Pagtitiwala sa Isang Di-Sakdal na Sanlibutan
“ANG mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” Nasumpungan mo bang totoo ito sa iyong kalagayan? Mapatibay-loob ka sana na malamang naging suliranin din ito ni apostol Pablo; gayunma’y isa siyang taong may natatanging integridad bilang Kristiyano. Hindi ba ito isang pagkakasalungatan? Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, sinuri ni Pablo ang suliranin: “Ngayon, kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na tumatahan sa akin.” Anong kasalanan ang tinutukoy niya, at paano niya napagtagumpayan ito upang siya’y maging isang taong may integridad?—Roma 7:19, 20.
Nauna rito sa kaniyang liham, sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat.” Ang “isang tao” na iyon ay si Adan. (Roma 5:12, 14) Ang Adamikong kasalanan—ang kasalanan ng unang tao, si Adan—ang siyang sanhi ng minanang di-kasakdalan ng lahi ng tao at isang saligang dahilan kung bakit ang pag-iingat ng integridad ay isang tunay na hamon.
Ang pangmalas ni Pablo sa “orihinal na kasalanan,” gaya ng dating tawag dito, ay hindi gaanong tinatanggap sa ngayon dahil sa ang salaysay ng Bibliya tungkol sa paglalang ay tinanggihan ng mga grupo ng teologo kapalit ng mga teoriya ng ebolusyon. “Isinaisang-tabi ng mga iskolar ang buong talata” ang siyang pagkasabi tungkol dito ng isang makabagong komentaryo sa Roma 5:12-14. Subalit isang daang taon ang nakalilipas, magkakaayon na ipinaliwanag ng mga komentaryo sa Bibliya na “noong magkasala si Adan . . . dinungisan niya ng kasalanang ito at ng bunga nito ang lahat ng kaniyang supling.”a
Ang Unang Pagkawala ng Integridad
Kung paanong itinatanggi ng marami sa ngayon ang pag-iral ni Adan, ang unang tao, gayundin naman na ipinagwawalang-bahala si Satanas, ang Diyablo, bilang isang katha ng mitolohiya.b Subalit ang natatanging awtoridad na si Jesu-Kristo ay nagsabi sa atin na ang isang ito “ay hindi tumayong matatag sa katotohanan,” sa ibang pananalita, hindi siya mapagkakatiwalaan. (Juan 8:44) At dahil sa pagsulsol ni Satanas kung kaya si Adan at ang kaniyang asawa, si Eva, ay nagrebelde laban kay Jehova at sumira ng kanilang integridad sa ilalim ng pagsubok.—Genesis 3:1-19.
Dahil sa lahat tayo ay nanggaling kay Adan, minana nating lahat ang hilig na magkasala. Sinabi ng pantas na si Solomon: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Gayunpaman, sinumang tao ay maaaring mapagkatiwalaan. Paanong posible ito? Dahil hindi kailangang maging sakdal ang isang tao upang makapag-ingat ng integridad.
Ang Saligan ng Integridad
Maraming beses na nagkamali si Haring David ng Israel, kasali na ang kaniyang napaulat na pangangalunya kay Bat-sheba. (2 Samuel 11:1-27) Ang maraming pagkakasala ni David ay nagtampok na siya ay talagang hindi sakdal. Subalit ano ba ang nakita ni Jehova sa taong ito? Nang kinakausap ang anak ni David na si Solomon, ganito ang sabi ni Jehova: “Lalakad ka sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, taglay ang integridad ng puso at taglay ang pagkamatapat.” (1 Hari 9:4) Sa kabila ng kaniyang maraming pagkakamali, kinilala ni Jehova ang saligang pagkamapagkakatiwalaan ni David. Bakit?
Ibinigay ni David ang sagot nang sabihin niya kay Solomon: “Sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan.” (1 Cronica 28:9) Nakagawa ng mga pagkakamali si David, ngunit mapagpakumbaba siya, at ibig niyang gawin ang tama. Lagi siyang tumatanggap ng saway at pagtutuwid—sa katunayan, hiniling pa niya ito. “Siyasatin mo ako, O Jehova, at subukin mo ako; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso” ang kaniyang hiling. (Awit 26:2) At dinalisay nga si David. Halimbawa, ang mga kahihiyan na bunga ng kaniyang kasalanan kasama ni Bat-sheba ay namalagi hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay. Gayunpaman, hindi kailanman tinangka ni David na ipagmatuwid ang kaniyang pagkakasala. (2 Samuel 12:1-12) Higit na mahalaga, hindi siya kailanman lumihis mula sa tunay na pagsamba. Sa dahilang ito, at dahil sa taimtim, taos-pusong kalungkutan at pagsisisi ni David, si Jehova ay handang magpatawad sa kaniyang mga kasalanan at tanggapin siya bilang isang taong may integridad.—Tingnan din ang Awit 51.
Mapagkakatiwalaan sa Ilalim ng Pagsubok
Sinubok ni Satanas na Diyablo si Jesus sa pagsisikap na sirain ang kaniyang integridad. Kinailangan niyang ingatan ang kaniyang integridad sa kabila ng mga kahirapan at pagdurusa, na ibang-iba naman kay Adan, na ang pagkamasunurin bilang isang sakdal na tao ay sinubukan lamang sa pamamagitan ng pag-uutos sa kaniya na sundin ang isang batas ng Diyos. Karagdagan pa, nadarama ni Jesus ang bigat ng pagkaalam na nakasalalay sa kaniyang integridad ang katubusan ng sangkatauhan.—Hebreo 5:8, 9.
Si Satanas, na determinadong sirain ang integridad ni Jesus, ay lumapit sa kaniya nang mahinang-mahina si Jesus—pagkatapos na gugulin niya ang 40 araw sa pagbubulay-bulay at pag-aayuno sa ilang. Tatlong beses niyang tinukso si Jesus—na gawing tinapay ang mga bato; tumalon mula sa almenahe ng templo, anupat asahang sasagipin siya ng mga anghel at sa gayo’y magbibigay ng makahimalang tanda na magpapatunay sa kaniyang pagiging Mesiyas; at tanggapin ang pamamahala sa lahat ng kaharian sa sanlibutang ito kapalit ng isa lamang “gawang pagsamba” kay Satanas. Subalit tinanggihan ni Jesus ang bawat tukso, anupat iningatan ang kaniyang integridad kay Jehova.—Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-13.
Ang Integridad ni Job
Ang paninindigan ni Job, na nag-ingat ng kaniyang integridad sa ilalim ng pagsubok, ay kilalang-kilala. Kapansin-pansin, hindi nauunawaan ni Job kung bakit sumapit sa kaniya ang kapighatian. Hindi niya alam na nagbintang si Satanas na siya ay may maling motibo, anupat ipinaparatang na naglilingkod si Job sa Diyos sa mapag-imbot na mga kadahilanan at inaangkin na upang iligtas ang kaniyang sarili, kusang sisirain ni Job ang kaniyang integridad. Pinahintulutan ni Jehova na sumailalim si Job sa ilang napakahirap na karanasan upang ipakita na nagkakamali si Satanas.—Job 1:6-12; 2:1-8.
Tatlong bulaang kaibigan ang pumasok sa eksena. Sadya nilang pinilipit ang mga pamantayan at layunin ng Diyos. Kahit ang asawa ni Job, na hindi rin nakauunawa sa usapin, ay hindi nakapagpatibay-loob sa kaniyang asawa sa panahon ng kaniyang matinding pangangailangan. (Job 2:9-13) Ngunit nanatiling matatag si Job. “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking integridad! Manghahawakan ako sa aking katuwiran, at hindi ko ito bibitiwan; hindi ako aalipustain ng aking puso habang ako’y buhay.”—Job 27:5, 6.
Ang napakahusay na halimbawa ni Job, pati na ang integridad ng maraming iba pang tapat na lalaki at babae, gaya ng nakaulat sa Bibliya, ay nagpatunay na sinungaling si Satanas.
Integridad at ang Ministeryong Kristiyano
Ang integridad ba ay isang katangian na pinahahalagahan ni Jehova para lamang sa kaniyang sariling kasiyahan? Hindi. Likas na mahalaga para sa ating mga tao ang integridad. Sa ikabubuti natin kung kaya pinayuhan tayo ni Jesus na ‘ibigin si Jehova na ating Diyos nang buong puso natin at ng buong kaluluwa natin at nang buong pag-iisip natin.’ Tunay, ito “ang pinakadakila at unang kautusan,” at kailangan ang isang lalaki, babae, o batang may integridad upang masunod ito. (Mateo 22:36-38) Ano ang nasasangkot, at ano ang mga gantimpala?
Ang isang taong may integridad ay mapagkakatiwalaan, hindi lamang ng kaniyang kapuwa kundi, higit sa lahat, ng Diyos. Ang kadalisayan ng kaniyang puso ay nakikita sa kaniyang pagkilos; malaya siya mula sa pagpapaimbabaw. Hindi siya tuso o masama. Ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol dito: “Tinalikuran na namin ang mga bagay na pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan, ni binabantuan ang salita ng Diyos, kundi sa paggawang hayag sa katotohanan ay inirerekomenda ang aming mga sarili sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.”—2 Corinto 4:2.
Pansinin na binanggit ni Pablo ang mga saloobin na nasasangkot sa ministeryong Kristiyano. Paano makapaglilingkod ang isang ministrong Kristiyano sa iba kung hindi malinis ang kaniyang mga kamay, kung hindi siya isang taong may integridad? Ang pinuno ng isang relihiyosong orden sa Ireland na nagbitiw kamakailan ay malinaw na naglalarawan sa punto. Inamin niya na “hinayaan niya ang isang paring pedophile na patuloy na gumawang kasama ng mga bata nang matagal pagkatapos matuklasan ang kaniyang pang-aabuso sa bata,” ayon sa pahayagang The Independent. Ipinaliwanag ng ulat na ang pang-aabuso ay umabot ng 24 na taon. Nabilanggo ang pari sa loob ng apat na taon, ngunit isipin ang pagdurusang idinulot sa mga batang inabuso niya sa loob ng mga taóng iyon dahil lamang sa ang kaniyang tagapangasiwa ay walang moral na integridad upang gumawa ng hakbang!
Integridad—Ang mga Gantimpala
Si apostol Juan ay isang taong walang takot. Dahil sa kanilang maalab na sigasig, siya at ang kaniyang kapatid na si Santiago ay tinawag ni Jesus na “Mga Anak ng Kulog.” (Marcos 3:17) Bilang isang taong may natatanging integridad, si Juan, kasama ni Pedro, ay nagpaliwanag sa mga tagapamahalang Judio na “hindi [niya] magawang tumigil sa pagsasalita” tungkol sa mga bagay na kaniyang nakita at narinig samantalang kasama niya si Jesus. Isa rin naman si Juan sa mga apostol na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 4:19, 20; 5:27-32.
Waring nang si Juan ay mahigit nang 90 anyos, ipinatapon siya sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Sa kaniyang edad, maaaring naisip niya na tapos na ang kaniyang ministeryo. Ngunit tanging ang isang taong may integridad na katulad ng sa kaniya ang mapagkakatiwalaan ng atas na isulat ang kapana-panabik na pangitain ng Apocalipsis. Sa bagay na ito, naging tapat si Juan. Ano ngang laking pribilehiyo iyon para sa kaniya! At marami pang darating. Nang maglaon, maliwanag na habang nasa malapit sa Efeso, isinulat niya ang kaniyang salaysay ng Ebanghelyo at tatlong liham. Gayon na lamang kalaking mga pribilehiyo na kasukdulan ng 70 taon ng tapat, maaasahang paglilingkuran!
Ang pagiging isang taong may integridad ay nagdudulot ng matinding kasiyahan. Nagdudulot ng walang-hanggang gantimpala ang pagiging mapagkakatiwalaan sa paningin ng Diyos. Sa ngayon, “isang malaking pulutong” ng tunay na mananamba ang inihahanda upang pumasok sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan at pagkakaisa, lakip ang pag-asang buhay na walang-hanggan. (Apocalipsis 7:9) Ang integridad sa mahahalagang bagay may kinalaman sa moralidad at pagsamba ay dapat na itaguyod, sa kabila ng mga pagsubok sa sistemang ito ng mga bagay at ng maraming hamon na maaaring iharap ni Satanas. Manalig na magtatagumpay ka sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinibigay ni Jehova!—Filipos 4:13.
Sa pagbanggit tungkol sa kasalukuyan at sa hinaharap, tayong lahat ay binibigyang-katiyakan ng salmistang si David nang sabihin niya, sa isang panalangin ng pasasalamat kay Jehova: “Kung tungkol sa akin, inalalayan mo ako dahil sa aking integridad, at ilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha hanggang sa panahong walang-takda. Pagpalain si Jehova . . . Amen at Amen.”—Awit 41:12, 13.
[Mga talababa]
a Komento sa The New Testament of Our Lord and Saviour Jesus Christ, according to the Authorised Version, with a brief commentary by various authors.
b Ang pangalang Satanas ay nangangahulugan ng “Manlalaban.” Ang ibig sabihin ng “Diyablo” ay “Maninirang-puri.”
[Larawan sa pahina 4]
Sa kabila ng kaniyang mga pagkakamali, si David ay napatunayang karapat-dapat sa pagtitiwala
[Larawan sa pahina 5]
Nag-iwan sa atin si Jesus ng pinakamahusay na halimbawa ng pagiging mapagkakatiwalaan
[Mga larawan sa pahina 7]
Nagdudulot ng malaking kasiyahan ang pagiging mapagkakatiwalaan