Ang Pag-aakyát sa Langit—Isa Bang Doktrinang Isiniwalat ng Diyos?
ANG Pag-aakyát sa langit—ang doktrina na si Maria, ang ina ni Jesus, ay umakyat sa langit sa anyong laman—ay itinatangi ng angaw-angaw na Romano Katoliko. Ang historyador na si George William Douglas ay nagsasabi: “Ang Pag-aakyát, o pagdadala sa langit, ng Birheng Maria ay [matagal] nang iginagalang bilang ang pinakadakila sa kaniyang mga kapistahan at ang isa sa mga pangunahing taimtim na pagdiriwang ng taon ng Iglesya.”
Gayunman, inaamin ng mga teologong Katoliko na ang Bibliya ay hindi bumabanggit na si Maria ay gumagawa ng gayong pag-aakyát sa langit. Tunay, kakaunting Katoliko ang nakatatalos na ang minamahal na doktrinang ito ay isang paksang daan-daang taon nang pinagtatalunan at paksa ng mainitang debate. Kaya papaano nangyari na tinanggap ng iglesya bilang doktrina ang Pag-aakyát kay Maria sa langit?a Mayroon bang anumang dahilan upang ituring iyon na isiniwalat ng Diyos? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay hindi lamang isang teoriya. Ang mga ito ay may malalalim na ipinahihiwatig para sa kaninumang umiibig sa katotohanan.
Ebolusyon ng Isang Doktrina
Marahil ay pagtatakhan mong malaman na noong unang mga siglo pagkamatay ni Jesus, and idea ng pag-aakyát kay Maria sa langit ay lubusang banyaga sa kaisipan ng mga Kristiyano. Ang Katolikong teologo na si Jean Galot ay sumulat sa L’Osservatore Romano: “Sa pasimula, ang alaala ng kamatayan ni Maria ay hindi iniugnay sa pamayanang Kristiyano.”
Gayunman, pagkatapos na ang turo ng Trinidad ay naging opisyal na doktrina ng iglesya, sinimulang bigyan si Maria ng lumalaking mahalagang papel. Nagniningning na mga pananalita, gaya ng “Ina ng Diyos,” “ipinaglihi na walang kasalanan,” “Babaing Tagapamagitan,” at “Reyna ng Langit,” ang sinimulang ikapit sa kaniya. Di-nagtagal, ayon sa pangangatuwiran ng teologong si Galot, “ang kawalang-imik ng sinaunang tradisyon tungkol sa pagkamatay ni Maria ay hindi lubusang makapagbigay ng kasiyahan sa mga Kristiyanong iyon na kumilala sa kasakdalan ni Maria at nagnais ng labis na paggalang sa kaniya. Sa gayon, ang mga paglalarawan sa Pag-aakyát sa langit, na resulta ng popular na guniguni, ay nabuo.”
Noong mga ikaapat na siglo C.E., ang umano’y asunsiyonistang apokripa ay nagsimulang kumalat. Ang mga kasulatang ito ay nagbigay ng guniguning mga ulat tungkol sa ipinagpapalagay na pag-aakyát sa langit kay Maria. Halimbawa, isaalang-alang ang tekstong tinatawag na “Ang Pagkatulog ng Banal na Ina ng Diyos.” Pinaniwalaan na ang sumulat niyaon ay walang iba kundi si apostol Juan, subalit malamang na kinatha iyon halos 400 taon pagkamatay ni Juan. Sang-ayon sa huwad na ulat na ito, ang mga apostol ni Kristo ay makahimalang tinipon kay Maria, na kung saan kanilang nakita siya na nagpagaling sa bulag, bingi, at pilay. Sa wakas, gaya ng inaangkin dito, narinig ng mga apostol ang Panginoon nang sabihin kay Maria: “Narito, mula ngayon ang iyong mahal na katawan ay ililipat sa paraiso, at ang iyong banal na kaluluwa ay mapapasa-langit sa mga kabang-yaman ng aking Ama sa sukdulang kaningningan, na doo’y may kapayapaan at pagkakatuwaan ng banal na mga anghel, at ang pagpapatuloy niyaon.”
Papaano tumugon ang mga mananampalataya sa gayong kasulatan? Ganito ang paliwanag ng Mariologong si René Laurentin: “Ang tugon ay lubhang sari-sari. Ang mga pinakamapaniwalain ay nadaya, nang hindi na nag-isip-isip pa, sa kislap ng magandang istorya. Hinamak ng iba ang di-magkakatugmang pag-uulat na ito, na kadalasan ay nagkakasalungatan at walang awtoridad.” Ang teoriya ng Pag-aakyát sa langit kung gayon ay nakipagpunyagi upang opisyal na tanggapin. Ang isa pang nakaragdag sa kalituhan ay ang bagay na ang ipinagpapalagay na mga relikya ng katawan ni Maria ay labis na iginagalang sa ilang lugar. Ito’y mahirap itugma sa paniniwala na ang kaniyang katawang-laman ay dinala sa langit.
Noong ika-13 siglo, si Thomas Aquinas, tulad ng maraming iba pang teologo, ay nanindigan na imposibleng bigyang-katuturan ang Pag-aakyát sa langit bilang doktrina, yamang “ang Kasulatan ay hindi nagtuturo niyaon.” Gayunpaman, ang paniwala ay patuloy na naging popular, at ang mga paglalarawan ng ipinagpapalagay na pag-aakyát sa langit kay Maria ay ginawa ng tanyag na mga pintor kagaya nina Raphael, Correggio, Titian, Carracci, at Rubens ay dumami.
Ang isyu ay nanatiling di-nalulutas hanggang kamakailan. Sang-ayon sa Jesuitang si Giuseppe Filograssi, hanggang noong unang kakalahatian ng ating siglo, ang mga iskolar na Katoliko ay nagpatuloy na maglathala ng “mga pag-aaral at mga talakayan na hindi laging kaayon” ng teoriya ng Pag-aakyát sa langit. Maging ang mga papa, tulad nina Leo XIII, Pius X, at Benedict XV, “ay medyo tahimik tungkol sa bagay na iyon.” Subalit noong Nobyembre 1, 1950, ang iglesya sa wakas ay gumawa ng tiyakang paninindigan. Si Papa Pius XII ay nagpatalastas: “Aming binibigyang-katuturan iyon na isang doktrinang isiniwalat ng Diyos na ang Kalinis-linisang Ina ng Diyos, si Mariang laging Birhen, pagkatapos ng kaniyang makalupang buhay, ay dinala ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit.”—Munificentissimus Deus.
Ang paniniwala sa paglalakbay ni Maria sa taglay niyang katawan patungo sa langit ay hindi na opsiyonal sa mga Katoliko—iyon ngayon ay doktrina ng Iglesya. Ipinahayag ni Papa Pius XII na “kung sinuman . . . ay mangangahas na itatwa o kusang maghasik ng pag-aalinlangan sa Aming binigyang-katuturan, dapat niyang alamin na siya’y hindi nakaaabot sa pamantayan ng Banal at Katolikong Pananampalataya.”
Kung Ano ang Talagang Sinasabi ng Kasulatan
Subalit ano ang saligan ng Iglesya sa ganitong may katapangang paninindigan? Inamin ni Papa Pius XII na ang doktrina ng Pag-aakyát sa langit ay “may matatag na pundasyon sa Banal na Kasulatan.” Kabilang sa mga tekstong kalimitan ay binabanggit bilang patotoo ng pag-aakyát sa langit kay Maria ay nasa Lucas 1:28, 42. Ang mga talatang ito ay nagsasabi tungkol kay Maria: “Aba, punô ng grasya, ang Panginoon ay sumasaiyo: bukod kang pinagpala sa mga babae . . . , at pinagpala naman ang bunga ng iyong bahay-bata.” (Douay) Ang mga asunsiyonista ay nangangatuwiran na dahil si Maria ay “punô ng grasya,” tiyak na siya’y hindi kailanman tumikim ng kamatayan. At sa pagiging “pinagpala” na gaya ng ‘bunga ng kaniyang bahay-bata,’ tiyak na siya’y may mga pribilehiyong katumbas niyaong kay Jesus—kasali na ang kaniyang pag-aakyát sa langit. Inaakala mo kayang ito’y tumpak na pangangatuwiran?
Unang-una, ang mga dalubhasa sa wika ay nagsasabi na ang pananalitang “punô ng grasya” ay isang di-malinaw na pagkasalin at na ang orihinal na salitang Griego na ginamit ni Lucas ay lalong tumpak na isaling “kinauukulan ng pabor ng Diyos.” Sa gayon isinalin ng Katolikong Jerusalem Bible ang Lucas 1:28: “Magalak, ikaw na lubhang sinang-ayunan!” Walang dahilang manghinuha na si Maria ay iniakyat sa langit taglay ang kaniyang katawan dahil lamang sa siya’y “lubhang sinang-ayunan” ng Diyos. Ang unang Kristiyanong martir, si Esteban, ay tinutukoy rin sa Bibliyang Katolikong Douay bilang lubhang sinang-ayunan, o “punô ng grasya”—at siya’y hindi sinasabing binuhay-muli sa katawan.—Gawa 6:8.
Subalit, hindi ba si Maria ay pinagpala o sinang-ayunan? Oo, ngunit kapansin-pansin, ang babaing nagngangalang Jael noong mga kaarawan ng mga hukom sa Israel ay itinuring na “pinagpala sa mga babae.” (Hukom 5:24, Dy) Tunay na walang mangangatuwiran na si Jael ay dinala rin sa langit sa kaniyang katawan. Isa pa, ang buong idea ng Pag-aakyát sa langit ay salig sa pangangatuwiran na si Jesus mismo ay umakyat sa langit sa laman. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi na si Jesus ay “binuhay,” o muling-binuhay, “sa espiritu.” (1 Pedro 3:18, Dy; ihambing ang 1 Corinto 15:45.) Si apostol Pablo ay nagsasabi pa na “ang laman at dugo ay hindi makapag-aari ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 15:42-50, Dy.
Totoo, bumabanggit ang Bibliya tungkol sa isang makalangit na pagkabuhay-muli para sa tapat na mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Gayunman, ipinaliliwanag ng 1 Tesalonica 4:13-17 na ang pagkabuhay-muling ito ay hindi magsisimula kundi sa “pagkanaririto ng Panginoon,” sa mga huling araw ng balakyot na kapanahunang ito. Hanggang sa dumating iyon, si Maria ay matutulog sa kamatayan, kasama ng libu-libo pang ibang tapat na mga Kristiyano.—1 Corinto 15:51, 52.
Si Maria—Isang Babaing May Pananampalataya
Tinitiyak namin na sa pagsasabi ng nabanggit na ay wala kaming layunin na hindi igalang si Maria. Walang alinlangan, si Maria ay isang ulirang babae—na ang pananampalataya ay karapat-dapat tularan. Agad niyang tinanggap ang natatanging pananagutan na maging ina ni Jesus, kasama na ang lahat ng mga pagsubok at mga pagsasakripisyo na taglay niyaon. (Lucas 1:38; 2:34, 35) Kasama si Jose, kaniyang pinalaki si Jesus sa maka-Diyos na karunungan. (Lucas 2:51, 52) Hindi niya iniwan si Jesus sa mga sandaling ito’y nagdurusa sa tulos. (Juan 19:25-27) At bilang isang tapat na alagad, siya’y masunuring namalagi sa Jerusalem at nakaranas ng pagbubuhos ng espiritu ng Diyos noong Pentecostes.—Gawa 1:13, 14; 2:1-4.
Ang isang maling paglalarawan kay Maria ay hindi nagpaparangal sa Maylikha ni kay Maria. Ang doktrina ng Pag-aakyát sa langit ay nagsisilbing pampatibay sa walang-batayang pag-aangkin na si Maria ay isang tagapamagitan sa Diyos. Subalit sinang-ayunan ba ni Jesu-Kristo ang gayong turo? Sa kabaligtaran, sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kayo ay hihingi ng anumang bagay sa aking pangalan, ay gagawin ko iyon.” (Juan 14:6, 14; ihambing ang Gawa 4:12.) Oo, si Jesu-Kristo lamang, hindi si Maria, ang tagapamagitan sa Maylikha. Sa pamamagitan ni Jesus—hindi ni Maria—tayo ay dapat lumapit sa ating Tagapagbigay-Buhay para sa paghingi ng “tulong sa panahon ng pangangailangan.”—Hebreo 4:16, Revised Standard Version, Catholic Edition.
Ang pagtanggap ng katotohanan tungkol kay Maria ay maaaring masakit para sa ilan. Sa papaano man, ito’y maaaring mangahulugan ng pagtalikod sa malaon nang sinusunod na mga paniniwala at mga bagay na pinahahalagahan. Gayunpaman, bagaman masakit kung minsan, ang katotohanan ay sa wakas ‘nagpapalaya sa isa.’ (Juan 8:32) Sinabi ni Jesus na ang hinahanap ng kaniyang Ama ay yaong mga sasamba “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24, Dy) Sa taimtim na mga Katoliko, ang mga salitang ito ay nagsisilbing isang hamon.
[Talababa]
a Sa Katolisismo ang isang doktrina (dogma), di-tulad ng isang simpleng paniniwala, ay sinasabing isang katotohanang taimtim na binuo ng isang ekumenikal na konseho o ng “di-nagkakamaling magisterium (awtoridad na magturo)” ng Papa. Kabilang sa mga doktrina na sa ganoong paraan ay binigyang-katuturan ng Iglesya Katolika, ang pinakahuli ay ang Pag-aakyát sa langit kay Maria.
[Kahon sa pahina 27]
SI MARIA BA AY NAMATAY?
Si Maria ba ay aktuwal na namatay bago naganap ang ipinagpapalagay na pag-akyat niya sa langit? Nasumpungan ng mga teologong Katoliko ang kanilang sarili na nakaharap sa dalawang di-kanais-nais na teolohikal na pagpipilian kung tungkol sa isyung ito. Binabanggit ng Nuovo dizionario di teologia na “mahirap na taglayin ni Maria ang pribilehiyo na hindi pagtikim ng kamatayan, na hindi taglay maging ni Kristo.” Sa kabilang panig, ang pagsasabi na si Maria ay namatay ay nagbabangon ng isang mahirap na isyu. Sinasabi ng teologong si Kari Børresen na “ang kamatayan ay parusa sa orihinal na kasalanan, na, ayon sa [ang doktrina ng “Kalinis-linisang Paglilihi”], ay hindi nagkaroon ng epekto kay Maria.” Kung gayon, sa anong batayan, masasabing siya ay namatay? Hindi nga katakataka na maingat na iniwasan ni Papa Pius XII ang buong isyu ng kamatayan ni Maria pagka ipinaliliwanag ang doktrina sa Pag-aakyát sa langit.
Mabuti na lamang, ang turo ng Bibliya ay wala ng gayong kalituhan. Saanman ay wala itong itinuturo—o ipinahihiwatig man lamang—na si Maria ay bunga ng “kalinis-linisang paglilihi.” Bagkus, ipinakikita niyaon na si Maria ay isang di-sakdal na tao na nangangailangan ng katubusan. Sa kadahilanang ito, pagkatapos na maisilang si Jesus, siya’y naparoon sa templo at gumawa ng paghahandog sa Diyos ukol sa kasalanan. (Levitico 12:1-8; Lucas 2:22-24) Tulad ng lahat ng iba pang di-sakdal na mga tao, si Maria ay namatay nang dakong huli.—Roma 3:23; 6:23.
Ang payak na katotohanang ito ay lubusang kabaligtaran ng di-masasagot na mga katanungang ibinangon ng doktrina ng Pag-aakyát sa langit.
[Larawan sa pahina 26]
‘Assumption of the Virgin,’ ipininta ni Titian (c. 1488-1576)
[Credit Line]
Giraudon/Art Resource, N.Y.
[Larawan sa pahina 28]
Sa pamamagitan ng pagdadala ng handog ukol sa kasalanan sa templo pagkatapos isilang si Jesus, ipinahayag ni Maria ang kaniyang sarili na isang makasalanan na nangangailangan ng katubusan