Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bt kab. 3 p. 20-27
  • “Napuspos ng Banal na Espiritu”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Napuspos ng Banal na Espiritu”
  • ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Magkakasama sa Isang Lugar” (Gawa 2:1-4)
  • ‘Narinig ng Bawat Isa sa Kanila ang Sarili Niyang Wika’ (Gawa 2:5-13)
  • “Tumayo si Pedro” (Gawa 2:14-37)
  • “Magpabautismo ang Bawat Isa sa Inyo” (Gawa 2:38-47)
  • Nangaral si Pedro Noong Pentecostes
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang Siglo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ponto
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
bt kab. 3 p. 20-27

KABANATA 3

“Napuspos ng Banal na Espiritu”

Ang mga resulta ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes

Batay sa Gawa 2:1-47

1. Ilarawan ang Kapistahan ng Pentecostes.

HINDI magkamayaw sa pananabik ang mga tao sa mga lansangan ng Jerusalem.a Pumapailanlang ang usok mula sa altar sa templo habang inaawit ng mga Levita ang Hallel (Awit 113 hanggang 118), malamang na sa istilong antiphony, o awit na may sagutan. Punong-puno ng tao ang mga lansangan. Galing sila sa malalayong lugar gaya ng Elam, Mesopotamia, Capadocia, Ponto, Ehipto, at Roma.b Ano ba ang okasyon? Kapistahan ng Pentecostes, na tinatawag ding “araw ng mga unang hinog na bunga.” (Bil. 28:26) Ang taunang kapistahang ito ay palatandaan ng pagtatapos ng pag-aani ng sebada at pagsisimula naman ng pag-aani ng trigo. Napakasaya ng araw na ito!

Makikita sa mapa ang mga pinanggalingan ng mga nakarinig ng mabuting balita noong Pentecostes 33 C.E. 1. Rehiyon: Libya, Ehipto, Etiopia, Bitinia, Ponto, Capadocia, Judea, Mesopotamia, Babilonia, Elam, Media, at Parthia. 2. Lunsod: Roma, Alejandria, Memfis, Antioquia (ng Sirya), Jerusalem, at Babilonya. 3. Katubigan: Dagat Mediteraneo, Dagat na Itim, Dagat na Pula, Dagat Caspian, at Gulpo ng Persia.

JERUSALEM—ANG SENTRO NG JUDAISMO

Ang karamihan sa mga pangyayaring nakaulat sa unang mga kabanata ng Mga Gawa ay naganap sa Jerusalem. Ang lunsod na ito ay nasa mga burol sa gitnang kabundukan ng Judea, mga 55 kilometro sa silangan ng Dagat Mediteraneo. Noong 1070 B.C.E., sinakop ni Haring David ang tanggulang nasa tuktok ng Bundok Sion, na nasa lunsod na ito, at mula sa lugar na iyon lumawak ang lunsod na siyang naging kabisera ng sinaunang bansang Israel.

Malapit sa Bundok Sion ang Bundok Moria, kung saan, ayon sa sinaunang tradisyong Judio, tinangka ni Abraham na ihain si Isaac, mga 1,900 taon bago maganap ang mga pangyayaring inilalarawan sa Mga Gawa. Naging bahagi ng lunsod ang Bundok Moria nang itayo ni Solomon ang unang templo ni Jehova sa tuktok nito. Ang gusaling ito ang naging sentro ng buhay at pagsamba ng mga Judio.

Ang lahat ng debotong Judio mula sa buong lupa ay regular na nagtitipon noon sa templo ni Jehova para maghandog, sumamba, at magdiwang ng mga kapistahan. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa utos ng Diyos: “Ang lahat ng lalaki sa inyo ay dapat humarap sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin niya, tatlong beses sa isang taon.” (Deut. 16:16) Nasa Jerusalem din ang Dakilang Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio at lupong nangangasiwa sa bansa.

2. Anong kamangha-manghang mga pangyayari ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?

2 Mga alas-nuwebe noon ng umaga ng tagsibol ng 33 C.E. nang maganap ang isang di-malilimutang pangyayari. Biglang nagkaroon ng “hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin,” o “tulad ng ugong ng malakas na hangin.” (Gawa 2:2; Magandang Balita Biblia) Dumagundong iyon sa bahay na pinagtitipunan ng mga 120 alagad ni Jesus. Pagkatapos, isang kamangha-manghang bagay ang naganap. Nakakita sila ng parang mga liyab ng apoy na dumapo sa bawat isa sa mga alagad.c At sila ay “napuspos ng banal na espiritu” at nagsalita ng iba’t ibang wika! Paglabas nila ng bahay, nagulat ang mga nasasalubong nila sa mga lansangan ng Jerusalem dahil nakakausap sila ng mga alagad! Oo, naririnig nila na “sinasalita . . . ang sariling wika ng bawat isa sa kanila.”​—Gawa 2:1-6.

3. (a) Bakit masasabing isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng tunay na pagsamba ang Pentecostes 33 C.E.? (b) Paano tumutugma ang pahayag ni Pedro sa paggamit ng “mga susi ng Kaharian”?

3 Ang kagila-gilalas na ulat na ito ay naglalarawan ng isang mahalagang pangyayari sa tunay na pagsamba—ang pagkatatag ng espirituwal na bansang Israel, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gal. 6:16) Hindi lang iyan. Nang magpahayag si Pedro sa harap ng mga tao nang araw na iyon, ginamit niya ang una sa tatlong “susi ng Kaharian,” na bawat isa’y magbubukas ng pantanging mga pribilehiyo sa isang partikular na grupo ng mga tao. (Mat. 16:18, 19) Ang unang susi ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Judio at mga proselitang Judio na tanggapin ang mabuting balita at mapahiran ng banal na espiritu ng Diyos.d Kaya naging bahagi sila ng espirituwal na Israel, at nagkaroon ng pag-asang mamahala bilang mga hari at saserdote sa Mesiyanikong Kaharian. (Apoc. 5:9, 10) Nang maglaon, nagkaroon din ng ganitong pribilehiyo ang mga Samaritano at pagkaraan ay ang mga Gentil. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano ngayon mula sa mahahalagang pangyayari noong Pentecostes 33 C.E.?

“Magkakasama sa Isang Lugar” (Gawa 2:1-4)

4. Bakit masasabing ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay pagpapatuloy lamang ng lumagong kongregasyon na itinatag noong 33 C.E.?

4 Sa simula, ang kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng mga 120 alagad na “magkakasama sa isang lugar”—sa isang silid sa itaas—at pinahiran ng banal na espiritu. (Gawa 2:1) Sa pagtatapos ng araw na iyon, libo-libo na ang nabautismuhang mga miyembro ng kongregasyong iyon. Simula lang iyan ng pagsulong ng isang organisasyong patuloy na lumalago hanggang ngayon! Oo, isang pamayanan ng mga lalaki at babaeng may takot sa Diyos—ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon—ang ginagamit upang ‘ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay maipangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa’ bago dumating ang wakas.​—Mat. 24:14.

5. Anong pagpapala ang idudulot ng pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, noong unang siglo at maging sa ngayon?

5 Ang kongregasyong Kristiyano ay pinagkukunan din ng espirituwal na kalakasan ng mga miyembro nito, kapuwa ng mga pinahiran at ng “ibang mga tupa” nang maglaon. (Juan 10:16) Pinahalagahan ni Pablo ang pagtutulungan ng mga kapatid sa loob ng kongregasyon nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma: “Nananabik akong makita kayo para makapagbahagi sa inyo ng pagpapala mula sa Diyos na magpapatatag sa inyo; o sa ibang salita, para makapagpatibayan tayo ng pananampalataya.”​—Roma 1:11, 12.

ROMA—KABISERA NG ISANG IMPERYO

Sa loob ng panahong saklaw ng aklat ng Mga Gawa, ang Roma ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihang lunsod sa daigdig noon. Ito ang kabisera ng isang imperyo na noong nangingibabaw pa sa kapangyarihan ay sumakop sa mga lupain mula sa Britanya hanggang sa Hilagang Aprika at mula sa Karagatang Atlantiko hanggang sa Gulpo ng Persia.

Sa Roma nagkasama-sama ang iba’t ibang kultura, lahi, wika, at mga pamahiin. Mayroon itong magkakaugnay at maaayos na kalsada kung saan dumaraan ang mga manlalakbay at mga mangangalakal mula sa apat na sulok ng imperyo. Sa karatig nitong daungan ng Ostia, paroo’t parito ang mga barkong nagdidiskarga ng mga pagkain at mamahaling mga produkto para sa lunsod.

Pagsapit ng unang siglo C.E., mahigit nang isang milyon ang naninirahan sa Roma. Marahil kalahati ng populasyon nito ay mga alipin—mga nahatulang kriminal, mga batang ipinagbili o inabandona ng kanilang mga magulang, at mga bilanggong nabihag ng mga hukbong Romano. Kabilang sa mga dinalang bihag sa Roma ang mga Judio mula sa Jerusalem, nang sakupin ng Romanong heneral na si Pompey ang lunsod na iyon noong 63 B.C.E.

Karamihan sa iba pang mga mamamayan nito ay mahihirap, na nagsisiksikan sa mga pabahay ng gobyerno at umaasa na lamang sa tulong nito. Pero ginayakan ng mga emperador ang kanilang kabisera ng ilan sa pinakamagagandang gusaling pampubliko noon. Kabilang na rito ang mga teatro at naglalakihang mga istadyum na pinagdarausan ng mga panooring gaya ng mga palabas sa entablado, labanan ng mga gladiator, at karera ng mga karwahe—lahat ay libre para sa kasiyahan ng mga mamamayan.

6, 7. Paano tinutupad ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon ang atas ni Jesus sa kanila na mangaral sa lahat ng bansa?

6 Ang tunguhin ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay katulad din ng tunguhin ng mga Kristiyano noong unang siglo. Binigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng isang mahirap ngunit kapana-panabik na gawain. Sinabi niya sa kanila: “Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”​—Mat. 28:19, 20.

7 Ang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova ang ginagamit para sa gawaing iyan ngayon. Hindi madaling mangaral sa mga taong iba ang wika. Pero nakapaglabas ang mga Saksi ni Jehova ng mga salig-Bibliyang materyal sa mahigit 1,000 wika. Kung regular kang dumadalo sa mga pulong, nangangaral tungkol sa Kaharian, at gumagawa ng mga alagad, may dahilan ka para magsaya. Kabilang ka sa iilan sa lupa ngayon na may pribilehiyong lubusang magpatotoo tungkol sa pangalan ni Jehova!

8. Anong tulong ang natatanggap natin mula sa kongregasyong Kristiyano?

8 Para matulungan kang magtiis nang may kagalakan sa mapanganib na mga panahong ito, inilaan ng Diyos na Jehova ang pandaigdig na kapatiran. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Inilaan ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano upang ikaw ay mapatibay at makapagpatibay rin naman sa iba. Manatiling malapít sa mga kapatid. Huwag na huwag mong pababayaan ang pagdalo sa mga pulong!

‘Narinig ng Bawat Isa sa Kanila ang Sarili Niyang Wika’ (Gawa 2:5-13)

Nangangaral ang mga alagad ni Jesus sa mga Judio at proselita sa mataong lansangan.

“Naririnig nating nagsasalita sila sa wika natin tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”​—Gawa 2:11

9, 10. Ano ang ginawa ng ilan para mapaabutan ng mabuting balita ang mga taong iba ang wika?

9 Isip-isipin na lang ang pananabik ng magkakasamang Judio at proselita noong Pentecostes 33 C.E. Malamang na marami sa mga naroroon ay gumagamit ng wikang karaniwan noon, marahil Griego o Hebreo. Pero ngayon, “narinig nilang sinasalita ng mga alagad ang sariling wika ng bawat isa sa kanila.” (Gawa 2:6) Tiyak na naantig sila nang marinig nila ang mabuting balita sa wika nila. Sa ngayon, hindi makahimalang pinagkalooban ang mga Kristiyano ng kakayahang magsalita ng ibang wika. Pero marami ang nagsikap na maipalaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga tao mula sa iba’t ibang bansa. Paano? Ang ilan ay nag-aral ng ibang wika para makapaglingkod sa karatig na kongregasyong banyaga ang wika o lumipat pa nga sa ibang bansa. Madalas na hinahangaan ng mga nakakausap nila ang kanilang pagsisikap.

10 Tingnan natin ang halimbawa ni Christine na nag-aral ng wikang Gujarati kasama ng pito pang Saksi. Nang masalubong niya ang isang katrabaho na Gujarati ang wika, binati niya ito sa wikang Gujarati. Humanga ang babae at gusto niyang malaman kung bakit pinagsisikapan ni Christine na matuto ng mahirap na wikang ito. Nakapagbigay si Christine ng mainam na patotoo. Ganito ang sinabi ng babae kay Christine: “Tiyak na importante nga ang gusto n’yong sabihin.”

11. Paano tayo magiging handa na ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa mga taong iba ang wika?

11 Siyempre pa, hindi lahat ay makapag-aaral ng ibang wika. Gayunman, puwede pa rin nating ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa mga taong iba ang wika. Paano? Ang isang paraan ay ang paggamit ng app na JW Language® para matuto ng simpleng pagbati sa wika na karaniwang ginagamit sa lugar ninyo. Puwede ka ring matuto ng ilang pananalita sa wikang iyon para makuha ang interes ng mga nagsasalita nito. Sabihin sa kanila ang tungkol sa jw.org, at baka puwede mo ring ipakita sa kanila ang iba’t ibang video at publikasyon na available sa wika nila. Kapag ginamit natin ang mga tool na iyan sa ating ministeryo, magiging masaya rin tayo gaya ng mga kapatid noong unang siglo, nang humanga ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa dahil narinig ng ‘bawat isa sa kanila sa sarili niyang wika’ ang mabuting balita.

MGA JUDIO SA MESOPOTAMIA AT EHIPTO

Ganito ang sinabi ng The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ (175 B.C.–A.D. 135): “Sa Mesopotamia, Media at Babilonia nanirahan ang mga inapo ng mga miyembro ng kaharian ng sampung tribo [ng Israel], at ng kaharian ng Juda, nang ipatapon sila roon ng mga Asiryano at ng mga Babilonyo.” Ayon sa Ezra 2:64, nasa 42,360 Israelita lamang ang bumalik sa Jerusalem mula sa kanilang pagiging tapon sa Babilonya. Nangyari ito noong 537 B.C.E. Ayon kay Flavius Josephus, umabot ng sampu-sampung libo ang mga Judiong “nanirahan sa palibot ng Babilonia” noong unang siglo C.E. Noong ikatlo hanggang ikalimang siglo C.E., kinatha ng mga pamayanang ito ang isang akda na tinatawag na Babilonyong Talmud.

May mga dokumentong nagpapatunay na mayroon nang mga Judiong naninirahan sa Ehipto noon pa mang ikaanim na siglo B.C.E. Noong panahong iyon, nagpadala si Jeremias ng mensahe sa mga Judiong naninirahan sa iba’t ibang lugar sa Ehipto, pati na sa Memfis. (Jer. 44:1, tlb.) Malamang na napakaraming nandayuhan sa Ehipto noong nananaig ang kulturang Griego. Ayon kay Josephus, kabilang ang mga Judio sa mga unang nakipamayan sa Alejandria. Nang maglaon, ibinigay na sa kanila ang isang buong seksiyon ng lunsod na ito. Noong unang siglo C.E., tiniyak ni Philo, isang Judiong manunulat, na isang milyon sa kaniyang mga kababayan ang nanirahan sa Ehipto, mula sa “panig ng Libya hanggang sa mga hangganan ng Etiopia.”

“Tumayo si Pedro” (Gawa 2:14-37)

12. (a) Paano inihula ni Joel ang makahimalang pangyayaring naganap noong Pentecostes 33 C.E.? (b) Bakit inaasahang magkakaroon ng katuparan noong unang siglo ang hula ni Joel?

12 “Tumayo si Pedro” para magsalita sa harap ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa. (Gawa 2:14) Ipinaliwanag niya sa lahat na makahimalang ipinagkaloob ng Diyos ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika bilang katuparan ng hula ni Joel: “Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao.” (Joel 2:28) Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad: “Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong,” na tinukoy ni Jesus bilang “ang espiritu.”​—Juan 14:16, 17.

13, 14. Paano sinikap ni Pedro na maabot ang puso ng kaniyang mga tagapakinig, at paano natin matutularan ang kaniyang pamamaraan?

13 Mariin ang huling pananalita ni Pedro sa mga tao: “Hindi dapat mag-alinlangan ang buong bayang Israel na si Jesus na ipinako ninyo sa tulos ay ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo.” (Gawa 2:36) Mangyari pa, hindi lahat ng tagapakinig ni Pedro ay nakasaksi sa pagpatay kay Jesus sa pahirapang tulos. Pero bilang isang bansa, may pananagutan din sila rito. Gayunman, pansinin na kinausap ni Pedro ang kaniyang kapuwa mga Judio sa magalang na paraan at inantig niya ang kanilang puso. Tunguhin ni Pedro na pakilusin ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi, at hindi para hatulan sila. Minasama ba ng mga tagapakinig ang sinabi ni Pedro? Hindi. Sa halip, “parang sinaksak ang puso nila.” Nagtanong sila: “Ano ang dapat naming gawin?” Malamang na nakatulong ang pagiging magalang ni Pedro kung kaya naabot niya ang puso ng marami at sila ay napakilos na magsisi.​—Gawa 2:37.

14 Matutularan natin ang paraan ni Pedro ng pag-antig sa puso. Kapag nagpapatotoo tayo, hindi natin kailangang gawing isyu ang bawat di-makakasulatang pananaw ng may-bahay. Sa halip, makakabuti kung maghahanap tayo ng mga puntong mapagkakasunduan natin ng may-bahay. Kapag nagawa natin iyan, makapangangatuwiran tayo mula sa Salita ng Diyos sa mataktikang paraan. Kadalasan nang kapag ipinapakipag-usap sa positibong paraan ang mga katotohanan mula sa Bibliya, mas madali itong tanggapin ng mga may matuwid na puso.

KRISTIYANISMO SA PONTO

Kabilang sa mga nakarinig ng pahayag ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E. ang mga Judio mula sa Ponto, isang distrito sa hilagang Asia Minor. (Gawa 2:9) Lumilitaw na dinala ng ilan sa kanila ang mabuting balita nang bumalik sila sa kanilang bayan, dahil kabilang sa mga binanggit ni Pedro sa kaniyang unang liham ang mga mananampalatayang “nakapangalat” sa mga lugar na gaya ng Ponto.g (1 Ped. 1:1) Isinisiwalat sa kaniyang akda na ang mga Kristiyanong ito ay “dumanas ng iba’t ibang pagsubok” dahil sa kanilang pananampalataya. (1 Ped. 1:6) Malamang na kasama na rito ang pagsalansang at pag-uusig.

Ang iba pang mga pagsubok na kinaharap ng mga Kristiyano sa Ponto ay ipinahihiwatig sa mga liham sa pagitan ni Emperador Trajan at ni Pliny na Nakababata, na siyang gobernador ng lalawigan ng Bitinia at Ponto sa Roma. Sa sulat ni Pliny mula sa Ponto noong mga 112 C.E., iniulat niya na puwedeng “mahawahan” ng Kristiyanismo ang sinuman, anuman ang kanilang kasarian, edad, o kalagayan sa buhay. Ang mga pinaratangan ng pagiging mga Kristiyano ay binigyan ni Pliny ng pagkakataon na ikaila ito, at ang ayaw gumawa nito ay ipinapatay niya. Pinalaya naman ang mga sumumpa kay Kristo o nanalangin sa mga diyos o sa estatuwa ni Trajan. Inamin ni Pliny na ito ang mga bagay na “hinding-hindi magagawa ng mga tunay na Kristiyano.”

g Ang pariralang isinaling “nakapangalat” ay hango sa terminong Judio. Nagpapahiwatig ito na marami sa unang mga nakumberte ay mula sa mga pamayanang Judio.

“Magpabautismo ang Bawat Isa sa Inyo” (Gawa 2:38-47)

15. (a) Ano ang sinabi ni Pedro, at ano ang naging resulta? (b) Bakit kuwalipikadong bautismuhan nang araw ding iyon ang libo-libo na nakarinig ng mabuting balita noong Pentecostes?

15 Noong kapana-panabik na araw ng Pentecostes 33 C.E., sinabi ni Pedro sa mga Judio at proselitang handang makinig: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo.” (Gawa 2:38) Bilang resulta, mga 3,000 ang nabautismuhan, malamang na sa mga imbakan ng tubig sa Jerusalem o sa karatig nito.e Bugso lang ba ito ng damdamin? Ipinapakita ba ng ulat na ito na puwedeng madaliin ng mga estudyante ng Bibliya at ng mga anak ng mga magulang na Kristiyano ang pagpapabautismo kahit hindi pa sila handa? Hindi. Tandaan na ang mga Judio at proselitang Judiong iyon na nabautismuhan noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay masusugid na estudyante ng Salita ng Diyos at bahagi ng isang bansang nakaalay kay Jehova. Bukod dito, ipinakita na nila ang kanilang sigasig—halimbawa, sa paglalakbay nang malayo para makadalo sa taunang kapistahang ito. Matapos tanggapin ang napakahahalagang katotohanan tungkol sa papel ni Jesu-Kristo sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, handa na nilang ipagpatuloy ang paglilingkod sa Diyos—pero sa pagkakataong ito, bilang mga bautisadong tagasunod ni Kristo.

SINO ANG MGA PROSELITA?

“Kapuwa mga Judio at proselita” ang nakarinig sa pangangaral ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E.​—Gawa 2:10.

Kabilang sa mga kuwalipikadong lalaki na inatasang mag-asikaso sa ‘mahalagang gawain’ ng araw-araw na pamamahagi ng pagkain ay si Nicolas, na tinatawag na “isang proselita mula sa Antioquia.” (Gawa 6:3-5) Ang mga proselita ay mga Gentil, o mga di-Judio, na nakumberte sa Judaismo. Itinuring silang mga Judio sa lahat ng bagay, yamang tinanggap nila ang Diyos at ang Kautusan ng Israel, itinakwil ang lahat ng ibang mga diyos, nagpatuli (kung lalaki), at sumama sa bansang Israel.

Matapos palayain ang mga Judio mula sa pagiging tapon sa Babilonya noong 537 B.C.E., marami ang nanirahan sa ibang lupaing malayo sa Israel, pero dala pa rin nila ang relihiyong Judaismo. Dahil dito, naging pamilyar sa relihiyon ng mga Judio ang mga tao sa buong sinaunang Gitnang Silangan at sa iba pang lugar. Ang sinaunang mga manunulat na gaya nina Horace at Seneca ay nagpapatunay na talaga ngang napakaraming tao mula sa iba’t ibang lupain na naakit sa mga Judio at sa kanilang mga paniniwala ang sumama sa pamayanan nila at naging mga proselita.

16. Paano nagpakita ng mapagsakripisyong espiritu ang unang-siglong mga Kristiyano?

16 Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa kanila. Ang sabi ng ulat: “Magkakasama ang lahat ng naging mananampalataya, at ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila, ibinebenta ang mga pag-aari nila, at ipinamamahagi sa lahat ang napagbentahan, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.”f (Gawa 2:44, 45) Tiyak na gustong tularan ng mga tunay na Kristiyano ang gayong pag-ibig at pagsasakripisyo.

17. Ano-anong hakbang ang kailangan para maging kuwalipikado sa bautismo ang isang indibidwal?

17 Bago mag-alay at magpabautismo ang isa, may ilang hakbang sa Kasulatan na dapat munang sundin. Ang indibidwal ay dapat munang kumuha ng kaalaman sa Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Dapat siyang manampalataya at magsisi mula sa dati niyang landasin, anupat nagpapamalas ng tunay na kalungkutan sa kaniyang mga ginawa noon. (Gawa 3:19) Pagkatapos, dapat siyang makumberte, o manumbalik, at magsimulang gumawa ng tama ayon sa kalooban ng Diyos. (Roma 12:2; Efe. 4:23, 24) Kasunod ng mga hakbang na ito ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa panalangin at pagkatapos, ang pagpapabautismo.​—Mat. 16:24; 1 Ped. 3:21.

18. Anong pribilehiyo ang bukás sa bautisadong mga alagad ni Kristo?

18 Isa ka bang nakaalay at bautisadong alagad ni Jesu-Kristo? Kung oo, dapat mong ipagpasalamat ang pribilehiyong ipinagkatiwala sa iyo. Gaya ng unang-siglong mga alagad na napuspos ng banal na espiritu, magagamit ka rin sa pambihirang paraan upang lubusang magpatotoo at gumawa ng kalooban ni Jehova!

a Tingnan ang kahong “Jerusalem—Ang Sentro ng Judaismo.”

b Tingnan ang mga kahong “Roma—Kabisera ng Isang Imperyo,” “Mga Judio sa Mesopotamia at Ehipto,” at “Kristiyanismo sa Ponto.”

c Pansinin na ang nakita nila ay “parang mga liyab ng apoy.” Ipinapahiwatig nito na nang ibuhos ang banal na espiritu sa bawat isa sa mga alagad, mukha itong apoy, pero hindi ito literal na apoy.

d Tingnan ang kahong “Sino ang mga Proselita?”

e Hindi ito ang pinakamalaking bilang ng nabautismuhan. Noong Agosto 7, 1993, sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kiev, Ukraine, 7,402 ang binautismuhan sa anim na pool, o imbakan ng tubig. Inabot nang dalawang oras at labinlimang minuto ang bautismo.

f Nakatulong ang pansamantalang kaayusang ito para mapaglaanan ang mga panauhing kinailangang manatili sa Jerusalem para higit pang matuto tungkol sa kanilang bagong pananampalataya. Ito’y boluntaryong pagtutulungan at hindi dapat mapagkamalang isang anyo ng komunismo.​—Gawa 5:1-4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share