Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Samaritano ang Napatunayang Isang Mabuting Kapuwa
NOONG kaarawan ni Jesus, isang kapansin-pansing matinding poot ang umiiral sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Nang maglaon, inilakip pa nga ng Judiong Mishnah ang isang batas na nagbabawal sa babaing Israelita na tumulong sa panganganak ng mga di-Judio, yamang ito ay tutulong lamang sa pagsilang ng isa pang Gentil sa daigdig.—Abodah Zarah 2:1.
Ang mga Samaritano ay mas malapit na nauugnay sa mga Judio kaysa mga Gentil, kapuwa sa relihiyon at sa lahi. Gayunman, sila rin ay itinuturing na mga taong itinakwil. “Ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano,” ang sulat ni apostol Juan. (Juan 4:9) Tunay, ang Talmud ay nagturo na ang “isang piraso ng tinapay na ibinigay ng isang Samaritano ay mas marumi pa kaysa sa karne ng baboy.” Ginagamit pa nga ng ilang Judio ang katagang “Samaritano” bilang isang ekspresyon ng paghamak at pagdusta.—Juan 8:48.
Dahil sa situwasyong ito, ang pananalita ni Jesus sa isang lalaking bihasa sa Judiong batas ay totoong nakapagtuturo. Ang lalaki ay lumapit kay Jesus at nagtanong: “Guro, sa paggawa ng ano mamanahin ko ang buhay na walang hanggan?” Bilang tugon, tinawag ni Jesus ang pansin niya sa Batas Mosaiko, na nag-uutos na ‘ibigin mo si Jehova nang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip mo,’ at ‘ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang abogado ay saka nagtanong kay Jesus: “Sino bang talaga ang aking kapuwa?” (Lucas 10:25-29; Levitico 19:18; Deuteronomio 6:5) Ayon sa mga Fariseo, ang katagang “kapuwa” ay kumakapit lamang sa mga sumusunod sa mga tradisyong Judio—tiyak na hindi sa mga Gentil o sa mga Samaritano. Kung inaakala ng mausisang abogadong ito na itataguyod ni Jesus ang pangmalas na iyon, magugulat siya.
Isang Madamaying Samaritano
Sinagot ni Jesus ang tanong ng lalaki sa pamamagitan ng paglalahad ng isang talinghaga.a “Isang tao,” aniya, “ang bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico.” Ang distansiya sa pagitan ng Jerusalem at Jerico ay mga 23 kilometro. Ang daan na nag-uugnay sa dalawang lunsod ay may mga biglang liko at nakaungos na mga bato, anupat madali para sa mga magnanakaw na magtago, sumalakay, at tumakas. Gaya ng nangyari, ang manlalakbay sa talinghaga ni Jesus ay “nahulog sa gitna ng mga magnanakaw, na kapuwa hinubaran siya at pinaghahampas, at umalis, na iniiwan siyang halos patay na.”—Lucas 10:30.
“Nagkataon,” patuloy ni Jesus, “isang saserdote ang bumababa sa daang iyon, ngunit, nang makita niya siya, ay dumaan siya sa kabilang panig. Gayundin, isang Levita rin, nang makababa siya sa dakong iyon at makita siya, ay dumaan sa kabilang panig.” (Lucas 10:31, 32) Ang mga saserdote at mga Levita ay mga guro ng Batas—pati na ang batas tungkol sa pag-ibig sa kapuwa. (Levitico 10:8-11; Deuteronomio 33:1, 10) Tiyak, sa lahat ng mga tao sila ang dapat sanang tumulong sa nasaktang manlalakbay.
Si Jesus ay nagpatuloy: “Isang Samaritano na naglalakbay sa daan ang dumating sa kaniya.” Ang pagbanggit tungkol sa isang Samaritano ay tiyak na nagpatindi sa pananabik ng abogado. Sasang-ayunan kaya ni Jesus ang negatibong pangmalas sa lahing ito? Sa kabaligtaran, sa pagkakita sa sawing-palad na manlalakbay, ang Samaritano “ay naantig sa pagkahabag.” Sinabi ni Jesus: “Kaya lumapit siya sa kaniya at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binubuhusan ang mga iyon ng langis at alak. Pagkatapos ay isinakay niya siya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya.b At nang sumunod na araw siya ay naglabas ng dalawang denario, ibinigay ang mga iyon sa tagapag-ingat ng bahay-tuluyan, at nagsabi, ‘Alagaan mo siya, at anuman ang gugulin mo bukod pa rito, babayaran ko sa iyo pagbalik ko rito.’ ”—Lucas 10:33-35.
Tinanong ngayon ni Jesus ang nagtatanong sa kaniya: “Sino sa tatlong ito sa wari mo ang gumawa sa kaniyang sarili bilang kapuwa ng tao na nahulog sa gitna ng mga magnanakaw?” Alam ng abogado ang sagot, subalit tila bantulot siyang sabihing “ang Samaritano.” Sa halip, basta sinabi niya: “Ang isa na kumilos nang may kaawaan sa kaniya.” Saka sinabi ni Jesus: “Humayo ka at gawin mo mismo ang gayundin.”—Lucas 10:36, 37.
Aral Para sa Atin
Ang taong nagtanong kay Jesus ay nagtanong upang “patunayang matuwid ang kaniyang sarili.” (Lucas 10:29) Marahil ay iniisip niyang pupurihin ni Jesus ang kaniyang mahigpit na pagsunod sa Batas Mosaiko. Subalit kailangang matutuhan ng mapagmapuri-sa-sarili na taong ito ang katotohanan ng kawikaan ng Bibliya: “Ang bawat lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang mga mata, ngunit si Jehova ang tumataya ng mga puso.”—Kawikaan 21:2.
Ipinakikita ng talinghaga ni Jesus na ang isang taong talagang matuwid ay isa na hindi lamang sumusunod sa mga batas ng Diyos kundi tinutularan din ang kaniyang mga katangian. (Efeso 5:1) Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang “Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Tinutularan ba natin ang Diyos sa bagay na ito? Ang nakapagpapakilos na talinghaga ni Jesus ay nagpapakita na ang ating pakikipagkapuwa ay dapat na napagtatagumpayan ang pambansa, kultural, at relihiyosong mga hadlang. Tunay, ang mga Kristiyano ay pinayuhan na “gumawa ng mabuti sa lahat”—hindi lamang sa mga tao ng katulad na antas sa lipunan, lahi, o bansa at hindi lamang sa kapuwa mananampalataya.—Galacia 6:10.
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang maka-Kasulatang payo na ito. Halimbawa, kapag humampas ang likas na mga sakuna, sila’y mapagkawanggawang tumutulong sa kapuwa mga mananampalataya gayundin sa mga hindi Saksi.c Karagdagan pa, sama-sama silang gumugugol ng mahigit na isang bilyong oras sa bawat taon sa pagtulong sa mga tao na higit na makaalam tungkol sa Bibliya. Sinisikap nilang maparating sa lahat ang mensahe ng Kaharian, sapagkat kalooban ng Diyos na ang “lahat ng uri ng tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4; Gawa 10:35.
[Mga talababa]
a Ang isang talinghaga ay isang maikli at karaniwang di-totoong salaysay na mapagkukunan ng isang moral o espirituwal na katotohanan.
b Ang ilang bahay-tuluyan noong panahon ni Jesus ay maliwanag na naglalaan hindi lamang ng tirahan kundi ng pagkain at iba pang mga serbisyo. Maaaring ito ang uri ng tuluyan na nasa isipan ni Jesus, sapagkat ang salitang Griego na ginamit dito ay iba sa “silid-tuluyan” sa Lucas 2:7.
c Para sa mga halimbawa, tingnan Ang Bantayan, Disyembre 1, 1996, pahina 3-8, at Enero 15, 1998, pahina 3-7.