Sino ang mga Sumusunod sa Liwanag ng Sanlibutan?
“Kayo ay sumisikat bilang mga ilaw sa sanlibutan.”—FILIPOS 2:15.
1. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa huwad na mga ilaw ng relihiyon?
ANG Bibliya ay malinaw na nagpapakilala kay Jesus bilang “isang dakilang liwanag,” “ang liwanag ng sanlibutan.” (Isaias 9:2; Juan 8:12) Gayunman, kakaunti ang sumunod sa kaniya nang siya’y narito sa lupa. Ang pinili ng karamihan ay ang sumunod sa huwad na mga ilaw na, sa totoo, ay mga tagapagdala ng kadiliman. Tungkol sa mga ito ay sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang gayong mga tao ay bulaang mga propeta, magdarayang mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo. At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari rin na mga ministro ng katuwiran. Subalit ang kanilang kahihinatnan ay masasang-ayon sa kanilang mga gawa.”—2 Corinto 11:13-15.
2. Ano ang sinabi ni Jesus na magiging batayan ng paghatol sa mga tao?
2 Sa gayon, hindi lahat ng tao ay nagnanais ng liwanag, bagaman ito’y kagila-gilalas. Sinabi ni Jesus: “Ito ang batayan ng paghatol, na ang ilaw [liwanag] ay naparito sa sanlibutan ngunit inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Sapagkat siyang namihasa ng paggawa ng masama ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.”—Juan 3:19, 20.
Mga Umiibig sa Kadiliman
3, 4. Papaano ipinakita ng mga lider ng relihiyon noong kaarawan ni Jesus na ayaw nilang sumunod sa liwanag?
3 Isaalang-alang na ganiyan nga ang pangyayari nang narito si Jesus sa lupa. Si Jesus ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang gumawa ng kamangha-manghang mga himala upang patunayan na siya ang Mesiyas. Halimbawa, sa araw ng Sabbath, kaniyang isinauli ang paningin ng isang taong isinilang na bulag. Anong kahanga-hangang gawang kaawaan! Anong laki ng pasasalamat ng tao! Siya’y noon lamang nakakita! Subalit, ano ang ikinilos ng mga lider ng relihiyon? Ang Juan 9:16 ay naglalahad: “Ang ilan sa mga Fariseo ay nagsabi [tungkol kay Jesus]: ‘Ang taong ito’y hindi galing sa Diyos, sapagkat hindi nangingilin sa Sabbath.’ ”Anong pagkasamá-samá ng kanilang mga puso! Isang kamangha-manghang pagpapagaling ang naganap, subalit sa halip na magpahayag ng kagalakan tungkol sa taong dating bulag at magpasalamat sa nakapagpagaling, kanila pang pinaratangan ng masama si Jesus! Sa paggawa ng gayon, tiyak na sila’y nagkasala laban sa patotoo ng banal na espiritu ng Diyos, isang kasalanan na walang kapatawaran.—Mateo 12:31, 32.
4 Sa huli, nang ang mga mapagpaimbabaw na iyon ay magtanong sa dating bulag ng tungkol kay Jesus, ang tao ay nagsabi: “Ito nga ang kataka-taka, na hindi ninyo nalalaman kung siya [si Jesus] ay tagasaan, gayunman ay pinadilat niya ang aking mga mata. Nalalaman namin na hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit kung sinuman ay may takot sa Diyos at gumagawa ng kaniyang kalooban, kaniyang pinakikinggan ang isang ito. Buhat pa noong una ay hindi narinig kailanman na napadilat ng sinuman ang mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito [si Jesus] ay hindi galing sa Diyos, siya’y hindi makagagawa ng anuman.” Papaano ba tumugon ang mga lider ng relihiyon? “Sila’y nagsisagot at sinabi sa kaniya: ‘Ipinanganak kang lubos sa mga kasalanan, at ikaw ba ang magtuturo sa amin?’ At siya’y pinalayas nila!” Walang habag! Sila’y may mga pusong sintigas ng bato. Kaya sinabihan sila ni Jesus na bagaman sila’y nakakakita sa pamamagitan ng kanilang pisikal na mga mata, sila ay bulag sa espirituwal.—Juan 9:30-41.
5, 6. Ano ang ginawa ng mga lider ng relihiyon noong unang siglo na nagpakita na sila’y umiibig sa kadiliman?
5 Na nagkakasala laban sa espiritu ng Diyos ang relihiyosong mga mapagpaimbabaw na ito ay madaling nakita sa isa pang pagkakataon, nang buhaying-muli ni Jesus si Lazaro buhat sa mga patay. Dahilan sa himalang iyan, marami sa karaniwang mga tao ang sumampalataya kay Jesus. Gayunman, pansinin ang ginawa ng mga lider ng relihiyon. “Ang mga kagawad ng Sanhedrin ay tinipon ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo at sinabihan sila: ‘Ano ang kailangang gawin natin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda? Kung siya’y ating pababayaang gayon, ang lahat ng mga tao’y magsisisampalataya sa kaniya, at magsisiparito ang mga Romano at kukunin ang ating dako at pati ang ating bansa.’ ” (Juan 11:47, 48) Sila’y nababahala tungkol sa kanilang mga katungkulan at katanyagan. Anuman ang mangyari ay ibig nilang palugdan ang mga Romano, hindi ang Diyos. Kaya, ano ang ginawa nila? “Mula nang araw na iyon sila’y patuloy na nagsanggunian upang patayin [si Jesus].”—Juan 11:53.
6 Iyon ba lamang? Hindi. Ang sumunod na ginawa nila ang nagpapakita kung gaano kalaki ang kanilang pag-ibig sa kadiliman: “Nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro, sapagkat dahil sa kaniya’y marami sa mga Judio ang nagsisiparoon at nagsisisampalataya kay Jesus.” (Juan 12:10, 11) Anong di-kapani-paniwalang kabalakyutan! Bagaman lahat ng ito’y ginawa nila upang maingatan ang kanilang katungkulan, ano ang nangyari? Sa mismong salinlahing iyon, sila’y nag-alsa laban sa mga Romano, na sumalakay sa kanila noong 70 C.E. at kinuha ang kanilang dako, ang kanilang bansa, pati ang kanilang buhay!—Isaias 5:20; Lucas 19:41-44.
Ang Pagkamahabagin ni Jesus
7. Bakit ang mga umiibig sa katotohanan ay dumagsa kay Jesus?
7 Gayundin sa panahon natin, hindi lahat ay may ibig sa espirituwal na kaliwanagan. Subalit ang mga umiibig sa katotohanan ay nagnanais na lumapit sa liwanag. Ibig nila na ang Diyos ang maging kanilang Soberano, at sila’y buong pananabik na bumabaling kay Jesus, na sinugo ng Diyos upang magpaliwanag kung ano ang ilaw, at siya’y sundin. Ganiyan ang ginawa ng mga taong mapagpakumbaba nang narito sa lupa si Jesus. Sila’y dumagsa sa kaniya. Iyan ay inamin maging ng mga Fariseo. Sila’y nagreklamo: “Ang sanlibutan ay sumusunod na sa kaniya.” (Juan 12:19) Ang tulad-tupang mga tao ay umiibig kay Jesus sapagkat siya ang kabaligtaran ng mapag-imbot, arogante, gutom-sa-kapangyarihang mga lider ng relihiyon na tungkol sa kanila ay sinabi ni Jesus: “Sila’y nagbibigkis ng mabibigat na pasan at ipinapapasan sa mga tao, datapuwat sa kanilang sarili ay ayaw man lamang nilang kilusin ang kanilang daliri. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang gawa upang makita ng mga tao.”—Mateo 23:4, 5.
8. Ibang-iba sa mapagpaimbabaw na mga relihiyoso, ano ang naging saloobin ni Jesus?
8 Ibang-iba, pansinin ang pagkamahabagin ni Jesus: “Nang makita niya ang mga karamihan siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) At ano ang kaniyang ginawa tungkol doon? Sinabi niya sa mga pinagsamantalahan ng sistema ni Satanas: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:28-30) Ginawa ni Jesus ang inihula sa kaniya sa Isaias 61:1, 2, na kung saan mababasa: “Pinahiran ako ni Jehova upang ipangaral ang mabuting balita sa mga maaamo. Kaniyang isinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang maghayag ng kalayaan sa mga bihag at magbukas ng mga mata ng kahit mga bilanggo; upang maghayag ng taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin yaong lahat ng nagsisitangis.”
Pagtitipon sa mga Tagapagdala ng Liwanag
9. Anong napakahalagang pangyayari ang naganap noong 1914?
9 Pagkaakyat niya sa langit, si Jesus ay kinailangang maghintay hanggang sa panahon na ibigay sa kaniya ng Diyos ang kapangyarihan sa Kaharian. Kung magkagayo’y kaniyang pagbubukdin-bukdin ang “mga tupa” sa “mga kambing.” (Mateo 25:31-33; Awit 110:1, 2) Ang panahong iyan ay dumating nang magsimula noong 1914 ang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Si Jesus, palibhasa’y may kapangyarihan na bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, ay nagsimulang tipunin sa kaniyang kanang kamay ng pagsang-ayon yaong mga nagnanais sumunod sa liwanag. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang gawaing pagtitipong iyon ay patuloy na bumilis.
10. Anong tanong ang maibabangon tungkol sa mga ginagamit ni Jesus sa gawaing pagtitipon?
10 Sa pangunguna ni Kristo Jesus, ang gawaing pagtitipon ay nagkaroon ng malaking tagumpay. Ngayon lamang sa kasaysayan nagkaroon ng napakaraming tao buhat sa lahat ng bansa na nagkatipon sa nagliwanag na tunay na pagsamba. At sino sa ngayon ang mga sumusunod sa liwanag na nanggagaling sa Diyos at kay Kristo? Sino ang gumagawa ng sinasabi ng Filipos 2:15, “sumisikat bilang mga ilaw sa sanlibutan,” na nag-aanyaya sa iba na ‘pumarito at kumuha ng tubig ng buhay na walang bayad’?—Apocalipsis 22:17.
11. Ano ang katayuan ng Sangkakristiyanuhan kung tungkol sa espirituwal na liwanag?
11 Ginagawa ba iyan ng Sangkakristiyanuhan? Ang Sangkakristiyanuhan, na may baha-bahaging mga relihiyon, ay tunay na hindi sumisikat bilang isang ilaw. Sa katunayan, ang klero ay gaya ng mga lider ng relihiyon noong kaarawan ni Jesus. Hindi nila pinasisikat ang tunay na liwanag buhat sa Diyos at kay Kristo. Tatlumpu’t tatlong taon na ang nakalipas, sinabi ng magasing Theology Today: “Nakalulungkot aminin na ang liwanag na ito ay hindi sumisikat nang buong kaningningan sa Iglesya. . . . Ang Iglesya ay nakahilig na higit at higit na tumulad sa mga komunidad na nakapalibot doon. Hindi ang liwanag ng sanlibutan ang pinasisikat kundi yaong mga ilaw na nagmumula sa sanlibutan mismo.” Ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay lalong malubha ngayon. Ang di-umano’y liwanag na kaniyang pinasisikat buhat sa sanlibutan ay sa totoo kadiliman sapagkat iyan lamang ang maiaalok ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. Wala, walang liwanag ng katotohanan na nanggagaling sa nagkakasalu-salungatan at lubos na makasanlibutang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
12. Sino ang bumubuo ng tunay na tagapagdala-ng-liwanag na organisasyon sa ngayon?
12 May pagtitiwalang masasabi na ang bagong sanlibutang lipunan ng mga Saksi ni Jehova ang tunay, tagapagdala-ng-liwanag na organisasyon sa ngayon. May pagkakaisa, lahat ng mga miyembro nito—mga lalaki, babae, at mga bata—ay pawang nagpapasikat sa lahat ng tao ng kanilang liwanag buhat kay Jehova at kay Kristo. Noong nakalipas na taon, sa halos 70,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, mahigit na apat na milyong mga tagapagdala ng liwanag ang aktibong nagbabalita sa iba ng tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. At sa bawat taón ngayon, nakikita natin ang isang patuluyang napakalaking pagtitipon ng mga taong naghahangad din na sila’y magkaroon ng espirituwal na liwanag. Daan-daang libo ang binabautismuhan pagkatapos mag-aral ng Bibliya at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. Oo, “kalooban ng Diyos na lahat ng uri ng tao ay maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
13. Sa ano natin maihahambing ang liwanag na nanggagaling kay Jehova?
13 Ang kaliwanagan ngayon na nanggagaling kay Jehova ay ating maihahambing sa nangyari nang lisanin ng sinaunang bayan ng Diyos ang Ehipto: “Si Jehova ay nangunguna sa kanila sa araw sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan, at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila para sila’y makapaglakad sa araw at sa gabi.” (Exodo 13:21, 22) Ang ulap sa araw at ang apoy sa gabi buhat sa Diyos ay maaasahang mga patnubay. Ang mga ito ay maaasahan na gaya ng araw na nilalang ng Diyos upang bigyan tayo ng liwanag sa araw. Gayundin naman, tayo’y makaaasa kay Jehova na magpapatuloy na tanglawan ang daan sa espirituwal na paraan para sa mga humahanap ng katotohanan sa masamang mga huling araw na ito. Tinitiyak sa atin ng Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.”
Pagpapasikat ng Liwanag ng Kaharian
14. Ano ang kailangang maging pangunahing layunin ng mga tagapagdala ng liwanag?
14 Samantalang si Jehova ang Bukal ng kaliwanagan, at si Kristo ang Pangunahing Tagapagpasikat ng liwanag na iyon, ang mga tagasunod ni Jesus ay kailangan ding magpasikat niyaon. Kaniyang sinabi sa kanila: “Kayo ang ilaw [liwanag] ng sanlibutan. . . . Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14, 16) At ano ba ang pangunahing tema ng liwanag na ito na kailangang pasikatin ng kaniyang mga tagasunod sa harap ng mga tao? Ano ang kanilang ituturo sa sukdulang ito ng kasaysayan ng sanlibutan? Hindi sinabi ni Jesus na ang ipangangaral ng kaniyang mga tagasunod ay demokrasya, diktadura, pagkakaisa ng Simbahan at Estado, o anumang iba pang makasanlibutang ideolohiya. Sa halip, sa Mateo 24:14 kaniyang inihula na sa harap ng pambuong-daigdig na pananalansang, “ang mabuting balitang ito ng kaharian [ay] ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa, at kung magkagayon [ay] darating ang wakas.” Sa gayon, ang mga tagapagdala ng liwanag sa ngayon ay nagbabalita sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos, na magdadala ng kawakasan sa sanlibutan ni Satanas at ang ihahalili nito ay ang matuwid na bagong sanlibutan.—1 Pedro 2:9.
15. Saan babaling ang mga umiibig sa liwanag?
15 Ang mga umiibig sa liwanag ay hindi maililihis ng mga pamamarali at mga tunguhin ng sanlibutang ito. Lahat ng mga pamamarali at mga tunguhing iyon ay kaylapit-lapit nang maparam, yamang ang sanlibutang ito ay malapit nang magwakas. Sa halip, ang mga umiibig sa katuwiran ay magnanais na bumaling sa mabuting balita na inihahayag ng mga taong nagpapasikat ng liwanag ng Kaharian ng Diyos hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Ang mga ito ang inihula sa Apocalipsis 7:9, 10, na nagsasabi: “Tumingin ako, at narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono [ng Diyos] at sa harap ng Kordero [si Kristo] . . . At sila’y patuloy na nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ” Ang talatang 14 ay nagsasabi: “Ang mga ito ang lumalabas sa malaking kapighatian.” Oo, sila’y makaliligtas sa wakas ng sanlibutang ito tungo sa walang-hanggang bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
Ang Maliwanag na Bagong Sanlibutan
16. Ano ang mangyayari sa sanlibutan ni Satanas sa malaking kapighatian?
16 Ang bagong sanlibutan ay palilibutan ng maningning na liwanag ng katotohanan. Oo, isaalang-alang ang magiging kalagayan sa araw na wakasan ng Diyos ang sistemang ito ng mga bagay. Si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang kaniyang makapulitika, makakomersiyo, at makarelihiyong mga pamamalakad ay mawawala na—lahat-lahat! Ang buong sistema ni Satanas ng propaganda ay mawawala na rin. Sa gayon, pagkatapos ng malaking kapighatian, hindi na muling maglilimbag ng kahit isang pahayagan, magasin, aklat, buklet, o pulyeto na nagtataguyod sa balakyot na sanlibutang ito. Wala na ang masasamang impluwensiya na isasahimpapawid ng makasanlibutang telebisyon o mga himpilan ng radyo. Ang buong nakalalasong kapaligiran ng sanlibutan ni Satanas ay mapaparam sa isang malakas na paghambalos!—Mateo 24:21; Apocalipsis 7:14; 16:14-16; 19:11-21.
17, 18. Papaano mo ilalarawan ang espirituwal na kapaligiran matapos magwakas ang sanlibutan ni Satanas?
17 Anong laking kaginhawahan iyan! Magbuhat sa araw na iyan, tanging ang nakabubuti, nakapagpapasiglang espirituwal na liwanag na nanggagaling kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ang iimpluwensiya sa sangkatauhan. Inihuhula sa Isaias 54:13: “Lahat mong mga anak ay tuturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” Samantalang ang pamamahala ng Diyos ang sumasakop sa buong lupa, ang kaniyang pangako ay, gaya ng sinasabi ng Isaias 26:9, “mangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa mabungang lupain.”
18 Mabilis, ang buong mental at espirituwal na kapaligiran ay mababago para sa ikabubuti. Nagpapasiglang mga bagay ang magiging kalakaran doon sa halip na nagpapalungkot, imoral na mga bagay na ngayon ay lubhang malaganap. Bawat nabubuhay sa panahong iyon ay tuturuan ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Sa pinakalubusang diwa, ang hula ng Isaias 11:9 ay matutupad, na nagsasabi: “Ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”
Huwag Ipagpaliban ang Pagsunod sa Liwanag
19, 20. Bakit yaong mga nagnanais sumunod sa liwanag ay kailangang laging alerto?
19 Ngayon, sa katapusang mga taon ng masamang sistemang ito, hindi kailangang ipagpaliban ang pagsunod sa liwanag ng sanlibutan. At tayo’y kailangang laging alerto, sapagkat may nagaganap na matinding digmaan na ang layunin ay hadlangan tayo sa paglakad sa liwanag. Ang pananalansang na ito ay nanggagaling sa mga kapangyarihan ng kadiliman—mula kay Satanas, sa kaniyang mga demonyo, at sa kaniyang makalupang organisasyon. Kaya naman si apostol Pedro ay nagbababala: Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.”—1 Pedro 5:8.
20 Si Satanas ay maglalagay ng lahat ng hadlang sa landas ng mga taong nakasumpong ng liwanag, dahil sa ibig niya na sila’y magpatuloy ng paglakad sa kadiliman. Baka iyon ay panggigipit buhat sa mga kamag-anak o dating mga kaibigan na sumasalansang sa katotohanan. Baka iyon ay mga pag-aalinlangan tungkol sa Bibliya dahilan sa ang isa ay binulag ng mga turo ng huwad na relihiyon o ng propaganda ng di-sumasampalatayang mga ateyista at mga agnostiko. Baka iyon ay ang sariling makasalanang mga hilig ng isa na nagpapaging mahirap na sumunod sa mga kahilingan ng Diyos.
21. Anong pagkilos ang dapat gawin ng lahat ng nagnanais na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos?
21 Anuman ang mga hadlang, nais mo bang magtamasa ng buhay sa isang bagong sanlibutan na walang karalitaan, krimen, kaapihan, at digmaan? Nais mo bang magtamasa ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa? Kung gayon ay tanggapin at sundin si Jesus bilang ang liwanag ng sanlibutan at pakinggan ang balita ng mga taong nanghahawakang mahigpit sa “salita ng buhay” at “sumisikat bilang mga ilaw sa sanlibutan.”—Filipos 2:15, 16.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano ipinakikita ng mga lider ng relihiyon na sila’y mga umiibig sa kadiliman?
◻ Ano ang naging saloobin ni Jesus sa mga tao?
◻ Papaano nagpapatuloy ang pagtitipon sa mga tagapagdala ng liwanag?
◻ Anong napakahalagang mga pagbabago ang malapit nang maganap?
◻ Bakit hindi kailangang ipagpaliban ang pagsunod sa liwanag ng sanlibutan sa ngayon?
[Larawan sa pahina 14, 15]
Pinalayas ng walang-habag na mga Fariseo ang taong pinadilat ni Jesus ang mga mata