Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 20-23
  • Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Natataranta?
  • Ang mga Ugat ng Pagkataranta
  • Magagamot ba Ito?
  • Isang Espirituwal na Problema?
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Pinahihirapan ng Phobia
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 20-23

Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta

May kaginhawahang nakaupo si Robert sa kaniyang opisina. Walang anu-ano, tumibok nang mabilis ang kaniyang puso. Bigla siyang napaupo nang tuwid habang ang kaniyang noo ay namawis nang husto. Tiyak ni Robert na siya’y inaatake sa puso! Tumawag siya sa telepono. “May nangyayaring hindi maganda sa akin,” sabi niya na may pangangapos ng hininga. “Para bang ako’y mawawalan ng ulirat!”

ITO ang kauna-unahang karanasan ni Robert na sinumpong ng pagkataranta. Nakalulungkot, hindi ito ang huli. Ang gayunding pakiramdam di-nagtagal ang sumaklot sa kaniya sa isang restawran at sa isang shopping mall. Ang pagkataranta ay naganap na muli nang siya’y dumalaw sa kaniyang mga kaibigan. Hindi nagtagal, ang tanging “ligtas” na lugar para kay Robert ay ang tahanan. Unti-unti, siya’y nanlumo. “Naisip ko pa ngang magpakamatay,” ang inamin niya.

Pagkalipas ng anim na buwan nasumpungan ni Robert sa isang artikulo sa pahayagan ang tungkol sa mga sumpong ng pagkataranta at agoraphobia (di-normal na takot sa pagtawid o sa pampublikong mga lugar). Ang nalaman niya ay nagligtas ng kaniyang buhay.

Bakit Natataranta?

Ang pagkataranta ay normal na pagtugon ng katawan sa panganib. Isip-isipin ang iyong sarili na naglalakad patawid sa haywey. Bigla mong napansin ang isang rumaragasang kotse na patungo sa iyo. Ang biglang pisikal at kemikal na mga pagbabago sa iyong katawan ang nagpapangyari sa iyo na tumakbo nang mabilis sa ligtas na lugar.

Subalit ngayon isip-isipin ang gayunding pakiramdam ng pagkataranta nang walang dahilan. Ganito ang sabi ni Dr. R. Reid Wilson: “Ang mga sumpong ng pagkataranta ay lumalabas kapag dinadaya ng pagkataranta ang utak na mag-isip na may napipintong panganib. Gunigunihin mo ang iyong sarili, nakatayo sa daanan ng isang groseri, na walang nakakabanggang sinuman. Klik. Naiswits ang Emergency. ‘Handa! Handa ang lahat ng sistema para sa gera!’”

Ang mga nakaranas lamang ng gayong sumpong ang lubusang makauunawa ng katindihan nito. Ito’y inilalarawan ng magasing American Health bilang “bugso ng adrenalin na nagpapaalerto sa buong katawan mo sa loob ng limang minuto o ng isang oras o ng isang araw at pagkatapos ay mabilis at nakapagtatakang nawawala gaya kung paano ito lumitaw, nagpapangyaring manlupaypay ka, mahapo at matakot sa susunod na pagsumpong.”

Ang mga Ugat ng Pagkataranta

Ang mga sumpong ng pagkataranta ay karaniwang nagsisimula sa maagang yugto ng pagiging nasa hustong gulang at nakaaapekto nang higit sa kababaihan kaysa kalalakihan. Ano ang sanhi nito? Walang maliwanag na kasagutan. Sinasabi ng iba na ang mga pinahihirapan ay madaling magkaroon sa biolohikal na paraan dahil sa abnormalidad ng limbic system sa utak. Inaakala ng marami na ang kalagayang ito ay maaaring manahin, samantala sinasabi ng iba na ang kemistri ng utak ay nahahalinhan ng mga salik na pumupukaw ng kaigtingan.

Sa ilang kalagayan ang mga pagsumpong ay nalilikha ng mga alaala ng mapait na mga karanasan, gaya ng digmaan, panghahalay, o pag-abuso sa bata. Isiniwalat ng isang surbey na ang porsiyento ng mga biktima ng insesto na may sakit ng pagkataranta ay 13 ulit na mas mataas kaysa pangkalahatang populasyon. Tunay nga, bagaman ang mga sumpong ng pagkataranta at iba pang mga sintomas ay tunay na problema mismo, ito’y maaari ring maging gaya ng tinatawag ng manunulat na si E. Sue Blume na “mga rayos na ang insesto ang nasa pinakasentro.”

Mangyari pa, hindi lahat ng mga sumpong ng pagkataranta ay likha ng mapapait na karanasan. Subalit nagbababala si Dr. Wayne Kritsberg na kapag gayon ang kalagayan, “ang paggamot sa pangalawahing mga resulta ng pag-abuso​—sa halip na gamutin ang pinagmulan ng mapait na karanasan​—ay hindi makalulutas nang permanente sa suliranin. Ito’y magiging gaya ng pag-inom ng gamot sa ubo upang lunasan ang sakit na pulmunya.”

Magagamot ba Ito?

Ang mga sumpong ng pagkataranta ay maaaring masupil. Marami na nagkulong na lamang sa bahay dahil sa takot na sumpungin ang natulungan ng exposure therapy. Sa paggamot na ito ang pasyente ay inihahantad sa kalagayan na kinatatakutan niya at tinutulungan na manatili roon hanggang sa mabawasan ang pagkataranta. Yaong mga may sakit sa puso, hika, peptic ulcer, colitis (pamamaga ng kolon), o katulad na mga karamdaman ay dapat na magpatingin sa doktor bago sumubok sa paggamot na ito.

Ang mga pamamaraan sa pagrerelaks ay maaari ring gawin upang mapabawa ang natitipong kaigtingan.a Ang ilan sa mga ito ay tinalakay sa kasamang kahon na “Mga Kakayahang Pampakalma.” Subalit huwag nang hintayin pa ang pagsimula ng sumpong. Ang mga kakayahang ito ay pinakamabuting gawin sa mga panahong di-gaanong maigting. Kapag napaghusay ito, maaari nitong mabawasan o maiwasan pa nga ang susunod na mga pagsumpong.

Ang pagkataranta ay karaniwan na sa mga taong mapaghanap ng kasakdalan at may mababang pagpapahalaga sa sarili. “Samantalang ako’y inaatake ng pagkabalisa, nilipos ni G. Negatibo ang buhay ko,” sabi ng isang nakaranas nito. “Sinabi ko sa sarili ko na dahil sa ako’y nababalisa, mababa ang tingin ko sa sarili ko kaysa iba sa gayo’y hindi ako kaayaaya.” Ang pagsalunga sa gayong saloobin ay makababawas sa kabalisahan na umaakay sa pagkataranta.b

Napakahalaga rin na ipagtapat ang mga kabalisahan sa isang pinagtitiwalaang kaibigan. Ang pakikipag-usap tungkol dito ay nakatutulong sa taong pinahihirapan na makilala ang mga problema na dapat pagtiisan mula sa mga problema na maaaring malutas. Hindi rin dapat kaligtaan ang panalangin. Ganito ang sabi ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasan kay Jehova, at kaniyang aalalayan ka. Hindi niya titiising makilos kailanman ang matuwid.”

Sa halip na iisa, gabundok na problema, kalimitan nang ang natitipong maliliit, waring walang-kabuluhang mga kabagabagan ang siyang lumilikha ng pagkataranta​—katulad na katulad din sa pagsasaksak ng napakaraming indibiduwal na de kuryenteng kagamitan sa iisang linya ay maaaring makapagpasabog sa fuse. Ang isang solusyon ay isulat ang bawat problema sa isang index card at ayusin ang mga ito ayon sa pinakasimpleng problema hanggang sa pinakamahirap na problema. Lutasin ito nang isa-isa. Ang pagsusulat ng mga bagay na nakababagabag sa iyo ay makapagpapabago sa kalikasan ng mga ito mula sa mga bagay na iyong kinatatakutan at iniiwasan hanggang sa kung ano ang iyong maaaring harapin at lutasin.

Ang iba ay natulungan ng iniresetang mga pampakalma o mga antidepressant. Gayunman, kailangang mag-ingat. “Sa palagay ko’y hindi lamang gamot ang sagot,” sabi ng tagapayong si Melvin Green. “Dapat itong gamitin bilang isang suhay samantalang hinahanap ang kasagutan. . . . Maaaring pahintulutan ka ng mga gamot na higit na makakilos, at makapagbibigay iyan sa iyo ng pagkakataon na hanapin ang iba pang tulong upang mapakitunguhan ang mga sanhi ng agoraphobia at mapagsikapang gumaling muli.”

Isang Espirituwal na Problema?

“Akala ko ang mga Kristiyano ay hindi dapat makaranas ng mga sumpong ng kabalisahan,” sabi ni Brenda, “sapagkat sinabi ni Jesus na ‘huwag kailanman mabalisa.’ Ipinalagay ko na hindi ako gaanong nagtitiwala sa Diyos.” Subalit, ang konteksto ng mga sinabi ni Jesus sa Mateo 6:34 ay nagpapakita na hindi niya tinatalakay ang tungkol sa mga sakit ng pagkataranta. Sa halip, idiniriin niya ang panganib ng labis na pagiging nababahala sa materyal na mga pangangailangan kaysa espirituwal na mga bagay.

Oo, maging ang mga taong inuuna ang espirituwal na mga kapakanan ay maaaring makaranas ng sakit na ito, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan ng isang kapatid na babae mula sa Finland.

“Kami ng partner ko, kapuwa mga Saksi ni Jehova, ay nangangaral sa bahay-bahay. Walang anu-ano, nahilo ako. Nablangko ang isip ko. Waring walang totoong bagay, at natakot ako na baka ako’y bumagsak. Sa sumunod na pinto, lubusang nawala na ako sa pakikipag-usap.

“Ang nakatatakot na karanasang ito ay naganap noong 1970. Iyon ang una sa sunud-sunod na kakaibang atake na nagpahirap sa akin sa sumunod na dalawampung taon. Paulit-ulit, nalilito ako, hindi ako makapag-isip nang maliwanag. Nahihilo ako, at mabilis ang tibok ng puso ko. Nabubulol ako sa pagsasalita o nalilimutan ko ang lahat ng ito.

“Ako’y isang kabataan, malakas, at maligayang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Gustung-gusto ko ang pagtulong sa iba na maunawaan ang Bibliya! Subalit ang mga pagsumpong na ito ang laging nagpapahirap sa akin. Iniisip-isip ko, ‘Ano kaya ang nangyayari sa akin?’ Nasuri ng isang neurologo na ang kalagayan ko ay temporal epilepsy. Nang sumunod na sampung taon, uminom ako ng gamot na inireseta niya. Iniisip ko pa rin kung bakit hindi ito gaanong mabisa. Tinanggap ko ang aking kalagayan na isang bagay na kailangan ko na lamang pagtiisan.

“Pagkalipas ng ilang panahon natanto ko na ang aking sakit ay hindi epilepsiya, at ang inireseta sa akin ay hindi mabisa. Kahit na ang rutinang paglalakad ay napakahirap na gawain. Takot na takot akong may makasalubong sa aking daraanan. Kailangan ko ang buong lakas ko upang makadalo sa Kristiyanong mga pulong. Kalimitang nakaupo ako na nagpapawis at nahihilo na ang aking mga kamay ay nakalagay sa aking sentido, mabilis na tumitibok ang aking puso, at blangko ang aking isip. Kung minsan ang buong katawan ko ay nanginginig at pinupulikat. Minsan akala ko’y mamamatay na ako.

“Ang aking ministeryo ang nakatulong sa akin, bagaman para bang isang himala na naipagpatuloy ko ito. Ang pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya kung minsan ay napakahirap anupat kailangang saluhin ito ng aking kasama. Totoo, ang ating pangangaral ay isang pagsisikap ng magkasama, at sa dakong huli ang Diyos ang nagpapalago rito. (1 Corinto 3:6, 7) Ang tulad-tupa na mga tao ay nakikinig at tumutugon sa kabila ng mga limitasyon ng isang nagtuturo.

“Isang araw noong Marso 1991, ipinakita sa akin ng aking mister ang isang buklet tungkol sa sakit ng pagkataranta. Ang mga sintomas na inilarawan ay katulad na katulad ng sa akin! Nagbasa pa ako ng higit tungkol sa paksang ito, dumalo sa mga lektyur, at nakipagkita sa isang espesyalista. Pagkalipas ng dalawampung taon, sa wakas ay nakilala ko na ang aking sakit. Ako’y patungo na sa paggaling!

“Ang karamihan ng mga may sakit ng pagkataranta ay matutulungan ng tamang paggamot. Ang mga kaibigan ay makatutulong nang malaki kapag sila ay madamayin. Sa halip na pabigatan ang isang taong nagdurusa, matatanto ng isang maunawaing kasama na hindi naman sinasadya ng taong may sakit ng pagkataranta ang hindi pakikihalubilo sa iba.​—Ihambing ang 1 Tesalonica 5:14.

“Habang ginugunita ko ang nakaraang 20 taon, ako’y nagpapasalamat na sa kabila niyaon nakapanatili ako sa buong-panahong ministeryo. Ito’y naging isang pagpapala na sulit pagpunyagian. Gayundin naman, natanto ko, gaya ni Epafrodito, kailangang iwan ng iba ang kanilang mga pribilehiyo ng paglilingkuran dahil sa mahinang kalusugan. Hindi nabibigo si Jehova sa mga taong gaya nila. Hindi siya umaasa ng higit kaysa makatuwirang maibibigay ng isang tao.

“Ang pamumuhay na may gayong sakit ay nagturo sa akin na hindi ko dapat seryosohing mabuti ang aking sarili. Ginawa nito na ako’y maging madamayin sa iba na may mga limitasyon. Higit sa lahat, natulungan ako nito na higit na maging malapit kay Jehova. Sa buong panahon ng pagdurusa ko ay paulit-ulit na nakita ko na siya’y isang tunay na pinagmumulan ng lakas at kaaliwan.”

[Mga talababa]

a Iniiwasan ng mga Kristiyano ang mga pamamaraan na nagsasangkot ng hipnotismo o hipnotismo sa sarili. Gayunman, may mga visual at pagbubulay-bulay na ehersisyo na maliwanag na hindi nagsasangkot ng pagbabakante ng isip o pagsusuko nito sa pagsupil ng ibang tao. Kung baga tatanggapin ang mga paggamot na ito ay isang personal na pagpapasiya.​—Galacia 6:5.

b Para sa impormasyon tungkol sa pagsalunga sa negatibong kaisipan, tingnan ang Gumising!, Oktubre 8, 1992, pahina 3-9, at Oktubre 22, 1987, pahina 7-16.

[Kahon sa pahina 22]

Mga Kakayahang Pampakalma

Kalmadong paghinga. Ang mga sumpong ng pagkataranta ay kalimitang may kasamang mabilis na paghinga (hyperventilation). Upang marelaks ang iyong paghinga, subukin ang ehersisyong ito: Dumapa ka. Bumilang ka ng anim habang humihinga ka nang paloob; bumilang ka ng anim habang humihinga ka nang palabas. Susunod, gawin ang gayunding malalim na paghinga habang ikaw ay nakaupo. Pagkatapos, gawin ito nang nakatayo. Huminga nang malalim mula sa diaphragm, at gawin ito araw-araw hanggang sa maging natural na lamang ito. Ang ilan ay nakikinabang sa pamamagitan ng pag-iisip ng magagandang kapaligiran habang ginagawa ang ehersisyong ito.

Kalmadong pag-iisip. ‘Paano kung bumulagta ako?’ ‘Paano kung walang tumulong sa akin doon?’ ‘Paano kung huminto ng pagtibok ang puso ko?’ Ang mapaminsalang kaisipan ay humihimok ng pagkataranta. Yamang ang mga kaisipang ito ay karaniwang mga kasakunaan sa hinaharap o nakaraang mga sumpong, sikaping magtuon ng pansin sa kasalukuyang situwasyon. “Ang pagtutuon ng isip sa kasalukuyan ay kagyat na nakapagpapakalma,” sabi ni Dr. Alan Goldstein. Iminumungkahi ng iba ang pagsusuot ng lastiko sa iyong galanggalangan. Kapag sumagi ang mapaminsalang mga kaisipan, higitin ito at sabihin sa iyong sarili: “Hinto!” Hadlangan ang kabalisahan bago pa man ito magkaroon ng pagkakataon na sumidhi patungo sa pagkataranta.

Kalmadong reaksiyon. Kapag sinumpong ka ng pagkataranta, huwag itong labanan. Ito’y isang pakiramdam lamang, at hindi ka pipinsalain ng pakiramdam. Gunigunihin ang iyong sarili na nasa karagatan na nagmamasid sa mga alon. Ang mga ito’y tumataas, umaabot sa sukdulang taas, at pagkatapos ay naglalaho. Gayundin ang daloy ng pagkataranta. Sa halip na labanan ang alon nito, sumabay ka rito. Ito’y maglalaho. Kapag humupa na ito, huwag labis na gumawa ng reaksiyon o labis na mag-analisa. Wala na ito, gaya ng bahin o sakit ng ulo.

Ang pagkataranta ay gaya ng isang maton. Galitin mo siya, at susugurin ka niya; huwag mo siyang galitin, at maaaring lumayo siya. Ipinaliliwanag ni Dr. R. Reid Wilson na ang mga kakayahang pampakalma “ay hindi nilayon upang mas mahusay mong ‘malabanan’ o ‘maalis’ ang pagkataranta sa pagkakataong iyon. Sa halip, ituring ang mga ito na mga pamamaraan ng pagpapalipas ng panahon samantalang sinusubok kang galitin ng pagkataranta.”

[Kahon sa pahina 23]

“Agoraphobia,” Takot sa Pagkatakot

Marami sa pinahihirapan ng mga sumpong ng pagkataranta ay nagkaroon ng agoraphobia. Bagaman ito’y binigyang-kahulugan bilang pagkatakot sa pampublikong mga lugar, ang agoraphobia ay mas angkop na taguriang takot sa pagkatakot. Ang mga taong may agoraphobia ay takót na mataranta anupat iniiwasan nila ang lahat ng lugar kung saan naganap noon ang mga sumpong ng pagkataranta. Hindi nagtagal, iisang lugar lamang ang nananatiling “ligtas”​—karaniwan nang ang tahanan.

“Gunigunihin mo na lumabas ka ng bahay,” sabi ng manunulat na si Melvin Green. “Walang anu-ano, mula sa kung saan, lumitaw ang pinakamalaking tao na kailanma’y nakita mo. Siya’y may baseball bat at, walang kadahi-dahilan, ay hinampas ka sa ulo. Nagulantang kang bumalik sa bahay, hindi makapaniwala sa nangyari. Nang bumuti-buti ang iyong pakiramdam, sumilip ka sa pinto at waring normal naman ang lahat ng bagay. Naglakad ka nang muli. Kapagdaka’y naroroon na naman siya, at pagkatapos ay hinampas ka na naman. Bumalik ka sa bahay kung saan ligtas ka. Sumilip ka sa pinto sa likuran . . . Naroroon siya. Sumilip ka sa bintana . . . Naroroon siya. Batid mo na kung aalis ka sa ligtas na kalagayan sa tahanan mo, mahahampas kang muli. Ang tanong: Aalis ka pa ba ng bahay?”

Inihahalintulad ng maraming may agoraphobia ang kanilang nadama sa ilustrasyon na iyan at nadarama nila na ang kanilang kalagayan ay walang pag-asa. Subalit si Dr. Alan Goldstein ay nagbibigay ng ganitong katiyakan: “Hindi ka naiiba, hindi ka nag-iisa. . . . Maaari mong matulungan ang iyong sarili.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share