Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 3/8 p. 20-21
  • Bautismo—Ito Ba’y Para sa mga Sanggol?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bautismo—Ito Ba’y Para sa mga Sanggol?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inihabilin sa Impierno?
  • Pagtutuli at Bautismo
  • Ang mga Anak ng Isang Sumasampalataya ay “Banal”
  • Dapat Bang Bautismuhan ang mga Sanggol?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Bautismo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ano ang Bautismo?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Bautismo​—Isang Napakagandang Goal!
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 3/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bautismo​—Ito Ba’y Para sa mga Sanggol?

“NANG magkaroon ako ng mga anak,” sabi ng isang magulang, “dali-dali ko silang pinabinyagan o pinabautismuhan. . . . Kung minsan ay nag-iisip ako kung tama nga ang ginawa ko.” Bakit? Dalawa sa tatlo niyang mga anak ang tumanggi sa kaniyang pananampalataya.

Marahil ikaw bilang isang magulang ay nagkaroon din ng gayong mga pag-aalinlangan tungkol sa pagpapamulat sa isang sanggol sa iyong relihiyon. Kung gayon, malamang na batid mo na walang gaanong ginagawa ang mga lider ng simbahan​—kapuwa Katoliko at Protestante​—upang payapain ang iyong isipan. Pinalalaki nila ang pag-aalinlangan sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa bautismo ng mga sanggol. Tinatawag ito ng mga repormador na isang bakás ng pamahiin noong edad medya. Gayunman, sinasabi ng mga naniniwala sa tradisyon na ang pagkakait ng bautismo “ay kontra sa damdaming Kristiyano.”

Sa ganiyang pangangatuwiran, ang mga lider ng simbahan ay basta “nagpakalabis sa emosyon bilang kahalili ng matibay na argumento.” (Infant Baptism and the Covenant of Grace, ni Paul K. Jewett) Saan, kung gayon, maaari kang makasumpong ng mapanghahawakang mga kasagutan sa iyong mga katanungan tungkol sa bautismo ng mga sanggol? Ang mga kasagutang ito ay dapat na hanapin sa Salita ng Diyos.

Inihabilin sa Impierno?

Sa kalakhang bahagi sinisikap ibatay ng mga nagbabautismo ng sanggol ang kanilang kaso sa mga salita ni Jesus sa Juan 3:5: “Maliban na ang sinuman ay ipanganak ng tubig at ng espiritu, siya’y hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos.” Ikinakatuwiran nila na yamang ang bautismo sa tubig ay isang kahilingan upang makapasok sa langit, ang mga sanggol ay dapat bautismuhan upang huwag magdusa sa isang maapoy na impierno​—o magtagal-tagal sa limbo.a

Gayunman, sinasabi ng Bibliya na “hindi nalalaman . . . ng mga patay ang anuman.” (Eclesiastes 9:5; ihambing ang Awit 146:4.) Yamang ang mga patay ay walang malay, hindi sila maaaring makadama ng anumang uri ng paghihirap. Samakatuwid, ang mga magulang ay hindi kinakailangang matakot sa kakila-kilabot na mga resulta kung hindi nila pabibinyagan o pababautismuhan ang kanilang mga sanggol.

At, nariyan din ang pagkabahala na ang mga hindi nabautismuhan ay hindi maaaring pumasok sa langit. Gayunman, ito ay hindi nangangahulugan na hindi sila maaaring iligtas. Sabi ni Jesus: “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa [makalangit] na kulungang ito.” (Juan 10:16) Dito, at sa isang talinghagang nakaulat sa Mateo 25:31-46, ipinakita ni Jesus na mayroong mga makaliligtas na hindi pupunta sa langit. Saan sila pupunta? Sinabi ni Jesus sa manggagawa ng masama na nakabayubay sa tabi niya: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”​—Lucas 23:43.

Ang manggagawa bang iyon ng masama ay “ipinanganak sa tubig” sa pamamagitan ng bautismo? Maliwanag na hindi, kaya ang langit ay hindi para sa kaniya. Saan, kung gayon, ang “Paraiso”? Alalahanin na inilagay ng Diyos ang unang mag-asawang tao sa isang makalupang paraiso, taglay ang pag-asang mabuhay roon magpakailanman. (Genesis 1:28; 2:8) Gayunman, pinili nina Adan at Eva na maghimagsik at sila ay pinalayas sa kanilang magandang halamanang tahanan. Ang makalupang Paraiso bang iyon ay naglaho magpakailanman? Hindi, sapagkat binabanggit ng mga Kasulatan na ibabalik ng Diyos sa wakas ang Paraiso sa lupa. (Mateo 5:5; 6:9, 10; Efeso 1:9-11; Apocalipsis 21:1-5) At dito sa makalupang Paraiso na ito na ang karamihan niyaong mga nangamatay​—pati na ang mga sanggol​—ay sa wakas bubuhaying-muli.​—Juan 5:28, 29.

Ang isa ba ay kinakailangang nabautismuhan upang makibahagi sa makalupang pagkabuhay mag-uli na ito? Hindi naman kinakailangan. Marami ang nangamatay na walang kaalam-alam sa espirituwal na mga bagay. (Ihambing ang Jonas 4:11.) Yamang hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makaalam tungkol sa Diyos, hindi nila kailanman naialay ang kanilang sarili sa kaniya. Ang gayon bang mga tao ay wala nang pag-asa? Hindi, sapagkat si apostol Pablo ay nagsabi: “Magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli kapuwa ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Walang alinlangan na kabilang sa mga bubuhaying-muling iyon ang maraming mga sanggol. Kaya, ang mga pag-aangkin na ang bautismo ay kinakailangan upang iligtas ang mga sanggol ay lubusang walang batayan.

Pagtutuli at Bautismo

Gayunman, itinuturo niyaong mga pabor sa bautismo ng mga sanggol na ang mga sanggol sa Israel ay tinutuli pagkaraan ng sandaling panahon pagkasilang. (Genesis 17:12) Ikinakatuwiran nila na ang bautismo ang humalili sa pagtutuli bilang paraan ng pagliligtas sa mga sanggol.

Gayunman, ang pagtutuli ba ay nagsilbi bilang isang paraan ng kaligtasan? Hindi, ito ay isang nakikitang “tanda ng tipan” na ginawa ng Diyos kay Abraham. (Genesis 17:11) Higit pa riyan, ang mga lalaki lamang ang tinutuli. Kung ang bautismo ay katumbas ng pagtutuli, hindi ba makatuwiran na tanggihang bautismuhan ang mga batang babae? Maliwanag, ang paghahambing ay walang kabuluhan. Dapat ding tandaan na espisipikong ipinag-uutos ng Kasulatan sa mga magulang na Judio na isagawa ang pagtutuli sa kanilang mga anak na lalaki. Kung ang kaligtasan ay nasasangkot, bakit walang kahawig na pag-uutos sa mga magulang na Kristiyano tungkol sa bautismo?

Totoo, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata . . . sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.” (Marcos 10:14) Subalit hindi sinasabi ni Jesus na ang langit ay pupunuin ng mga bata. Kawili-wili, ganito ang sabi ng Protestanteng teologo na si A. Campbell tungkol sa makalangit na Kaharian: “Hindi ito binubuo ng mga bata, kundi niyaong mga tulad nila sa pagkamasunurin, kababaang-loob at kaamuan.”

Ang mga Anak ng Isang Sumasampalataya ay “Banal”

Itinagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad [o, mga tinuruan] sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila.” (Mateo 28:19) Kaya yaon lamang may sapat nang gulang upang maging mga alagad, o mga tinuruan, ang dapat na bautismuhan. Sa gayon, ang tunay na mga Kristiyano ngayon ay nagsisikap na sanayin​—hindi bautismuhan​—ang kanilang mga anak mula sa pagkasanggol. (2 Timoteo 3:15) Samantalang ang mga bata ay pinalalaki “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” nalilinang nila ang kanila mismong pananampalataya.​—Efeso 6:4.

Samantala, ang mga magulang ay hindi kailangang matakot na ang walang hanggang kapakanan ng kanilang maliliit na anak ay nanganganib kung sila ay hindi bautismado. Sa 1 Corinto 7:14 ang apostol Pablo ay nagbibigay ng katiyakan na ang mga anak ng isang Kristiyanong magulang ay “banal.” Ito’y hindi dahilan sa sila’y dumaranas ng ilang pormalistikong ritwal kundi sapagkat maibiging iginagawad ng Diyos ang isang mabuting katayuan sa kanila​—habang ang kahit na isa sa kanilang mga magulang ay nananatiling tapat bilang isang Kristiyano.

Ang tapat na halimbawa ng mga magulang, pati na ang pagsasanay na tinatanggap ng kanilang mga anak mula sa Bibliya, ay maaaring magtulak sa mga kabataan na mag-alay ng kanilang sarili sa Diyos at sagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo. Ang kanilang mapagpahalagang mga puso ay mag-uudyok sa kanila na sumunod sa pamamagitan ng paghahandog ng ‘isang may kabanalang paglilingkod lakip ang kanilang kakayahang mangatuwiran.’ (Roma 12:1) Ang mga bagay na ito ay hindi nga magagawa ng isang munting sanggol.

[Talababa]

a Binabanggit ng New Catholic Encyclopedia (1967): “Sa kaso ng panganib na kamatayan ang isa ay hindi kinakailangang maghintay na bautismuhan hanggang sa aktuwal na pagsilang. Ang isang may kasanayang tao ay pinahihintulutang magbautismo sa bahay-bata . . . sa paggamit ng isang hiringgilya o iba pang kagamitang panlabatiba.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share