Mapuspos Kayo ng Kagalakan
“Ang mga alagad ay nagpatuloy na mapuspos ng kagalakan at ng banal na espiritu.”—GAWA 13:52.
1. (a) Anong uri ng bunga ang kagalakan? (b) Sa anong nakagagalak na paglalaan kailangang purihin ang Diyos?
KAGALAKAN! Ang katangiang Kristiyanong ito ay nakatala na pangalawa lamang sa pag-ibig sa paglalahad ni Pablo ng mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:22-25) At ano ba ang dahilan ng kagalakang iyan? Iyon ay ang mabuting balita na ipinahayag ng anghel ng Diyos sa mapagpakumbabang mga pastol mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas: “Narito! dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na sasabuong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David.” At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit sa pagpuri sa Diyos at pagsasabi: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Lucas 2:10-14.
2, 3. (a) Bakit angkop na suguin ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak upang maging Manunubos ng sangkatauhan? (b) Sa ano pang mga ibang paraan ginamit si Jesus sa mga layunin ng Diyos samantalang narito sa lupa?
2 Ang kabutihang-loob ni Jehova sa mga tao ay nahahayag sa paglalaan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo na Panginoon. Ang panganay na Anak na ito ng Diyos ang pinakauliran ng tunay na karunungan at tungkol sa kaniyang Ama siya’y nagsasabi noong panahon ng paglalang: “Nasa siping nga niya ako na isang matatag at matalinong manggagawa, at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya sa bawat pagkakataon; nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, anupa’t ang aking kaaliwan ay nasa mga anak ng mga tao.”—Kawikaan 8:30, 31, Rotherham.
3 Angkop, kung gayon, na suguin ni Jehova ang kaniyang Anak na ito na nakasumpong ng gayong kalaking kaluguran sa mga anak ng mga tao, upang maging Manunubos ng sangkatauhan. At papaano ito magdadala ng kaluwalhatian sa Diyos? Ito ay magbubukas ng daan upang kaniyang matupad ang kaniyang dakilang layunin na ang lupa’y punuin ng matuwid at maibigin sa kapayapaan na mga tao. (Genesis 1:28) Isa pa, samantalang nasa lupa, ang Anak na ito, si Jesus, ay magpapakita sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubok na ang isang sakdal na tao ay may katapatang makasusunod kay Jehova bilang Soberanong Panginoon, sa gayo’y lubusang ipinagbabangong-puri ang matuwid na pagpupunò ng kaniyang Ama sa Kaniyang mga nilalang. (Hebreo 4:15; 5:8, 9) Sa kaniyang pananatiling tapat si Jesus ay nag-iwan ng isang modelo para sa lahat ng tunay na Kristiyano upang kanilang sunding maingat ang kaniyang mga yapak.—1 Pedro 2:21.
4. Ang pagtitiis ni Jesus ay nagbunga ng anong malaking kagalakan, at papaano ito dapat magpasigla sa atin?
4 Si Jesus ay nakasumpong ng walang-katulad na kagalakan sa gayong pagsasagawa ng kalooban ng kaniyang Ama, at iyan ay sa pag-aasam-asam ng lalong malaking kagalakan, gaya ng ipinakikita ni apostol Pablo sa Hebreo 12:1, 2: “Takbuhín nating may pagtitiis ang takbúhing inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya, siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Ano bang kagalakan ito? Ito ang kagalakan na taglay ni Jesus, hindi lamang sa pagbanal sa pangalan ng kaniyang Ama at pagtubos sa sangkatauhan buhat sa kamatayan kundi kasali na rin ang pagpupunò bilang Hari at Mataas na Saserdote sa kaniyang pagsasauli sa masunuring mga tao sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.—Mateo 6:9; 20:28; Hebreo 7:23-26.
5. Sino ang “mga kapatid” ni Jesus, at sa anong pambihirang kagalakan sila nakikibahagi?
5 Oo, ang Anak ng Diyos ay laging nakasusumpong ng kagalakan sa paglilingkod sa sangkatauhan. At naging kagalakan niya na maglingkod na kasama ng kaniyang Ama sa pagpili sa grupo ng mga taong nananatiling tapat na kaniyang tinatawag na “mga kapatid” niya at binubuhay sa langit pagkamatay nila. Ang mga ito ay nakararanas ng isang pambihirang kagalakan kasama ni Jesus. Sila’y tinutukoy na “maligaya at banal,” at sila “ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”—Hebreo 2:11; Apocalipsis 14:1, 4; 20:6.
6. (a) Anong nakagagalak na paanyaya ang ibinibigay ng Hari sa kaniyang “mga ibang tupa”? (b) Anong mga pribilehiyo ang tinatamasa sa ngayon ng marami sa mga tupang ito?
6 Gayundin, isang malaking pulutong ng “mga ibang tupa,” na ibinubukod ng nagpupunong Hari sa kaniyang gawing kanan ng pagsang-ayon, ang tumatanggap ng kaniyang paanyaya: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” (Juan 10:16; Mateo 25:34) Anong nakagagalak na pribilehiyo! Sa mga ito na magmamana ng lupang sakop ng Kaharian, marami ang kahit na ngayo’y tumatanggap ng may pananagutang mga atas kasama ng pinahirang mga nalabi gaya ng inihula ni Jehova: “Ang mga tagaibang lupain ay magsisitayo at magpapastol ng inyong mga kawan, ang mga banyaga ay magiging inyong mga mang-aararo at inyong mang-uubasan. At kung para sa inyo, kayo’y tatawaging mga saserdote ni Jehova; ang mga ministro ng ating Diyos ang itatawag sa inyo.” Lahat ng mga ito ay nakikiisa sa propeta ng Diyos sa pagsasabi: “Walang pagsala ako’y magpapakasayang mainam kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos. Sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan.”—Isaias 61:5, 6, 10.
7. Bakit ang “araw” na ito sapol noong 1914 ay napakabukod-tangi?
7 Tayo’y nabubuhay ngayon sa isang bukod-tanging araw. Sapol noong 1914 ito ang araw ng pamamahala ni Kristo bilang makalangit na Hari, na inilalahad sa Awit 118:24, 25: “Ito ang araw na ginawa ni Jehova; tayo’y magagalak at ating katutuwaan. Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Jehova! Oh Jehova, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaunlaran!” Ito ang araw na aabot sa sukdulan pagka nilipol na ni Jehova ang maka-Babilonyang relihiyon at ang nobya ni Kristo na 144,000 mga kapatid ay mapakasal sa kanilang makalangit na Hari. Ang buong bayan ng Diyos ay “magagalak at labis na matutuwa” sa pangyayaring ito. Sila’y magagalak din samantalang ang kanilang Mesiyanikong Hari ay nakikipagbaka sa Armagedon upang iligtas ang kaniyang tapat na bansa tungo sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. (Apocalipsis 19:1-7, 11-16) Si Jehova ba ay nagbibigay ng kaunlaran sa kaniyang bayan habang kanilang ibinabalita ang nakagagalak na pag-asang ito? Ang sumusunod na ulat ang magpapaliwanag.
Pangglobong Paglawak
8. (a) Papaanong ang kagalakan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu ay naaaninaw sa ulat sa mga pahina 18 hanggang 21 ng magasing ito? (b) Ano ang ilan sa mga tampok ng ulat?
8 Ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay “nananagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.” (Roma 15:13) Ito ay naaaninaw sa tsart sa mga pahina 18 hanggang 21 ng magasing ito, na kung saan ang pangglobong ulat ng paglilingkod sa Kaharian para sa 1990 ay ipinakikita nang detalyado. Anong laki ng ating kagalakan na makita ang isang bagong sukdulang bilang na 4,017,213 na aktibong mga ministro sa larangan! Ito’y isang pagsulong na 77 porsiyento noong nakalipas na sampung taon, samantalang ang pagtitipon sa mga tupa ay mabilis na nagpapatuloy sa 212 lupain sa buong daigdig. Pagkaraan ng 15 taon, ang nabautismuhan ay muling umabot sa pinakasukdulang bilang na—301,518! May ilang bukod-tanging pagkálalakíng bilang ng mga nabautismuhan sa maraming kombensiyon, lalo na yaong dinaluhan ng mga Saksi buhat sa Silangang Europa. Kabilang sa mga ito ay maraming kabataan, na nagpapabulaan sa pag-aangkin ng mga tagapagtaguyod ng sosyalismo na ang relihiyon ay mamamatay na kasama ng matatanda.
9. (a) Ano ang nakagagalak na resulta ng maagang pagsasanay ng mga magulang sa kanilang mga anak? (b) Anong lokal o iba pang mga karanasan ang nagpapatunay nito?
9 Napakaraming kabataan ang sumasagot sa panawagan sa Awit 32:11: “Kayo’y mangatuwa kay Jehova, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid; at magsihiyaw kayo nang dahil sa kagalakan, kayong lahat na matuwid sa puso.” Wari nga na maraming mga magulang ang nagkakapit ng payo na sanayin ang kanilang mga maliliit na anak “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) Ginagamit na mainam ang literatura at mga cassette tape na inilaan para sa mga kabataan. Pagka ang mga kabataang ito ay pumasok na sa paaralan, hindi nagtatagal at sila’y nagbibigay ng isang mainam na patotoo, halimbawa yaong walong-taóng-gulang na batang Haponesa na nag-ulat: “Pagkatapos ng bakasyon sa tag-araw, lumapit ako sa aking guro [na babae] at tinanong ko siya: ‘Dumalaw po ba kayo sa libingan ng inyong ama sa panahon ng bakasyon?’ Siya’y tumugon: ‘Oo, ang aking tatay ay napakabait, at dinadalaw ko ang kaniyang libingan taun-taon.’ Ang sabi ko: ‘Kung kayo po’y mag-aaral ng Bibliya at susunod sa mga turo ng Diyos, makikita ninyo ang inyong mapagmahal na tatay sa isang makalupang paraiso.’ Pagkatapos ay binigyan ko siya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ngayon ang aming guro ay bumabasa ng isang kabanata ng aklat na ito sa buong klase sa oras ng pananghalian bawat linggo.”
10. Ano ang pakinabang na nakukuha sa aklat na Tanong ng mga Kabataan, at ano ang ilang halimbawa?
10 Ang mga kabataang tinedyer ay nakikinabang na mainam sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, kapuwa para sa pansariling pag-aaral at sa pagpapatotoo sa mga ibang kabataan. Pati mga magulang ay nagpapahalaga sa aklat na ito. Isang sister sa Switzerland, nang siya’y isang auxiliary pioneer, ang dumalaw sa mga magulang ng mga kamag-aral ng kaniyang anak. Ito’y nagbigay ng pagkakataon para sa maiinam na pakikipagtalakayan sa maraming magulang, at 20 aklat (karamihan ay Tanong ng mga Kabataan) at 27 magasin ang naipasakamay sa kanila. Nang isang mag-aarál na batang babae sa Trinidad ang nakapagpasakamay ng aklat na ito sa kaniyang guro sa paaralan, sinundan iyon ng kaniyang nanay, na nakapamahagi pa ng 25 kopya sa 36 na tauhan doon. Siya’y nagpatuloy noong sumunod na buwan na kung saan pantanging pansin ang ibinigay sa mga magulang na kilala niyang personal, anupa’t namahagi pa muli ng 92 aklat at nagpasimula ng bagong mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa Korea ang aklat na Tanong ng mga Kabataan ay ginamit ng isang guro sa middle school sa pagbibigay ng maiikling sermon sa mga paksang gaya ng “Papaano Ko Mapagbubuti ang Aking mga Marka?” at “Papaano Ko Pakikisamahan ang Aking Guro” at pagkatapos ay inialok niya ang aklat. Pagkatapos na tumanggap ang mga mag-aaral ng 39 na aklat, may mga magulang na nagreklamo. Ngunit isang kopya ang sinuri ng prinsipal, sinabing iyon ay “kahanga-hanga,” at kumuha siya ng isa para sa kaniyang anak na babae.
Ang Pinakamainam na Edukasyon
11, 12. Ano ang ilang patotoo sa katotohanan na ang mga publikasyon ng Watch Tower Society ay nagbibigay ng pinakamainam na edukasyon?
11 Ang naituturo ng ating mga magasin ay pinahahalagahan din ng marami, halimbawa na lamang yaong isang paaralan sa E.U. na pumidido ng 1,200 kopya ng Hulyo 22, 1990, na Gumising! (naglalantad ng pagkasugapa sa crack) para gamitin sa mga klase roon. Gayundin, ang ulirang asal sa paaralan ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagbibigay ng mainam na impresyon. Sa isang maingay na silid-aralan sa Thailand, tinawag ng guro ang 11-taóng-gulang na si Racha sa harap ng klase at pinuri siya dahilan sa kaniyang paggawi, na ang sabi: “Bakit hindi lahat kayo ay tumulad sa kaniya bilang halimbawa? Siya ay masipag sa kaniyang pag-aaral at mabuti ang kaniyang paggawi.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Bueno, palagay ko’y kailangang kayo’y maging mga Saksi ni Jehova na katulad ni Racha upang humusay ang inyong asal.”—Ihambing ang Kawikaan 1:8; 23:22, 23.
12 Isang kabataang sister sa Dominican Republic ang sumulat: “Nang ako’y apat na taóng gulang lamang, ako noon ay magtatapos na sa isang relihiyosong preschool, na kung saan ako’y natutong bumasa at sumulat. Ang madre na naging guro ko ay niregaluhan ko ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa na sinulatan ko ng mensahe: ‘Ako’y lubhang napasasalamat na tinuruan ninyo akong bumasa at sumulat. Nais ko sanang maintindihan ninyo ang aking pananampalataya at magkaroon kayo ng aking pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupang ito pagka ito’y ginawa nang isang paraiso.’ Dahil dito ay pinaalis ako sa paaralan. Makalipas ang walong taon muling nákatagpo ko ang gurong ito. Kaniyang ibinida kung papaano, sa kabila ng matinding pananalansang ng pari, nagawa rin niyang basahin ang aklat. Siya’y lumipat sa kabisera, at doon ay nakipag-aral siya ng Bibliya sa isang Saksi. Siya’y binautismuhan sa ‘Dalisay na Wika’ na Pandistritong Kombensiyon kasabay ko.” Gaya ng inihula, ang karunungan ay maaaring manggaling kahit na “sa bibig ng mga sanggol”!—Mateo 21:16; Awit 8:1, 2.
13. Papaano tumutugon sa payo ni Solomon ang maraming tinedyer, at papaano ito naaaninaw sa pambuong-daigdig na ulat?
13 Si Solomon ay nagbigay ng nagpapatibay-loob na payo: “Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong puso.” (Eclesiastes 11:9) Nakatutuwang makita ngayon ang napakaraming anak ng mga Saksi ni Jehova na nagkakapit ng mga salitang ito, ginagamit ang mga taon ng kanilang pagkatinedyer upang maghanda para sa isang buhay na nasa buong-panahong paglilingkod kay Jehova at pumapasok sa pinakadakila sa lahat ng mga karera pagkatapos ng kanilang pag-aaral. Mabilis ang pagdami ng mga payunir, may 821,108 ang nag-uulat sa loob ng isang taon. Kasama ng 11,092 kapatid na naglilingkod sa Bethel, iyan ay kumakatawan sa 21 porsiyento ng kabuuang bilang ng mamamahayag!
14. Ano ang naiaabuloy na bahagi ng ating mga kapatid na babae, at anong papuri ang karapat-dapat sa kanila?
14 Nakatutuwang malaman na sa maraming lupain, tulad halimbawa sa Estados Unidos, mga 75 porsiyento ng lahat ng mga mamamahayag na payunir ay mga babae, anupa’t nagpapatunay sa mga salita ng Awit 68:11: “Si Jehova ang nagbibigay ng salita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” Ang ating mga kapatid na babae ay dapat papurihan yamang sila ang gumagawa ng lalong malaking bahagi ng gawain sa larangan. Ang kanilang mahusay na pagtuturo sa pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ay umaakay sa marami tungo sa katotohanan, at ang mga kapatid na babaing may asawa na may katapatang sumusuporta sa kani-kanilang asawa sa maraming tungkulin sa kongregasyon ay dapat ding buong-siglang purihin.—Kawikaan 31:10-12; Efeso 5:21-25, 33.
Umuunlad ang Pagtuturo sa Bibliya
15. (a) Papaanong ang ilang bansa na kasali sa pambuong-daigdig na ulat ay nangunguna sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya? (b) Anong mga karanasan ang mailalahad mo, na nagpapakita kung gaano naaaring maging mabunga ang mga pag-aaral sa Bibliya?
15 Ang gawaing pagtuturo sa Bibliya ay umuunlad, ang mga pag-aaral ay idinaraos sa buong daigdig sa katamtamang bilang na 3,624,091 lugar bawat buwan. Ang katotohanan ng Bibliya ay nakapagpapabago ng pagkatao, gaya ng ipinakikita ng isang ulat galing sa lupaing nasa ilalim (Australia). Maaga noong Enero 1987, isang lalaki ang idineporta sa New Zealand buhat sa Australia pagkatapos na pagdusahan ang isang 25-buwang sentensyang pagkabilanggo dahil sa pagnanakaw at panghuhuwad. Siya’y naging drug addict at naging tagapagbenta rin nito sa loob ng mahigit na 17 taon. Nang sumunod na taon ang kaniyang maybahay ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at habang lumalago ang kaalaman niya, napansin ng lalaki ang isang kapuna-punang pagbabago sa kaniyang ugali. Siya’y naging lalong mahusay na asawang babae at ina. Sa paghimok ng kaniyang maybahay, siya’y dumalo sa isang pansirkitong asamblea noong Hunyo 1989. Ngayon ang lalaking ito ay sumang-ayong pagdausan ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at malaking pagbabago ang nagsimulang nakita sa kaniyang hitsura at istilo ng pamumuhay. Lahat ng pitong miyembro ng pamilya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong. Ang lalaki ay nabautismuhan noong Enero 1990 bilang isang sumunod sa magaling na payo ni Pablo sa Efeso 4:17-24.
16. (a) Papaanong ang mga ulat sa Memoryal noong 1990 ay nagdudulot ng kagalakan? (b) Ang pagkaapurahan ng ano ang kailangang mapansin, at anong pagsisikap ang dapat nating gawin upang makatulong?
16 Ang isang mahalagang bahagi ng ulat ng taon ay ang pinakamataas na bilang ng mga dumalo na 9,950,058 sa selebrasyon ng Memoryal, ginanap noong Martes, Abril 10, 1990. Mahigit na 70 sa 212 bansa ang nag-ulat ng bilang ng mga dumalo na mahigit na tatlong beses ang kahigitan sa sukdulang bilang ng mamamahayag! Halimbawa, sa kabila ng pagbabawal, pitong bansa sa Aprika na may pinagsamang sukdulang bilang na 62,712 mamamahayag ang nag-ulat ng dumalo sa Memoryal na 204,356. Ang 1,914 na mamamahayag sa magulong Liberia ay nagagalak na may 7,811 sa Memoryal. Ang Haiti na may sukdulang bilang na 6,427 mamamahayag, ay nag-ulat ng 36,551. Ang 886 na mamamahayag sa nakakalat na mga isla ng Micronesia ay may 3,958. Ang 1,298 mamamahayag sa Sri Lanka ay nag-ulat ng 4,521, at ang Zambia, na may 73,729 na mamamahayag, ay may 326,991 na dumadalo sa Memoryal, katumbas ng isang tao sa bawat 25 ng populasyon ng Zambia. Ang pangglobong ulat ay nagsisiwalat muli na mayroon pang angaw-angaw na mga taong naghihintay na matipon sa kulungan ng mga tupa. Ngunit hindi sapat ang kataimtiman. Mapararami at mapasusulong pa ba natin ang uri ng ating mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, tinutulungan ang higit pa na dumadalo sa Memoryal upang makapagtatag ng matibay na pananampalataya? Ibig natin na sila’y maging ating aktibong mga kasama, na pumupuri kay Jehova. Nakataya ang kanilang buhay!—Awit 148:12, 13; Juan 17:3; 1 Juan 2:15-17.
Ang Kalubusan ng Kagalakan
17. Anong mga halimbawa noong unang siglo ang dapat tumulong na magpalakas sa ating determinasyon na manghawakang matibay sa ating kagalakan?
17 Ano man ang mga pagsubok na mapaharap sa atin, tayo’y maging desidido na manghawakang matatag sa ating kagalakan. Marahil naman ay hindi na tayo makararanas ng mahirap na karanasan na gaya ng kay Esteban, gayunman ang kaniyang halimbawa ay makapagpapalakas sa atin. Nang siya’y inaakusahan, napanatili niya ang kaniyang kagalakan at kahinahunan. Nakita ng kaniyang mga kaaway “na ang kaniyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel.” Siya’y binantayan ng Diyos sa panahon na siya’y nasa mahigpit na pagsubok. Siya’y nagpatotoo nang buong katapangan, palibhasa’y “puspos ng banal na espiritu” hanggang sa kaniyang kamatayan bilang isang martir. Habang si Pablo at si Bernabe ay bumaling sa mga bansa sa kanilang pangangaral, ang mga ito naman ay “nagsimulang mangagalak at kanilang niluwalhati ang salita ni Jehova.” Bumangon muli ang pag-uusig. Ngunit ito’y hindi nakasira ng loob ng mga sumasampalataya. “Ang mga alagad ay nagpatuloy na mapuspos ng kagalakan at ng banal na espiritu.” (Gawa 6:15; 7:55; 13:48-52) Anuman ang gawin sa atin ng ating mga kaaway, anuman ang dumarating sa atin na araw-araw na mga pagsubok sa buhay, huwag nating payagang maparam ang ating kagalakan sa banal na espiritu. Si Pablo ay nagpapayo: “Magalak sa pag-asa. Magtiis sa ilalim ng kapighatian. Magmatiyaga sa pananalangin.”—Roma 12:12.
18. (a) Ano ba ang Bagong Jerusalem, at bakit dapat makigalak sa kaniya ang bayan ng Diyos? (b) Papaano pagpapalain ang sangkatauhan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa”?
18 Kagila-gilalas ang pag-asang iyan! Sa lahat ng kaniyang lingkod, si Jehova ay nagpapahayag: “Narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, o mapapasa-puso man. Ngunit magsaya kayo, kayong mga tao at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha.” Si Kristo na Panginoon kasama ang “Bagong Jerusalem” (ngayon ito ang kabiserang lunsod ng makalangit na organisasyon ng Diyos, ang “Jerusalem sa itaas”) at ang bagong sanlibutang lipunan sa lupa ay magdadala ng sumasaganang kagalakan sa sangkatauhan. (Galacia 4:26) Ang pagkabuhay-muli ng mga taong nangamatay, ang pagtataas tungo sa buhay na walang-hanggan sa kasakdalan ng lahat ng masunuring mga tao, isang walang-hanggang kapaki-pakinabang, na masiglang pamumuhay sa isang lupang paraiso—anong gandang pag-asa at dahilan upang magalak! Kung papaanong si Jehova ay ‘may kagalakan sa Jerusalem at natutuwa sa kaniyang bayan,’ ang kaniyang propeta naman ay nananawagan din sa bayan ng Diyos: “Kayo’y mangagalak na kasama ng Jerusalem at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya. Kayo’y mangagalak na lubos kasama niya.” (Isaias 65:17-19; 66:10; Apocalipsis 14:1; 20:12, 13; 21:2-4) Harinawang tayo’y laging mapuspos ng kagalakan at ng banal na espiritu samantalang nakikinig tayo sa payo ni apostol Pablo: “Laging mangagalak kayo sa Panginoon. Minsan pang sasabihin ko, Mangagalak kayo!”—Filipos 4:4.
Bilang Sumaryo ng Ating Kagalakan:
◻ Anong modelo ng may-kagalakang pagtitiis ang iniwan sa atin ni Jesus?
◻ Dalawang nag-alay na mga grupo ang may anong mga dahilan upang mangagalak?
◻ Papaanong ang mga bata at matatanda sa ngayon ay nangagsasaya sa katotohanan?
◻ Sa pagrerepaso sa ulat ng 1990, anong sagot ang ibinibigay ngayon sa panalanging, “Oh Jehova, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaunlaran”?
◻ Kailan at papaano makakamit ang kalubusan ng kagalakan?
[Chart sa pahina 18-21]
1990 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Larawan sa pahina 16]
Ibinalita ng anghel ni Jehova ang kapanganakan ng Kristong Panginoon bilang “mabuting balita ng malaking kagalakan”