Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Kaalaman Ba sa Diyos ay Para Lamang sa Ilang Piling Tao?
ISANG gabi ng Hulyo noong 1987 isang naiibang pangyayari ang nakita sa Palais des Congrès sa Paris, Pransiya. Sa loob ng awditoryum, ang mga liwanag ng laser ay patuloy na tumatama sa dingding habang ang taimtim, solemneng elektronikong tunog, sinasalitan ng isang gong at repike ng mga kampana, ang pumuno sa pagkalaki-laking silid. Sa entablado marahang inugoy ng dalawang lalaking nakasuot ng mga maskarang itim ang isang nakabitin na burner na hugis bangka, samantalang ang may kulay na usok ay pumailanglang sa magkabilang panig ng entablado. Kasabay nito, dose-dosenang mga lalaki at babae na nakaputi ang lumitaw sa harap ng 4,000 mga tagapanood.
Ang pangyayari? Isang konsiyertong rock? Hindi, isang seremonya sa pagtanggap sa bagong kasapi na mga Rosicruciano, isang kilusan na nakatalaga sa esoteriko o lihim na karunungan. Gayunman, para sa mga baguhan sa pandaigdig na ordeng pangkapatiran na ito, ang seremonyang ito ay unang hakbang lamang sa isang sunud-sunod na antas ng pagtanggap sa bagong kasapi.
Sa ilang paraan ang lihim na samahan ng mga Rosicruciano ay kahawig ng mga sektang Gnostiko na lumaganap noong ikalawang siglo C.E. at kalaban ng Kristiyanismo. Ang mga Gnostiko ay naniniwala na ang kaligtasan ay darating sa pamamagitan ng mistikal na kaalaman at na ang gayong lihim na karunungan ay ipinagkakaloob lamang sa ilang piling tao. Subalit ang kaalaman ba ng Diyos ay para lamang sa ilang piling tao? Ito ba’y limitado sa isang maliit na grupo ng tinanggap na mga kasapi?
Ang Kristiyanismo ba ay Isang Lihim na Kapatiran?
Ipinalalagay ng ilang awtor na sa ilang bahagi ang Kristiyanismo ay esoteriko, o nakareserba para sa ilan. Sa kaniyang aklat na L’ésotérisme, si Luc Benoist, kurador na pandangal ng Museo ng Pransiya, ay sumulat: “Ang iba pang palatandaan ng isang nakareserbang turo ay masusumpungan sa mga liham ni San Pablo: ‘Binigyan ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain. . . . Sinumang nabubuhay lamang sa gatas ay walang nauunawaan sa mga pahayag ng Karunungan.’ [Pagpapakahulugan sa 1 Corinto 3:2 at Hebreo 5:13] Ang mga teksto ng sinaunang mga Padre [ng Simbahan] ay tumutukoy sa ‘isang katotohanan na hindi maaaring nilay-nilayin ng baguhan.’ ”
Gayunman, isinusulat ba ni apostol Pablo ang tungkol sa esoterikong kaalaman? Hindi, ang konteksto ng mga salita ni Pablo ay nagpapakita na, sa katunayan, kaniyang pinagsasalitaan ang kaniyang mga kasamang Kristiyano na hindi mga bagong komberte. Si Pablo ay sumusulat sa mga Kristiyano na hindi espirituwal na sumusulong at na “nararapat na sanang maging mga guro” ng ibang tao “dahil sa katagalan” na sila’y nasa katotohanan.—Hebreo 5:12.
Kaya, hindi tinutukoy ni Pablo ang mga katotohanan na nais niyang panatilihing lihim kundi ang mga paliwanag na nais niyang ibahagi sa kanila, gayunman ito’y hindi kaya ng kanilang espirituwal na pagkaunawa sapagkat hindi sila sumulong sa kaalaman sa Kasulatan na gaya ng nararapat nilang gawin. Maihahambing natin ang kalagayan ni Pablo sa gitna ng ilang mga Kristiyanong iyon sa isang guro sa matematika na umaasang ang kaniyang mga estudyante ay susulong. Kung hindi gagawin ng mga estudyante ang kanilang araling-bahay nang wasto at sa gayo’y hindi lubusang nauunawaan ang simpleng mga simulain ng pagdaragdag at pagpaparami, ang guro ay mahihirapang tulungan silang maunawaan ang mga equation sa algebra.
Kaalamang Bukás sa Lahat
Sabihin pa, ang kaalaman ng Bibliya ay sumusulong. Dahil sa panahon at pagsisikap posibleng magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa katotohanan at isang mas malalim na pagkaunawa ng espirituwal na mga bagay. Isa pa, ipinakikita ng Bibliya na progresibong isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang mga layunin sa kaniyang mga lingkod, subalit hindi nito binabanggit ang anumang “natatagong katotohanan” na makukuha lamang ng ilan at natatago sa ibang taimtim na mga naghahanap ng katotohanan na nabubuhay sa iisang panahon. (Awit 147:19, 20; Kawikaan 2:1-11; 4:18; Isaias 45:19) Totoo ito hindi lamang nang ang Diyos ay nakikitungo sa bansang Israel kundi gayundin nang ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay naglalagay ng pundasyon para sa Kristiyanismo.
Noong tatlo-at-kalahating-taon ng kaniyang ministeryo, sinaklaw ni Jesus ang isang malaking bahagi ng teritoryo ng Israel. Ginawa ba niya ito nang lihim o dinalaw ba lamang niya ang isang maliit na grupo ng mga tinanggap na baguhan? Hindi. Ipinangaral niya ang kaniyang mensahe nang hayagan, kadalasan ay sa harap ng malaking pulutong ng mga tao. Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan, nang tinatanong ng Judiong mga awtoridad sa relihiyon tungkol sa kaniyang paraan ng pagtuturo, sabi niya: “Ako’y hayag na nagsalita sa sanlibutan. Ako’y laging nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.”—Juan 18:20.
Napansin mo ba na ang mensahe ni Jesus ay patungkol sa lubhang malaking tagapakinig kaysa Palestina lamang? Ito’y patungkol sa buong sanlibutan! Hindi sinabi ni Jesus: ‘Ako’y nagsalita sa lahat ng tao,’ yaon ay, sa lahat ng mga Judio. Sa halip, sapagkat ito’y makahula, pinili niya ang espisipikong salita para sa “sanlibutan.”a Sa gayon, si Jesus ay hindi nangaral ng esoterikong doktrina; ito ay para sa lahat, sa lahat ng dako.
Oo, si Jesus ay gumamit ng makasagisag na wika, lalo na kapag nagtuturo sa pamamagitan ng mga parabula, o mga ilustrasyon. At ang paraang ito ay nagpangyari sa kaniya na pumili sa gitna ng kaniyang mga tagapakinig. Yaong mga hindi talagang interesado sa turo ni Jesus ay basta nakinig sa kaniyang mga parabula at umalis nang hindi man lamang inaalam nang higit ang tungkol sa bagay na iyon. Yaong nauuhaw sa kaalaman ay nanatili para sa higit pang paliwanag. Kaya, ang kaalaman ay nakalaan sa lahat ng taimtim na humahanap nito.—Mateo 13:13, 34-36.
Ang bagay na ang Kristiyanismo ay bukás para sa lahat ay maliwanag buhat sa mensahe sa natitira pang bahagi ng Kasulatan. Halimbawa, isa sa huling mga talata ng Bibliya ay naglalaman ng paanyaya ng Diyos na ‘pumarito at kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.’ At espisipikong binabanggit nito: “At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; at ang sinumang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” Kaya, minsan pa, ang kaalaman ng Bibliya ay nakalaan para sa lahat.—Apocalipsis 22:17; ihambing ang Isaias 55:1.
Bagaman ang kaalaman ng Diyos ay bukás para sa lahat, gayumpaman kailangan ang pagsisikap upang matamo ito. Tayo ay hinihimok ng Bibliya na “patuloy na hanapin mo ito na parang pilak, at gaya ng kayamanang natatago . . . patuloy na saliksikin mo ito.” (Kawikaan 2:4) Samakatuwid, ang kaalaman ay dapat kunin buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang karunungan ay saka mahahayag kapag ang mga simulain at mga utos nito ay isinasagawa.
Sulit ba ang pagsisikap? Oo, sapagkat ang gayong karunungan ay nagdadala ng “kagandahang-loob buhat kay Jehova” at maaaring umakay tungo sa buhay na walang-hanggan. Anong laking kayamanan! Personal mo bang sinimulang hanapin ang napakahalagang kaalamang ito?—Kawikaan 8:34-36; Awit 119:105.
[Talababa]
a Hindi ginamit ni Jesus ang pariralang (pant·iʹ toi la·oiʹ) “sa lahat ng tao,” alalaong baga, sa lahat ng nagkakatipon o sa lahat ng kabilang sa isang lahi; kundi (toi koʹsmoi) “sa sanlibutan,” alalaong baga ang lahi ng tao, ang sangkatauhan. Kawili-wili, ganito ang sabi ng A Critical and Exegetical Commentary on the Gospel According to St. John tungkol sa Juan 18:20: “Kapuna-puna na ang pinakamatibay na pagtanggi ng mga Ebanghelyo tungkol sa lihim o esoterikong turo sa mga salita ni Jesus ay masusumpungan sa Jn [Juan].”
[Blurb sa pahina 18]
Sa entablado marahang inugoy ng dalawang lalaking nakasuot ng mga maskarang itim ang isang nakabitin na burner na hugis bangka