Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • wp21 Blg. 1 p. 10-13
  • Paano Ka Mananalangin Para Pakinggan Ka ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ka Mananalangin Para Pakinggan Ka ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MANALANGIN SA DIYOS NA JEHOVA SA PANGALAN NI JESUS
  • MANALANGIN MULA SA PUSO
  • MANALANGIN AYON SA KALOOBAN NG DIYOS
  • ANO ANG PUWEDE NATING IPANALANGIN?
  • MAGHINTAY AT LAGING MANALANGIN
  • Lumapit sa Diyos sa Panalangin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Paglapit sa Diyos sa Panalangin
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
wp21 Blg. 1 p. 10-13

Paano Ka Mananalangin Para Pakinggan Ka ng Diyos?

Si Jehova ang Diyos na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Puwede natin siyang kausapin kahit saan at kahit kailan, malakas man ito o hindi. Gusto ni Jehova na tawagin natin siyang “Ama,” at siya talaga ang pinakamabuting Ama para sa atin. (Mateo 6:9) Mahal tayo ni Jehova kaya tinuruan niya tayo kung paano dapat manalangin.

MANALANGIN SA DIYOS NA JEHOVA SA PANGALAN NI JESUS

“Kung hihingi kayo sa Ama ng anuman, ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.”—Juan 16:23.

Malinaw ang sinabing iyan ni Jesus. Gusto ni Jehova na manalangin tayo, hindi sa pamamagitan ng mga imahen, santo, anghel, o sa mga ninuno, kundi sa pangalan ni Jesu-Kristo. Kapag nananalangin tayo sa Diyos sa pangalan ni Jesus, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang ginawa ni Jesus para sa atin. “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko,” ang sabi ni Jesus.​—Juan 14:6.

MANALANGIN MULA SA PUSO

“Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo.”​—Awit 62:8.

Kapag mananalangin tayo kay Jehova, makipag-usap sa kaniya na parang nakikipag-usap sa isang maibiging ama. Imbes na basahin o sabihin ang isang kabisadong panalangin, dapat tayong makipag-usap sa kaniya nang may paggalang at mula sa puso.

MANALANGIN AYON SA KALOOBAN NG DIYOS

“Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.”—1 Juan 5:14.

Mababasa sa Bibliya kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova para sa atin at kung ano ang dapat nating gawin para sa kaniya. Para pakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat tayong manalangin “ayon sa kalooban niya.” Kailangan nating mag-aral ng Bibliya para makilala siya. Kung gagawin natin iyon, matutuwa ang Diyos na pakinggan ang mga panalangin natin.

ANO ANG PUWEDE NATING IPANALANGIN?

Isang pamilyang nananalangin bago kumain.

Ipanalangin ang mga Pangangailangan Mo. Puwede nating ipanalangin sa Diyos ang mga kailangan natin—pagkain, damit, at tirahan. Puwede rin tayong humingi ng karunungan para makapagpasiya tayo nang tama, at ng lakas para makayanan natin ang mga problema. Puwede nating ipanalangin sa Diyos na magkaroon tayo ng pananampalataya, na patawarin tayo, at na tulungan niya tayo.​—Lucas 11:3, 4, 13; Santiago 1:5, 17.

Isang asawang nananalangin habang nakahiga sa ospital ang asawa niya.

Ipanalangin ang Iba. Natutuwa ang mga magulang kapag nakikita niyang nagmamahalan ang mga anak niya. Iyan din ang gusto ni Jehova na gawin ng mga tao. Kaya tama lang na ipanalangin mo ang asawa mo, ang mga anak, kapamilya, at kaibigan mo. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”​—Santiago 5:16.

Isang lalaking naglalakad habang papalubog ang araw.

Magpasalamat. Tungkol sa ating Maylalang, sinasabi ng Bibliya: “Gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.” (Gawa 14:17) Kung iisipin natin ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin, mapapakilos tayo nito na pasalamatan siya sa panalangin. At maipapakita natin na talagang nagpapasalamat tayo sa kaniya kung susundin natin siya.​—Colosas 3:15.

MAGHINTAY AT LAGING MANALANGIN

Minsan, baka nalulungkot tayo kasi parang hindi agad sinasagot ang mga panalangin natin kahit mula ito sa puso. Ibig bang sabihin, walang pakialam ang Diyos sa atin? Hindi! Pansinin ang mga karanasan na nagpapakita na minsan, kailangan lang nating magpatuloy sa pananalangin.

Inamin ni Steve, na nabanggit kanina: “Kung ’di dahil sa panalangin, nawalan na ako ng pag-asa na maging masaya.” Ano ang nakatulong kay Steve? Nag-aral siya ng Bibliya at natutuhan niya na mahalagang manalangin at patuloy na gawin iyon. “Nagpasalamat ako sa Diyos sa panalangin dahil sa suporta na natanggap ko mula sa mga kaibigan ko,” ang sabi ni Steve. “Talagang napakasaya ko na ngayon.”

Kumusta naman si Jenny na nakaramdam na hindi karapat-dapat pakinggan ng Diyos ang mga panalangin niya? Sinabi niya: “No’ng panahong nararamdaman ko na wala akong silbi, humingi ako ng tulong sa Diyos para maintindihan ko ang nararamdaman ko.” Paano iyon nakatulong sa kaniya? “Nakatulong sa akin ang pakikipag-usap sa Diyos na magkaroon ng tamang pananaw sa sarili—na kahit hinahatulan ko ang sarili ko, hindi ako hinahatulan ng Diyos. Natulungan din ako nito na huwag sumuko at magpatuloy sa buhay.” Ang resulta? “Dahil sa panalangin, nakita ko na si Jehova ay isang tunay, mapagmahal, at mapagmalasakit na Diyos, Ama, at Kaibigan. Lagi siyang nandiyan at handang tumulong hangga’t ginagawa ko ang mga bagay na gusto niya.”

Si Isabel kasama ang asawa niya at anak.

“Na-realize ko na si Gerard ang sagot sa mga panalangin ko,” ang sabi ni Isabel habang nakikita niya ang anak niyang si Gerard na nag-e-enjoy sa buhay kahit may kapansanan ito

Ano naman ang nangyari kay Isabel? Nang mabuntis siya, sinabi ng doktor na may kapansanan ang magiging anak niya. Parang gumuho ang mundo niya. May mga nagpayo pa nga sa kaniya na ipalaglag na ang bata. “Parang hindi ko na kaya ang bigat at sakit na nararamdaman ko.” Ano ang ginawa niya? “Paulit-ulit akong nanalangin para tulungan ako ng Diyos,” ang sabi niya. Ipinanganak ni Isabel si Gerard, at mayroon itong kapansanan. Naramdaman ba ni Isabel na sinagot ng Diyos ang panalangin niya? Oo! Pero paano? “Kapag nakikita ko ang anak ko, na 14-na-taóng gulang na ngayon, at nag-e-enjoy sa buhay kahit may kapansanan siya,” ang sabi ni Isabel, “na-realize ko na si Gerard ang sagot sa mga panalangin ko. Siya ang pinakamagandang regalo ng Diyos na Jehova para sa akin.”

Dahil sa mga karanasang ito, malinaw na totoo ang sinasabi ng salmista: “Pakikinggan mo ang kahilingan ng maaamo, O Jehova. Patatatagin mo ang puso nila at pakikinggan silang mabuti.” (Awit 10:17) Napakagandang dahilan para patuloy tayong manalangin!

Mababasa sa Bibliya ang maraming panalangin ni Jesus. Ang pinakakilaláng panalangin niya ay ang itinuro niya sa kaniyang mga alagad. Ano ang matututuhan natin sa panalanging ito?

Ama Namin—Isang Modelong Panalangin

Grupo ng mga tao na nakikinig kay Jesus habang binabanggit ang Sermon sa Bundok.

Sa Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang modelong panalangin, na tinatawag ding Panalangin ng Panginoon, o Ama Namin. (Mateo 6:9-13; tingnan din ang Lucas 11:2-4.) Mula nang ituro ni Jesus ang panalanging ito, nagustuhan ito ng mga tao. Kaya kabisado ito ng marami at paulit-ulit na dinarasal. Iyan ba ang gustong mangyari ni Jesus? Hindi. Kasi sa sermon ding iyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag manalangin gamit ang paulit-ulit na mga salita. (Mateo 6:7) Pero ang itinuturo talaga ni Jesus sa mga tagasunod niya ay kung paano manalangin at kung ano ang dapat ipanalangin. Ano ang matututuhan natin sa modelong panalanging iyon?

“Ama namin na nasa langit”

  • Sa Diyos lang tayo dapat manalangin.

“Pakabanalin nawa ang pangalan mo”

  • Ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay dapat parangalan at dapat ituring na banal.

“Dumating nawa ang Kaharian mo”

  • Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit na si Jesus ang Hari, at malapit na itong mamahala sa lupa.

“Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa”

  • Kalooban ng Diyos na mabuhay ang mga tao sa lupa magpakailanman nang payapa at panatag.

“Bigyan mo kami ng pagkain para sa araw na ito”

  • Si Jehova ang nagbibigay ng lahat ng kailangan natin para mabuhay.

“Patawarin mo kami sa mga kasalanan namin”

  • Lahat tayo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran.

Kung tatandaan mo ang mga punto sa panalangin ni Jesus, magagawa mong manalangin nang personal at mula sa puso.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share