Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 11/1 p. 8-13
  • Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglalatag ng Tamang Pundasyon
  • Pagtatayo sa Pamamagitan ng Tamang mga Materyales
  • Makatatagal ba sa Apoy ang Iyong Gawa?
  • Sino ang May Pananagutan?
  • Sa Pagtatayo Gamitin ang mga Materyales na Panlaban-sa-Apoy
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Pagpapaunlad ng mga Personalidad na Kristiyano sa Ating mga Anak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 3
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Pundasyon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 11/1 p. 8-13

Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?

“Manatiling nagbabantay ang bawat isa kung paano siya nagtatayo [ng pundasyon].”​—1 CORINTO 3:10.

1. Ano ang inaasam-asam ng tapat na mga Kristiyano hinggil sa magiging mga alagad?

PINAGMAMASDAN ng isang mag-asawang Kristiyano ang kanilang bagong silang na anak. Nakikita ng isang mamamahayag ng Kaharian ang interes at pananabik sa mukha ng isang estudyante ng Bibliya. Napapansin ng isang Kristiyanong matanda na nagtuturo sa plataporma ang isang baguhang interesado sa gitna ng mga tagapakinig na masugid na naghahanap ng mga teksto sa kaniyang Bibliya. Punung-puno ng pag-asa ang tapat na mga lingkod na ito ni Jehova. Hindi nila maiwasang magtanong, ‘Mamahalin at paglilingkuran kaya ng taong ito si Jehova​—at mananatiling tapat?’ Mangyari pa, hindi kusang nangyayari ang gayong resulta. Kailangan ang pagpapagal.

2. Paano pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga Hebreong Kristiyano hinggil sa kahalagahan ng gawaing pagtuturo, at anong pagsusuri sa sarili ang maaaring pakilusin tayong gawin?

2 Palibhasa’y isa mismong dalubhasang guro, idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng gawaing pagtuturo at paggawa ng mga alagad nang sumulat siya: “Dapat nga na maging mga guro na kayo dahilan sa panahon.” (Hebreo 5:12) Hindi gaanong sumulong ang mga Kristiyano na sinulatan niya, kung isasaalang-alang ang tagal ng panahon mula nang sila’y maging mananampalataya. Bukod sa hindi pa sila handang magturo sa iba, kailangan pang ipaalaala sa kanila ang mga saligang aspekto ng katotohanan. Sa ngayon, makabubuti sa ating lahat na suriin sa pana-panahon ang ating mga kakayahan bilang guro at tingnan kung paano tayo susulong pa. Mga buhay ang nakataya. Ano ba ang magagawa natin?

3. (a) Sa ano inihambing ni apostol Pablo ang proseso ng paggawa ng isang Kristiyanong alagad? (b) Bilang mga Kristiyanong tagapagtayo, anong dakilang pribilehiyo ang taglay natin?

3 Sa isang pinalawak na ilustrasyon, inihalintulad ni Pablo ang paggawa ng mga alagad sa proseso ng pagtatayo ng isang gusali. Nagsimula siya sa pagsasabing: “Tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayo ang sakahang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.” (1 Corinto 3:9) Kaya nakikibahagi tayo sa isang gawaing pagtatayo na nasasangkot ang mga tao; tumutulong tayo na itayo sila bilang mga alagad ni Kristo. Ginagawa natin ito bilang mga kamanggagawa ng Isa na “nagtayo ng lahat ng mga bagay.” (Hebreo 3:4) Anong laking pribilehiyo! Tingnan natin kung paano makatutulong sa atin ang kinasihang payo ni Pablo sa mga taga-Corinto upang tayo’y maging lalong bihasa sa ating gawain. Pangunahin nating pagtutuunan ng pansin ang ating “sining ng pagtuturo.”​—2 Timoteo 4:2.

Paglalatag ng Tamang Pundasyon

4. (a) Ano ang naging papel ni Pablo sa gawaing pagtatayo ng mga Kristiyano? (b) Bakit masasabi na alam kapuwa ni Jesus at ng kaniyang mga tagapakinig ang kahalagahan ng mahuhusay na pundasyon?

4 Upang maging matatag at matibay ang isang gusali, kailangan na ito’y may mahusay na pundasyon. Kaya naman, sumulat si Pablo: “Ayon sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ibinigay sa akin, gaya ng isang marunong na direktor ng mga gawain ay naglagay ako ng pundasyon.” (1 Corinto 3:10) Sa paggamit ng kahawig na ilustrasyon, sinabi ni Jesu-Kristo ang tungkol sa isang bahay na nakaligtas sa isang bagyo dahil pumili ang nagtayo nito ng isang matibay na pundasyon. (Lucas 6:47-​49) Alam na alam ni Jesus ang tungkol sa kahalagahan ng mga pundasyon. Naroroon siya nang itatag ni Jehova ang lupa.a (Kawikaan 8:29-​31) Nauunawaan din ng mga tagapakinig ni Jesus ang kahalagahan ng mahuhusay na pundasyon. Tanging ang mga bahay na may matitibay na pundasyon ang makatatagal sa mga biglaang pagbaha at paglindol na nagaganap kung minsan sa Palestina. Subalit ano ba ang pundasyon na nasa isip ni Pablo?

5. Sino ang pundasyon ng kongregasyong Kristiyano, at paano ito inihula?

5 Sumulat si Pablo: “Walang taong makapaglalagay ng anumang iba pang pundasyon maliban sa nakalagay na, na si Jesu-Kristo.” (1 Corinto 3:11) Hindi ito ang unang pagkakataon na si Jesus ay inihalintulad sa isang pundasyon. Sa katunayan, ganito ang inihula sa Isaias 28:16: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito, inilalatag ko na pinakapundasyon sa Sion ang isang bato, isang subok na bato, ang mahalagang panulukan ng isang tiyak na pundasyon.’ ” Matagal nang nilayon ni Jehova na maging pundasyon ng kongregasyong Kristiyano ang kaniyang Anak.​—Awit 118:22; Efeso 2:19-​22; 1 Pedro 2:4-6.

6. Paano inilatag ni Pablo ang angkop na pundasyon sa mga Kristiyanong taga-Corinto?

6 Ano ba ang pundasyon para sa bawat Kristiyano? Gaya ng sabi ni Pablo, walang pundasyon para sa isang tunay na Kristiyano kundi ang isa na inilatag sa Salita ng Diyos​—si Jesu-Kristo. Tiyak na inilatag ni Pablo ang gayong pundasyon. Sa Corinto, kung saan lubhang pinahahalagahan ang pilosopiya, hindi niya sinikap na pahangain ang mga tao sa pamamagitan ng makasanlibutang karunungan. Sa halip, ipinangaral ni Pablo “si Kristo na ipinako,” na ipinagwalang-bahala ng mga bansa nang gayon na lamang bilang “kamangmangan.” (1 Corinto 1:23) Itinuro ni Pablo na si Jesus ang pangunahing tauhan sa layunin ni Jehova.​—2 Corinto 1:20; Colosas 2:2, 3.

7. Ano ang matututuhan natin mula sa pagtukoy ni Pablo sa kaniyang sarili bilang “isang marunong na direktor ng mga gawain”?

7 Sinabi ni Pablo na ginawa niya ang gayong pagtuturo “gaya ng isang marunong na direktor ng mga gawain.” Hindi nagpapahiwatig ng paghahambog ang pangungusap na ito. Pagkilala lamang iyon sa isang kahanga-hangang kaloob na ibinigay ni Jehova sa kaniya​—yaong pag-oorganisa o pangunguna sa gawain. (1 Corinto 12:28) Totoo, hindi natin taglay ngayon ang makahimalang mga kaloob na ibinigay sa mga Kristiyano noong unang siglo. At baka hindi natin ituring na mahuhusay na guro ang ating sarili. Ngunit sa isang mahalagang diwa, ganoon tayo. Isaalang-alang ito: Ipinagkakaloob ni Jehova sa atin ang kaniyang banal na espiritu upang tulungan tayo. (Ihambing ang Lucas 12:11, 12.) At iniibig natin si Jehova at alam natin ang mga saligang turo sa kaniyang Salita. Tunay na kahanga-hangang mga kaloob ito para gamitin sa pagtuturo sa iba. Ipasiya nating gamitin ang mga ito sa paglalatag ng tamang pundasyon.

8. Paano natin inilalatag si Kristo bilang isang pundasyon sa magiging mga alagad?

8 Kapag itinuturing natin na isang pundasyon si Kristo, hindi natin siya inilalarawan bilang isang kaawa-awang sanggol sa isang sabsaban, ni kapantay ni Jehova sa isang Trinidad. Hindi, ang gayong di-makakasulatang mga ideya ay bumubuo ng isang pundasyon para sa huwad na mga Kristiyano. Sa halip, itinuturo natin na siya ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, na inialay niya ang kaniyang sakdal na buhay alang-alang sa atin, at na siya ngayon ang Haring hinirang ni Jehova na namamahala sa langit. (Roma 5:8; Apocalipsis 11:15) Sinisikap din nating ganyakin ang ating mga estudyante na sundan ang yapak ni Jesus at tularan ang kaniyang mga katangian. (1 Pedro 2:21) Ibig nating sila’y lubhang maantig sa sigasig ni Jesus sa ministeryo, sa kaniyang pagkamadamayin sa mahihina at nasisiraan ng loob, sa kaniyang awa sa mga makasalanan na labis na sumisisi sa kanilang sarili, sa kaniyang di-matitinag na lakas ng loob sa harap ng mga pagsubok. Tunay, si Jesus ay isang pambihirang pundasyon. Pero ano ba ang susunod?

Pagtatayo sa Pamamagitan ng Tamang mga Materyales

9. Bagaman si Pablo ay pangunahin nang isang tagapaglatag ng pundasyon, ano ang ikinababahala niya para sa mga tumanggap ng katotohanan na kaniyang itinuro?

9 Sumulat si Pablo: “Ngayon kung ang sinuman ay nagtatayo sa pundasyon ng ginto, pilak, mahahalagang bato, mga materyales na kahoy, dayami, pinaggapasan, ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magpapakita nito, dahil isisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy mismo ang magpapatunay kung anong uri ng gawa ang sa bawat isa.” (1 Corinto 3:12, 13) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo? Tingnan natin ang mga kalagayan sa likod nito. Si Pablo ay pangunahin nang isang tagapaglatag ng pundasyon. Sa kaniyang mga paglalakbay pangmisyonero, naglakbay siya sa mga lunsod, anupat nangangaral sa marami na hindi pa kailanman nakarinig tungkol kay Kristo. (Roma 15:20) Dahil sa tinanggap ng mga tao ang katotohanan na kaniyang itinuro, naitatag ang mga kongregasyon. Nagmalasakit nang husto si Pablo sa mga tapat na ito. (2 Corinto 11:28, 29) Gayunman, dahil sa kaniyang gawain ay kinailangan siyang magpatuloy sa paglalakbay. Kaya matapos gumugol ng 18 buwan sa paglalatag ng pundasyon sa Corinto, lumisan siya upang mangaral sa iba pang lunsod. Gayunman, siya’y lubhang interesado sa kung paano ipinagpatuloy ng iba ang gawain na kaniyang sinimulan doon.​—Gawa 18:8-​11; 1 Corinto 3:6.

10, 11. (a) Paano ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng mga uri ng materyales sa pagtatayo? (b) Anong uri ng literal na mga gusali ang malamang na umiiral noon sa sinaunang Corinto? (c) Anong uri ng mga gusali ang malamang na makatagal sa isang sunog, at anong aral ang inilalaan nito para sa mga Kristiyanong gumagawa ng mga alagad?

10 Waring hindi maganda ang ginawang pagtatayo ng ilan sa pundasyon na inilatag ni Pablo sa Corinto. Upang ilantad ang suliranin, ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng dalawang uri ng materyales sa pagtatayo: ang ginto, pilak, at mahahalagang bato sa isang panig; ang kahoy, dayami, at pinaggapasan naman sa kabila. Maitatayo ang gusali sa pamamagitan ng mga materyales na mahusay, matibay, at di-tinatablan ng apoy; o maaari itong agad na maitayo sa pamamagitan ng paggamit sa itinatapon, pansamantala, at nagdiringas na mga materyales. Tiyak na ang isang malaking lunsod na gaya ng Corinto ay may maraming gusali na yari sa gayong dalawang uri. Naroon ang malalaking templo na yari sa makakapal at mamahaling mga bloke ng bato, marahil nababalot o napapalamutian ng ginto at pilak.b Malamang na naglalakihan ang magagarang gusaling ito kung ihahambing sa kalapit na mga kubo, tolda, at mga puwesto sa palengke na yari sa magagaspang na balangkas ng kahoy at bubong na dayami.

11 Ano ang mangyayari kapag nagkasunog sa mga gusaling ito? Maliwanag ang sagot noong panahon ni Pablo kung paanong ito’y maliwanag din sa ating panahon. Sa katunayan, ang lunsod ng Corinto ay sinakop at sinunog ng Romanong Heneral na si Mummius noong 146 B.C.E. Tiyak na natupok ang maraming gusaling yari sa kahoy, dayami, o pinaggapasan. Kumusta naman ang matitibay na gusaling yari sa bato na napalamutian ng pilak at ginto? Tiyak na nanatili ang mga ito. Maaaring nadaraanan sa araw-araw ng mga estudyante ni Pablo sa Corinto ang gayong mga gusali​—ang mariringal na gusaling bato na nakaligtas sa mga kapahamakan na matagal nang pumatag sa di-matitibay na gusali sa di-kalayuan. Napakaliwanag, kung gayon, ng pagdiriin ni Pablo sa kaniyang punto! Kapag nagtuturo, kailangang ituring natin ang ating sarili bilang mga tagapagtayo. Ibig nating gumamit ng pinakamahusay at pinakamatibay na mga materyales hangga’t maaari. Sa ganitong paraan ay malamang na tumagal ang ating gawa. Ano ba ang matitibay na materyales na iyon, at bakit mahalaga na gamitin ang mga ito?

Makatatagal ba sa Apoy ang Iyong Gawa?

12. Sa anu-anong paraan walang ingat sa gawaing pagtatayo ang ilan sa mga Kristiyanong taga-Corinto?

12 Maliwanag, inakala ni Pablo na mahina ang uri ng pagtatayo ng ilang Kristiyano sa Corinto. Ano ba ang suliranin? Gaya ng ipinakikita ng konteksto, ang kongregasyon ay sinasalot ng pagkakabaha-bahagi, ng paghanga sa mga tao sa kabila ng panganib na dulot nito sa pagkakaisa ng kongregasyon. Sinasabi ng ilan, “Ako ay kay Pablo,” samantalang iginigiit naman ng iba, “Ako ay kay Apolos.” Waring napakataas ng pagtingin ng ilan sa kanilang sariling karunungan. Hindi nakapagtataka na ang resulta ay isang kapaligiran ng makalaman na pag-iisip, pagiging di-maygulang sa espirituwal, at palasak na “paninibugho at alitan.” (1 Corinto 1:12; 3:1-4, 18) Tiyak na masasalamin ang ganitong mga saloobin sa pagtuturo na isinagawa sa kongregasyon at sa ministeryo. Nagbunga ito ng kawalang-ingat sa kanilang paggawa ng alagad, gaya ng pagtatayo sa pamamagitan ng marurupok na materyales. Hindi iyon makatatagal sa “apoy.” Ano bang apoy ang binabanggit ni Pablo?

13. Ano ang isinasagisag ng apoy sa ilustrasyon ni Pablo, at sa ano dapat maging alisto ang lahat ng Kristiyano?

13 May isang apoy na kinakaharap nating lahat sa buhay​—ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. (Juan 15:20; Santiago 1:2, 3) Kailangang malaman ng mga Kristiyano sa Corinto, kung paanong dapat din nating malaman sa ngayon, na ang lahat ng tinuturuan natin ng katotohanan ay susubukin. Kung mahina ang pagtuturo natin, baka nakalulungkot ang ibunga. Nagbabala si Pablo: “Kung ang gawa ng sinuman na itinayo niya rito ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala; kung ang gawa ng sinuman ay masunog, daranas siya ng kawalan, ngunit siya mismo ay maliligtas; gayunman, kung gayon, ito ay magiging gaya ng sa pamamagitan ng apoy.”c​—1 Corinto 3:14, 15.

14. (a) Paano maaaring “daranas ng kawalan” ang mga Kristiyanong gumagawa ng alagad, subalit paano nila matatamo ang kaligtasan na gaya sa pamamagitan ng apoy? (b) Paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan?

14 Tunay na seryosong mga pananalita! Napakasakit ang magpagal upang tulungan ang isa na maging isang alagad, upang pagkatapos ay makita lamang na nagpadaig ang taong iyon sa tukso o pag-uusig at sa dakong huli ay nilisan ang daan ng katotohanan. Ganiyang-ganiyan ang inamin ni Pablo nang sabihin niyang daranas tayo ng kawalan sa gayong mga kalagayan. Napakasakit na karanasan anupat ang ating kaligtasan ay inilarawan na “sa pamamagitan ng apoy”​—gaya ng isang tao na nawalan ng lahat dahil sa sunog at muntik nang hindi masagip. Sa bahagi naman natin, paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan? Magtayo sa pamamagitan ng matitibay na materyales! Kung tinuturuan natin ang ating mga estudyante upang maabot ang kanilang puso, anupat pinakikilos sila na pahalagahan ang mahahalagang katangiang Kristiyano gaya ng karunungan, kaunawaan, pagkatakot kay Jehova, at tunay na pananampalataya, kung gayo’y nagtatayo tayo sa pamamagitan ng mga materyales na matibay at di-tinatablan ng apoy. (Awit 19:9, 10; Kawikaan 3:13-​15; 1 Pedro 1:6, 7) Yaong mga nakapaglilinang ng ganitong mga katangian ay magpapatuloy na gawin ang kalooban ng Diyos; tiyak ang kanilang pag-asa na manatiling buháy magpakailanman. (1 Juan 2:17) Paano, kung gayon, praktikal na magagamit natin ang ilustrasyon ni Pablo? Tingnan ang ilang halimbawa.

15. Sa anu-anong paraan matitiyak nating maiwasan ang kawalang-ingat sa gawaing pagtatayo may kinalaman sa ating mga estudyante ng Bibliya?

15 Kapag nagtuturo sa mga estudyante ng Bibliya, hindi natin dapat itaguyod kailanman ang mga tao sa halip na ang Diyos na Jehova. Hindi natin tunguhin na turuan silang malasin tayo bilang pangunahing pinagmumulan ng karunungan. Ibig nating bumaling sila kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang organisasyon ukol sa patnubay. Sa layuning ito, hindi natin basta sinasabi ang ating sariling pananaw bilang tugon sa kanilang mga tanong. Sa halip, tinuturuan natin silang hanapin ang mga sagot, na ginagamit ang Bibliya at mga publikasyon na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Sa katulad na mga dahilan, nag-iingat tayo na huwag maging mapag-angkin sa ating mga estudyante ng Bibliya. Sa halip na magalit kapag ang iba ay nagpapakita ng interes sa kanila, dapat nating pasiglahin ang ating mga estudyante na sila’y “magpalawak” ng kanilang pagmamahal, anupat kilalanin at pahalagahan ang marami hangga’t maaari sa kongregasyon.​—2 Corinto 6:12, 13.

16. Paano maaaring makapagtayo ang matatanda sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy?

16 Ang Kristiyanong matatanda ay gumaganap din naman ng mahalagang papel sa pagtatayo ng mga alagad. Kapag nagtuturo sila sa kongregasyon, sinisikap nilang magtayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy. Maaaring lubhang nagkakaiba ang kanilang kakayahan sa pagtuturo, karanasan, at personalidad, ngunit hindi nila sinasamantala ang mga pagkakaibang ito upang makaakit ng mga tagasunod para sa kanilang sarili. (Ihambing ang Gawa 20:29, 30.) Hindi natin eksaktong nalalaman kung bakit ang ilan sa Corinto ay nagsabing, “Ako ay kay Pablo” o, “Ako ay kay Apolos.” Ngunit talagang makatitiyak tayo na wala sa mga tapat na matatandang ito ang nagtaguyod ng gayong bumabahaging kaisipan. Hindi nagpadala si Pablo sa gayong damdamin; mariing pinabulaanan niya ang mga ito. (1 Corinto 3:5-7) Gayundin naman sa ngayon, ikinikintal ng matatanda sa kanilang isip na sila’y nagpapastol sa “kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:2) Hindi iyon pag-aari ng sinumang tao. Kaya matatag ang matatanda laban sa anumang hilig ng isang tao na mangibabaw alinman sa kawan o sa lupon ng matatanda. Hangga’t ang matatanda ay nauudyukan ng mapagpakumbabang hangarin na paglingkuran ang kongregasyon, abutin ang mga puso, at tulungan ang mga tupa na maglingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa, nagtatayo sila sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy.

17. Paano sinisikap ng Kristiyanong mga magulang na magtayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy?

17 Labis din namang ikinababahala ng Kristiyanong mga magulang ang bagay na ito. Gayon na lamang ang pananabik nilang makitang mabuhay magpakailanman ang kanilang mga anak! Kaya naman nagpapagal sila nang husto upang “itimo” sa puso ng kanilang mga anak ang mga simulain ng Salita ng Diyos. (Deuteronomio 6:6, 7) Ibig nilang malaman ng kanilang mga anak ang katotohanan, hindi lamang bilang isang kalipunan ng mga alituntunin o litanya ng mga katotohanan, kundi bilang isang ganap, kasiya-siya, at maligayang paraan ng pamumuhay. (1 Timoteo 1:11) Upang gawing tapat na mga alagad ni Kristo ang kanilang mga anak, sinisikap ng maibiging mga magulang na gumamit ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy. Matiyaga silang gumagawa kasama ng kanilang mga anak, anupat tinutulungan silang iwaksi ang mga katangiang kinapopootan ni Jehova at linangin ang mga katangiang iniibig niya.​—Galacia 5:22, 23.

Sino ang May Pananagutan?

18. Kapag tinanggihan ng isang alagad ang nakapagpapalusog na turo, bakit hindi naman nangangahulugan na kasalanan iyon ng mga nagsikap na turuan at sanayin siya?

18 Ang pagtalakay na ito ay nagbabangon ng isang mahalagang tanong. Kung lumayo sa katotohanan ang isa na sinisikap nating tulungan, nangangahulugan ba iyan na bigo tayo bilang mga guro​—na tiyak na tayo’y nagtayo sa pamamagitan ng marurupok na materyales? Hindi naman. Tiyak na ipinaaalaala sa atin ng mga salita ni Pablo na isang malaking pananagutan ang makibahagi sa pagtatayo ng mga alagad. Ibig nating gawin ang buong makakaya natin upang makapagtayong mabuti. Ngunit hindi sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na balikatin nating mag-isa ang buong pananagutan at sisihin ang ating sarili kapag tumalikod sa katotohanan yaong sinisikap nating tulungan. May iba pang salik na nasasangkot bukod sa ating sariling papel bilang mga tagapagtayo. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Pablo hinggil sa guro na naging mahina sa ganitong gawaing pagtatayo: “Daranas siya ng kawalan, ngunit siya mismo ay maliligtas.” (1 Corinto 3:15) Kung sa dakong huli ay maligtas ang taong ito​—bagaman ang Kristiyanong personalidad na sinisikap niyang linangin sa kaniyang estudyante ay inilarawan na ‘nasunog’ sa isang maapoy na pagsubok​—ano ang dapat nating isipin? Tiyak, na itinuturing ni Jehova na ang estudyante ang may pangunahing pananagutan sa kaniyang mga pasiya kung siya baga ay susunod sa isang tapat na landasin o hindi.

19. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

19 Personal man, o indibiduwal, napakahalaga ng pananagutan. Nakaaapekto ito sa bawat isa sa atin. Sa espesipikong paraan, ano ba ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa bagay na ito? Tatalakayin ito sa ating susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Ang ‘pundasyon ng lupa’ ay maaaring tumutukoy sa mga puwersa ng kalikasan na pumipigil dito​—at ang lahat ng mga bagay sa langit​—na matatag na nasa lugar nito. Karagdagan pa, ang lupa mismo ay ginawa sa paraan na ito ay hindi kailanman “mayayanig,” o mawawasak.​—Awit 104:5.

b Ang “mahahalagang bato” na tinukoy ni Pablo ay hindi naman nangangahulugang mga hiyas, gaya ng mga diamante at rubi. Maaaring ang mga ito ay mga mamahaling bato sa pagtatayo gaya ng marmol, alabastro, o granito.

c Pinag-aalinlanganan ni Pablo ang kaligtasan, hindi ng tagapagtayo, kundi ng “gawa” ng tagapagtayo. Ganito ang pagkasalin ng The New English Bible sa talatang ito: “Kung makatagal ang gusali ng isang tao, siya’y gagantimpalaan; kung masunog ito, kailangang pasanin niya ang kawalan; at gayunma’y makaliligtas siya, gaya ng maaaring mangyari sa isa mula sa apoy.”

Paano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang “pundasyon” ng isang tunay na Kristiyano, at paano ito inilalatag?

◻ Ano ang maaari nating matutuhan mula sa iba’t ibang uri ng materyales sa pagtatayo?

◻ Ano ang isinasagisag ng “apoy,” at paano ito maaaring maging sanhi para ang ilan ay ‘dumanas ng kawalan’?

◻ Paano maaaring makapagtayo ang mga guro sa Bibliya, matatanda, at mga magulang sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy?

[Larawan sa pahina 9]

Sa maraming sinaunang lunsod, ang mga gusaling bato na di-tinatablan ng apoy ay kasabay na umiral ng mga gusaling yari sa mas marurupok na materyales

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share