Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin na “ang tubig” na kaniyang ipagkakaloob ay magiging “isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan”?
Sinabi ni Jesus sa isang babaing Samaritana: “Ang bawat umiinom ng tubig na ito [sa balon ni Jacob] ay mauuhaw uli. Sinomang umiinom ng tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na mauuhaw kailanman, ngunit ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging sa kaniya‘y isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.”—Juan 4:13, 14.
Dito’y higit na itinuon ni Jesus ang pansin sa espirituwal na pagpapala na napapakinabang ng isang tao na tumanggap sa Kaniyang mga salita at naging alagad ni Kristo. Ang gayong tao na patuloy na kumukuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Kristo at nilalakipan ng gawa ang kaniyang pananamplataya ay nasa kalagayan na magtamo ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Ipinaghalimbawa ni Jesus ang ganitong kaayusan sa isip at puso ng isang tao at inihalintulad niya iyon sa isang bukal na bumabalong at nagbibigay nga mga pagpapala, patuluyang pinatitibay ang kaniyang pananampalataya at inaakay siya sa daang patungo sa buhay na walang hanggan.
Bagaman ang idinidiin ng Juan 4:14 ay ang mga pagpapala na tinatanggap ng isa, ang alagad na Kristiyano na may saganang espirituwal na tubig na ito ay likas lamang na maghahangad na mabahaginan niya ang iba. Ibig niyang marinig ng mga iba ang pasabing Kristiyano at magkaroon sa ganang sarili nila ng isang bukal na nagbibigay ng ganoon ding espirituwal na pakinabang na humahantong sa buhay na walang hanggan. Ang pamamahaging ito sa iba ng balita ang tila nga kaisipan na pinakadiwa ng sinabi ni Jesus sa Juan 7:37-39: “‘Kung ang sinoman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom. Siyang sumasampalataya sa akin, gaya ng sabi ng Kasulatan, “mula sa kaniyang kaloob-looban ay aagos ang tubig na buháy.”’ Ngunit, ito’y sinabi niya tungkol sa espiritu na saglit na lamang at tatanggapin na ng sumasampalataya sa kaniya.”
Pagkatapos na pakilusin ng aktibong puwersa ng espiritu ng Diyos, na tinanggap magmula noong Pentecostes 33 C.E. at patuloy, ang mga apostol at mga alagad ni Jesus ay nakagawa ng mga kababalaghan sa pagdadala ng tubig ng buhay sa iba. Ang espiritu ng Diyos ay may mahalagang bahagi rin naman sa pagsasangkap at pagpapakilos sa mga alagad ni Jesus ngayon, kapuwa sa pinahirang nalabi at sa “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa,” upang mamahagi ng nagbibigay-buhay na tubig sa nauuhaw na sangkatauhan, samantalang sila’y nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. Kayat ang nauuhaw ay kailangang lumapit sa isa na ginagamit ng Diyos upang mamahagi ng tubig ng katotohanan na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Juan 7:37; 10:16; Apocalipsis 7:9.