Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 12/8 p. 14-15
  • Dinalaw ba ng Tatlong Hari si Jesus sa Betlehem?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dinalaw ba ng Tatlong Hari si Jesus sa Betlehem?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Hari ba Sila?
  • Tatlo ba Sila?
  • Isang Popular Ngunit Di-Tumpak na Kuwento
  • Isang Kapanganakang Hindi Malilimutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Ang Tatlong Mago—Katotohanan ba o Katha-katha?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Sino ang “Tatlong Pantas na Lalaki”? Sinundan Ba Nila ang “Bituin” ng Betlehem?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 12/8 p. 14-15

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dinalaw ba ng Tatlong Hari si Jesus sa Betlehem?

PAGKATAPOS isilang si Jesus, ang mga kilalang tao mula sa Silangan ay dumating sa Betlehem upang magbigay-galang sa kaniya bilang hari ng mga Judio. Hanggang sa ngayon, maraming tao sa buong daigdig na nagdiriwang ng Pasko ang gumugunita sa pagdalaw na iyon.

Ang mga tao sa ilang lugar ay nagtatayo ng mga Belen na naglalarawan sa mga panauhin buhat sa Silangan bilang tatlong hari na lumalapit sa bagong-silang na si Jesus nang may mga kaloob. Sa ibang lupain, nagpaparada ang mga bata sa palibot ng kanilang pamayanan habang nakasuot ng mga kostiyum ng “mga Banal na Hari.” Kahit pagkalipas ng 20 siglo, naaalaala pa rin ng mga tao sa lahat ng dako ang di-karaniwang mga panauhing iyon. Sino nga ba talaga sila?

Mga Hari ba Sila?

Ang makasaysayang ulat ng pangyayaring ito ay masusumpungan sa aklat ng Mateo sa Bibliya. Doon ay mababasa natin: “Pagkaraang maisilang si Jesus . . . isang araw ay dumating sa Jerusalem ang mga astrologo mula sa silangan na nagtatanong, ‘Nasaan ang bagong-silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang kaniyang bituin sa pagsikat nito at pumarito kami upang magbigay-galang sa kaniya.’” (Mateo 2:1, 2, New American Bible) Bakit tinawag ng salin na ito ng Bibliya ang mga panauhin buhat sa silangan bilang mga astrologo at hindi mga hari?

Ginamit ng kasulatang ito ang pangmaramihang anyo ng salitang Griego na maʹgos. Isinalin ito ng iba’t ibang salin ng Bibliya bilang “pantas na mga lalaki,” “mga astrologo,” o “mga tagapagmasid ng mga bituin,” o basta binabaybay ito bilang “mga Mago.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga nagbibigay ng payo at humuhula batay sa posisyon ng mga bituin at ng mga planeta. Samakatuwid ay ipinakikilala ng Bibliya na ang mga panauhin sa Betlehem ay mga manghuhula, na gumagamit ng mga pamamaraan ng okultismo na di-sinasang-ayunan ng Diyos.​—Deuteronomio 18:10-12.

Sila ba’y mga hari rin? Kung mga hari sila, makatuwiran lamang na asahan na ipakikilala sila ng Bibliya na gayon. Ang Mateo 2:1-12 ay apat na beses na gumamit ng salitang “hari,” isa na tumukoy kay Jesus at tatlong beses naman kay Herodes. Ngunit ni minsan ay hindi nito tinawag na mga hari ang mga Mago. Hinggil sa puntong ito, ganito ang sabi ng The Catholic Encyclopedia: “Walang Ama ng Simbahan ang naniniwala na ang mga Mago ay mga hari.” Kahit ang Bibliya man.

Tatlo ba Sila?

Ang bilang ng mga Mago ay hindi binanggit sa ulat ng Bibliya. Gayunman, ang mga Belen at mga awiting Pamasko ay nagtataguyod ng karaniwang pinanghahawakang tradisyon na tatlo sila. Maliwanag na ito ay nagmula sa bagay na may tatlong uri ng kaloob. Hinggil dito, sinasabi ng Bibliya: “Binuksan din nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog ito [kay Jesus] na kasama ng mga kaloob, ginto at olibano at mira.”​—Mateo 2:11.

Makatuwiran bang ipasiya na yamang ang mga Mago ay nagbigay ng tatlong iba’t ibang kaloob ay tiyak na tatlo nga ang mga Mago? Isaalang-alang natin ang isa pang kilalang panauhin sa Israel. Minsan ay dumalaw ang reyna ng Sheba kay Haring Solomon at naghandog sa kaniya ng “langis ng balsamo at napakaraming ginto at mahahalagang bato.” (1 Hari 10:2) Bagaman tatlong iba’t ibang uri ng kaloob ang binanggit, ang tanging tao na binanggit na nagbigay ng mga ito ay ang reyna ng Sheba. Ang bilang ng kaniyang mga regalo ay hindi nagpapahiwatig na tatlong tao ang lumapit kay Solomon nang pagkakataong iyon. Gayundin naman, ang tatlong kaloob na ibinigay kay Jesus ay walang kaugnayan sa bilang ng mga tao na nagdala ng mga ito.

Ganito ang sabi ng The Catholic Encyclopedia: “Hindi binanggit sa salaysay ng Ebanghelyo ang bilang ng mga Mago, at walang espesipikong tradisyon hinggil sa bagay na ito. Ang ilang Ama ay bumabanggit tungkol sa tatlong Mago; malamang na malamang na naimpluwensiyahan sila ng bilang ng mga kaloob.” Sinabi pa nito na ipinakikita ng iba’t ibang gawang-sining na dalawa, tatlo, apat, at walo pa nga ang dumalaw kay Jesus. Pabor ang ilang tradisyon hanggang sa 12. Talagang walang paraan upang matiyak ang bilang ng mga Mago.

Isang Popular Ngunit Di-Tumpak na Kuwento

Salungat sa popular na paniniwala, ang mga Mago ay unang dumating, hindi sa Betlehem, kundi sa Jerusalem, pagkatapos isilang si Jesus. Wala sila roon nang ipanganak si Jesus. Nang dakong huli, nang magtungo sila sa Betlehem, sinasabi ng Bibliya na “nang pumaroon sila sa loob ng bahay ay nakita nila ang bata.” (Mateo 2:1, 11) Kaya, maliwanag na nang dalawin ng mga Mago si Jesus, ang kaniyang pamilya ay nakalipat na sa isang karaniwang tirahan. Hindi nila siya natagpuang nakahiga sa isang sabsaban.

Sa liwanag ng Kasulatan, ang popular na kuwento tungkol sa tatlong hari na nagpaparangal kay Jesus sa panahon ng kaniyang pagsilang ay hindi tumpak. Gaya ng binanggit sa itaas, itinuturo ng Bibliya na ang mga Mago na dumalaw kay Jesus ay hindi mga hari kundi mga astrologo na nagsasagawa ng okultismo. Hindi sinasabi ng ulat ng Kasulatan kung gaano sila karami. Gayundin, hindi sila dumalaw kay Jesus sa panahon ng kaniyang pagsilang, nang siya ay inilagay sa isang sabsaban, kundi, sa halip, pagkaraan niyaon, nang ang kaniyang pamilya ay naninirahan na sa isang bahay.

Ang popular na salaysay tungkol sa tatlong hari at sa ibang tradisyonal na mga kuwento tungkol sa Pasko, bagaman di-tumpak ayon sa Kasulatan, ay karaniwan nang itinuturing na mga di-nakapipinsalang mga kuwento ng kapistahan. Gayunman, mataas ang pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa isang anyo ng pagsamba na malaya mula sa kabulaanan. Ganito ang nadama mismo ni Jesus. Sa pananalangin sa kaniyang Ama, minsan ay sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sinabi niya na “ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.”​—Juan 4:23.

[Larawan sa pahina 15]

“Pagsamba sa mga Mago”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share