Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 7/15 p. 9-14
  • Tulungan ang Mga Tao na Makalapit kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulungan ang Mga Tao na Makalapit kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Layunin ng Ating Pangangaral
  • Ang Ating Bahagi sa Gawain ni Jehova
  • Sino ang mga Inaakay ni Jehova?
  • Mga Kamanggagawa ng Diyos
  • Gawaing Pagtatayo na Mananatili
  • Paglilinang ng Pag-ibig sa Diyos at kay Kristo
  • Sa Pagtatayo Gamitin ang mga Materyales na Panlaban-sa-Apoy
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ang Mensahe na Dapat Nating Ipahayag
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Manatiling Malapít kay Jehova
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 7/15 p. 9-14

Tulungan ang Mga Tao na Makalapit kay Jehova

“Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”​—JUAN 14:6.

1. Anong utos ang ibinigay ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang ibinunga ng pagsunod dito ng mga Saksi ni Jehova?

INUTUSAN ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Sa nakaraang sampung taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa mahigit na tatlong milyon katao upang makaparoon sa Diyos, anupat nang maglaon ay binautismuhan sila bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa kaniya upang gawin ang kaniyang kalooban. Anong ligaya natin na matulungan sila na makalapit sa Diyos!​—Santiago 4:8.

2. Bagaman maraming baguhan ang nababautismuhan, ano naman ang nangyayari?

2 Gayunman, sa ilang lupain kung saan maraming bagong mga alagad ang nabautismuhan, wala namang katumbas na pagtaas sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Mangyari pa, dapat na isaalang-alang ang bagay na mayroon ding mga namatay, na ang taunang katumbasan ng namamatay ay mga 1 porsiyento. Subalit sa nakaraang ilang taon, marami-rami ang tumalikod sa ilang kadahilanan. Bakit? Susuriin dito at sa susunod na artikulo kung paano inaakay ang mga tao patungo kay Jehova at ang maaaring mga dahilan kung bakit tumalikod ang ilan.

Ang Layunin ng Ating Pangangaral

3. (a) Paano nakakatumbas ng misyon na ipinagkatiwala sa mga alagad ni Jesus yaong misyon ng anghel na binanggit sa Apocalipsis 14:6? (b) Ano ang napatunayang isang mabisang paraan ng pagpukaw ng interes ng mga tao sa mensahe ng Kaharian, ngunit ano ang nagiging problema?

3 Sa “panahon[g ito] ng kawakasan,” ang mga alagad ni Jesus ay may atas na magpalaganap ng “tunay na kaalaman” hinggil sa “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Daniel 12:4; Mateo 24:14) Ang kanilang misyon ay katulad niyaong sa anghel na “may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Sa daigdig na ito na abalang-abala sa makalupang mga bagay, ang karaniwang pinakamabisang paraan upang mapukaw ang interes ng mga tao sa Kaharian ng Diyos at matulungan silang mapalapit kay Jehova ay ang pagsasabi sa kanila tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Bagaman mauunawaan naman, yaong mga nakikisama sa bayan ng Diyos dahil lamang sa hangaring makapasok sa Paraiso ay hindi matatag sa pagtahak sa kanilang makipot na daan patungo sa buhay.​—Mateo 7:13, 14.

4. Ayon kay Jesus at sa anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, ano ang layunin ng ating gawaing pangangaral?

4 Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit ay naghahayag ng “walang-hanggang mabuting balita” at nagsasabi sa mga nananahan sa lupa: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apocalipsis 14:7) Samakatuwid, ang pangunahing layunin ng ating pangangaral ng mabuting balita ay ang matulungan ang mga tao na makalapit kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus.

Ang Ating Bahagi sa Gawain ni Jehova

5. Anong mga sinabi nina Pablo at Jesus ang nagpapakita na ang ginagawa natin ay gawain ni Jehova, hindi sa atin?

5 Nang sumusulat sa kapuwa mga pinahirang Kristiyano, bumanggit si apostol Pablo tungkol sa “ministeryo ng pakikipagkasundo” at sinabi niya na ipinagkakasundo ng Diyos ang mga tao sa kaniya salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Sinabi ni Pablo na “para bang ang Diyos ay gumagawa ng pamamanhik sa pamamagitan namin” at na “bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’ ” Tunay na nakaaantig isipin! Tayo man ay pinahirang “mga embahador na humahalili para kay Kristo” o mga sugo na may makalupang pag-asa, hindi natin dapat kalimutan kailanman na ito ay gawain ni Jehova, hindi sa atin. (2 Corinto 5:18-20) Ang Diyos talaga ang umaakay sa mga tao at nagtuturo sa mga lumalapit kay Kristo. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin; at akin siyang bubuhaying-muli sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Bawat isa na nakarinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.”​—Juan 6:44, 45.

6. Paano inuuga ni Jehova ang mga bansa sa isang panimulang paraan, at kasabay nito, sino ang nakasusumpong ng katiwasayan sa kaniyang “bahay” ng pagsamba?

6 Sa mga huling araw na ito, paano inaakay ni Jehova ang mga tao at binubuksan sa kanila ang “pintuan ng pananampalataya”? (Gawa 14:27, talababa sa Ingles; 2 Timoteo 3:1) Ang isang susing paraan ay ang pagpapangyaring ipahayag ng kaniyang mga Saksi ang kaniyang mensahe ng kaligtasan at kahatulan laban sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Isaias 43:12; 61:1, 2) Ang pambuong-daigdig na paghahayag na ito ay yumayanig sa mga bansa​—isang palatandaan ng inihatol na pagkawasak na malapit nang dumating. Kasabay nito, ang mga taong “mahalaga” sa paningin ng Diyos ay inilalabas mula sa sistemang ito at nakasusumpong ng katiwasayan sa kaniyang “bahay” ng tunay na pagsamba. Sa gayo’y tinutupad ni Jehova ang kaniyang makahulang salita na isinulat ni Hagai: “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.”​—Hagai 2:6, 7, talababa sa Ingles; Apocalipsis 7:9, 15.

7. Paano binubuksan ni Jehova ang puso ng mga tao at inaakay ang mga indibiduwal patungo sa kaniya at sa kaniyang Anak?

7 Binubuksan ni Jehova ang puso ng mga ito na may takot sa Diyos​—“ang pinakapiling mga bagay sa lahat ng bansa”​—upang sila’y “magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita” ng kaniyang mga Saksi. (Hagai 2:7, Jewish Publication Society; Gawa 16:14) Gaya noong unang siglo, kung minsan ay ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang akayin ang kaniyang mga Saksi tungo sa taimtim na mga taong humihingi sa kaniya ng tulong. (Gawa 8:26-​31) Habang natututo ang mga indibiduwal tungkol sa kahanga-hangang mga paglalaan ng Diyos para sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sila’y inaakay kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang pag-ibig. (1 Juan 4:9, 10) Oo, inaakay ng Diyos ang mga tao patungo sa kaniya at sa kaniyang Anak sa pamamagitan ng Kaniyang “maibiging-kabaitan,” o “matapat na pag-ibig.”​—Jeremias 31:3, talababa sa Ingles.

Sino ang mga Inaakay ni Jehova?

8. Anong uri ng mga tao ang inaakay ni Jehova?

8 Inaakay ni Jehova patungo sa kaniya at sa kaniyang Anak yaong mga humahanap sa Kaniya. (Gawa 17:27) Kasali rito ang mga taong “nagbubuntung-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa” sa Sangkakristiyanuhan at, sa katunayan, sa buong daigdig. (Ezekiel 9:4) Sila’y “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Oo, sila ang “maaamo [“mapagpakumbaba,” talababa] sa lupa,” na maninirahan sa paraisong lupa magpakailanman.​—Zefanias 2:3.

9. Paano nakikita ni Jehova kung ang mga tao ay “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan,” at paano niya inaakay ang mga ito?

9 Nababasa ni Jehova ang puso ng isang tao. Sinabi ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang inuunawa. Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Batay sa kalagayan ng puso at espiritu, o nangingibabaw na saloobin, ng isang indibiduwal, nakikita ni Jehova kung siya ay malamang na tutugon sa banal na paglalaan ng kapatawaran ng kaniyang mga kasalanan at ng pag-asang buhay na walang hanggan sa matuwid na bagong sistema ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, na ipinangaral at itinuro ng kaniyang mga Saksi, inaakay ni Jehova patungo sa kaniya at sa kaniyang Anak “ang lahat niyaong mga wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan,” at ang mga ito ay ‘nagiging mga mananampalataya.’​—Gawa 13:48.

10. Ano ang nagpapakita na walang nasasangkot na pagtatadhana sa pag-akay ni Jehova sa ilan at hindi sa iba?

10 Nasasangkot ba ang isang anyo ng pagtatadhana sa ginagawang pag-akay na ito ni Jehova sa ilan at hindi sa iba? Tiyak na hindi! Ang pag-akay ng Diyos sa mga tao ay depende sa kanilang sariling pagnanais. Iginagalang niya ang kanilang malayang kalooban. Pinapipili ni Jehova ang mga naninirahan ngayon sa lupa kagaya ng pagpili na iniharap niya sa mga Israelita mahigit nang 3,000 taon ang nakalipas, nang sabihin ni Moises: “Inilalagay ko nga sa harap mo ngayon ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan. . . . Kinukuha ko ang langit at ang lupa bilang mga saksi laban sa inyo ngayon, na inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng paglakip sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”​—Deuteronomio 30:15-20.

11. Paano pipiliin ng mga Israelita ang buhay?

11 Pansinin na pipiliin ng mga Israelita ang buhay ‘sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig, at sa pamamagitan ng paglakip sa kaniya.’ Nang bigkasin ang mga salitang ito, hindi pa nasasakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako. Sila’y nakaabang na sa Kapatagan ng Moab, anupat naghahandang tawirin ang Ilog Jordan at pasukin ang Canaan. Bagaman natural lamang sa kanila na ibaling ang kanilang kaisipan sa “mabuti at maluwang” na lupain na “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan” na malapit na nilang makamit, ang katuparan ng kanilang mga pangarap ay nakasalalay sa kanilang pag-ibig kay Jehova, sa kanilang pakikinig sa kaniyang tinig, at ang kanilang paglakip sa kaniya. (Exodo 3:8) Niliwanag ito ni Moises, na nagsabi: “Kung makikinig ka sa mga utos ni Jehova na iyong Diyos, na iniuutos ko sa iyo ngayon, upang ibigin si Jehova na iyong Diyos, upang lumakad sa kaniyang mga daan at upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga batas at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya, kung magkagayon ay mananatili ka ngang buháy at dadami ka, at pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lupain na iyong paroroonan upang ariin.”​—Deuteronomio 30:16.

12. Ano ang dapat na matutuhan natin mula sa halimbawa ng mga Israelita hinggil sa ating gawaing pangangaral at pagtuturo?

12 Hindi ba ang nabanggit ay dapat na magturo sa atin ng isang bagay tungkol sa ating gawaing pangangaral at pagtuturo sa panahong ito ng kawakasan? Iniisip natin ang tungkol sa dumarating na Paraisong lupa at ipinakikipag-usap ito sa ating ministeryo. Ngunit hindi natin makikita ni ng mga alagad na gagawin natin ang katuparan ng pangako kung tayo o sila ay naglilingkod sa Diyos taglay ang mapag-imbot na mga dahilan. Tulad ng mga Israelita, tayo at ang ating tinuturuan ay dapat na matutong ‘umibig kay Jehova, makinig sa kaniyang tinig, at mapalakip sa kaniya.’ Kung tatandaan natin ito kapag isinasagawa ang ating ministeryo, tayo’y aktuwal na nakikipagtulungan sa Diyos sa pag-akay sa mga tao tungo sa kaniya.

Mga Kamanggagawa ng Diyos

13, 14. (a) Ayon sa 1 Corinto 3:5-9, paano tayo nagiging mga kamanggagawa ng Diyos? (b) Kanino natin dapat iukol ang karangalan sa anumang paglago, at bakit?

13 Inilarawan ni Pablo ang pakikipagtulungan sa Diyos sa pamamagitan ng pagbanggit sa paglilinang ng isang bukid. Sumulat siya: “Ano, kung gayon, si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay naging mga mananampalataya kayo, kung paano ngang ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito; anupat siya na nagtatanim ay walang anuman ni siya na nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago nito. Ngayon siya na nagtatanim at siya na nagdidilig ay iisa, ngunit ang bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal. Sapagkat tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayo ang sakahang bukid ng Diyos.”​—1 Corinto 3:5-9.

14 Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, dapat na buong-katapatan nating itanim “ang salita ng kaharian” sa puso ng mga tao, pagkatapos ay diligin ang anumang interes na ipinakita sa pamamagitan ng pinaghandaang-mabuti na mga pagdalaw muli at pag-aaral ng Bibliya. Kung ang lupa, ang puso, ay mabuti, gagawin ni Jehova ang kaniyang bahagi sa pamamagitan ng pagpapalago sa binhi ng katotohanan ng Bibliya tungo sa isang mabungang halaman. (Mateo 13:19, 23) Aakayin niya ang taong iyon tungo sa kaniya at sa kaniyang Anak. Sa katapus-tapusan, kung gayon, anumang pagsulong sa bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay bunga ng ginagawa ni Jehova sa puso ng mga tao, ng pagpapalago sa binhi ng katotohanan at pag-akay sa gayong mga tao tungo sa kaniya at sa kaniyang Anak.

Gawaing Pagtatayo na Mananatili

15. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Pablo upang ipakita kung paano natin tinutulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya?

15 Samantalang ikinagagalak ang paglago, taimtim na ninanais nating makita na ang mga tao ay patuloy na umiibig kay Jehova, nakikinig sa kaniyang tinig, at napapalakip sa kaniya. Nalulungkot tayo kapag nakikita natin ang ilan na nanlamig at tumalikod. May magagawa ba tayo para mahadlangan ito? Sa isa pang ilustrasyon, ipinakita ni Pablo kung paano natin matutulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya. Sumulat siya: “Walang taong makapaglalagay ng anumang iba pang pundasyon maliban sa nakalagay na, na si Jesu-Kristo. Ngayon kung ang sinuman ay nagtatayo sa pundasyon ng ginto, pilak, mahahalagang bato, mga materyales na kahoy, dayami, pinaggapasan, ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magpapakita nito, dahil isisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy mismo ang magpapatunay kung anong uri ng gawa ang sa bawat isa.”​—1 Corinto 3:11-13.

16. (a) Paano nagkakaiba sa layunin ang dalawang ilustrasyon na ginamit ni Pablo? (b) Paano maaaring maging di-kasiya-siya at tinatablan ng apoy ang ating gawaing pagtatayo?

16 Sa ilustrasyon ni Pablo tungkol sa bukid, ang paglago ay depende sa maingat na pagtatanim, regular na pagdidilig, at sa pagpapala ng Diyos. Itinatampok sa isa pang ilustrasyon ng apostol ang pananagutan ng ministrong Kristiyano sa kalalabasan ng kaniyang gawaing pagtatayo. Nagtayo ba siya sa isang matibay na pundasyon sa pamamagitan ng de-kalidad na mga materyales? Nagbabala si Pablo: “Manatiling nagbabantay ang bawat isa kung paano siya nagtatayo.” (1 Corinto 3:10) Palibhasa’y napukaw ang interes ng tao sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya ng tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso, itinutuon ba natin ang ating pagtuturo sa mga saligang kaalaman lamang sa Kasulatan at saka pangunahing idiniriin ang dapat gawin ng isang tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ang pagtuturo kaya natin ay binubuo lamang nito: ‘Kung nais mong mabuhay magpakailanman sa Paraiso, dapat kang mag-aral, dumalo sa mga pulong, at makibahagi sa gawaing pangangaral’? Kung gayon, hindi natin itinatayo ang pananampalataya ng taong iyon sa isang matibay na pundasyon, at baka ang itinayo natin ay hindi makatagal sa apoy ng mga pagsubok o makapagtiis sa pagsubok ng panahon. Ang pagsisikap na akayin ang mga tao kay Jehova sa pamamagitan lamang ng pag-asang mabuhay sa Paraiso kapalit ng ilang taon ng paglilingkod sa kaniya ay gaya ng pagtatayo sa pamamagitan ng “mga materyales na kahoy, dayami, pinaggapasan.”

Paglilinang ng Pag-ibig sa Diyos at kay Kristo

17, 18. (a) Ano ang kailangang-kailangan upang manatili ang pananampalataya ng isang tao? (b) Paano natin matutulungan ang isang tao upang makatahan sa kaniyang puso si Kristo?

17 Upang manatili ang pananampalataya, ito’y dapat na nakasalig sa personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Bilang mga taong di-sakdal, matatamo natin ang gayong mapayapang kaugnayan sa Diyos tangi lamang sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Roma 5:10) Tandaan na sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Upang matulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya, “walang taong makapaglalagay ng anumang iba pang pundasyon maliban sa nakalagay na, na si Jesu-Kristo.” Ano ang nasasangkot dito?​—Juan 14:6; 1 Corinto 3:11.

18 Ang pagtatayo kay Kristo bilang pundasyon ay nangangahulugan ng pagtuturo sa paraan na doo’y tinutubuan ang isang estudyante ng Bibliya ng matinding pag-ibig kay Jesus sa pamamagitan ng ganap na kaalaman tungkol sa Kaniyang papel bilang Tagatubos, Ulo ng kongregasyon, maibiging Mataas na Saserdote, at namamahalang Hari. (Daniel 7:13, 14; Mateo 20:28; Colosas 1:18-20; Hebreo 4:14-16) Nangangahulugan ito na si Jesus ay nagiging tunay na tunay sa kanila anupat siya’y halos nananahan sa kanilang puso. Ang panalangin natin para sa kanila ay dapat na kagaya ng pakiusap ni Pablo alang-alang sa mga Kristiyano sa Efeso. Sumulat siya: “Iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, . . . upang maipagkaloob niya sa inyo . . . [na] makatahan ang Kristo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa inyong mga puso na may pag-ibig; upang kayo ay mag-ugat at maitayo sa pundasyon.”​—Efeso 3:14-17.

19. Ano ang dapat na maging resulta ng paglilinang ng pag-ibig kay Kristo sa puso ng ating mga estudyante ng Bibliya, ngunit ano ang dapat na ituro?

19 Kung tayo ay nagtatayo sa paraan na ang pag-ibig kay Kristo ay nalilinang sa puso ng ating mga estudyante, makatuwiran lamang na magbunga ito ng pag-ibig sa Diyos na Jehova. Ang pag-ibig, damdamin, at pagkamadamayin ni Jesus ay tunay na nagpapaaninaw ng mga katangian ni Jehova. (Mateo 11:28-30; Marcos 6:30-34; Juan 15:13, 14; Colosas 1:15; Hebreo 1:3) Kaya habang nakikilala at iniibig ng mga tao si Jesus, makikilala at iibigin nila si Jehova.a (1 Juan 4:14, 16, 19) Kailangang ituro natin sa mga estudyante ng Bibliya na si Jehova ang nasa likod ng lahat ng ginawa ni Kristo para sa sangkatauhan at sa gayo’y utang natin sa Kaniya ang pasasalamat, papuri, at pagsamba bilang ang “Diyos ng ating kaligtasan.”​—Awit 68:19, 20; Isaias 12:2-5; Juan 3:16; 5:19.

20. (a) Paano natin matutulungan ang mga tao na makalapit sa Diyos at sa kaniyang Anak? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, tulungan natin ang mga tao na lumapit sa kaniya at sa kaniyang Anak, anupat tinutulungan sila na magkaroon ng pag-ibig at pananampalataya sa kanilang puso. Sa gayo’y magiging totoo sa kanila si Jehova. (Juan 7:28) Sa pamamagitan ni Kristo, magkakaroon sila ng matalik na kaugnayan sa Diyos, at kanilang iibigin siya at mapapalakip sila sa kaniya. Hindi sila magtatakda ng hangganan sa kanilang maibiging paglilingkod, anupat nananampalataya na ang kamangha-manghang mga pangako ni Jehova ay matutupad sa kaniyang itinakdang panahon. (Panaghoy 3:24-26; Hebreo 11:6) Gayunman, samantalang tinutulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, dapat nating patibayin ang ating sariling pananampalataya upang ito ay maging gaya ng isang matatag na barko na kayang sumagupa sa malalakas na unos. Ito ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Isang mahusay na pantulong upang lalong makilala si Jesus at sa pamamagitan niya, ang kaniyang Ama na si Jehova, ang aklat ng Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Bilang Repaso

◻ Paano natin madalas na napupukaw ang interes ng mga tao sa mensahe ng Kaharian, ngunit anong panganib ang umiiral?

◻ Anong uri ng mga tao ang inaakay ni Jehova tungo sa kaniya at sa kaniyang Anak?

◻ Sa ano nakadepende ang pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako, at ano ang matututuhan natin mula rito?

◻ Anong papel ang ginagampanan natin sa pagtulong sa mga tao na makalapit kay Jehova at sa kaniyang Anak?

[Larawan sa pahina 10]

Bagaman ipinaaabot natin sa mga tao ang pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso, pangunahin nating layunin ang maakay sila tungo kay Jehova

[Mga larawan sa pahina 13]

Magiging napakabisa ang ating mga pagdalaw muli kung tayo’y naghandang mabuti

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share