Ikaw ba’y Naghahanap ng Natatagong Kayamanan?
“Di-sana-nararapat na awa at kapayapaan ang nawa ay sumagana sa inyo sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon.”—2 PEDRO 1:2.
1, 2. Sa anong mga dahilan mahalaga at magastos ang ginto?
BAKIT napakamahal ng ginto? Ito’y isa lamang malambot na metal, gayunman ang halaga nito ay umaabot sa daan-daang dolyar por onsa. Totoo, ito’y nahuhubog at ang resulta’y isang magandang hiyas na singsing o isang pulseras. (1 Timoteo 2:9; Santiago 2:2) Gayunman, kung ikaw ay naligaw sa isang disyerto, na mamamatay na ng gutom at uhaw, iyon ay hindi mo makakain o maiinom. Sa ganiyang kalagayan ang isang pan de unan o isang plato ng kanin na may kasamang maiinom na tubig ay makapupong higit ang halaga kaysa ginto.
2 Kung gayon, bakit napakataas ang pagpapahalaga sa ginto? Unang-una, ito ay bihira at mahirap na makuha. Halimbawa, nang ang Empire na minahang ginto sa hilagang California ay magsara noong 1957 dahilan sa hindi na nakikinabang iyon, ang mga minero ay gumagawa ng patindig na hukay na mahigit na 1,500 metro subalit sila’y kinailangang bumaba nang hanggang tatlong kilometro na pahilig ang lalim upang marating ang ginto. Hanggang sa puntong iyan, ang mataas na halaga ng ginto ang dahilan kung bakit sulit ang napakalaking pagsisikap na patuloy na manaliksik para hanapin iyon.
3. Anong kayamanan ang maaaring hanapin natin?
3 Tayo, kung gayon, ay maaaring maghukay para makatagpo ng isang bagay na lalong higit na mahalaga kaysa ginto. Ano ba iyon? Ang pantas na si Haring Solomon ay nagbigay ng sagot mga 3,000 taon na ngayon ang lumipas: “Kung hihingi ka ng unawa at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng kaunawaan, kung hahanapin mo ito na parang pilak, at patuloy na sasaliksikin mo ang paghanap dito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” Gunigunihin lamang ang walang kabuluhang mga tao na nakasusumpong ng “mismong kaalaman sa Diyos”!—Kawikaan 2:3-5.a
Kung Bakit Lahat ay Nangangailangan ng Tumpak na Kaalaman
4. Ano ang dapat makasali sa tumpak na kaalaman ng isang Kristiyano?
4 Buhat noong panahon ni Kristo, ang mahalagang kaalamang iyan ay pinalawak upang makasali ang higit pa kaysa kaalaman na ibinigay sa tapat na Hebreong mga lalaki at mga babae noong una. Gaya ng pagkasabi ni Pablo: “Upang ipagkaloob sa inyo ng Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pagkakilala sa tumpak na kaalaman sa kaniya; yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kaniyang pagkatawag sa inyo, kung ano ang maluwalhating kayamanan na kaniyang pamana sa mga banal.”—Efeso 1:17, 18.
5. Bakit kailangan ng mga pinahiran na palaging pasulungin ang kanilang kaalaman sa kalooban ng Diyos?
5 Noong lumipas na panahong iyon, ito ay tuwirang payo para sa banal na pinahirang mga kapatid ni Kristo at hanggang ngayon ay kapit pa rin. Bilang ang pangalawang bahagi ng “binhi” na ipinangako, sila’y pantanging inaasinta ni Satanas upang maipahamak sa espirituwalidad. (Galacia 3:26-29; Efeso 6:11, 12) Ang mga pinahiran, lalung-lalo na, ang kailangang gumawa upang mailagay sa katiyakan ang pagkatawag sa kanila sa pamamagitan ng hindi pagpapabaya sa walang-bayad na kaloob ng di-na-sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos. Kaya naman, sila’y kailangang patuloy na magpatibay ng kanilang espirituwal na kayamanan sa pamamagitan ng pagpapasulong ng kanilang tumpak na kaalaman sa kalooban at Salita ng Diyos.—Efeso 3:7; Hebreo 6:4-6; 2 Pedro 1:9-12.
6. (a) Bakit lahat tayo ay nangangailangan ng tumpak na kaalaman, makalangit man o makalupa ang ating pag-asa? (b) Ano ang kinakailangan upang magkamit ng tumpak na kaalaman?
6 Kumusta naman yaong mga taong ang pag-asa’y buhay na walang-hanggan sa lupa? Bakit ang tumpak na kaalaman ay kailangan nila? Sapagkat walang mga gradu-grado ang katapatang Kristiyano, na para bagang may isang lalong mataas na pamantayan para sa pinahiran, na may makalangit na pag-asa, kaysa mga ibang tupa, na may makalupang pag-asa. (Juan 10:16; 2 Pedro 3:13) Ang mga simulaing Kristiyano ay kumakapit na pantay-pantay sa lahat. Kaya naman, lahat tayo ay kinakailangang regular na pakargahan ng tumpak na kaalaman ang ating espirituwal na mga baterya. Subalit panahon at pagpapagal ang kinakailangan. Tayo’y kailangang magsagawa ng espirituwal na paghuhukay, tulad ng ginagawa sa natatagong mga kayamanan.—Awit 105:4, 5.
Sinasamantala ang Panahon Upang Maghukay
7. (a) Ano ang mga suliranin na maaaring makahadlang sa ating pagkakamit ng tumpak na kaalaman? (b) Ano ang maaaring maging bunga ng espirituwal na kapabayaan?
7 Karamihan ng tao sa ngayon ay abalang-abala sa buhay, at bilang mga Kristiyano tayo ay waring lalong abala kaysa karamihan dahil sa ating mga iskedyul para sa mga pulong tungkol sa Bibliya, paglilingkod sa larangan, paghahanap-buhay, pagtatrabaho sa bahay, pag-aaral sa paaralan, at iba pa. Gayunman, kung papaano tayo nag-iiskedyul ng panahon bawat araw upang kumain, ganoon din na kailangang magtabi tayo ng panahon upang mabigyan ng kaukulang pagkain ang ating isip at ang ating espirituwalidad. Hindi isang walang-saysay na pangungusap ang binigkas ni Jesus nang kaniyang sipiin ang Deuteronomio 8:3: “Nasusulat, ‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’” (Mateo 4:4) Kung ating pababayaan ang ating espirituwalidad, ating pinababayaan ang ating espirituwal na mga kayamanan at ang ating pag-asa sa hinaharap. Kung magkagayon ay baka tayo’y magsimulang madulas at maging mabuway. Kaya’t papaano tayo makagagawa ng panahon para sa regular na sarilinang pag-aaral ng Bibliya?
8. Anong payo ng Kasulatan ang ibinibigay sa atin bilang wastong pangmalas sa sarilinang pag-aaral?
8 Ang mga salita ni apostol Pablo ay angkop na angkop: “Mag-ingat nga kayong lubos kung papaano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagkawalang-katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” Ating mauunawaan ang kalooban ni Jehova tangi lamang kung tayo’y magbibigay-pansin sa kaniyang Salita sa pamamagitan ng ating sarilinang pag-aaral. At iyan ay nangangahulugan na kailangang ating ‘samantalahin ang panahon ng pagkakataon’ o ‘gamitin sa pinakamagaling na paraan ang ating panahon.’—Efeso 5:15-17; Phillips.
9. Saan maaaring maubos ang ating panahon na maaaring samantalahin para magamit sa sarilinang pag-aaral? Magbigay ng sariling mga karanasan.
9 Kung ating susuriin ang ating hindi naman mahalagang mga aktibidades sa bawat araw, saan-saan ba natin ginagamit ang karamihan ng ating libreng panahon? Sa harap ba ng telebisyon? Ang mapanggayumang kagamitang iyan ay makapagnanakaw sa ating buhay ng mula sa dalawa hanggang limang oras gabi-gabi! Ilang oras bawat araw ang personal na ginagamit mo sa panonood ng telebisyon? Kalimitan, ang panooring palabas, sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa karahasan at sekso, ay napakababa ng uri. At malimit ito ay dinisenyo na pumukaw sa “pita ng laman at pita ng mga mata at mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (1 Juan 2:15-17) Gayunman, marami ang walang lakas ng loob na sarhan ang telebisyon. Oo, ang modernong imbensiyong ito ay maaaring makaubos ng ating pinakamahalagang ari-arian, ang panahon.
10. Bakit lubhang mahalaga sa ngayon na gamitin natin ang ating panahon nang may katalinuhan?
10 Kung ating tatapatin ang ating sarili, ating kikilalanin na kadalasan ay maaaring makabawi tayo ng panahon para sa kailangang mga aktibidades na gaya ng pag-aaral ng Bibliya. Ang sarilinang pag-aaral ng Bibliya na umaakay tungo sa tumpak na kaalaman ay kinakailangan para sa isang Kristiyano sa maselan na mga panahong ito. Subalit, sa mahigit na 41,000 mga natiwalag noong nakaraang taon, maliwanag na maraming mga kapatid ang nagpabaya sa kanilang espirituwalidad. Ang pagsasakbat at pananatiling may sakbat ng “hustong kagayakang baluti buhat sa Diyos” ay hindi isang gawang kung kailan magustuhan lamang. Gaya sa kaso ng isang kawal na may sakbat na literal na baluti, ito ay isang gawaing pang-araw-araw.—Efeso 6:10-18; Roma 1:28-32; 2 Timoteo 3:1.
11. Anong halimbawa ang ipinakikita ng pamilyang Bethel sa pagiging organisado para sa pampamilyang pag-aaral?
11 Sa buong daigdig ang mahigit na 9,000 mga miyembro ng 95 mga pamilyang Bethel sa mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society ay may kanilang pampamilyang pag-aaral tuwing Lunes ng gabi. Kanilang pinag-aaralan Ang Bantayan bilang paghahanda sa pulong sa dulo ng sanlinggo, at sa maraming okasyon sila ay mayroon ding isang lecture o panayam sa Bibliya o isang sesyon ng pag-aaral para sa mga bagong miyembro ng pamilya. Oo, sa buong daigdig Lunes ng gabi idinaraos ang pampamilyang pag-aaral sa Bethel. Kailan ba ang inyong personal o pampamilyang pag-aaral?—Hebreo 10:24, 25.
Mga Kagamitan at Kung Papaano Gagamitin ang mga Ito
12. Ano ang ilan sa litaw na mga katangian ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References para magamit sa pag-aaral?
12 Kung papaanong ang isang minero ay may kagamitan para sa kaniyang trabaho, tayo man ay may mga kagamitan din para sa paghuhukay sa minahang ginto ng Salita ng Diyos. Halimbawa, nariyan ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References. Sa kasalukuyan ito ay inilalathala sa Olandes, Ingles, Pranses, Aleman, Italyano, Hapones, Portuges, at Kastila. Samakatuwid, karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay may nagagamit na kahanga-hangang kagamitan para sa pagkuha ng tumpak na kaalaman sa tunay na Diyos. Narito sa edisyong ito ng Bibliya ang libu-libong panggilid na mga reperensiya at napakaraming mga talababa. Ito’y mayroon ding 36-pahinang apendise na may detalyadong impormasyon tungkol sa sarisaring mahalagang mga tanong sa Bibliya.b
13. Anong interesanteng mga katotohanan ang inihaharap tungkol sa paggamit ng “knowledge” (kaalaman) at “accurate knowledge” (tumpak na kaalaman) sa Kasulatang Hebreo at sa Kasulatang Griego?
13 Sa likod, ang Reference Bible ay may listahan ng mga pangunahing “Bible Words Indexed.” Papaano natin magagamit iyan? Kung inyong titingnan sa inyong kopya ang pananalitang “accurate knowledge” (tumpak na kaalaman), makikita ninyo ang sampung teksto na nakatala roon. Subalit wala sa mga ito ang nasa Kasulatang Hebreo. Ibig bang sabihin na sa Kasulatang Hebreo ay hindi itinatampok ang pangangailangan para sa gayong kaalaman? Hindi. Sapagkat sa ilalim ng salitang “knowledge” (kaalaman), may 24 na reperensiya, kasali na ang 18 buhat sa Kasulatang Hebreo. Gayunman, ang wikang Hebreo ay walang isang pantanging salita para sa “accurate knowledge” (tumpak na kaalaman). Kaya, gaya ng makikita ninyo buhat sa mga reperensiya, kung minsan ay itinatampok nito ang pangangailangan na higit pa kaysa pangkalahatang kaalaman sa pamamagitan ng pag-uugnay ng salitang “knowledge” (kaalaman) sa mga salitang gaya ng “discernment” (kaunawaan) at “insight” (matalinong unawa) o pagtukoy sa kaalaman bilang “sagana.”—Daniel 1:4; 12:4; Jeremias 3:15.
14. Ano ang interesanteng mga itinatampok sa ilalim ng “knowledge” (kaalaman) sa Insight on the Scriptures?
14 Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, ang Griego ng Bibliya ay nagbibigay ng isang pinong pagkakaiba ng dalawang uri ng kaalaman. At habang tayo’y naghuhukay ng pagsasaliksik, nais nating maalaman ang higit pa tungkol sa pagkakaiba ng dalawang pananalitang ito pagka ikinakapit sa mga Kristiyano. Bakit nga ba ang kaalaman, gnoʹsis, at tumpak na kaalaman, e·piʹgno·sis, ay kailangan para sa mga Kristiyano? Saan natin makikita ang sagot? Sa ensayklopedia ng Bibliya na Insight on the Scriptures. Anong laking kamalig ng kayamanan ang mga tomong ito ng aklat! Hanapin ang paulong “Knowledge.” Doon ay masusumpungan mo ang isang kumpletong artikulo sa mga terminong ating tinatalakay at sa kaugnay na mga atributong karunungan, unawa, kaunawaan, at kakayahang umisip. At ating natuklasan ang lahat ng ganitong “ginto,” ganitong impormasyon, sa pamamagitan lamang ng paggamit ng ilang mga pantulong na aralin sa Bibliya! Subalit may higit pa.—Awit 19:9, 10.
15. Ano pa ang mga ibang kagamitan sa pagsasaliksik, at papaano magagamit ang mga iyan?
15 Kung ibig mong magsagawa ng isang lalong malawak na pag-aaral ng “knowledge” (kaalaman) at ng kaugnay na mga termino, maaari mong gamitin ang Indexes (mga Indise) ng mga publikasyon ng Watch Tower Society, na mayroon sa mga ilang wika. At gaya ng ating ginawang pagtunton sa tema ng kaalaman, maaari mong sundin ang ganiyan ding paraan para sa daan-daang iba pang mga paksa. Gunigunihin ang saganang-saganang impormasyon sa ilalim ng pangalan ni Jehova! Anong pagkasaga-sagana ng tumpak na kaalaman tungkol sa Soberanong Panginoon ng sansinukob!—Awit 68:19, 20; Gawa 4:24.
16. Ano ang sinasabi ng Kasulatan kung tungkol sa pagsasaliksik?
16 Sa pamamagitan ng mga ito at ng iba pang tulong sa pag-aaral na lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society, anong dami ng magagandang “natatagong kayamanan” ang matutuklasan natin! Ibig mo ba ng “ginto”? Inaakala mo bang iyon ay karapat-dapat pagpaguran? Ikaw ba’y gagawa ng panahon upang hukayin iyon?—Kawikaan 2:1-5.
Sino ang Nangunguna sa Espirituwal na Pagmimina?
17. Ano ang kailangang gawin natin upang makamit ang kaalaman sa Diyos at kay Kristo?
17 Ano ba ang susi sa pagkakamit ng mahalagang kaalamang ito ng Diyos at ni Kristo? Ang motibo—ang pagnanasang magkaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ni Jehova at ng kaniyang Anak at isang hangaring makatanggap ng regalong buhay na walang-hanggan. Ganito ang pagkasabi roon ni Jesus: “Patuloy na humingi, at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap at kayo’y makakasumpong; patuloy na tumuktok, at sa inyo’y bubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang bawat humahanap ay nakakasumpong, at ang bawat tumutuktok ay binubuksan.” Subalit pansinin ang kalagayan. Sinabi ni Jesus, ‘Patuloy na humingi, humanap, at tumuktok.’ Ito’y hindi lamang miminsan na gagawin. Ang paghanap sa kaalaman ay kailangang patu-patuloy.—Mateo 5:6; 7:7, 8.
18. Sa isang pamilya, sino ang dapat manguna sa paghahanap ng tumpak na kaalaman, at bakit?
18 Sa isang pamilyang Kristiyano, sino ang kailangang manguna sa pagsasaliksik para magkamit ng tumpak na kaalaman? Ang sagot ni Pablo: “Kayong mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Oo, ang mga magulang, lalo na ang ama, ang kailangang manguna sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga kayamanan. At iyan ay muling nagpapaalaala sa atin ng pangangailangan ng isang regular na kaayusan na maaasahan ng pamilya at kanilang aasam-asamin.—Efeso 6:4.
19. Papaano magagawang interesante ang mga oras ng pampamilyang pag-aaral? Ano ba ang karanasan ng inyong pamilya?
19 Ang mga oras ng pampamilyang pag-aaral ay magagawang interesante. Halimbawa, kung kayo ay may mga anak, bakit hindi sila papiliin ng isang tema at pagkatapos ay atasan sila na manaliksik sa iba’t ibang lathalain ayon sa kanilang edad at kakayahan. Pagkatapos ng mga kalahating oras, kayo’y magsama-samang muli at tingnan kung ano ang natuklasan ng isa’t isa sa pananaliksik sa iniatas na paksa. Kung may magagamit na concordance, ang isang bata ay maaaring bumilang kung ilang beses ang isang salita’y lumilitaw sa Kasulatang Hebreo at sa Kasulatang Griego. Maaaring ang isang nakatatandang bata ay humanap ng mga ilang hiyas sa mga tomo ng Insight. Alam naman ng mga magulang kung gaanong katagal makapagbibigay ng atensiyon ang kanilang mga anak at dito sa mga bagay na ito dapat ibatay ang sesyon para sa pag-aaral. Ugaliin ang pakikibagay at ang pagpapahalaga. Patibayin-loob ang inyong pamilya sa kanilang espirituwal na pagsasaliksik—at magkaroon ng tamang motibo.
Pagsasaliksik na May Tamang Motibo
20. Anong maling motibo ang dapat iwasan sa ating sarilinang pag-aaral?
20 Ang kahinhinan ay isang katangiang Kristiyano. (Kawikaan 11:2; 1 Timoteo 2:9) Kung gayon, tayo ba’y dapat mag-aral upang ipangalandakan ang ating natutuhan? O tayo ba’y dapat na magbilad sa publiko ng ating kaalaman at marahil ipakitang ang iba’y walang kaalaman? O dapat ba nating ipamalita ang ating sariling mga interpretasyon o mga haka-haka? Ipinayo ni Pablo: “Sapagkat sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa na ibinigay sa atin ay sinasabi ko sa bawat isa riyan sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip ayon sa isang matinong kaisipan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa.”—Roma 12:3.
21, 22. Papaano tayo dapat maapektuhan ng ating tumpak na kaalaman?
21 Ang masigasig na pagpapagal at ang pagkakapit ng tumpak na kaalaman ay maaaring umakay tungo sa pananampalataya, kagalingan, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig. Ipinakita ni Pedro ang kahalagahan ng mga ito nang siya’y sumulat: “Sapagkat kung nasa inyo ang mga ito at sumasagana, kayo’y hindi magiging tamad o walang bunga tungkol sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2 Pedro 1:2-8.
22 Ang puso ay dapat maapektuhan ng ating kaalaman. Ito’y dapat magpakilos sa atin na magpakita ng pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa at maging mabungang mga Kristiyano sa ating asal at ministeryo. Ang resulta nito ay pagkakaisa at isang lalong mabuting pagkaunawa sa halimbawa ni Kristo. (Efeso 4:13) Anong inam na gantimpala sa paghahanap ng natatagong kayamanan!
[Mga talababa]
a Kapuna-puna, sa Kawikaan 2:5 ang pananalitang “mismong kaalaman sa Diyos” ay lumilitaw sa Griegong Septuagint bilang e·piʹgno·sis, o “tumpak na kaalaman,” isa sa walong pagkagamit ng salitang Griegong iyan sa Septuagint.
b Para sa detalyadong paliwanag sa kung papaanong lubusang mapapakinabangan ang Reference Bible, tingnan ang The Watchtower ng Nobyembre 1, 1985, pahina 27-30.
Mga Tanong na Dapat Pag-isipan
◻ Sang-ayon kay Haring Solomon, ano ang lalong mahalaga kaysa natatagong kayamanan?
◻ Bakit ang tumpak na kaalaman ay kailangan ng nalabi at ng mga ibang tupa?
◻ Papaano tayo makapagsasamantala ng panahon para sa sarilinang pag-aaral?
◻ Ano ang pantanging mga kagamitan natin para sa pagsasaliksik para magkamit ng tumpak na kaalaman?
◻ Sino ang dapat manguna sa pampamilyang pag-aaral, at dapat tayong mag-aral na taglay ang anong motibo?