IKAAPAT NA KABANATA
Papaano Mo Mapangangasiwaan ang Sambahayan?
1. Bakit nagiging napakahirap sa ngayon ang pangangasiwa sa sambahayan?
“ANG tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Ang mga salitang iyan ay isinulat mahigit na 1,900 taon na ang nakalilipas, at totoong-totoo nga ang mga ito sa ngayon! Ang mga bagay-bagay ay talagang nagbabago, lalo na kung tungkol sa buhay pampamilya. Ang itinuturing noon na normal o tradisyunal 40 o 50 taon na ang nakararaan ay madalas na hindi na matanggap sa ngayon. Dahil dito, ang matagumpay na pangangasiwa sa sambahayan ay naghaharap ng napakalalaking hamon. Gayunpaman, kung susundin mo ang payo ng Kasulatan, maaari mong harapin ang mga hamong iyon.
MAMUHAY NANG DI-HIHIGIT SA IYONG KAYA
2. Anong mga kalagayan sa pananalapi ang nagdudulot ng igting sa pamilya?
2 Sa ngayon ay hindi na nasisiyahan ang maraming tao sa isang buhay na simple at nakaukol sa pamilya. Habang ang daigdig ng komersiyo ay patuloy sa paggawa ng higit at higit pang mga produkto at sa paggamit ng kakayahan nito sa pag-aanunsiyo upang hikayatin ang madla, milyun-milyong ama at ina ang gumugugol ng mahahabang oras sa trabaho upang mabili nila ang mga produktong ito. Ang iba pang milyun-milyon ay napapaharap sa pakikipagpunyagi araw-araw para lamang may mailagay na pagkain sa mesa. Kinakailangan nilang gumugol ng higit at higit pang panahon sa trabaho kaysa dati, marahil ay bumabalikat ng dalawang trabaho, para lamang may maibayad sa mga pangangailangan. Ang iba naman ay gustung-gustong makakita ng trabaho, yamang ang kawalan ng trabaho ay isang suliranin sa lahat halos ng dako. Oo, ang buhay ay hindi laging madali para sa modernong pamilya, subalit ang mga simulain ng Bibliya ay makatutulong sa mga pamilya upang gawin ang pinakamabuti nilang magagawa ayon sa kanilang kalagayan.
3. Anong simulain ang ipinaliwanag ni apostol Pablo, at papaano makatutulong sa isa ang pagkakapit nito upang magtagumpay sa pangangasiwa sa sambahayan?
3 Nakaranas si apostol Pablo ng mga kagipitan sa pananalapi. Sa pagharap sa mga ito, natutuhan niya ang mahalagang aral, na kaniyang ipinaliwanag sa liham niya sa kaniyang kaibigan na si Timoteo. Sumulat si Pablo: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Totoo, hindi lamang pagkain at damit ang kailangan ng isang pamilya. Kailangan din nila ang matitirahan. Kailangang pag-aralin ang mga anak. At may mga bayarín sa pagpapagamot at iba pang gastusin. Gayunman, kapit pa rin ang simulain ng mga salita ni Pablo. Kung nasisiyahan na tayo na masapatan ang ating mga kinakailangan sa halip na mapagbigyan ang ating mga kagustuhan, magiging mas madali ang buhay.
4, 5. Papaano nakatutulong sa pangangasiwa sa sambahayan ang pag-iintindi sa kinabukasan at pagpaplano?
4 Ang isa pang makatutulong na simulain ay makikita sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus. Sabi niya: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makompleto iyon?” (Lucas 14:28) Ang sinasabi rito ni Jesus ay tungkol sa pag-iintindi sa kinabukasan, patiunang pagpaplano. Nakita natin sa isang naunang kabanata kung papaano ito nakatutulong kapag ang magkasintahan ay nagbabalak nang pakasal. At pagkatapos ng kasal, makatutulong din ito sa pangangasiwa ng sambahayan. Ang pag-iintindi sa kinabukasan sa bagay na ito ay nagsasangkot sa pagkakaroon ng badyet, anupat patiunang nagpaplano upang magamit sa pinakamatalinong paraan ang hawak na pera. Sa ganitong paraan ay makokontrol ng pamilya ang gastusin, anupat nagbubukod ng perang magagastos para sa araw-araw o lingguhang pangangailangan, at hindi namumuhay nang higit sa makakaya.
5 Sa ilang bansa, ang gayong pagbabadyet ay maaaring mangahulugan ng pagpigil sa simbuyo na mangutang nang may mataas na tubò dahil lamang sa di-kinakailangang pagbili-bili. Sa iba naman, maaari itong mangahulugan ng mahigpit na pagrerenda sa paggamit ng mga credit card. (Kawikaan 22:7) Maaari rin itong mangahulugan ng pag-iwas sa pabigla-biglang pagbili—kagyat na pamimili ng isang bagay sa oras ding iyon nang hindi na pinag-iisipan ang mga pangangailangan at magiging bunga nito. Isa pa, kung may badyet ay madaling mapapansin na ang walang-taros na paglulustay ng pera sa sugal, sigarilyo, at labis na pag-inom ng alak ay sumasaid sa pananalapi ng pamilya, bukod pa sa pagiging lihis sa mga simulain ng Bibliya.—Kawikaan 23:20, 21, 29-35; Roma 6:19; Efeso 5:3-5.
6. Anong mga katotohanan sa Kasulatan ang tumutulong sa mga wala nang pag-asang makaahon pa sa kahirapan?
6 Kumusta naman kaya yaong wala nang pag-asang makaahon pa sa kahirapan? Una sa lahat, maaari silang maaliw sa pagkaalam na ang pandaigdig na suliraning ito ay pansamantala lamang. Sa mabilis na dumarating na bagong sanlibutan, aalisin ni Jehova ang karalitaan kasama ng lahat ng iba pang kasamaang nagdudulot ng kahirapan sa sangkatauhan. (Awit 72:1, 12-16) Samantala, ang tunay na mga Kristiyano, bagaman sila’y mahirap, ay hindi lubusang nawawalan ng pag-asa, sapagkat sila’y nananalig sa pangako ni Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” Kaya nga, ang isang mánanampalatayá ay buong-tiwalang makapagsasabi: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.” (Hebreo 13:5, 6) Sa mahirap na panahong ito, inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga mánanambá sa maraming paraan kung sila’y namumuhay ayon sa kaniyang mga simulain at inuuna nila sa kanilang buhay ang kaniyang Kaharian. (Mateo 6:33) Napakarami sa kanila ang makapagpapatunay, na nagsasabi, gaya ng mga salita ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paanong mabusog at kung paanong magutom, kapuwa kung paanong magkaroon ng kasaganaan at kung paanong magtiis ng kakapusan. Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:12, 13.
MAGTULUNGAN SA PASAN
Ang pangangalaga sa sambahayan ay isang proyekto ng buong pamilya
7. Anong mga salita ni Jesus, kung ikakapit, ang makatutulong sa matagumpay na pangangasiwa sa sambahayan?
7 Sa pagtatapos ng kaniyang ministeryo sa lupa, sinabi ni Jesus: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Ang pagkakapit ng payong ito sa pamilya ay tumutulong nang malaki sa pangangasiwa ng sambahayan. Tutal, sino pa nga ba ang ating pinakamalapit, pinakamamahal na mga kapuwa-tao kundi yaong bumubuo mismo ng ating pamilya—mga asawang lalaki at babae, mga magulang at mga anak? Papaano makapagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya?
8. Papaano maipakikita ang pag-ibig sa loob ng pamilya?
8 Ang isang paraan ay ang pagganap ng bawat miyembro ng pamilya sa kaniyang makatuwirang bahagi ng gawain sa tahanan. Kaya nga, ang mga bata ay dapat turuang imisin ang mga bagay-bagay pagkatapos gamitin ang mga ito, mga damit man ito o laruan. Ang pag-aayos ng higaan tuwing umaga ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap, ngunit ito’y napakalaking tulong sa pangangasiwa ng sambahayan. Mangyari pa, ang ilang maliliit, pansamantalang pagkakalat ay hindi maiiwasan, subalit ang lahat ay makapagtutulungan upang mapanatili man lamang na maimis ang tahanan, gayundin sa paglilinis pagkakakain. Ang katamaran, pagpapalayaw sa sarili, at ang may-hinanakit, bantulot na espiritu ay may negatibong epekto sa bawat isa. (Kawikaan 26:14-16) Sa kabilang dako naman, ang masayahin, may-pagkukusang espiritu ay nagpapaunlad ng isang maligayang buhay pampamilya. “Iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.”—2 Corinto 9:7.
9, 10. (a) Anong pasanin ang karaniwang nasa balikat ng ina ng tahanan, at papaano ito mapagagaan? (b) Anong timbang na pangmalas sa gawaing-bahay ang iminumungkahi?
9 Ang konsiderasyon at pag-ibig ay tutulong upang maiwasan ang isang kalagayan na nagiging isang malaking suliranin sa ilang tahanan. Ang mga ina ang noon pa’y siyang pinaka-ilaw ng tahanan. Nag-aalaga sila ng mga anak, naglilinis ng bahay, naglalaba, at namimili at nagluluto ng pagkain. Sa ilang lupain, naging kaugalian na rin na ang mga babae ay nagtatrabaho sa bukid, nagbebenta sa palengke ng mga ani, o tumutulong sa iba pang paraan upang makaragdag sa badyet ng pamilya. Kahit na sa mga lugar na hindi naman ito kaugalian noon, dahil sa pangangailangan ay napipilitan ang milyun-milyong may-asawang babae na maghanap ng trabaho sa labas ng tahanan. Ang isang asawang babae at ina na puspusang gumaganap ng iba’t ibang gawaing ito ay karapat-dapat papurihan. Gaya ng “may-kakayahang asawang babae” na inilarawan sa Bibliya, ang kaniyang mga araw ay punô ng gawain. “Ang tinapay ng katamaran ay hindi niya kinakain.” (Kawikaan 31:10, 27) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang babae lamang ang maaaring gumawa sa tahanan. Pagkatapos na makapagtrabaho ang mag-asawa sa labas ng tahanan, ang asawang babae ba lamang ang dapat magpasan ng gawain sa bahay samantalang ang asawang lalaki at ang iba pa sa pamilya ay nagpapahingalay? Hinding-hindi. (Ihambing ang 2 Corinto 8:13, 14.) Kaya nga, halimbawa, kung maghahanda ng pagkain ang ina, matutuwa siya kung ang ibang miyembro ng pamilya ay tutulong sa paghahanda sa pamamagitan ng pag-aayos ng mesa, pamimili paminsan-minsan, o paglilinis-linis ng bahay. Oo, ang lahat ay maaaring makibahagi sa pananagutan.—Ihambing ang Galacia 6:2.
10 Maaaring sabihin ng ilan: “Sa aming lugar ay hindi papel ng isang lalaki na gawin ang mga bagay na iyan.” Maaaring totoo iyan, ngunit hindi kaya makabubuti na isaalang-alang natin ang bagay na ito? Nang pasimulan ng Diyos na Jehova ang pamilya, hindi niya iniutos na may ilang gawain na tanging mga babae lamang ang gagawa. Minsan, nang ang tapat na lalaking si Abraham ay dalawin ng pantanging mensahero mula kay Jehova, personal siyang tumulong sa paghahanda at pagsisilbi ng pagkain sa mga panauhin. (Genesis 18:1-8) Ganito ang payo ng Bibliya: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan.” (Efeso 5:28) Kung, sa pagtatapos ng araw, ang asawang lalaki ay napagod at gustong magpahinga, hindi ba malamang na gayundin ang pakiramdam ng asawang babae, marahil ay mas lalo pa nga? (1 Pedro 3:7) Kung gayon, hindi ba angkop lamang at isang pagpapakita ng pag-ibig para sa asawang lalaki na tumulong sa tahanan?—Filipos 2:3, 4.
11. Sa anong paraan nagpakita ng mainam na halimbawa si Jesus para sa bawat miyembro ng sambahayan?
11 Si Jesus ang pinakamabuting halimbawa ng isa na nagpalugod sa Diyos at nagdulot ng kaligayahan sa kaniyang mga kasama. Bagaman hindi siya kailanman nag-asawa, si Jesus ay isang mabuting halimbawa sa mga asawang lalaki, gayundin sa mga asawang babae at sa mga anak. Ganito ang sabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod,” alalaong baga’y, upang magsilbi sa iba. (Mateo 20:28) Tunay na kasiya-siya ang mga pamilyang iyon na ang lahat ng miyembro ay nagpapaunlad ng gayong saloobin!
KALINISAN—BAKIT NAPAKAHALAGA?
12. Ano ang hinihiling ni Jehova sa mga naglilingkod sa kaniya?
12 Ang isa pang simulain ng Bibliya na makatutulong sa pangangasiwa ng sambahayan ay masusumpungan sa 2 Corinto 7:1. Doon ay mababasa natin: “Linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu.” Yaong mga sumusunod sa mga kinasihang salitang ito ay kaayaaya kay Jehova, na humihiling ng “pagsamba na malinis at walang dungis.” (Santiago 1:27) At ang kanilang sambahayan ay tumatanggap ng kaugnay na mga pakinabang.
13. Papaanong ang kalinisan ay mahalaga sa pangangasiwa sa sambahayan?
13 Halimbawa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na darating ang araw na mawawala na ang sakit at karamdaman. Sa panahong iyan, “walang mananahanan ang magsasabi: ‘Ako’y may-sakit.’” (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4, 5) Gayunman, hangga’t wala pa iyon, ang bawat pamilya ay daranas ng pagkakasakit sa pana-panahon. Maging sina Pablo at Timoteo ay nagkasakit din. (Galacia 4:13; 1 Timoteo 5:23) Gayunman, sinasabi ng mga bihasang doktor na maraming sakit ang maaari namang maiwasan. Naliligtasan ng matatalinong pamilya ang ilang maaaring maiwasang sakit kung lalayo sila sa makalaman at espirituwal na karumihan. Tingnan natin kung papaano.—Ihambing ang Kawikaan 22:3.
14. Sa anong paraan naiingatan ang pamilya mula sa pagkakasakit sa pamamagitan ng moral na kalinisan?
14 Kasali sa kalinisan ng espiritu ang kalinisan sa moral. Gaya ng alam ng marami, itinataguyod ng Bibliya ang matataas na pamantayang moral at hinahatulan ang anumang uri ng seksuwal na pagtatalik ng hindi mag-asawa. “Hindi ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Ang pagtalima sa mahihigpit na pamantayang ito ay napakahalaga para sa mga Kristiyano na namumuhay sa pasamâ nang pasamáng sanlibutan sa ngayon. Ang paggawa nito ay nakalulugod sa Diyos at tumutulong din upang maingatan ang pamilya mula sa nakahahawang sakit sa sekso gaya ng AIDS, sipilis, gonorea, at chlamydia.—Kawikaan 7:10-23.
15. Magbigay ng isang halimbawa ng pagiging di-malinis sa katawan na maaaring maging dahilan ng naiwasan sanang pagkakasakit.
15 Ang ‘paglilinis ng ating mga sarili mula sa bawat karungisan ng laman’ ay tumutulong upang mapangalagaan ang pamilya mula sa iba pang mga karamdaman. Ang pagiging di-malinis sa katawan ay pinagmumulan ng maraming sakit. Ang isang pangunahing halimbawa ay ang paninigarilyo. Hindi lamang pinarurumi ng paninigarilyo ang bagà, mga damit, at ang mismong hangin kundi nagiging dahilan din ito ng pagkakasakit ng mga tao. Milyun-milyon ang namamatay bawat taon dahil sa kanilang paninigarilyo. Isip-isipin ito; milyun-milyon bawat taon ang hindi sana magkakasakit at mamamatay nang maaga kung iniwasan lamang nila ang ‘karungisang iyan ng laman’!
16, 17. (a) Anong batas ang ibinigay ni Jehova upang maingatan ang mga Israelita mula sa ilang karamdaman? (b) Papaano maikakapit sa lahat ng sambahayan ang simulain sa Deuteronomio 23:12, 13?
16 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Mga 3,500 taon ang nakalipas, ibinigay ng Diyos sa bansang Israel ang kaniyang Batas upang organisahin ang kanilang pagsamba at, sa isang bahagi, ang kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang Batas na iyan ay tumulong upang maingatan ang bansa mula sa karamdaman sa pamamagitan ng pagtatatag ng ilang saligang tuntunin ng kalinisan. Ang isa sa batas na ito ay may kinalaman sa pagtatapon ng dumi ng tao, na kailangang wastong ibaon malayo sa kampo upang ang lugar na kinaroroonan ng mga tao ay hindi marumhan. (Deuteronomio 23:12, 13) Ang sinaunang batas na iyan ay nananatiling mabuting payo. Maging sa ngayon ang mga tao’y nagkakasakit at namamatay dahil sa hindi nila ito sinusunod.a
17 Kasuwato ng simulain sa likod ng batas na iyan sa mga Israelita, ang paliguan at palikuran ng pamilya—nasa loob man o nasa labas ng bahay—ay dapat panatilihing malinis at dinisimpekta. Kung hindi pananatilihing malinis at may takip ang palikuran, dadapuan iyon ng mga langaw at kakalat ang mikrobyo sa iba pang bahagi ng tahanan—at sa pagkain na ating kinakain! Isa pa, dapat na maghugas ng mga kamay ang mga bata at matatanda pagkatapos gumamit ng palikuran. Kung hindi, magdadala sila ng mikrobyo sa kanilang balat. Ayon sa isang doktorang Pranses, ang paghuhugas ng kamay ay “nananatili pa ring isa sa pinakamabuting garantiya sa pag-iwas sa ilang impeksiyon sa tiyan, sa daanan ng hininga, o sa balat.”
Mas mura ang panatilihing malinis ang mga bagay-bagay kaysa bumili ng gamot
18, 19. Anong mga mungkahi ang ibinigay para mapanatili ang isang malinis na bahay kahit nasa maruming kapaligiran?
18 Totoo, ang pagiging malinis ay isang hamon sa mahirap na pook. Ang isa na nahirati sa gayong lugar ay nagpaliwanag: “Pinag-iibayo ng matinding init ng panahon ang hirap ng paglilinis. Ang bawat siwang ng bahay ay natatabunan ng pinong pulbos na kulay kape dahil sa unos ng alikabok. . . . Ang paglago ng populasyon sa mga lunsod, gayundin sa ilang baryo, ay lumilikha rin ng panganib sa kalusugan. Ang mga tiwangwang na alkantarilya, nagtataasang bunton ng di-nakokolektang basura, maruruming pampublikong palikuran, mga nagdadala ng sakit na mga daga, ipis, at mga langaw ay naging karaniwang tanawin na.”
19 Ang pagpapanatili sa kalinisan sa ilalim ng ganitong mga kalagayan ay napakahirap. Gayunman, sulit pa rin ang pagsisikap. Ang sabon at tubig at kaunting dagdag na trabaho ay mas mura kaysa sa babayarang gamot at ospital. Kung ikaw ay nakatira sa ganitong kapaligiran, hangga’t maaari, panatilihin mong malinis at walang anumang dumi ng hayop ang inyong sariling bahay at bakuran. Kung ang daan patungo sa inyong bahay ay palaging nagpuputik kapag tag-ulan, makapagtatambak ka ba ng graba o mga bato upang hindi pasukin ng putik ang loob ng bahay? Kung nakasapatos o nakasandalyas, maaari bang hubarin muna ang mga ito bago pumasok sa bahay? Gayundin, dapat mong ingatan na huwag marumhan ang inyong suplay ng tubig. Tinatantiya na ang di-kukulangin sa dalawang milyong namamatay bawat taon ay dahil sa sakit na may kaugnayan sa maruming tubig at di-malinis na kapaligiran.
20. Upang maging malinis ang bahay, sinu-sino ang dapat makibahagi sa pananagutan?
20 Ang malinis na tahanan ay depende sa bawat isa—sa nanay, tatay, mga anak, at mga panauhin. Isang ina sa Kenya na may walong anak ang nagsabi: “Natutuhan ng lahat na gumawa ng kani-kaniyang bahagi.” Ang malinis, maimis na tahanan ay nagpapakilala sa buong pamilya. Ganito ang sabi ng kawikaang Kastila: “Hindi nagkakasalungatan ang karukhaan at kalinisan.” Nakatira man ang isa sa palasyo, sa apartment, sa simpleng tahanan, o sa barungbarong, ang kalinisan ang susi sa malusog na pamilya.
NAGPAPASIGLA SA ATIN ANG PAMPATIBAY-LOOB
21. Kasuwato ng Kawikaan 31:28, ano ang makatutulong upang maging maligaya ang sambahayan?
21 Nang tinatalakay ang may-kakayahang asawang babae, ganito ang sabi ng aklat ng Kawikaan: “Ang kaniyang mga anak ay bumangon at nagpasimulang magpahayag sa kaniya na maligaya; ang nagmamay-ari sa kaniya ay bumabangon, at pinupuri niya siya.” (Kawikaan 31:28) Kailan mo huling pinuri ang isang miyembro ng iyong pamilya? Ang totoo, tayo’y parang mga halaman sa tagsibol na malapit nang mamulaklak kapag ang mga ito’y nadadampian ng init at hamog. Sa ating kalagayan, kailangan natin ang init ng papuri. Tumutulong ito sa asawang babae na malamang pinahahalagahan ng kaniyang asawa ang mabigat niyang pagtatrabaho at mapagmahal na pangangalaga at na hindi siya ipinagwawalang-bahala. (Kawikaan 15:23; 25:11) At magiging kalugud-lugod kung pupurihin ng asawang babae ang kaniyang asawa sa kaniyang trabaho sa labas at loob ng tahanan. Sumisigla rin ang mga anak kapag sila’y pinupuri ng kanilang mga magulang sa kanilang pagsisikap sa tahanan, sa paaralan, o sa Kristiyanong kongregasyon. At tunay ngang malaki ang nagagawa ng kahit babahagyang pasasalamat! Mahirap bang sabihin ang: “Salamat”? Hindi naman, ngunit napakalaki ng magagawa nito sa espiritu ng pamilya.
22. Ano ang kailangan upang ‘maitatag nang matibay’ ang sambahayan, at papaano ito matatamo?
22 Sa maraming kadahilanan, ang pangangasiwa ng sambahayan ay hindi madali. Gayunman, ito’y matagumpay pa ring magagawa. Sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Sa pamamagitan ng karunungan ang isang sambahayan ay maitatayo, at sa pamamagitan ng kaunawaan ito ay mapatutunayang nakatatag nang matibay.” (Kawikaan 24:3) Ang karunungan at kaunawaan ay matatamo kung lahat sa pamilya ay magsisikap na matutuhan ang kalooban ng Diyos at ikakapit ito sa kanilang buhay. Sulit na sulit nga ang pagsisikap na magkaroon ng isang maligayang pamilya!
a Sa isang manwal na nagpapayo kung papaano maiiwasan ang diarrhea—isang karaniwang sakit na humahantong sa pagkamatay ng mga sanggol—ganito ang sabi ng World Health Organization: “Kung walang palikuran: dumumi kayo nang malayo sa bahay, at malayo sa pinaglalaruan ng mga bata, at di-kukulangin sa 10 metro mula sa pinanggagalingan ng tubig; tabunan ng lupa ang dumi.”