Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 9/1 p. 26-30
  • Inalagaan Akong Mabuti ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inalagaan Akong Mabuti ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maagang Buhay
  • Pagpapatotoo sa mga Kamag-anak
  • Mga Pagpapala sa Kabila ng Pananalansang
  • Higit Pang Patotoo ng Pangangalaga ni Jehova
  • Isang Atas sa Ibang Bansa
  • Higit Pang mga Pribilehiyo sa Paglilingkod​—At Isang Pagsubok
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Kapitan James Cook—Matapang na Manggagalugad ng Pasipiko
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Ko Nadaig ang Aking Mapusok na Ambisyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Nakikita ang Pagkakaisa ng Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 9/1 p. 26-30

Inalagaan Akong Mabuti ni Jehova

AKO’Y nagsimulang maglingkod kay Jehova sa isang di-karaniwang paraan, sa madaling sabi. Lumaki ako sa isang magandang kabukiran sa New Zealand sa malayong hilaga, na kung saan karamihan sa naninirahan ay mga Maori na kagaya ko. Isang araw, samantalang naglalakbay sakay ng kabayo, nilapitan ako sa daan ng aking pinsan na si Ben. Noon ay 1942, taglagas (sa Timugang Hemispiro, tagsibol naman sa Hilagang Hemispiro). Ako’y 27 anyos at noon ay isang aktibong miyembro ng Iglesya ng Inglatera.

Marami nang taon na nagbabasa si Ben ng mga aklat ni Hukom Rutherford, pangulo noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, at ngayon ay hawak niya ang isang liham na galing sa pangunahing tanggapan ng Watch Tower Society sa New Zealand at hinihiling sa kaniya na mag-anyaya ng mga tagaroon upang pumaroon sa isang lugar na kung saan maipagdiriwang nila nang sama-sama ang Hapunan ng Panginoon. At, kailangang isaayos ni Ben na may gumanap ng serbisyo. Tiningala ako, at sinabi ni Ben: “Ikaw ang taong iyon.” Palibhasa’y ipinagmamalaki ko na maituring na kuwalipikado​—at dahil sa ako’y nagkokomunyon sa simbahan​—​ako’y pumayag.

Sa gabi na tinutukoy, mga 40 katao ang nagtipon sa tahanan ni Ben para sa selebrasyon ng anibersaryo ng kamatayan ng ating Panginoon, at wala isa man sa kanila ang isang Saksi ni Jehova. Pagdating ko ay iniabot sa akin ng aking pinsan ang balangkas ng pahayag. Tinanggal ko na ang iminungkahing awit at tinawagan ko ang bayaw ni Ben upang magsimula sa pamamagitan ng panalangin. Pagkatapos ay humayo na nga ako ng pagpapahayag buhat sa balangkas na materyal, na binubuo ng sunud-sunod na mga tanong kasama na ang mga kasagutan batay sa Kasulatan. Isang lokal na klerigo na naroroon ang nagsingit ng mga pagtutol, subalit ang mga ito ay nasagot sa pamamagitan ng pagbasa sa mga talata sa Kasulatan na nasa balangkas.

Naalaala ko na isa sa mga katanungan sa balangkas ay may kaugnayan sa panahon ng isang taon na kailangang ipagdiwang ang kapistahang iyon. Anong laking kasiyahan ang idinulot nang ang lahat ng naroroon ay tumanaw sa bintana at nakita ang kabilugan ng buwan. Maliwanag, ang petsa ay Nisan 14.

Anong pagkaganda-gandang gabi iyon! Ang aming selebrasyon ay tumagal nang apat na oras! Maraming tanong ang ibinangon at sinagot buhat sa Kasulatan sa balangkas ng Samahan. Sa paglingon sa nakaraan, batid ko na hindi ako makaliligtas sa karanasang iyon kung wala ang maibiging pangangalaga ni Jehova​—bagaman noon ay hindi pa ako isa sa kaniyang nag-alay na mga Saksi. Gayunman, nang gabi ng Memoryal noong 1942, natuklasan ko ang aking layunin sa buhay.

Maagang Buhay

Ako’y isinilang noong 1914. Ang aking ama ay namatay mga apat na buwan bago ako isilang, at naaalaala ko na bilang isang bata ay kinaiinggitan ko ang ibang mga anak na may mga amang nagmamahal sa kanila. Malaking kawalan iyan sa akin. Para sa aking ina ang pamumuhay na walang asawa ay isang mahirap na pagpupunyagi, na lalo pang pinahirap ng pangmatagalang mga epekto ng Digmaang Pandaigdig I.

Bilang isang kabataan, naging asawa ko ang isang dalagang nagngangalang Agnes Cope, at siya ang naging kapareha ko sa buhay sa mahigit na 58 taon. Sa pasimula ay nagpunyagi kaming mag-asawa upang magtagumpay sa buhay. Bigo ako bilang magsasaka dahilan sa matinding tagtuyot. Ako’y nakatagpo ng bahagyang kaginhawahan sa isports, subalit hanggang sa karanasan sa Memoryal noong 1942, wala akong tunay na layunin sa buhay.

Pagpapatotoo sa mga Kamag-anak

Pagkatapos ng Memoryal na iyon, nag-aral na ako ng Bibliya nang may kataimtiman, nakipagtalakayan ako sa ilan sa aking mga pinsan tungkol sa literatura sa Bibliya na lathala ng Watch Tower Society. Noong Setyembre 1943 may ilang Saksi ni Jehova na galing sa ibang lugar ang naparito upang dalawin ang aming nabubukod na komunidad. Kami’y nagkaroon ng isang matinding talakayan nang apat na oras. Pagkatapos, nang aming mapag-alaman na sila’y aalis kinabukasan, ako’y nagtanong: “Ano ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo ngayon?” Dalawa sa aking mga pinsan at ako ay inilubog sa tubig sa ganap na ala-una y medya ng umaga.

Pagkatapos, ako’y naglakbay nang malawakan upang magpatotoo sa aking mga kamag-anak. Ang iba ay tumanggap, at dito ay ibinatay ko ang aking mga tinalakay sa Mateo kabanata 24. Ang iba naman ay hindi tumanggap, at sa kanila ay ginamit ko ang mga salita ni Jesus sa mga Fariseo na nasusulat sa Mateo kabanata 23. Gayunman, sa katagalan ay natuto akong maging lalong mataktika, bilang pagtulad sa ating mabait at mapagmahal na Ama sa langit.​—Mateo 5:43-45.

Sa pasimula ay sinalungat ng aking maybahay ang paghahangad ko na maglingkod kay Jehova. Datapuwat, hindi nagtagal ay sumama siya sa akin, at noong Disyembre 1943 siya’y naging isang nag-alay, bautismadong kabiyak. Kasama niyang nagpabautismo sa di-malilimot na araw na iyon ang lima pa buhat sa aming bayan ng Waima, kaya lahat-lahat ang mga mamamahayag ng Kaharian sa bayang iyon ay siyam.

Mga Pagpapala sa Kabila ng Pananalansang

Noong 1944 muli kaming dinalaw ng mga kapatid buhat sa ibang lugar, at ngayon ay nagbigay sila ng kinakailangang pagsasanay sa pormalang ministeryo sa pagbabahay-bahay. Samantalang kami’y lalong napapansin sa komunidad, lalo namang lumaki ang pananalansang buhat sa mga kinatawan ng Sangkakristiyanuhan. (Juan 15:20) May paulit-ulit na komprontasyon sa lokal na mga klerigo, na nagbubunga ng mahahabang diskusyon sa doktrina. Subalit si Jehova ang nagbigay ng tagumpay, at ang ibang miyembro ng komunidad, kasali na ang aking kapatid na babae, ay sumailalim sa maibiging pangangalaga ni Jehova.

Isang kongregasyon ang itinatag sa Waima noong Hunyo 1944. Lumago ang relihiyosong pag-uusig at pagkapoot. Ang mga Saksi ni Jehova ay pinagkaitan na mailibing sa lokal na sementeryo. Kung minsan ay nagiging marahas ang pananalansang. Nagkaroon ng mararahas na komprontasyon. Ang aking kotse at ang garaheng pinagsisilungan niyaon ay sinunog na lubusan. Gayunman, sa pagpapala ni Jehova, sa loob ng wala pang tatlong buwan, kami’y nakabili ng isang trak. At gumamit ako ng isang kariton na hila ng kabayo upang madala sa mga pulong ang aking lumalaking pamilya.

Ang dumaraming bilang ng mga kasama ay nangangahulugan na kailangang-kailangan namin ang isang mas malaking lugar na pagpupulungan, kaya minabuti namin na magtayo ng isang Kingdom Hall sa Waima. Ito ang unang Kingdom Hall na itinayo sa New Zealand. Apat na buwan pagkatapos na putulin ang unang mga punungkahoy noong Disyembre 1, 1949, isang magkasamang asamblea at pag-aalay ang ginanap sa bagong bulwagan na may 260 upuan. Sa mga araw na iyon ay isang lubhang malaking tagumpay iyon, sa tulong ni Jehova.

Higit Pang Patotoo ng Pangangalaga ni Jehova

Yamang ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian sa New Zealand sa dulong hilaga ay patuloy na lumago, ang dumadalaw na mga tagapangasiwang naglalakbay ay nagbigay ng pampatibay-loob na maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Bilang tugon, noong 1956, ang aking pamilya ay inilipat ko sa Pukekohe, nasa gawing timog lamang ng Auckland. Kami’y naglingkod doon nang may 13 taon.​—Ihambing ang Gawa 16:9.

Dalawang halimbawa ng pangangalaga ni Jehova sa panahong ito ang hindi mapawi sa aking alaala. Samantalang ako noon ay empleyado ng konseho ng county bilang isang tsuper ng trak at aparatista, ako’y inanyayahan na mag-aral sa apat na linggong kurso sa Paaralan ng Ministeryo sa Kaharian sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Auckland. Ako’y humingi ng apat na linggong bakasyon para rito, at ang sabi ng punong inhinyero: “Oo. Sana lahat ng tao’y katulad mo. Pagbabalik mo, makipagkita ka sa akin sa aking opisina.” Nang bumisita ako sa kaniyang opisina pagkatapos, tinanggap ko ang aking suweldo para sa apat na linggong ako’y bakasyon. Sa gayon ang materyal na pangangailangan ng aking pamilya ay natustusan.​—Mateo 6:33.

Iyan ang unang halimbawa. Ang ikalawa ay pagkatapos na kaming mag-asawa ay pumasok sa pagreregular pioneer noong 1968. Muli, kami’y umasang si Jehova ang tutustos sa amin, at kaniyang ginantimpalaan nga kami. Isang umaga pagkaalmusal, ang aking maybahay ay nagbukas ng refrigerator at walang natagpuang anuman kundi kalahating libra ng mantikilya. “Sarn,” sabi niya, “wala na tayong makakain. Tayo ba’y lalabas pa rin sa paglilingkod ngayon?” Ang tugon ko? “Oo!”

Sa unang nakausap namin, tinanggap ng maybahay ang literatura na inialok namin at may kabaitang binigyan kami ng ilang dosenang itlog bilang donasyon. Ang ikalawang dinalaw namin ay nagregalo sa amin ng mga gulay​—kumaras (kamote), cauliflower, at karot. Ang iba pang mga pagkain na dala naming pauwi nang araw na iyon ay karne at mantikilya. Natupad sa amin ang mga salita ni Jesus: “Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik o gumagapas o nagtitipon sa mga bangan; gayunman ay pinakakain sila ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi ba lalong higit ang halaga ninyo kaysa kanila?”​—Mateo 6:26.

Isang Atas sa Ibang Bansa

Rarotonga sa Cook Islands! Ito ang aming atas bilang special pioneer noong 1970. Ito ang magiging tahanan namin sa susunod na apat na taon. Ang unang hamon dito ay pagkatuto ng isang bagong wika. Gayunman, dahilan sa mga pagkakahawig ng Maori ng New Zealand at ng Maori ng Cook Island, ako’y nakapagbigay ng aking unang pahayag pangmadla limang linggo pagkatapos na kami’y dumating.

Sa Cook Islands, kakaunti ang mga mamamahayag ng Kaharian, at wala kaming lugar na mapagpulungan. Muli na naman, bilang sagot sa panalangin, inilaan ni Jehova ang aming mga pangangailangan. Ang isang nagkataong pakikipag-usap sa isang may tindahan ang umakay upang kami’y makaupa ng isang angkop na lote, at hindi naglipat taon ay mayroon na kaming isang munting tahanan at isang Kingdom Hall na may makauupong 140. Mula noon ay tumanggap kami ng sunud-sunod na pagpapala, sa ikapupuri ni Jehova.

Ang lalong higit na pinasalamatan ko ay ang ipinakitang kagandahang-loob ng mga tagaroon sa isla. Malimit, samantalang nasa ministeryo, kami’y inaalok ng nakarerepreskong inumin​—na angkop na angkop sa mainit, maalinsangang klima. Malimit na madaratnan na namin sa bahay ang mga saging, papaya, mangga, at mga dalanghita na iniwan sa may pintuan ng isang di-nagpakilala.

Noong 1971 kaming mag-asawa, kasama ng tatlo pang mamamahayag buhat sa Rarotonga, ay naglakbay sa isla ng Aitutaki, na tanyag sa kaniyang magandang lawa. Nakasumpong kami ng mga mangingibig sa Salita ng Diyos sa gitna ng mga taong mapagpatuloy at kami’y nakapagpasimula ng apat na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na aming ipinagpatuloy sa pamamagitan ng mga sulat nang kami’y bumalik na sa Rarotonga. Nang dumating ang panahon ang mga estudyanteng iyon sa Aitutaki ay nabautismuhan, at isang kongregasyon ang naitatag. Noong 1978 ang ikalawang Kingdom Hall sa Cook Islands ay itinayo roon. Patuloy namang pinalago ni Jehova ang mga bagay bilang tugon sa aming pagtatanim at pagdidilig.​—1 Corinto 3:6, 7.

Ako’y nagkapribilehiyo na dumalaw sa sampung isla sa grupo ng Cook Islands, malimit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Sa isang biyahe sa barko sa Atiu, 180 kilometro ang layo, ay kinailangan ang higit sa anim na araw dahilan sa malalakas na hangin at maunos na karagatan. (Ihambing ang 2 Corinto 11:26.) Bagaman limitado ang mga pagkain at marami sa palibot ko ang nalulula, ako’y napasasalamat sa pangangalaga sa akin ni Jehova, na anupat ligtas na nakarating sa aking pupuntahan.

Noong 1974 kami ay hindi binigyan ng permiso na makapamalagi sa Cook Islands kaya kinailangan na bumalik kami sa New Zealand. Noon ay may tatlong kongregasyon sa isla.

Higit Pang mga Pribilehiyo sa Paglilingkod​—At Isang Pagsubok

Pagkabalik ko sa New Zealand, may nabuksang mga bagong pinto ng pagkakataon. (1 Corinto 16:9) Ang Samahan ay nangailangan ng isang magsasalin ng Ang Bantayan at ng iba pang literatura sa Bibliya sa Maori ng Cook Island. Sa akin ibinigay ang pribilehiyo, at hanggang sa kasalukuyan ay taglay ko pa rin. Pagkatapos ay nagkapribilehiyo ako na dumalaw nang regular sa aking mga kapatid sa Cook Islands, una bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, pagkatapos bilang isang pansamantalang tagapangasiwa ng distrito.

Sa isa sa mga pagdalaw na ito, si Brother Alex Napa, isang special pioneer buhat sa Rarotonga, ang sumama sa akin sa 23-araw na biyahe sa dagat na nagdala sa amin sa Manahiki, Rakahanga, at Penrhyn​—mga isla sa hilagang Cooks. Sa bawat isla, pinukaw ni Jehova ang puso ng mapagpatuloy na mga tagaroon upang patuluyin kami sa kanila at tumanggap ng maraming literatura sa Bibliya. (Ihambing ang Gawa 16:15.) Sa mga islang ito, may saganang perlas buhat sa talaba, at malimit na mga perlas ang ibinibigay ng mga tao bilang abuloy para sa gastos ng pambuong-daigdig na pangangaral. Kaya, yamang kami’y nagbigay ng espirituwal na mga perlas, kami naman ay tumanggap ng ilang literal na mga perlas.​—Ihambing ang Mateo 13:45, 46.

Anong ganda ng nabubukod na panig na iyon ng daigdig! Gunigunihin mo ang pagkalalaking pating na lumalangoy na mapayapa kasama ng mga bata sa isang lawa! Anong gandang panoorin ang kalangitan kung gabi! Anong pagkatotoo nga ang pananalita ng salmista: “Sa araw-araw umaawas ang pangungusap, sa gabi-gabi’y nagtatanghal ng karunungan.”​—Awit 19:2.

At, siyam na taon ang lumipas, sumapit ang isang tunay na pagsubok sa katapatan. Ang aking maybahay ay napaospital dahilan sa isang pagdurugo sa utak. Kailangan ang operasyon, ngunit tumanggi ang doktor na umopera kung hindi gagamit ng dugo. Hindi namin maatim na mag-asawa na sumang-ayon sa isang paraan na lalabag sa kautusan ng Diyos. Subalit ang budhi ng siruhano ay nagdikta na bawat paraang posibleng gamitin, kasali na ang dugo, ay kailangang gamitin upang mailigtas ang buhay.

Patuloy na lumubha ang sakit ng aking maybahay, at siya’y inilagay sa isang intensive care ward, at limitado ang makadadalaw. Siya’y namingi dahilan sa presyon sa pinaka-salamin ng tainga. Iyon ay nagdulot ng isang malubhang kalagayan. Pagkatapos ng pagdalaw ng isang doktor sumunod siya sa akin hanggang sa kotse ko, iginigiit na ang tanging pag-asa ng aking maybahay ay ang operasyon na ginagamitan ng dugo at namanhik sa akin na pumayag na ako. Subalit, kami ng aking maybahay ay nagtiwala kay Jehova​—kahit na kung ang pagsunod sa kaniyang batas ay magbubunga ng pagkawala ng ilang taon sa kasalukuyang buhay na ito.

Biglang-bigla, nagkaroon ng kapuna-punang pagbuti sa kalagayan ng aking maybahay. Isang araw ay dumating ako na siya ay nakauupo na sa higaan at nagbabasa. Nang sumunod na mga araw ay nagsimula na siyang magpatotoo sa mga pasyente at sa mga nars. At ipinatawag ako sa opisina ng siruhano. “Ginoong Wharerau,” aniya, “ikaw ay talagang isang taong masuwerte! Kami’y naniniwala na ang sakit ng iyong maybahay ay magaling na.” Di-inaasahan, matatag na ang presyon ng kaniyang dugo. Magkasama kami ng aking maybahay na nagpasalamat kay Jehova at muling pinatibay namin ang aming determinasyon na gawin ang lahat ng magagawa sa paglilingkuran sa kaniya.

Ngayon ay muli akong naatasang maglingkod sa Cook Islands at minsan pa’y naglilingkod na naman ako rito sa Rarotonga. Anong pinagpalang pribilehiyo! Sa paglingon sa nakalipas kaming mag-asawa’y napasasalamat sa pangangalaga ni Jehova sa loob nang halos limampung taon ng paglilingkuran sa kaniya. Sa materyal, hindi nangyari na kami’y nawalan ng mga panustos sa buhay. Sa espirituwal naman, napakarami ang mga pagpapala upang isa-isahin. Ang isang kapuna-puna ay ang dami ng aking mga kamag-anak na tumanggap sa katotohanan. Ang nabibilang ko’y mahigit na 200 na ngayo’y bautismado nang mga Saksi ni Jehova, kasali ang 65 tunay na mga inapo. Isang apo ang miyembro ng pamilyang Bethel sa New Zealand, samantalang isang anak na babae kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki ang nagtatrabaho sa konstruksiyon sa mga sangay.​—3 Juan 4.

Sa pagtanaw sa hinaharap, pinakananasa kong matupad ang pag-asang mabuhay sa isang paraiso na kung saan, sa buong lupa, ang kagandahan ay hihigit pa kaysa kagandahan ng luntiang libis na aking sinilangan. Anong laking pribilehiyo ang salubungin ang aking ina at ama sa pagkabuhay-muli at balitaan sila tungkol sa pantubos, sa Kaharian, at lahat ng iba pang patotoo ng pangangalaga ni Jehova.

Ang aking determinasyon, na pinatitibay ng pagkaalam na pinangangalagaan ako ng Diyos, ay gaya ng sinabi ng salmista sa Awit 104:33: “Aawit ako kay Jehova habang ako’y nabubuhay; ako’y aawit ng papuri sa aking Diyos samantalang ako ay may buhay.”​—Inilahad ni Sarn Wharerau.

[Larawan sa pahina 28]

Ang unang Kingdom Hall na itinayo sa New Zealand, 1950

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share