na pagsamba ay umiral noong panahon ni Jeremias at gayundin noong panahon ni Jesus?
9 Ang ganiyang pagpapaimbabaw sa pagsasamahan ng mga tao ay labis na nakalulungkot, ngunit kung diyan inihasik iyan sa pagsamba kay Jehova, ang aanihin diyan ay kasakunaan. “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga kasinungalingan, na nagsasabi: ‘Ang templo ni Jehova, ang templo ni Jehova, sila’y ang templo ni Jehova!’ Dito ay inilalagak ninyo ang inyong tiwala sa mga kasinungalingan—ito’y tunay na hindi pakikinabangan. Gagawa ba kayo ng pagnanakaw, pagpatay at pangangalunya at panunumpa ng kasinungalingan at pagsusunog ng kamangyan kay Baal at paglakad ayon sa mga ibang diyos na hindi ninyo nakilala, at kayo’y paparito at tatayo sa harap ko sa bahay na ito na tinawag sa aking pangalan, at sasabihin ninyo, ‘Tunay na kami’y ililigtas,’ sa kabila ng paggawa ninyo ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ito?” (Jeremias 7:4, 8-10) Tinuligsa ni Jesus ang gayong pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo, na ang sabi: “Kayong mga mapagpaimbabaw, tama ang pagkahula sa inyo ni Isaias, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.’”—Mateo 15:7, 8.
10, 11. Saan tumitingin si Jehova at si Kristo Jesus sa paghatol sa isang tao, at bakit?
10 Sa liwanag ng lahat ng ito ay maliwanag kung bakit sinabi ni Jehova kay Samuel: “Ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sa gayon, pagka si Jehova ang sumusuri sa isang tao, yaon ay hindi salig sa pang-ibabaw na ebidensiya; kaniyang sinasaliksik ang taong iyon hanggang sa kaloob-looban. Ipinakilala ni Kristo Jesus ang puso bilang ang nagtutulak na motibo sa likod ng ating iniaasal, maging iyon man ay mabuti o masama: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng kabutihan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang masamang tao ay naglalabas ng kasamaan sa kaniyang masamang kayamanan; sapagkat sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang kaniyang bibig.” At, “Sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa di-katotohanan, pamumusong.”—Lucas 6:45; Mateo 15:19.
11 Si Kristo Jesus, na pinagkatiwalaan na humatol, ay tumitingin sa kung saan tumitingin si Jehova: “Ako ang sumasaliksik ng mga bato [“pinakamatitinding emosyon,” Ref. Bi., talababa] at mga puso, at bibigyan ko kayo ayon sa inyu-inyong mga gawa.” (Apocalipsis 2:23) Kaya nga, “higit sa anupaman na kailangang pag-ingatan, ingatan ninyo ang inyong puso, sapagkat binubukalan ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
12. Bakit ang pagiging buong-puso sa paglilingkod kay Jehova ay humihingi ng puspusang pagsisikap natin?
12 Ang ating pagsamba kay Jehova ay kailangan na hindi salawahan ni mapagpaimbabaw man, kundi buong puso. Kailangan dito ang puspusang pagsisikap natin. Bakit nga? Sapagkat ang puso ay magdaraya at maaaring makadaya nang husto. Nakapangingilabot kung paanong napakahusay ito na ipangatuwiran ang mga kasamaan na nakakaakit sa ating makasalanang laman. Bagaman linlangin tayo nito, at ikubli sa atin ang ating tunay na mga motibo, gayunman ay si Jehova ang nakakakita kung ano nga ito. Kaniyang ipinaaalaala sa atin ito, na nagsasabi: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito? Ako, si Jehova, ang sumasaliksik ng puso, sumisiyasat sa mga bato, upang ibigay sa bawat tao ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga gawain.”—Jeremias 17:9, 10.
Pagtatamo ng Sakdal na Puso
13. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga ibang relihiyonista noong kaniyang kaarawan, at dahilan sa gayong paggawi, ano ang resulta para sa kanila?
13 Tungkol sa mga relihiyonista noong kaniyang kaarawan, sinabi ni Jesus: “Ang puso ng bayang ito ay kumapal, at ang kanilang mga pandinig ay nakinig nang may pagkayamot, at kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; upang huwag nang makakita pa ang kanilang mga mata at makarinig ang kanilang mga tainga at makaunawa ang kanilang mga puso at mangagbalik-loob, at sila’y aking pagalingin.” (Mateo 13:15) Dahilan sa dati na nilang mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, naging sarado ang kanilang mga mata at tainga at pinatigas nila ang kanilang mga puso upang huwag pasukin ng turo ni Jesus. Palibhasa’y tinanggihan nila ang saway, hindi sila nagkaroon ng isang puso na tama ang motibo: “Siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng puso [“nagtatamo ng mabuting motibo,” Ref. Bi., talababa].” (Kawikaan 15:32) Sila’y nag-aangkin na sumasamba sa Diyos, ngunit ginagawa nila ang kanilang “katuwiran” upang makita ng mga tao.—Mateo 6:1, 2, 5, 16.
14. Anong mga halimbawa ang nagpapakita kung paanong ang katotohanan ay pumapasok upang manatili sa atin?
14 Lalong mainam ang maging katulad ni Haring Jehosaphat ng Judea na ‘inihanda ang kaniyang puso upang hanapin ang tunay na Diyos.’ (2 Cronica 19:3) Ang pinakamagaling na paghahanda sa ating paghahanap sa Diyos ay ang taos-pusong panalangin. Nang siya’y nasa kadalamhatian si Ana ay buong taimtim na nanalangin kay Jehova, “siya’y nagsasalita sa kaniyang puso.” Ang kaniyang panalangin ay sinagot. Kailangan din na makinig. Ang ina ni Jesus ay nakinig: “Lahat ng mga salitang ito ay maingat na iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso.” Siya’y “nanghinuha sa kaniyang puso ng mga bagay-bagay,” at siya’y naging isang tapat na alagad ni Jesus. Tinutulungan ni Jehova ang taimtim na naghahanap. Ang may-takot sa Diyos na si Lydia ay nakinig kay Pablo, “at binuksan ni Jehova ang kaniyang puso upang makinig sa mga bagay na sinalita ni Pablo.” Siya’y nabautismuhan. (1 Samuel 1:12, 13; Lucas 2:19, 51; Gawa 16:14, 15) Sa tuwina’y ang makasagisag na puso—ang mga damdamin, emosyon, mabubuting motibo—ang nagbibigay-daan sa katotohanan upang makapasok at manatili sa isang tao.
15. Upang magtamo ng sakdal na puso, kailangang handa tayong gawin ang ano?
15 Upang matamo ang isang sakdal na puso, kailangang handa tayo na itabi ang dati na nating mga paniniwala, at hayaang ang Diyos ang masumpungang totoo kahit na iginigiba nito ang iba nating paboritong mga kuru-kuro o minamahalagang mga turo. (Roma 3:4) Ang mapag-imbot na mga motibo ay kailangang iwaksi natin upang ang ating mga puso ay tumanggap sa kalooban at mga daan ni Jehova. Noong una’y isinulat ni Jehova sa bato ang kaniyang mga kautusan, subalit nang bandang huli sa mga puso na ng tao isinulat niya ang mga kautusan. Si apostol Pablo ay sumulat din sa mga puso. At ikaw man ay “makasusulat [kagandahang-loob at katotohanan] sa tapyas ng iyong puso.”—Kawikaan 3:3; Hebreo 10:16; 2 Corinto 3:3.
16. Anong mga tanong ang nagdiriin sa mga hakbang na kailangang gawin ng isa upang magkaroon ng sakdal na puso kay Jehova?
16 Ang iyo bang puso ay karapat-dapat na sulatan ng mga simulain at alituntunin ni Jehova? Iyo bang lilinisin iyon upang maalis ang mga dating paniwala para mapasukan ng kinasihang katotohanan? Pagkatapos ay patuloy ka bang mag-aaral, babaguhin ang iyong isip, upang mahubad ang dating pagkatao, at magbihis ng bagong pagkatao na hinubog sa wangis ng Diyos? Gagawin mo ba ang iyong buong kaya upang maging isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na ginagamit sa tamang paraan ang salitang katotohanan?—Roma 12:2; Colosas 3:9, 10; 2 Timoteo 2:15.
Upang Mapanatili ang Sakdal na Puso
17. Paanong pinayuhan ni David ang kaniyang anak na si Solomon, at ano ang dahilan ng kabiguan ni Solomon na sundin ang payo?
17 Sinabi ni David kay Solomon: “At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang may sakdal na puso at may nalulugod na kaluluwa; sapagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan.” Sa simula ay naglingkod si Solomon nang may sakdal na puso, subalit habang lumilipas ang mga taon, hindi siya nanatili roon: “At nangyari noong panahon na matanda na si Solomon ang kaniyang mga asawa ang naghilig ng kaniyang puso na sumunod sa mga ibang diyos; at ang kaniyang puso ay hindi nagpatunay na sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos gaya ng puso ni David na kaniyang ama.”—1 Cronica 28:9; 1 Hari 11:4.
18, 19. (a) Anu-anong paraan ang gagamitin ni Satanas upang ikaw ay hindi manatiling may sakdal na puso? (b) Kung ang lalong mga tusong pagsisikap na ito ni Satanas ay mabigo, paano niya babaguhin ang kaniyang mga pamamaraan?
18 Ikaw ba’y magtatagumpay kung saan nabigo si Solomon? Yamang inialay mo na ang sarili mo bilang isang sumasaksi kay Jehova, pagkatapos iwaksi ang lahat ng pagsasalawahan o pagpapaimbabaw sa iyong pagsamba, yamang nasunod mo ang mga salita ni Jesus na “ibigin si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso,” ikaw ba ngayon ay magiging determinado na ang iyong puso ay lubusang italaga sa paglilingkod kay Jehova? (Mateo 22:37) Ito’y hindi gusto ni Satanas, at siya’y isang tusong kaaway. Ang iyong puso ang kaniyang aasintahin. Batid niya ang hilig nito na magkasala, at sisikaping niyang madaig ang iyong puso kung hindi ka magiging mapagbantay. Hindi ba kaniyang ‘inilagay sa puso ni Judas Iscariote na ipagkanulo si Jesus?’ (Juan 13:2) Salapi, materyalismo, libangan, pagmamataas, mga karera sa sanlibutan, mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan, mga pita ng laman—alam niya kung saan tayo madaling tablan at diyan iniaasinta ang kaniyang nagniningas na mga sulugi. Iyo bang papatayin ang lahat na ito sa pamamagitan ng kalasag ng pananampalataya?—Efeso 6:16; 1 Juan 2:15-17.
19 At sakaling hindi umubra ang lahat ng mga pakanang ito ni Satanas, hindi ito dito natatapos. Siya’y nagiging isang leong umuungal na nagsisikap na silain ang tapat na mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng mga mararahas na pang-uumog, pambubugbog, pagbibilanggo, at pati kamatayan. Ngunit sa lahat na ito ay palalakasin ni Jehova yaong may mga pusong sakdal sa kaniya.—Santiago 4:7; 1 Pedro 5:8-10; Apocalipsis 2:10.
20, 21. (a) Anong mga tanong ang maaaring ibangon sa pagsusuri sa literal na puso? (b) Paanong ang katulad na mga tanong ay magagamit upang suriin ang makasagisag na puso?
20 Ang literal na puso ay nangangailangan ng pagsusuri manakanaka. Ang ipinapasok ba rito ay mga kabutihan, sa sapat na dami, sa regular na panahon? Ang pagpintig ba nito ay matatag at matibay o mabagal at mahina? Napananatili ba nito ang wastong presyon ng dugo? Ang ehersisyo bang kinakailangan nito ay naibibigay rito? (Upang maging malusog ang puso ay kailangang magbomba nang buong lakas sa loob ng mahahabang yugto ng panahon.) Ang pacemaker ba nito ay nag-iiba-iba ng bilis ng pag-andar upang matugunan ang nagbabagong mga pangangailangan? Ito ba’y dumaranas ng kaigtingan ng emosyon kung kaya’t sumasa-ilalim ng mabigat na pasanin?
21 Kung ang pisikal na puso ay nangangailangan ng pagsusuri, di lalo pa ang makasagisag na puso! Si Jehova ang sumusuri nito; tayo man ay dapat na gumawa nito. Ito ba’y may sapat na dami ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng regular na sarilinang pag-aaral at pagdalo sa mga pulong? (Awit 1:1, 2; Kawikaan 15:28; Hebreo 10:24, 25) Ang taglay ba nitong mga damdamin at matitinding emosyon ay pumupukaw sa atin sa masigasig na paglilingkod sa larangan—kung minsan marahil ay itinutulak pa tayo na puspusang magsumikap upang makapag-auxiliary payunir? (Jeremias 20:9; Lucas 13:24; 1 Corinto 9:16) Kumusta naman ang kapaligiran? Ito ba’y napalilibutan ng iba pang mga puso na nagkakaisa-isa at magkakasindamdamin at motibo?—2 Hari 10:15, 16; Awit 86:11; Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33.
22. Ano ang titiyak ng tagumpay sa ating determinasyon na maglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso?
22 Kung dahil sa iyong pagsusuri ay masasagot mo ng oo ang binanggit na mga tanong, kung gayon ay iniingatan mo ang iyong makasagisag na puso. Ikaw ay magtatagumpay, kasama ng angaw-angaw na iba pang tapat na mga Saksi, sa iyong determinasyon na maglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso. Lahat sila ay binigyan ng ganitong katiyakan: “Ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:7.
[Mga talababa]
a Isang milya = 1.6 kilometro.
Isang galon = 3.8 litro.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang maraming mga katangian na sinasabing taglay ng makasagisag na puso?
◻ Paano natin maiiwasan ang pagiging salawahan o mapagpaimbabaw?
◻ Bakit ang puso ang tinitingnan ni Jehova at ni Kristo Jesus pagka sila’y humahatol?
◻ Paano tayo makapagtatamo at makapagpapanatili ng isang sakdal na puso?
[Larawan sa pahina 17]
Ikaw ba’y may dalawang mukha?
[Mga larawan sa pahina 18]
Si Lydia
Si Jehosaphat
Si Ana
Si Maria