“Gawin ang Lahat ng Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos”
Mga Tampok Buhat sa Unang Corinto
ANG kaluwalhatian ng Diyos na Jehova ang pangunahing mahalaga sa lahat ng sumasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Kaya naman, sa mga kapuwa Kristiyano sa sinaunang Corinto ay sinabi ni apostol Pablo: “Kumakain man kayo o umiinom o ano man ang inyong ginagawa, gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Ang paggawa nito ay nangangailangan na tanggapin natin ang paraan ni Jehova ng paglutas sa ating mga suliranin sa materyalistiko, imoral na sanlibutang ito na babad na sa huwad na relihiyon.
Ang mga Kristiyano sa Corinto ay nangailangan ng tulong ng Diyos upang malutas ang kanilang mga suliranin, sapagkat sila’y doon naninirahan sa isang maunlad, imoral na siyudad na punô ng huwad na relihiyon. Naroroon sa isang tangway sa pagitan ng Gresya sa kontinente at ng Peloponnisos, ang Corinto ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Achaia at tinatayang may populasyon na 400,000. Ang kongregasyon doon ay itinatag ni Pablo noong mga 50 C.E.—Gawa 18:1-11.
Ang mga taga-Corinto ay sumulat kay Pablo at nagtanong tungkol sa pag-aasawa at pagkain ng karne na inihandog sa mga idolo. (7:1) Siya’y nalumbay sapagkat may mga pagkakabaha-bahagi at isang kaso ng malubhang imoralidad ang umiiral sa gitna nila. Kailangan nila ang payo tungkol sa tamang paraan ng pagganap sa Hapunan ng Panginoon. Mayroon pa ngang nagbabantang apostasya, at ang kongregasyon ay nangangailangan ng payo tungkol sa pag-ibig. Sa gayong mga dahilan, sinulat ni Pablo ang kaniyang unang kinasihang liham sa mga taga-Corinto buhat sa Efeso noong mga 55 C.E. Ngunit tayo man ay maaari ring makinabang dito.
Mahalaga ang Pagkakaisa at ang Malinis na Pamumuhay
Kung ating ‘ginagawa ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos,’ tayo’y hindi susunod sa kaninumang naghahangad na magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon—isa sa mga suliranin na napaharap sa mga taga-Corinto. (1:1–4:21) Sila’y pinayuhan ni Pablo na ‘magsalita nang may pagkakaisa at magkaisa sa ganoon ding isip at sa ganoon ding takbo ng kaisipan.’ Iiral ang pagkakaisa kung ating susundin ang payong ito at pauunlarin ang espirituwal na mga katangian. Sa halip na ipangalandakan ang sinumang makasalanang tao, tandaan natin na bagaman tayo ang ‘nagtatanim at nagdidilig, ang Diyos ang nagpapalago niyaon’ sa espirituwal. Ang mga taong mapaghambog sa Corinto ay walang bagay na hindi nila tinanggap; kaya huwag nating ituring ang ating sarili na mas magaling kaysa ating mga kapananampalataya. Ang gayong espiritu ng pagpapakumbaba ay tutulong sa atin na magpatuloy sa pagkakaisa.
Upang manatili ang pagkakaisa, ang hinirang na matatanda ay kailangang kumilos upang panatilihing malinis sa espirituwal ang kongregasyon. (5:1–6:20) Yamang “ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak,” ang di-nagsisising mga mapakiapid, mga taong masasakim, mga mananamba sa idolo, manlilibak, lasenggo, o mangingikil ay kailangang itiwalag. Ang imoralidad, na nagpaparumi sa templo ng Diyos, ay hindi dapat payagang magpatuloy sa gitna ng mga lingkod ni Jehova. Sa halip, sila’y kailangang gumawa ng mga bagay na lumuluwalhati sa Diyos.
Maging Makonsiderasyon sa Iba
Upang ‘magawa ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos,’ kailangang ikapit natin ang payo ni Pablo tungkol sa pag-aasawa at di-pag-aasawa. (7:1-40) Ang mga mag-asawa ay magbibigayan kung tungkol sa seksuwal na pagtatalik. Ang isang Kristiyanong may-asawa ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawang di-sumasampalataya, sapagkat ang hindi nila paghihiwalay ay baka makatulong sa isang iyon upang magtamo ng kaligtasan. Samantalang ang pag-aasawa ay nagdadala ng karagdagang kabalisahan, ang di-pag-aasawa ay maaaring makabuti sa isang taong naghahangad na makatulong sa iba sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.
Ang pagpapakita ng konsiderasyon sa espirituwal na kapakanan ng iba ay tungkulin ng lahat ng Kristiyano, may asawa man o wala. (8:1–10:33) Sa gayon, ang mga taga-Corinto ay pinayuhan na huwag magsilbing katitisuran ng iba dahil sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa mga idolo. Upang huwag mahadlangan ang sinuman sa pagtanggap sa mabuting balita, ang kaniyang karapatan na tumanggap ng materyal na tulong ay hindi ginamit ni Pablo. Kaniya ring ‘hinampas ang kaniyang katawan upang pagkatapos makapangaral sa iba, siya’y hindi itakuwil.’ Ang pagsasapuso ng mga karanasan sa ilang ng makasalanang Israel ay tutulong sa atin na iwasan ang idolatriya at gawang masama. Isa pa, ‘ang paggawa ng lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos’ ay tutulong sa atin na iwasan ang pagtisod sa kaninuman.
Magpakita ng Paggalang at Panatilihin ang Kaayusan
‘Ang paggawa ng lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos’ ay humihingi na tayo’y magpakita ng tumpak na paggalang. (11:1-34) Ang babaing Kristiyano noong unang siglo ay nagpakita ng paggalang sa pagkaulo sa pamamagitan ng paglalambong sa ulo pagka siya’y nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon. Ang nakakatulad na paggalang sa pagkaulo ay ipinakikita ng maka-Diyos na mga babae sa ngayon. Isa pa, upang maiwasan ang pagiging tulad ng mga taga-Corinto na kinailangang ituwid, lahat tayo ay kailangang magpakita ng paggalang sa Hapunan ng Panginoon.
Upang “gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos,” tayo’y kailangang magsagawa ng mga pulong sa isang maayos na paraan. (12:1–14:40) Pagka nagpupulong ang sinaunang mga Kristiyano, ang mga kaloob ng espiritu na tulad ng pagsasalita sa mga wika ay dapat gamitin na taglay ang paggalang at pagpapahalaga sa kanilang pinanggalingan at layunin. Bagaman ngayon ay wala na tayo ng mga kaloob na ito, tayo’y nagdadala ng kapurihan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig, na nakahihigit sa mga iyan. Atin ding niluluwalhati si Jehova sapagkat ang ating mga pulong ay organisadung-organisado, at may paggalang na ikinakapit natin ang payo ni Pablo: “Hayaang lahat ng bagay ay maganap sa disenteng paraan at sa pamamagitan ng kaayusan.”
‘Ang paggawa ng lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos’ ay nag-uutos sa atin na igalang ang doktrina ng Bibliya at manindigang matatag sa espirituwalidad. (15:1–16:24) Posible na dahil sa impluwensiya ng pilosopyang Griego, ang iba sa kongregasyon sa Corinto ay nagsabi: “Walang pagkabuhay-muli ng mga patay.” (Ihambing ang Gawa 17:18, 32.) Marahil ay taglay nila ang paniwalang apostata na hindi magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa hinaharap kundi na ang nabubuhay na mga Kristiyano ay nakaranas ng isang simboliko, espirituwal na pagkabuhay-muli. (2 Timoteo 2:16-18) Itinaguyod ni Pablo ang tunay na pag-asa sa pamamagitan ng pagbanggit sa pagkabuhay na muli ni Jesus at kaniya ring ipinakita na ang pinahirang mga Kristiyano ay kailangang mamatay upang buhayin tungo sa walang-kamatayang buhay sa langit. Sa mga ibang paraan din, ang kaniyang mga salita ay tumutulong sa atin na iwasan ang apostasya at “manindigang matibay sa pananampalataya.”
Laging Gawin ang mga Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos
Ang payo ni Pablo sa Unang Corinto ay kapaki-pakinabang ngayon tulad noong unang siglo C.E. Ito’y nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova sa kasalukuyan na maglingkod sa Diyos nang may pagkakaisa bilang isang malinis na bayan. Ang mga salita ng apostol ay dapat gumanyak sa atin na maging makonsiderasyon sa iba at magpakita ng wastong paggalang. Ang sinabi ni Pablo ay makapagpapalakas din sa atin na labanan ang apostasya at manindigang matibay sa panig ng tunay na pananampalataya.
Tunay, taus-pusong hangarin ng bawat tapat na lingkod ni Jehova na purihin siya, ibalita ang kaniyang Kaharian, at luwalhatiin ang kaniyang banal na pangalan. (Awit 145:1, 2, 10-13) Sa katunayan, ang unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto ay tumutulong sa atin na “gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”
[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]
TIYAK NA MAMAMATAY: Hindi miminsan sa kaniyang mga liham sa mga taga-Corinto, nagpahiwatig si Pablo ng tungkol sa kamatayan sa arena. Halimbawa, siya’y sumulat: “Sa wari ko, kaming mga apostol ay inilagay nang huli upang mapanood bilang mga taong itinakda sa kamatayan, sapagkat kami’y naging isang panoorin sa dulaan ng sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.” (1 Corinto 4:9) Marahil ang iniisip ni Pablo ay tungkol sa pagtatanghal ng bestiarii (mga lalaking nakipaglaban sa mababangis na hayop) at mga gladiator (mga lalaking nakipaglaban sa mga lalaki). Ang iba ay nakipaglaban para kumita, ngunit ang mga kriminal ay napilitang lumaban. Noong una ay pinagamit sila ng mga armas, ngunit nang bandang huli ang mga preso ay inilabas na walang damit, walang pandepensa, at tiyak ang kamatayan.
Samantalang ang “mga anghel” at ang “mga tao” (hindi lamang “ang sanlibutan” ng sangkatauhan) ang mga tagapanood, ang mga apostol ay katulad ng mga taong halos mamamatay na lamang sa gayong pangkatapusang madugong labanan. Sinabi ni Pablo na siya’y “nakipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso,” ngunit ang iba’y may duda na ang isang mamamayang Romano ay makararanas nito at sinasabi na ang kaniyang ipinahihiwatig ay mga tulad-hayop na mga mananalansang. (1 Corinto 15:32) Gayunman, ang pangungusap ni Pablo na siya’y sinagip ng Diyos “buhat sa gayong lubhang malaking kamatayan” sa purok ng Asia (na kung saan naroroon ang Efeso) ay mas angkop sa isang karanasan sa tunay na mababangis na hayop sa isang arena kaysa pananalansang ng tao.—2 Corinto 1:8-10; 11:23; Gawa 19:23-41.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
MANATILING NAKATITIG SA GANTIMPALA: Ginamit ni Pablo ang mga katangian ng sinaunang mga larong Griego upang ipaghalimbawa ang mahalagang mga punto. (1 Corinto 9:24-27) Sa mga timpalak na tulad ng Isthmian Games na ginaganap bawat dalawang taon malapit sa Corinto, ang programa ay binubuo ng takbuhan, boksing, at iba pang mga laro. Samantalang naghahanda para sa mga timpalak na ito, ang mga mananakbo at mga boksingero ay kailangang gumamit ng pagpipigil-sa-sarili, huwag gaanong kakain ng taba, at huwag iinom ng alak sa loob ng sampung buwan. Gayunman, sa halip na natutuyong koronang pino o ivy na ipinagkakaloob sa mga nagwagi sa Isthmian Games, ang isang pinahirang Kristiyano ay nagsisikap makamit ang di-nasisirang koronang buhay na walang-hanggan. Upang makamtan ang gayong premyo, kailangang nakatitig doon ang kaniyang mga mata at siya’y nagpipigil sa sarili. Ang ganiyan ding simulain ay kumakapit sa mga Saksi ni Jehova na ang tinatanaw na pag-asa ay buhay na walang-hanggan sa lupa.