Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 3/15 p. 4-6
  • Patuloy na Maghanap Gaya ng Natatagong Kayamanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Maghanap Gaya ng Natatagong Kayamanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Patuloy na Maghahanap?
  • Matagumpay na Paghahanap ng Kayamanan
  • Sagana ang Espirituwal na Kayamanan!
  • Patuloy na Humanap!
  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • “Maligaya ang Taong Nakasumpong ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Hinahanap Ba Ninyo ang Maka-Diyos na Karunungan?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Sumisigaw ang Tunay na Karunungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 3/15 p. 4-6

Patuloy na Maghanap Gaya ng Natatagong Kayamanan

ANONG pagkahala-halaga nga ang mga hiyas ng karunungan na matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya! Ang mga hiyas na ito ay nagsisiwalat ng layunin ng Diyos at nagbibigay sa atin ng nakagagalak na pag-asa. Ito’y nagbibigay-aliw at nagpapakita sa atin kung paano palulugdan ang Diyos. (Roma 15:4) Ang mga hiyas na ito ay tumutulong din sa atin na kumilos nang may karunungan sa ating pakikitungo sa iba. Oo, ang karunungang mula sa Diyos ay tumutulong sa atin na lumakad sa “landas ng buhay” nang may kasiyahan at kaligayahan.​—Awit 16:11; 119:105.

Yamang marami ang kapakinabangan sa karunungan, labis nating pahalagahan ito. “Lahat ng salita ng aking bibig ay sa katuwiran,” sabi ng karunungan na nagsa-anyong tao. “Walang bagay na liko o baluktot sa mga ito. Pawang matuwid sa taong nakauunawa, at makatuwiran sa mga nakasusumpong ng kaalaman. Tanggapin mo ang aking disiplina at hindi pilak, at ang kaalaman higit kaysa sa dalisay na ginto. Sapagkat ang karunungan ay maigi kaysa sa mga rubi, at lahat ng iba pang mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.”​—Kawikaan 8:8-11.

Bakit Patuloy na Maghahanap?

Kadalasan, ang paghahanap ng nakabaong mga hiyas, ginto, o pilak ay isang kabiguan. Hindi ito dapat mangyari sa paghahanap ng maka-Diyos na karunungan. Subalit paano tayo magtatagumpay sa ganitong paghahanap? Bueno, ang tagumpay ay depende sa kung gaano katindi ang ating paghahangad ng kayamanang ito at kung gaanong kasipag tayo ng pagtatrabaho upang masumpungan ito. Kung ating kinikilala ang tunay na halaga nito, ating pakakamahalin ito higit kaysa sa lahat ng iba pang mga bagay na mahalaga. Higit sa lahat, “ang pagtatamo ng karunungan ay Oh anong higit na mabuti kaysa sa ginto! At ang pagtatamo ng kaunawaan ang dapat piliin kaysa sa pilak.”​—Kawikaan 16:16.

Ang Kawikaan 2:1-6 ay nagpapayo: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakaiingatan mo ang aking mga utos, upang iyong ikiling sa karunungan ang iyong pakinig, nang ang iyong puso’y maihilig mo sa pagkaunawa; oo, kung hihingi ka ng unawa at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng kaunawaan, kung patuloy na hahanapin mo ito na parang pilak, at patuloy na sasaliksikin mo ang paghanap dito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”

Yamang ang nakabaong kayamanan ay natatago, kailangang hanapin ito. Habang naghuhukay, ang iba’y nagsasakripisyo ng panahong iniuukol nila sa paglilibang, sa pagkain, at pagtulog. Subalit ang gayung pagpapagal ay inaakalang karapatdapat pagka nasumpungan na ang hinahanap na kayamanan. Tayo’y kinakailangang gumawa ng nahahawig na pagsasakripisyo sa paghahanap sa karunungan ng Diyos. Kung paanong ang paghahanap ng nakabaong kayamanan ay nangangailangan ng pangatawanang paghuhukay, gayundin ang paghahanap ng karunungan ay nangangailangan ng tiyaga. Hindi sapat ang basta basahin nang dalas-dalas ang Bibliya at ang mga lathalaing Kristiyano. Panahon, pagsasaliksik, at pagbubulay-bulay ang kailangan upang masumpungan natin ang espirituwal na mga hiyas. Subalit anong laking kagalakan pagka nagtamo tayo ng matalinong unawa sa Kasulatan!​—Nehemias 8:13.

Matagumpay na Paghahanap ng Kayamanan

Oo, kaligayahan ang resulta ng pagsasaliksik sa Salita ng Diyos at pagkasumpong ng mga hiyas ng karunungan. (Kawikaan 3:13-18) Sa layuning iyan, tayo ay marunong kung tayo’y magtatayo ng isang mainam na personal o pampamilyang aklatan. Subalit ano ba ang dapat na nilalaman niyaon? Bukod sa isang mabuting diksiyunaryo, nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na kapaki-pakinabang na magkaroon ng iba’t ibang salin ng Kasulatan, kasali na rin ang mga lathalaing Kristiyano sa Bibliya, pati santaóng mga kopya ng Ang Bantayan at ng kasamahan nitong magasing, Gumising! Ang isang aklatan ay kailangang wastong gamitin kung ibig nating tayo’y matulungan nito sa paghanap ng kayamanan.

Sa ating paghahanap ng karunungan, maaari nating konsultahin ang paksa at ang mga teksto sa Kasulatan ng Watch Tower Publications Index o mga indise sa likod ng mga aklat o mga pinabalatang tomo ng magasin ng Watch Tower Society. Ito’y mga pangunahing gamit sa paghahanap ng maka-Diyos na karunungan. Sa katunayan, ang mga ito ay mistulang isang mapa na makaaakay sa atin tungo sa “natatagong kayamanan” ng maka-Diyos na karunungan. (Kawikaan 2:4) Kung tayo’y walang mga kinakailangang lathalain para sa pagsasaliksik, baka mayroon nito sa lokal na Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.

Bueno, ipaghalimbawa natin ang matagumpay na paghahanap ng kayamanan. Sa ating pagbabasa ng Bibliya, baka ibig nating malaman kung paano namatay si Judas Iscariote pagkatapos na ipagkanulo niya si Jesu-Kristo. Sinasabi ng Mateo 27:5 na si Judas ay “yumaon at nagbigti.” Subalit ang Gawa 1:18 ay nagsasabi namang: “Sa pagpapatihulog nang patiwarik ay pumutok siya sa gitna at sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan.” Kaya’t paano nga namatay si Judas? Isang sagot ang matatagpuan sa pamamagitan ng pagtunghay sa mga tala para sa mga tekstong ito sa “Scripture Index” ng lathalaing Insight on the Scriptures. Ito’y nagsasabi sa atin: “Sa Mateo, waring ang tinutukoy ay ang paraan ng tinangkang pagpapakamatay, samantalang sa Mga Gawa ay ang resulta ang tinutukoy. Kung pagsasamahin ang dalawang pag-uulat, lumalabas na sinubukan ni Judas na magbitin ng sarili sa isang matarik na dalisdis, subalit ang lubid o sanga ng punungkahoy ay nabaklas kung kaya’t siya’y nahulog at lumagpak sa mga batuhan at sumambulat ang lahat ng laman ng kaniyang tiyan. Ganiyan ang maiisip na nangyari dahilan sa kapaligiran sa Jerusalem.” (Tomo 2, pahina 130) Tungkol sa Insight on the Scriptures, pakisuyong tingnan ang pahina 10 ng magasing ito.

Sa pamamagitan ng paggamit ng isang concordance ay nahahanap natin ang mga teksto sa Bibliya na ibig nating makita. Mangyari pa, pagka tinatalakay ang isang teksto, dapat na isaalang-alang natin ang konteksto. Upang ipaghalimbawa ito, pag-usapan natin ang Awit 144:12-14. Ang mga talatang ito ay kumakatawan sa sinasabi ng mga ilang tao: ‘Ang ating mga anak na lalaki ay mistulang mga halaman, ang ating mga anak na babae ay mistulang mga sulok na nililok na gaya ng estilo ng palasyo, ang ating mga bangan ay punô, ang ating mga kawan ay dumarami nang libu-libo, ang ating mga bakahan ay malulusog at walang nakukunan.’ Baka isipin natin na ang mga salitang ito ay kumakapit sa mga lingkod ng Diyos, subalit ipinakikita ng konteksto na hindi. Sa Aw 144 talatang 11, ang salmistang si David ay nagsusumamong siya’y iligtas sa mga nagsasalita ng kasinungalingan. Kanilang ipinaghahambog ang kanilang mga anak na lalaki, mga anak na babae, mga kawan, at mga baka. Sang-ayon sa Aw 144 talatang 15, ang gayung manggagawa ng kasamaan ay nagsasabi: “Maligaya ang bayan na nasa ganiyang kalagayan!” Subalit, sa kabaligtaran naman ay ibinulalas ni David: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”

Sagana ang Espirituwal na Kayamanan!

Tunay na kaligayahan ang bunga ng matagumpay na paghahanap ng karunungan. At ang espirituwal na kayamanang masusumpungan sa pamamagitan ng pananaliksik ay kinabibilangan ng kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong sa Bibliya. Anong daming mga sagot ang matatagpuan natin kung patuloy na maghahanap tayo! Halimbawa, saan ba kinuha ni Cain ang kaniyang asawa? Ang sabi ng Ang Bantayan (Abril 1, 1982): “Sang-ayon sa Bibliya sina Adan at Eva ay nagkaanak nang marami, hindi lamang nang dalawa [si Cain at si Abel]. ‘At ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maging anak niya si Set [isa pang anak na lalaki] ay walong daang taon. Samantala siya’y nagkaanak ng mga lalaki at mga babae.’ (Gen. 5:4) Batay diyan, ano ang masasabi mo sa kung saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa? Oo, siguro’y naging asawa niya ang isa sa kaniyang mga kapatid na babae. Sa ngayon ay baka mapanganib ang ganiyan para sa mga anak ng mga magulang na ganoong kalapit ang kaugnayan. Ngunit nang nagsisimula pa lamang ang sangkatauhan, at pagkalapit-lapit ng tao sa kasakdalan, hindi iyan isang problema.”

Ipagpalagay natin na ang binabasa natin ay ang aklat ng Kawikaan sa Bibliya. Sa pagkabasa natin ng sinasabi sa Kawikaan 1:7, baka itanong natin: ‘Ano ba “ang takot kay Jehova”?’ Ang pagsasaliksik ay maaaring umakay sa atin sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 1987, na nagsasabi: “Iyan ay ang pagkasindak, matinding pagpipitagan, at isang mabuting pangambang baka hindi siya mabigyan ng kaluguran dahil sa ating pinahahalagahan ang kaniyang kagandahang-loob at kabutihan. Ang ‘pagkatakot kay Jehova’ ay nangangahulugan ng pagkilala natin na siya ang Kataastaasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na may karapatan at kapangyarihan na magparusa o pumatay sa mga sumusuway sa kaniya. Ito’y nangangahulugan din ng tapat na paglilingkod sa Diyos, pagtitiwala nang lubusan sa kaniya, at pagkapoot sa mga bagay na masama sa kaniyang paningin.”

Patuloy na Humanap!

Ang Bantayan ay inilalathala upang tumulong sa taimtim na mga naghahanap ng karunungan upang masumpungan nila ang walang-kasinghalagang espirituwal na kayamanan. Lahat tayo ay nangangailangan ng karunungan at kaunawaan sa Salita ng Diyos. Sabi ng Kawikaan 4:7, 8: “Karunungan ay pinaka-pangulong bagay. Kumuha ka ng karunungan; at sa lahat mong kukunin, kumuha ka ng unawa. Lubhang pahalagahan mo, at ito’y magtataas sa iyo. Dadalhin ka nito sa kaluwalhatian sapagkat iyong niyakap ito.”

Tanging sa pagkakamit ng matalinong unawa sa Kasulatan at paggamit sa karunungan nang tuwiran makasusumpong tayo ng tunay na kaligayahan. Oo, at tanging sa pagkakapit ng maka-Diyos na karunungan mapalulugdan natin ang Diyos na Jehova. Kaya’t huwag hayaang ang anuman ay makahadlang sa iyo sa paghahanap ng karunungan gaya ng natatagong kayamanan.

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Ang paghahanap ng nakabaong kayamanan ay nangangailangan ng puspusang paghuhukay. Hindi baga dapat tayong magmatiyaga sa ating paghahanap ng maka-Diyos na karunungan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share