Ang Pangmalas ng Bibliya
Homoseksuwalidad—Bakit Hindi Dapat?
“Sa palagay ko’y hindi iniintindi ng Diyos ang seksuwal na hilig ng isa. Mahalaga sa kaniya kung paano tayo namumuhay. At ang sekso ay hindi mahalaga.”—Miyembro ng isang pangkat ng homoseksuwal na nag-aaral ng Bibliya.
ISANG lumalagong bilang ng mga tao ang tumatanggap sa homoseksuwalidad bilang isang mapagpipiliang istilo-ng-buhay. Sumasang-ayon kaya ang Diyos?
Bagaman maraming tao ang nagbago ng kanilang palagay at ang iba ay nag-aalinlangan pa, ang pangmalas ng Bibliya ay sinlinaw ng kristal: “Huwag kang sisiping sa lalaki na gaya sa babae. Ito’y kasuklam-suklam na bagay,” sabi ng Bibliya. (Levitico 18:22, The New Jerusalem Bible) Walang pagpapaumanhin, walang pagpapahinuhod, maliwanag—ang homoseksuwalidad ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.a Para sa sinaunang mga Israelita na namumuhay sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang parusa ay kamatayan. (Levitico 20:13) At sa pagdating ng Kristiyanismo, ang hatol ng Diyos sa homoseksuwalidad ay nagpapatuloy.—1 Corinto 6:9, 10.
Ang Diyos ay Laban Dito—Bakit?
Subalit bakit ba lubhang laban dito ang Diyos? Ang isang dahilan ay binabanggit sa Isaias 48:17: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat na lakaran.” Ang mga salitang iyan ay mula sa Autor ng pansansinukob na mga batas ng kalikasan. Nalalaman niya ang ating pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na kayarian. Laban siya sa homoseksuwalidad sapagkat, kabilang sa ibang mga bagay, hindi ito kapaki-pakinabang sa indibiduwal. Tinitiyak ito ng pagrirepaso sa sulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong nakatira sa Roma. Siya ay sumulat:
“Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita sa sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isang laban sa kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian. At yamang ayaw nilang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman, kaya naman hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na di-nararapat.”—Roma 1:26-28.
Pansinin, ang homoseksuwalidad ay hindi lamang tinawag na “kahiya-hiya,” “mahalay,” at “di-nararapat” kundi tinawag din namang “laban sa kalikasan.” Tungkol sa mga talatang ito, isang ulat mula sa Church of England ang nagsasabi: “Ang ibig sabihin ni Pablo sa ‘di-natural’ ay ‘di-natural’ sa tao sa huwaran ng paglalang ng Diyos. Lahat ng gawing homoseksuwal ay isang paglayo sa panukala ng Diyos sa paglalang.” Tinawag ito ng antropologong si Weston LaBarre na “kabiguan ng isa at ng iba sa mahalagang biolohikal na kalikasan.” Kasuwato ito ng kahulugan ng salitang Griego na ginamit sa Bibliya at isinaling “likas” o, “ayon sa kalikasan.”
Hindi kataka-taka na ang anumang “paglayo sa panukala ng Diyos sa paglalang” ay umaani ng masamang bunga (gaya ng ipinakikita ng miserableng rekord ng tao sa kapaligiran). Ang mga homoseksuwal ay ‘tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian.’ Sa ibang salita, ang kanilang buhay ay nagiging isang buhay ng di-likas na seksuwal na sumpong; sa gayo’y, isang buhay na walang pagsang-ayon ng Diyos. Karagdagan pa, dumaranas sila ng pisikal na pinsala dahil sa kanilang kasamaan.b
Masamang Bunga
Sinasabi rin ni Pablo na ang mga homoseksuwal ay “nagbigay-daan o nabuyo [literal, nasunog] sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa.” Yamang ang masamang pag-iisip ay maaaring magpatindi ng masasamang pita kahit na sa heteroseksuwal na mga kaugnayan, wari bang dahil sa pag-aasam sa masamang pakikipagtalik, lalo pang tumitindi ang malalaswang pita. Ang “A Perilous Double Love Life,” isang artikulong inilathala sa magasing Newsweek, ay nagsasabi: “Ang mga lalaki’t babaing dalawa ang kasarian (bisexual) ay kadalasang kapuwa nagsasalita tungkol sa ‘matinding’ pagkapukaw, ‘kakaibang init’ na nadarama nila sa kanilang kasekso. Natatandaan ito ni James na ‘gaya ng paglukso mula sa himpapawid. Ito’y nakalalasing, nakalalango.’” Palibhasa’y nag-aalab, maraming homoseksuwal ang may maraming kinakasama (ang ilan ay may daan-daan), at para naman sa iba ang kanilang simbuyo ay nagtutulak sa kanila na makipagtalik nang maraming ulit sa isang araw, kahit na sa ganap na mga estranghero. Ang pagkahandalapak na ito ay hindi lamang humahantong sa nakahahawang sakit, na gaya ng hepatitis, kundi pinagmumulan din ng paninibugho, kawalan ng kasiguruhan, at kalungkutan, kung paaanong nangyayari rin ito sa mga ugnayang heteroseksuwal.
Minsang ang isang tao ay pailalim sa “masakim na pagkagahaman sa sekso,” maaari siyang maging alipin nito. (1 Tesalonica 4:5) Sa anong lawak? Tinutukoy ang AIDS, isang homoseksuwal ay nagsabi: “Kahit na sa harap ng kahabag-habag, kakila-kilabot na kamatayan, ang udyok ng sekso ay malakas.” Ipinagugunita nito ang babala ng Bibliya: “Huwag hayaang ang kasalanan ay patuloy na maghari sa inyong may kamatayang mga katawan upang sundin ang kanilang pita.”—Roma 6:12.
Yamang ang imoralidad sa sekso ay pangunahing salig sa pagbibigay-kasiyahan sa sarili, karaniwang ito’y humahantong sa mas masamang mga gawa. At dahil sa kalikasan ng makasalang tao, minsang ang gawa ay naging pangkaraniwan, ang katuwaan nito ay waring lumiliit. Kaya, ang ibang homoseksuwal ay nagsasagawa ng sadomasokismo at iba pang imbing mga gawa.c Isang komentaryo sa Bibliya ay nagsasabi na “ang epekto ng gayong masama at di-likas na mga silakbo ng damdamin . . . ay upang pasamain ang isipan; upang ibaba ang tao na mababa pa sa antas ng hayop; upang sirain ang katuwiran.” Isinama ng isang iskolar sa Bibliya ang homoseksuwalidad sa “mga krimen, na lubhang di-kasuwato ng katuwiran, kalikasan, at kapakanan ng kanilang sarili at ng isa’t isa.”
Ang mga Pamantayan ng Bibliya ay Nagdudulot ng Kapayapaan
Tayo’y makapagpapasalamat na hindi binabago ng Diyos ang kaniyang mga pamantayan upang bigyan-kasiyahan lamang ang lumilipas na mga kinahuhumalingan o lisyang mga nasa ng tao. Kung paanong hindi niya sinasang-ayunan ang pagpaparumi sa lupa o ang pagsisinungaling dahil lamang sa gustong gawin ito ng mga tao, hindi rin niya kinukunsinti ang homoseksuwalidad bagaman masigasig na itinataguyod ito ng marami. Anumang landasing itaguyod ng tao, nais ni Jehova na parangalan natin siya at tayo mismo ay makinabang.
Mabuti na lang, tinanggihan ng iba ang gayong mga gawain at iniayon ang kanilang buhay sa “mabuting aral” na masusumpungan sa Salita ng Diyos. (1 Timoteo 1:10; 1 Corinto 6:9-11) Gaya ng sabi ng isang dating homoseksuwal: “Ang nagdudulot ng kasiyahan sa akin ay na ako ngayon ay may malinis na budhi, at alam ko na ako’y namumuhay ng isang buhay na kalugud-lugod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”
[Mga talababa]
a Ang homoseksuwalidad ay seksuwal na gawain sa isang kasekso.—Ihambing ang Mateo 5:27, 28.
b “Ang mga bakla ay may sarisaring natatanging medikal na mga suliranin na pangunahin nang nauugnay sa kanilang seksuwal na istilo sa buhay.” (Providing Health Care for Gay Men) Kabilang sa gayong mga sakit ay ang anorectal candidiasis, gonorea sa tumbong at bibig, lymphogranuloma venereum, trichomoniasis, at Bowen’s disease.
c Ang sadomasokismo ay binibigyang-kahulugan ng Webster’s New Collegiate Dictionary bilang “ang pagkakaroon ng kasiyahan sa pagpapabatá ng pisikal o mental na kirot sa iba o sa sarili.”
“Sa palagay ko hindi iniintindi ng Diyos ang seksuwal na hilig ng isa.”—Totoo ba iyan?
Yamang ang imoralidad sa sekso ay pangunahing salig sa pagbibigay-kasiyahan sa sarili, kadalasang ito’y humahantong sa mas masamang mga gawa