PAGPASLANG
[sa Ingles, murder].
Ang mga salita sa orihinal na wika na isinasalin sa magkaibang paraan bilang “pumatay” at “pumaslang” ay tumutukoy sa pagkitil ng buhay, anupat tinitiyak ng konteksto o ng ibang mga kasulatan kung ang nasasangkot ay sinasadya at di-ipinahintulot o di-matuwid na pagkitil ng buhay ng ibang tao. Halimbawa, sa utos na “Huwag kang papaslang” (Exo 20:13), ang salitang Hebreo rito para sa ‘pagpaslang’ (ra·tsachʹ) ay malinaw na tumutukoy sa sinasadya at di-matuwid na pagpatay. Ngunit sa Bilang 35:27, ang termino ring iyon ay tumutukoy sa isang akto na pinahihintulutang isagawa ng isang tagapaghiganti ng dugo. Samakatuwid, ang utos na “Huwag kang papaslang” ay dapat unawain alinsunod sa kabuuan ng Kautusang Mosaiko, na nagpahintulot sa pagkitil ng buhay ng tao sa ilalim ng ilang kalagayan, halimbawa ay sa paglalapat ng kamatayan sa mga kriminal.
Maagang Kasaysayan. Halos sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao, mayroon nang pagpaslang. Sa pamamagitan ng kaniyang pagsuway, ipinasa ng unang taong si Adan ang kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga supling, anupat, sa diwa, siya ay naging isang mamamaslang. (Ro 5:12; 6:23) Ang Diyablo ang tahasang nagpasimuno sa pangyayaring ito nang ganyakin niyang magkasala ang asawa ni Adan na si Eva, sa gayon ay naging mamamatay-tao rin siya, isang mamamaslang, sa pasimula ng kaniyang landasin bilang isa na naninirang-puri sa Diyos.—Gen 3:13; Ju 8:44.
Wala pang 130 taon pagkatapos nito, naganap ang unang marahas na pagpaslang, isang fratricide, o pagpatay ng kapatid. Dahilan sa pagkapoot na udyok ng inggit, pinaslang ni Cain, panganay na anak ni Adan, ang kaniyang matuwid na kapatid na si Abel. (Gen 4:1-8, 25; 5:3) Dahil sa gawang ito, isinumpa si Cain at pinalayas upang maging palaboy at takas sa lupa. (Gen 4:11, 12) Pagkatapos ng Baha noong mga araw ni Noe, saka lamang pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na maglapat ng kaparusahang kamatayan para sa pagpaslang.—Gen 9:6.
Sa Ilalim ng Kautusan. Pagkalipas ng maraming siglo, ibinigay sa mga Israelita ang Kautusang Mosaiko, at naglalaman ito ng maraming batas may kinalaman sa pagkitil ng buhay ng tao. Ipinakita nito na may pagkakaiba ang sinasadya at di-sinasadyang pagpatay. Ang mga salik na itinuturing na magpapabulaan sa pag-aangkin ng isang tao na hindi niya sinasadya ang pagpatay ay: Kung (1) dati na niyang kinapopootan ang taong pinatay (Deu 19:11, 12; ihambing ang Jos 20:5), (2) inabangan niya ang biktima (Bil 35:20, 21), o (3) gumamit siya ng isang bagay o kasangkapan na maaaring makamatay (Bil 35:16-18). Kahit ang mga alipin ay dapat ipaghiganti kung mapatay ang mga ito habang pinapalo ng kanilang mga panginoon. (Exo 21:20) Samantalang parusang kamatayan ang itinakda para sa mga tahasang mamamaslang at hindi maaaring tumanggap ng pantubos para sa kanila, maaari namang iligtas ng mga nakapatay nang di-sinasadya ang kanilang buhay kung sasamantalahin nila ang kaligtasang inilalaan sa kanila sa mga kanlungang lunsod.—Exo 21:12, 13; Bil 35:30, 31; Jos 20:2, 3; tingnan ang KANLUNGANG LUNSOD, MGA.
Itinuring na katumbas ng sinasadyang pagpaslang ang ilang sinasadyang pagkilos na di-tuwirang naging sanhi o maaaring magbunga ng kamatayan ng ibang tao. Halimbawa, maaaring patayin ang may-ari ng isang nanunuwag na toro na nagwalang-bahala sa patiunang mga babala na bantayan niya ang hayop na iyon kung makapatay ng tao ang kaniyang toro. Gayunman, sa ilang kaso, maaaring tumanggap ng pantubos kahalili ng buhay ng may-ari. Sa gayong kaso, walang alinlangang isasaalang-alang ng mga hukom ang mga kalagayan. (Exo 21:29, 30) Gayundin, ang isang indibiduwal na nagpakanang ipapatay ang isang tao sa pamamagitan ng paghaharap ng bulaang patotoo ay papatayin.—Deu 19:18-21.
Pinahintulutan ng Kautusan ang pagtatanggol sa sarili ngunit nilimitahan nito ang karapatan ng indibiduwal na makipaglaban para sa kaniyang ari-arian. Magkakasala sa dugo ang isang tao kung papatayin niya sa araw ang isang magnanakaw, kahit nahuli pa niya ang manlalabag-batas na ito sa akto ng panloloob sa kaniyang tahanan. Maliwanag na ito’y dahil hindi hinahatulan ng parusang kamatayan ang pagnanakaw, at ang magnanakaw ay maaaring makilala at malapatan ng katarungan. Gayunman, kung gabi ay mahirap makita ang ginagawa ng isa at mahirap matiyak ang intensiyon ng isang nanloloob. Dahil dito, kung mapatay ng isang tao sa dilim ang isang nanloloob, ituturing siyang walang-sala.—Exo 22:2, 3.
Noong unang siglo C.E., yaong mga nagsisikap na pumatay kay Jesus ay tinukoy bilang ‘mga anak ng Diyablo,’ ang unang mamamatay-tao. (Ju 8:44) Pinalamutian ng mga eskriba at mga Pariseo ang mga libingan ng mga matuwid, anupat inangkin na kung buháy na sila noon, hindi sila magiging kabahagi sa pagpatay sa mga propeta. Gayunma’y nagpamalas sila ng gayunding mapamaslang na saloobin laban sa Anak ng Diyos.—Mat 23:29-32; ihambing ang Mat 21:33-45; 22:2-7; Gaw 3:14, 15; 7:51, 52.
Ang Pagkapoot ay Itinutumbas sa Pagpaslang. Ang mga pagpaslang ay lumalabas mula sa puso ng isang indibiduwal. (Mat 15:19; Mar 7:21; ihambing ang Ro 1:28-32.) Samakatuwid, ang sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay magiging isang mamamatay-tao o mamamaslang. (1Ju 3:15) Iniugnay rin ni Kristo Jesus ang pagpaslang sa maling mga saloobin gaya ng patuloy na pagkapoot ng indibiduwal sa kaniyang kapatid, pagsasalita rito nang may pang-aabuso, o may-kamaliang paghatol at pagtuligsa rito bilang isang “kasuklam-suklam na mangmang.” (Mat 5:21, 22) Ang gayong pagkapoot ay maaaring umakay sa aktuwal na pagpaslang. Waring sa ganitong pangmalas maaaring unawain ang mga salita ni Santiago (5:6), “Pinatawan ninyo ng hatol, pinaslang ninyo ang isa na matuwid.” Sa ilang kaso, ang balakyot na mga taong mayayaman na nagpakita ng pagkapoot sa tunay na mga alagad ng Anak ng Diyos at kumilos upang siilin ang mga ito ay aktuwal na pumaslang ng mga Kristiyanong ito. Yamang itinuturing ni Kristo Jesus na ang pakikitungong iniuukol sa kaniyang mga kapatid ay sa kaniya ginagawa, sa makasagisag na paraan ay pinaslang din siya ng mga taong ito, at maliwanag na iyon ang nasa isip ni Santiago.—Ihambing ang San 2:1-11; Mat 25:40, 45; Gaw 3:14, 15.
Bagaman maaaring pag-usigin at paslangin pa nga ang mga tagasunod ni Kristo dahil sa katuwiran, hindi sila dapat masumpungang nagdurusa dahil sa pamamaslang o sa paggawa ng iba pang mga krimen.—Mat 10:16, 17, 28; 1Pe 4:12-16; Apo 21:8; 22:15.