Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 5/1 p. 4-7
  • Bawat Isa’y Magiging Malaya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bawat Isa’y Magiging Malaya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang mga Pagdurusa sa Kasalukuyang Kapanahunan”
  • “Ipinasakop sa Kawalang-saysay”
  • “Ang Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos”
  • Tunay na Kalayaan sa Wakas
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Maglingkod kay Jehova, ang Diyos ng Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Kalayaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 5/1 p. 4-7

Bawat Isa’y Magiging Malaya

“Ibinibilang ko na ang mga pagdurusa sa kasalukuyang kapanahunan ay hindi nagkakahalaga ng anuman kung ihahambing sa kaluwalhatian na isisiwalat sa atin. Sapagkat ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”​—ROMA 8:18-22.

SA BAHAGING ito ng kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, si apostol Pablo ay nagbibigay ng mahusay na buod kung bakit ang buhay ay walang tunay na kalayaan at kadalasang kakikitaan ng kahungkagan at kirot. Ipinaliliwanag din niya kung paano natin matatamo ang tunay na kalayaan.

“Ang mga Pagdurusa sa Kasalukuyang Kapanahunan”

Hindi minamaliit ni Pablo “ang mga pagdurusa sa kasalukuyang kapanahunan” nang sabihin niya na ang mga ito’y “hindi nagkakahalaga ng anuman kung ihahambing sa kaluwalhatian na isisiwalat sa atin.” Noong panahon ni Pablo at gayundin noong dakong huli, lubhang nagdusa ang mga Kristiyano sa ilalim ng malupit na pamamahalang totalitaryo ng mga Romanong awtoridad, na hindi nagmamalasakit tungkol sa mga karapatang pantao. Nang paniwalaan ng Roma na ang mga Kristiyano’y kaaway ng Estado, ipinailalim sila nito sa malupit na paniniil. Ganito ang sabi ng mananalaysay na si J. M. Roberts: “Maraming Kristiyano sa kabisera [ng Roma] ang talagang nakasisindak ang pagkamatay sa arena o sinunog nang buháy.” (Shorter History of the World) Hinggil sa mga biktimang ito ng pag-uusig ni Nero, ganito ang sabi ng isa pang ulat: “Ang ilan ay ipinako sa krus, ang ilan ay binalutan ng mga balat ng hayop at pinatugis sa mga aso, ang ilan ay pinahiran ng alkitran at sinigaan upang magsilbing buháy na mga sulo pagkagat ng dilim.”​—New Testament History, ni F. F. Bruce.

Tiyak na ninais ng sinaunang mga Kristiyanong iyon ang kalayaan mula sa gayong paniniil, subalit ayaw nilang labagin ang mga turo ni Jesu-Kristo upang makamit ito. Halimbawa, nanatili silang lubusang neutral sa labanan ng namumunong Romanong mga awtoridad at ng Judiong mga tagapagtanggol ng kalayaan na gaya ng mga Zealot. (Juan 17:16; 18:36) Sa mga Zealot, ang “pahayag may kinalaman sa paghihintay sa pakikialam ng Diyos sa kaniyang takdang panahon ay hindi siyang hinihiling ng kasalukuyang krisis.” Ang kailangan, sabi nila, ay ang “marahas na pagkilos laban sa kaaway,” ang Roma. (New Testament History) Iba naman ang kaisipan ng sinaunang mga Kristiyano. Ang “paghihintay sa pakikialam ng Diyos sa kaniyang takdang panahon” para sa kanila ang tanging makatotohanang mapagpipilian. Kumbinsido sila na ang pakikialam lamang ng Diyos ang permanenteng magwawakas sa “mga pagdurusa ng kasalukuyang kapanahunan” at magdadala ng tunay at namamalaging kalayaan. (Mikas 7:7; Habacuc 2:3) Gayunman, bago natin isaalang-alang kung paano ito mangyayari, suriin muna natin kung bakit “ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay.”

“Ipinasakop sa Kawalang-saysay”

Dito ang salitang “paglalang,” sabi ni Benjamin Wilson sa The Emphatic Diaglott, ay hindi nangangahulugan ng “hamak at walang-buhay na paglalang” gaya ng ipinahihiwatig ng ilan kundi, bagkus, “lahat ng sangkatauhan.” (Ihambing ang Colosas 1:23.) Tinutukoy nito ang buong sambahayan ng tao​—lahat tayo na naghahangad ng kalayaan. Tayo’y “ipinasakop sa kawalang-saysay” dahil sa ginawa ng ating unang mga magulang. Ito’y “hindi sa [ating] sariling kalooban” o ito ma’y nangyari bunga ng personal na pagpili ng isa. Minana natin ang ating kalagayan. Mula sa pangmalas ng Kasulatan, mali si Rousseau nang sabihin niyang ang “tao’y isinilang na malaya.” Bawat isa sa atin ay isinilang na alipin sa kasalanan at di-kasakdalan, napaalipin, wika nga, sa isang sistema na puno ng kabiguan at kawalang-saysay.​—Roma 3:23.

Bakit ganito ang kalagayan? Sapagkat ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay naghangad na maging “gaya ng Diyos,” na magkaroon ng ganap na pagpapasiya-sa-sarili, anupat nagpapasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. (Genesis 3:5) Niwalang-bahala nila ang isang mahalagang salik hinggil sa kalayaan. Tanging ang Maylalang ang maaaring magkaroon ng ganap na kalayaan. Siya ang Soberano ng Sansinukob. (Isaias 33:22; Apocalipsis 4:11) Ang kalayaan ng tao ay nangangahulugan ng kalayaan na may mga hangganan. Iyan ang dahilan kung bakit hinimok ng alagad na si Santiago ang mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan na magpasakop sa “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan.”​—Santiago 1:25.

Makatuwirang pinaalis ni Jehova sina Adan at Eva mula sa kaniyang pansansinukob na sambahayan, at namatay sila bunga nito. (Genesis 3:19) Subalit kumusta naman ang tungkol sa kanilang mga inapo? Bagaman ang maipapasa lamang nila ngayon ay di-kasakdalan, kasalanan, at kamatayan, buong-kaawaang pinahintulutan pa rin sila ni Jehova na magkaanak. Kaya ang “kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12) Sa diwang ito ‘ipinasakop ng Diyos ang paglalang sa kawalang-saysay.’

“Ang Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos”

Ipinasakop ni Jehova ang paglalang sa kawalang-saysay “salig sa pag-asa” na balang araw ang kalayaan ay isasauli sa sambahayan ng tao sa pamamagitan ng mga gawain ng “mga anak ng Diyos.” Sino ba itong “mga anak ng Diyos”? Sila ang mga alagad ni Jesu-Kristo na, gaya ng iba pa sa “paglalang [na tao],” ay ipinanganak na alipin ng kasalanan at di-kasakdalan. Sa pagsilang ay wala silang matuwid na dako sa malinis at sakdal na pansansinukob na sambahayan ng Diyos. Subalit may kamangha-manghang bagay na ginawa si Jehova para sa kanila. Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, pinalalaya Niya sila mula sa pagkaalipin sa minanang kasalanan at ipinahahayag silang “matuwid,” o malinis sa espirituwal na paraan. (1 Corinto 6:11) Pagkatapos ay inaampon niya sila bilang “mga anak ng Diyos,” anupat ibinabalik sila sa kaniyang pansansinukob na sambahayan.​—Roma 8:14-17.

Bilang inampon na mga anak ni Jehova, magkakaroon sila ng isang maluwalhating pribilehiyo. Sila’y magiging “mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa” kasama ni Jesu-Kristo bilang bahagi ng makalangit na Kaharian, o pamahalaan ng Diyos. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4) Isa itong pamahalaan na matibay na naitatag sa mga simulain ng kalayaan at katarungan​—hindi sa paniniil at pang-aapi. (Isaias 9:6, 7; 61:1-4) Binabanggit ni apostol Pablo na ang mga anak ng Diyos na ito ay mga kasama ni Jesus, ang malaon nang ipinangakong ‘binhi ni Abraham.’ (Galacia 3:16, 26, 29) Bilang gayon, gumaganap sila ng isang mahalagang bahagi sa pagsasakatuparan ng pangako ng Diyos sa kaniyang kaibigang si Abraham. Bahagi ng pangakong ito ay na sa pamamagitan ng binhi (o, supling), ni Abraham, “tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.”​—Genesis 22:18.

Anong pagpapala ang dadalhin nila sa sangkatauhan? Ang mga anak ng Diyos ay makikibahagi sa pagpapalaya sa buong sambahayan ng tao mula sa kakila-kilabot na mga resulta ng Adanikong kasalanan at sa pagsasauli sa sangkatauhan sa kasakdalan. Maaaring pagpalain ng mga tao “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan” ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo at sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kaniyang mabait na pamamahala ng Kaharian. (Apocalipsis 7:9, 14-17; 21:1-4; 22:1, 2; Mateo 20:28; Juan 3:16) Sa ganitong paraan ang “lahat ng paglalang” ay minsan pang magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Hindi ito isang uri ng limitado at pansamantalang pulitikal na kalayaan kundi, bagkus, kalayaan mula sa lahat ng bagay na nagdulot ng kirot at kabagabagan sa sambahayan ng tao mula nang tanggihan nina Adan at Eva ang soberanya ng Diyos. Hindi kataka-taka na masasabi ni apostol Pablo na “ang mga pagdurusa ng kasalukuyang kapanahunan ay hindi nagkakahalaga ng anuman” kung ihahambing sa maluwalhating paglilingkod na gagawin ng mga tapat!

Kailan magsisimula “ang pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos”? Napakalapit na, kapag isiniwalat ni Jehova sa lahat kung sino ang mga anak ng Diyos. Ito’y kapag ang “mga anak” na ito, na binuhay-muli sa dako ng mga espiritu, ay makikibahagi sa pag-aalis ng kasamaan at paniniil sa lupang ito na kasama ni Jesu-Kristo sa digmaan ng Diyos ng Har-Magedon. (Daniel 2:44; 7:13, 14, 27; Apocalipsis 2:26, 27; 16:16; 17:14; 19:11-21) Nakikita natin sa paligid natin ang dumaraming katibayan na tayo’y nasa dulo na ng “mga huling araw,” kung kailan magwawakas ang malaon nang pagpapahintulot ng Diyos sa paghihimagsik at sa bunga nitong kabalakyutan.​—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-31.

Oo, totoo, gaya ng sinabi ni apostol Pablo, na ang “buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama hanggang ngayon”​—subalit hindi na magtatagal pa. Makikita ng milyun-milyong nabubuhay ngayon ang “pagsasauli ng lahat ng mga bagay na tungkol dito ay nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta ng sinaunang panahon,” pati na ang pagsasauli ng kapayapaan, kalayaan, at katarungan sa buong sambahayan ng tao.​—Gawa 3:21.

Tunay na Kalayaan sa Wakas

Ano ang dapat mong gawin upang matamasa itong “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Iyan ang susi sa kalayaan​—ang pag-alam at pagkatapos ay ang pagsunod sa mga utos at turo ni Kristo. Nagdadala ito ng antas ng kalayaan kahit na sa ngayon. Sa malapit na hinaharap, magdadala ito ng ganap na kalayaan sa ilalim ng pamamahala ni Kristo Jesus. Ang matalinong landasin ay alamin ang “salita” ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. (Juan 17:3) Tulad ng unang mga Kristiyano, aktibong makisama sa kongregasyon ng tunay na mga alagad ni Kristo. Sa paggawa ng gayon, makikinabang ka mula sa nakapagpapalayang mga katotohanan na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon sa ngayon.​—Hebreo 10:24, 25.

Samantalang “hinihintay ang pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos,” maaari mong linangin ang pagtitiwala na taglay ni apostol Pablo sa pangangalaga at alalay ni Kristo, kahit na sa wari’y halos hindi na mabata ang mga pagdurusa at kawalan ng katarungan. Pagkatapos talakayin ang pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos, nagtanong si Pablo: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo? Ang kapighatian ba o ang kabagabagan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak?” (Roma 8:35) Sabihin pa, ayon sa pananalita ni Rousseau, ang mga Kristiyano noong panahon ni Pablo ay “nakatanikala” pa rin sa iba’t ibang uri ng mapaniil na puwersa. Sila’y “pinapatay sa buong maghapon” gaya ng “mga tupang papatayin.” (Roma 8:36) Pinahintulutan ba nilang madaig sila nito?

“Sa kabaligtaran,” ang sulat ni Pablo, “sa lahat ng mga bagay na ito ay lumalabas tayong lubusang nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin.” (Roma 8:37) Matagumpay sa kabila ng lahat ng kailangang batahin ng sinaunang mga Kristiyano? Paano? “Kumbinsido ako,” aniya bilang sagot, “na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anumang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) Ikaw man ay maaaring ‘magtagumpay’ sa anumang “kapighatian o kabagabagan o pag-uusig” na maaari mong batahin sa ngayon. Iginagarantiya ng pag-ibig ng Diyos na malapit na​—napakalapit na ngayon​—tayo ay “palalayain sa [lahat] ng pagkaalipin . . . at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”

[Mga larawan sa pahina 6]

“Ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon”

[Larawan sa pahina 7]

‘Ang paglalang ay palalayain sa pagkaalipin at magtatamo ng kalayaan ng mga anak ng Diyos’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share