Ang Tumpak na Kaalaman sa Diyos at sa Kaniyang Anak ay Umaakay Patungo sa Buhay
“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—JUAN 17:3.
1. Bakit ang tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesu-Kristo ay napakahalaga?
ANG tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay napakahalaga para sa mga nagnanais ng buhay na walang-hanggan. “Kalooban [ng Diyos] na lahat ng uri ng tao ay maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Ang gayong kaalaman buhat sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay magsasangkap sa atin ng kaalaman kung sino ang Diyos at ano ang ating mga obligasyon sa kaniya. (2 Timoteo 3:16, 17; 1 Juan 2:17) Tutulong din ito sa atin na wastong makilala si Jesu-Kristo at ang ating relasyon sa kaniya.—Awit 2:12; Filipos 2:5-11.
2. Ano ang baka maging bunga kung tayo’y walang tumpak na kaalaman?
2 Kung walang tumpak na kaalaman, tayo’y baka masilo ng huwad na mga turo na ang promotor ay ang mananalansang sa Diyos, si Satanas na Diyablo, na “isang sinungaling at siyang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kung gayon, pagka ang isang doktrina’y sumasalungat sa Salita ng Diyos, kung iyon ay isang kasinungalingan, ang paniniwala roon at pagtuturo niyaon ay nagdadala ng kasiraan kay Jehova at dinadala tayo sa pananalansang sa kaniya. Kaya kailangan na suriin natin nang maingat ang Kasulatan upang matiyak ang pagkakaiba ng katotohanan sa kasinungalingan. (Gawa 17:11) Hindi natin gusto na tayo’y maging katulad niyaong mga taong “laging nag-aaral subalit kailanman ay hindi nakakarating sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—2 Timoteo 3:1, 7.
3. Ano ang malinaw na turo ng Bibliya tungkol sa Diyos, kay Jesu-Kristo, at sa banal na espiritu?
3 Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang doktrina ng Trinidad ay hindi isang turo ng Bibliya. Sa sariling Salita ng Diyos, maliwanag na sinasabi niya sa atin na siya ang Maylikha ng lahat ng bagay at na ang kaniyang unang paglalang sa langit ay ang kaniyang Anak. (Apocalipsis 4:11; Colosas 1:15, 16) Sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak upang pumarito sa lupa bilang isang tao para maglaan ng haing pantubos, na nagsilbing saligan ng pagpapatawad sa mga kasalanan ng sangkatauhan, at upang ang taimtim na mga tao ay higit pang bigyang-liwanag tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. (Mateo 20:28; Juan 6:38) Gayunman, ang simple, malinaw na turo na ang Diyos at si Kristo ay dalawang magkahiwalay na persona, at na hindi isang persona ang banal na espiritu kundi siyang aktibong puwersa ng Diyos, ay pinilipit sa loob ng lumipas na mga daan-daang taon. Sa halip, ang turo ng Trinidad ang naging pangunahing doktrina ng Sangkakristiyanuhan.
“Ako at ang Ama ay Iisa”
4. Bakit ang iginigiit ng mga relihiyon tungkol sa Juan 10:30 ay hindi totoo?
4 Ang mga relihiyon ay malimit na bumabanggit sa Juan 10:30 upang subuking suportahan ang Trinidad, bagama’t sa talatang iyan ay walang binabanggit na anumang ikatlong persona. Doon ay sinabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” Subalit ang ibig bang sabihin ni Jesus ay na siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat mismo, na nasa ibang anyo lamang? Hindi, hindi magkakagayon yamang sa tuwina’y sinasabi ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, at nakabababa sa Diyos at napasasakop sa Diyos. Kung gayon, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus sa Juan 10:30?
5, 6. (a) Sa anong diwa ipinakahulugan ni Jesus na siya at ang kaniyang Ama ay iisa? (b) Paano ito ipinaghahalimbawa may kaugnayan sa mga alagad ni Jesus?
5 Ang ibig sabihin ni Jesus ay na siya’y kaisa ng pag-iisip at ng layunin ng kaniyang Ama. Ito’y makikita sa Juan 17:21, 22 na kung saan si Jesus ay nanalangin sa Diyos na “silang lahat [ang kaniyang mga alagad] ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo, upang sila rin naman ay makaisa natin . . . upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.” Si Jesus ba’y nananalangin noon na lahat sana ng kaniyang mga alagad ay maging isang persona? Hindi, siya’y nananalangin na sila sana’y magkaisa, magkaroon ng iisang pag-iisip at layunin, tulad ni Jesus at ng Diyos.
6 Ang ganiyan ding ideya ay nahahayag sa 1 Corinto 1:10, na kung saan sinasabi ni Pablo na ang mga Kristiyano ay ‘dapat lahat magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa kanila ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi sila’y dapat na lubos na nagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.’ Samakatuwid nang sabihin ni Jesus na siya at ang kaniyang Ama ay iisa, hindi ang ibig niyang sabihin ay na sila’y iisang persona, kung paanong nang kaniyang sabihin na dapat maging isa ang kaniyang mga alagad hindi ang ibig niyang sabihin ay na sila’y iisang persona.
Sino “ang Salita”?
7. (a) Ano ang iginigiit ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Juan 1:1? (b) Ano sa Juan 1:1 ang agad nagpapakita na hindi Trinidad ang tinutukoy?
7 Subalit, kumusta naman ang Juan 1:1, na sa King James Version ay ganito ang sabi: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos”? Sa Juan 1:14 ay sinasabi sa atin na “ang Salita ay naging tao at tumahan sa gitna natin.” Iginigiit ng Sangkakristiyanuhan na itong “Salita” (Griego loʹgos) na naparito sa lupa bilang si Jesu-Kristo ay Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat mismo. Subalit, pansinin na kahit na sa King James Version ang Juan 1:1 ay nagsasabi “ang Salita ay kasama ng Diyos.” Ang sinuman na kasama ng isa pang persona ay hindi siyang iyon ding ibang personang iyon. Kaya’t maging sa saling ito, dalawang magkaibang personalidad ang ipinakikita. Gayundin, walang ikatlong persona ng anumang Trinidad ang binabanggit.
8. Paano isinasalin ng mga ibang salin ng Bibliya ang huling bahagi ng Juan 1:1?
8 Kung tungkol sa King James Version na nagsasabi sa huling bahagi ng Juan 1:1 na ang “Salita ay Diyos,” ang ibang mga salin ay nagsasabi ng isang bagay na naiiba. Ang ilan ay ganito:
1808: “at ang salita ay isang diyos.” The New Testament, in an Improved Version, Upon the Basis of Archbishop Newcome’s New Translation: With a Corrected Text, London.
1864: “at isang diyos ang Salita.” The Emphatic Diaglott, ni Benjamin Wilson, New York at London.
1935: “at ang Salita ay divino.” The Bible—An American Translation, ni J. M. P. Smith at E. J. Goodspeed, Chicago.
1935: “ang Logos ay divino.” A New Translation of the Bible, ni James Moffatt, New York.
1975: “at isang diyos (o, isang uring divino) ang Salita.” Das Evangelium nach Johannes, ni Siegfried Schulz, Göttingen, Alemanya.
1978: “at tulad-diyos na uri ang Logos.” Das Evangelium nach Johannes, ni Johannes Schneider, Berlin.
1979: “at isang diyos ang Logos.” Das Evangelium nach Johannes, ni Jurgen Becker, Würzburg, Alemanya.
Gayundin, noong 1950 ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay ganito ang pagkasalin sa parirala, “at ang Salita ay isang diyos.”
9. Sa tekstong Griego, ano ang nasa unahan ng unang pagkagamit sa pangngalang theos’ (diyos) sa Juan 1:1, na nagpapakitang tumutukoy ito sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?
9 Ang ganiyan bang mga pagkasalin ay kasuwato ng pambalarilang kayarian ng Juan 1:1 sa wikang Griego? Oo, kasuwato nga. Sa Juan 1:1 ay makalawang lumitaw ang pangngalang Griego na the·osʹ (diyos). Ang una ay tumutukoy sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, na siya ang kasama ng Salita—“at ang Salita [loʹgos] ay kasama ng Diyos [isang anyo ng the·osʹ].” Sa unang the·osʹ na ito ay nauuna ang Griegong tiyakang pantukoy na ho. Ang pangngalang theosʹ na ang nasa unahan ay ang tiyakang pantukoy na ho ay tumutukoy sa isang naiibang persona, at ito’y ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat—“at ang Salita ay kasama ng [ang] Diyos.”
10. Tungkol sa ikalawang the·os’ sa Juan 1:1, ano ang ipinakikita ng hindi paggamit ng pantukoy na ho?
10 Subalit sa huling bahagi ng Juan 1:1, ang gayong mga pagkasalin na nakatala sa parapo 8 ay nagsalin sa ikalawang the·osʹ (isang panaguring pangngalan) bilang “divino” o “isang diyos” sa halip na “Diyos.” Bakit? Sapagkat ang ikalawang the·osʹ ay isang pang-isahang panaguring pangngalan na nasa unahan ng pandiwa at wala ang tiyakang pantukoy na ho sa Griego. Sa talatang ito, ang ganitong kayarian ng pangungusap ay tumutukoy sa isang katangian o kalidad ng simuno. Itinatampok nito ang kalikasan ng Salita, na siya ay “divino,” “isang diyos,” ngunit hindi ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Ito ay kasuwato ng marami sa mga talata na nagpapakitang “ang Salita” ay tagapagsalita ng Diyos, sinugo ng Diyos sa lupa. Gaya ng sinasabi ng Juan 1:18: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman; tanging ang bugtong na diyos [ang Anak na nilalang sa langit ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat] na nasa sinapupunan ng Ama ang siyang [naparito sa lupa bilang ang taong si Jesus at] nagpakilala sa kaniya [ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat].”
11. Ano ang halimbawa sa Bibliya ng pagsisingit ng tagapagsalin ng pantukoy na “isang” kahit wala iyon sa Griego, at bakit ito ginagawa?
11 Marami pang mga ibang talata sa Bibliya na kung saan ang mga nagsalin buhat sa Griego tungo sa ibang wika ay nagsingit ng pantukoy na “isang” sa unahan ng panaguring pangngalan bagama’t walang pantukoy sa tekstong Griego. Ang pagsisingit na ito ng pantukoy sa pagsasalin ay nagpapalitaw ng katangian o kalidad ng pangngalan. Halimbawa, sa Marcos 6:49, nang makita ng mga alagad si Jesus na lumalakad sa tubig, ang King James Version ay nagsasabi, “kanilang inakala na iyon ay isang espiritu” (Griego, phanʹtas·ma). Mas tama ang pagkasalin ng New World Translation sa parirala, “Ang akala nila: ‘Iyon ay isang aparisyon!’” Sa ganiyan ding paraan, ipinakikita ng tamang pagkakasalin ng Juan 1:1 na ang Salita ay hindi “Diyos,” kundi “isang diyos.”
12. Anong katulad na mga paggamit ng di-tiyakang pantukoy sa “isang” ang makikita sa Juan 8:44?
12 Dalawang katulad na mga halimbawa ang nasa Juan kabanata 8, talatang 44. Dito si Jesus, sa pagtukoy sa Diyablo, ay nagsasabi: “Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una . . . Siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” Nahahawig sa Juan 1:1, sa orihinal na Griego ang panaguring pangngalan sa kapuwa ekspresyong ito (“mamamatay-tao,” “sinungaling”) ay nauuna sa pandiwa at walang tiyakang pantukoy. Sa bawat kaso, isang kalidad o ugali ng Diyablo ang inilalarawan at sa maraming modernong-wikang mga salin, kailangang magsingit ng di-tiyakang pantukoy (“isang”) upang maibigay ang kahulugang ito. Sa gayon, ang pagkasalin ng King James Version sa mga pangungusap na ito ay, “Siya’y isang mamamatay-tao . . . siya’y isang sinungaling at ama nito.”—Tingnan din ang Marcos 11:32; Juan 4:19; 6:70; 9:17; 10:1, 13, 21; 12:6.
“Panginoon Ko at Diyos Ko”
13, 14. Bakit maaaring tawagin ni Tomas si Jesus na “Diyos ko” na hindi ipinangangahulugang si Jesus ay si Jehova?
13 Binabanggit din ng mga Trinitaryo ang Juan 20:28 upang umalalay sa kanilang mga iginigiit. Doon si Tomas ay nagsabi kay Jesus: “Panginoon ko at Diyos ko!” Gaya ng ipinakikita sa itaas, hindi tinututulan ang pagbanggit ni Tomas kay Jesus bilang isang diyos. Ang gayon ay kasuwato ng bagay na si Jesus, noong siya’y hindi pa nagiging tao, ay tunay ngang isang diyos, samakatuwid nga, isang makapangyarihang divinong persona. At tunay na naging gayon siya sapol nang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli sa makalangit na buhay. Si Jesus ay sumipi pa mandin buhat sa Mga Awit upang ipakita na ang makapangyarihang mga tao ay tinatawag na “mga diyos.” (Awit 82:1-6; Juan 10:34, 35) Binanggit ni apostol Pablo na mayroong “maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon.’” (1 Corinto 8:5) Maging si Satanas man ay tinatawag na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Corinto 4:4.
14 Si Kristo ay nasa isang posisyon na higit na mataas kaysa di-sakdal na mga tao, o kaysa kay Satanas. Kung sila ay maaaring tukuyin na “mga diyos,” tiyak na si Jesus ay maaaring tukuyin na isang diyos. Dahilan sa kaniyang natatanging posisyon may kaugnayan kay Jehova, si Jesus ay “ang bugtong na diyos” (Juan 1:18), isang “Makapangyarihang Diyos” (Isaias 9:6), at “isang diyos” (Juan 1:1). Kaya’t walang mali tungkol sa ganoong pagtukoy ni Tomas kay Jesus. Sinasabi noon ni Tomas na si Jesus ay isang diyos sa kaniya, isang divino, na makapangyarihang isa. Subalit hindi niya sinasabi na si Jesus ay si Jehova, kaya ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Tomas, Diyos “ko,” at hindi “ang” Diyos.
15. Papaanong sa talatang 31 ng Juan kabanata 20 ay malinaw na ipinakikilala kung sino si Jesus?
15 Tatlong talata lamang pagkatapos, ito’y sa Juan 20:31, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ngunit ang mga ito’y nangasulat upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Kristo ang Anak ng Diyos.” Lahat ng duda sa kung ano kaya ang ibig sabihin ni Tomas ay napapawi rito. Ang manunulat ng Bibliya na si Juan ay malinaw na nagsasabi na si Jesus ang Anak ng Diyos, hindi ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat mismo.
Hindi Kapantay ng Diyos
16. Ano ang pag-aangkin ng mga Judio, at paano pinabulaanan ito ni Jesus?
16 Isa pang teksto na ginagamit ng mga relihiyon ay ang Juan 5:18. Sinasabi nito na ibig ng mga Judio na patayin si Jesus sapagkat “kaniya ring tinatawag na kaniyang sariling Ama ang Diyos, ginagawa ang kaniyang sarili na kapantay ng Diyos.” Sino ba ang nagsasabi na ginagawa ni Jesus ang kaniyang sarili na kapantay ng Diyos? Hindi si Jesus. Kaniyang nililinaw ito sa mismong kasunod na talata (Juan 5:19) sa pamamagitan ng pagsasabi: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi iyon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” Samakatuwid ay hindi inangkin ni Jesus na siya ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat o kapantay Niya. Kaniyang ipinakikita noon sa mga Judio na sila’y mali, na hindi siya ang Diyos, kundi siya ang Anak ng Diyos, at bilang tagapagsalita ng Diyos, hindi siya makakikilos ng sa kaniyang ganang sarili. Atin bagang maguguniguni ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ng sansinukob na nagsasabi na hindi siya makagagawa ng anuman sa kaniyang ganang sarili? Kaya’t ang mga Judio ay nagparatang, at iyon ang pinabulaanan ni Jesus.
17. (a) Ano ang malinaw na patotoo buhat sa sariling kinasihang Salita ng Diyos tungkol sa kung sino si Jehova, si Jesu-Kristo, at ang banal na espiritu? (b) Ano ang kailangang gawin sa anumang teksto na maaaring tukuyin ng mga Trinitaryo sa kanilang pagsisikap na subukin na ipagmatuwid ang kanilang paniniwala?
17 Sa gayon, buhat sa patotoo ng Diyos sa kaniyang sariling kinasihang Salita, buhat sa patotoo ni Jesus, at buhat sa patotoo ng mga alagad ni Jesus, ang napakaraming patotoo ay malinaw na nagpapakitang ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at si Jesu-Kristo ay dalawang magkabukod na personalidad, ang Ama at ang Anak. Ang patotoong iyan ay malinaw ding nagpapakita na ang banal na espiritu ay hindi ang ikatlong persona ng anumang Trinidad kundi ang aktibong puwersa ng Diyos. Walang kabuluhan na ang mga teksto’y alisin sa konteksto o subuking pilipitin ang mga iyon upang umalalay sa Trinidad. Ang alinman sa gayong mga teksto ay kailangang iugnay sa nalalabing bahagi ng malinaw na patotoo ng Bibliya.
Bakit Umunlad ang Trinidad?
18. Saan ba nanggaling ang doktrina ng Trinidad?
18 Kung susuriin mo ang pahina 18, “Ang Kasaysayan ng Pag-unlad ng Doktrina ng Trinidad,” mapapansin mo na ang Trinidad ay may mga ugat sa mga pagano. Ito ay hindi isang turo ng Bibliya, kundi inangkin ng Sangkakristiyanuhan noong ikaapat na siglo. Subalit, matagal pa bago nito, mayroon nang mga trinidad sa sinaunang Babilonya, Ehipto, at iba pang mga lugar. Sa ganoo’y inilakip ng Sangkakristiyanuhan sa kaniyang mga turo ang isang paganong paniwala. Ang pasimuno rito’y ang Romanong emperador na si Constantino, na hindi naman interesado sa katotohanan tungkol sa bagay na ito kundi ibig niyang pagkaisahin ang kaniyang imperyo na binubuo ng mga pagano at mga apostatang Kristiyano. Malayo sa pagiging isang pag-unlad ng isang turong Kristiyano, ang Trinidad ay patotoo na ang Sangkakristiyanuha’y lumihis sa mga turo ni Kristo at sa halip ay mga turong pagano ang sinunod niya.
19. Bakit umunlad ang doktrina ng Trinidad?
19 Bakit nga uunlad ang gayong doktrina? Tunay, ang mga kapakanan ng Diyos ay hindi napasusulong sa pamamagitan ng paggawa sa Kaniya, sa Kaniyang Anak, at sa Kaniyang banal na espiritu na nakalilito at misteryoso. At hindi napasusulong ang kapakanan ng mga tao sa kanilang pagkalito. Sa halip, mientras ang mga tao’y lalong nalilito tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, lalo namang nagiging angkop ito kay Satanas na Diyablo, ang mananalansang sa Diyos, ang ‘diyos ng sanlibutang ito,’ na gumagawa upang ‘bulagin ang pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’ (2 Corinto 4:4) Yamang sa pamamagitan ng gayong doktrina ay lumalabas na tanging ang mga teologo ang nakakaintindi ng mga turo ng Bibliya, ito’y bumabagay rin sa mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan. Kaya sa pamamagitan nito ay napananatili nila ang kanilang panunupil sa mga karaniwang tao.
20. (a) Ano ang simpleng katotohanan tungkol sa Trinidad? (b) Ang pagkuha ng tumpak na kaalaman sa nagpapalayang mga katotohanan ay mangangahulugan ng ano para sa atin?
20 Subalit, ang katotohanan tungkol sa bagay na ito ay totoong simple na anupa’t ang isang bata ay makakaintindi nito. Ang isang munting bata ay nakababatid na siya at ang kaniyang ama ay hindi iisa kundi na sila’y dalawang magkahiwalay na indibiduwal. Gayundin naman, pagka sinasabi ng Bibliya na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, iyon nga ang ibig sabihin nito. Iyan ang simpleng katotohanan, samantalang ang doktrina ng Trinidad ay hindi gayon. Iyon ay isang kasinungalingan. Samakatuwid ay nanggaling iyon sa “isa na tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Subalit ang simple, nakapagpapaginhawang mga katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at sa makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos ay nagpapalaya sa mga tao buhat sa pagkaalipin sa mga huwad na turo na nag-uugat sa paganismo at kagagawan ni Satanas. Gaya ng sinabi ni Jesus sa taimtim na mga humahanap ng katotohanan: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ang pagkuha ng tumpak na kaalaman sa nagpapalayang mga katotohanan, at gayundin pagkilos ng ayon sa mga ito, ay “nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 17:3.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak ay lubhang mahalaga?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang sabihin, “Ako at ang Ama ay iisa”?
◻ Paanong sa Juan 1:1 ay ipinakikita ang pagkakaiba ng Salita at ng Diyos?
◻ Bakit wastong matatawag ni Tomas si Jesus na “Diyos ko”?
◻ Paano nagkaroon ng doktrina ng Trinidad, at sino ang awtor nito?
[Kahon sa pahina 18]
Ang Kasaysayan ng Pag-unlad ng Doktrina ng Trinidad
Ang The New Encyclopædia Britannica, 1985, Micropædia, Tomo 11, pahina 928, ay nagsasabi sa ilalim ng paksang Trinidad: “Ang salitang Trinidad ni ang malinaw na doktrina man ay hindi makikita sa Bagong Tipan, ni layunin man ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod na salungatin ang Shema sa Matandang Tipan: ‘Dinggin mo, Oh Israel: Ang Panginoon na ating Diyos ay isang Panginoon.’ (Deut. 6:4)” Sinasabi rin ng ensayklopediang ito: “Ang doktrina ay umunlad na unti-unti sa loob ng mga ilang siglo at sa gitna ng maraming mga pagtatalo. . . . Ang Konsilyo ng Nicaea noong 325 ay bumuo ng mahalagang pormula para sa doktrinang iyan sa pag-amin nito na ang Anak ay ‘may kaparehong pagka-Diyos . . . ng Ama,’ bagaman bahagyang-bahagya ang sinabi nito tungkol sa Espiritu Santo. . . . Nang may dulo na ika-4 na siglo . . . ang doktrina ng Trinidad ay nabuo nang husto at nanatili itong gayon buhat noon.”
Ang New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo 14, pahina 299, ay nagsasabi ng ganito: “Ang binuong ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay walang matatag na batayan, tunay na hindi lubusang naging bahagi ng buhay Kristiyano at ng inaangkin nitong pananampalataya, bago ng dulo ng ika-4 na siglo. . . . Kabilang sa mga Apostolikong Ama, kahit bahagya man ay walang nakakahawig sa gayong kaisipan o pagkaunawa.”
Samakatuwid, ang doktrina ng Trinidad ay hindi maka-Kasulatan, kundi ito’y opisyal na inangkin sa ginanap na Konsilyo ng Nicaea noong taóng 325 C.E. Inilakip sa doktrina ang isang paganong ideya na nagmula matagal nang panahon bago pa man sa sinaunang Babilonya at Ehipto at ginagamit din sa mga ibang bansa. Ganito ang puna ni Will Durant sa The Story of Civilization: Part III, pahina 595: “Ang Kristiyanismo ay hindi nagwasak sa paganismo; kaniyang inangkin ito. . . . Buhat sa Ehipto ay nanggaling ang mga ideya ng isang banal na trinidad.”
Sa An Encyclopedia of Religion, editado ni Vergilius Ferm, 1964, sa pahina 793 at 794, sa ilalim ng salitang “triad,” ay nakatala ang mga trinidad ng Babiloniko, Budista, Hindu, Norse, Taoista, at iba pang mga relihiyon, pati na rin yaong sa Sangkakristiyanuhan. Bilang isang halimbawa, pinuna nito na sa India, “sa dakilang Triad ay kasali si Brahma, ang Maylikha, si Vishnu, ang Tagapagligtas at si Shiva, ang Tagapuksa. Ito ang kumakatawan sa siklo ng buhay, kung paanong ang Babilonikong trinidad ni Anu, Enlil at Ea ay kumakatawan sa mga materyales ng buhay, hangin, tubig, lupa.”
Sa British Museum sa London ay may mga bagay-bagay na makikitaan ng sinaunang mga trinidad, tulad baga niyaong sa Ehipto na sina Isis, Harpokratēs, at Nephthys. Ang isang lathalain ng museo ng Department of Medieval and Later Antiquities ay naglathala ng ganitong nakasulat sa isang sinaunang alahas: “Karayagan [na panig], ang mga diyos ng Ehipsiyo na si Horus-Baït (may ulo ng lawin), si Buto-Akori (ang ahas), at si Hathor (may ulo ng palaka). Kabaligtaran [na panig], ang bersong Griego na ‘Isang Baït, isang Hathor, isang Akori; ang kapangyarihan ng mga ito ay isa. Mabuhay, ang ama ng daigdig, mabuhay, ang tatlong-anyong diyos!’ Ang mga diyos sa ganitong paraan ay ipinakikilala bilang tatlong makikitaan ng isang kapangyarihan, marahil ang diyos-araw.”
Pinatutunayan ng kasaysayan na ang Trinidad ay hiniram sa mga pagano at umiral daan-daang taon na bago naparito sa lupa si Jesus. Malaon na pagkamatay niya, itinaguyod ito niyaong mga naimpluwensiyahan ng mga paganong pilosopya at mga naging apostata sa tunay na pagsamba sa Diyos na itinuro ni Jesus at ng mga apostol.
[Larawan sa pahina 16]
Idinalangin ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay maging isa sa pag-iisip at layunin gaya niya at ng kaniyang Ama na iisa