“Mga Kaloob na mga Tao” Upang Mangalaga sa Tupa ni Jehova
“Nang umakyat siya sa itaas ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.”—EFESO 4:8.
1. Ano ang sinabi ng isang Kristiyanong kapatid na babae tungkol sa matatanda sa kanilang kongregasyon?
SALAMAT sa matinding pagmamalasakit ninyo sa amin. Ang inyong mga ngiti, ang inyong pagmamahal, at ang inyong pagkabahala ay tunay na tunay. Lagi kayong naroroon upang makinig at ibahagi sa amin ang mga nakaaaliw na salita mula sa Bibliya. Dalangin ko na sana’y hindi ko kayo ipagwalang-bahala kailanman.” Iyan ang isinulat ng isang Kristiyanong kapatid na babae sa matatanda sa kanilang kongregasyon. Maliwanag, siya’y lubhang naantig sa pag-ibig na ipinakita ng mapagmalasakit na mga Kristiyanong pastol.—1 Pedro 5:2, 3.
2, 3. (a) Ayon sa Isaias 32:1, 2, paano pinangangalagaan ng madamaying matatanda ang mga tupa ni Jehova? (b) Kailan maituturing na isang kaloob ang isang matanda?
2 Ang matatanda ay paglalaan ni Jehova upang mangalaga sa kaniyang mga tupa. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Minamahal ni Jehova ang kaniyang mga tupa—pinakamamahal, anupat sa katunayan ay binili niya sila sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesus. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na nalulugod si Jehova kapag magiliw na pinakikitunguhan ng matatanda ang kaniyang kawan. (Gawa 20:28, 29) Pansinin ang makahulang paglalarawan sa matatanda, o mga “prinsipe[ng]” ito: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Oo, sila’y magsasanggalang, magpapaginhawa, at aaliw sa kaniyang mga tupa. Kaya naman sinisikap ng matatandang madamaying nagpapastol sa kawan na matupad ang inaasahan ng Diyos sa kanila.
3 Tinutukoy sa Bibliya ang gayong matatanda bilang “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Kapag naisip mo ang isang kaloob, iniisip mo ang isang bagay na ibinigay upang masapatan ang isang pangangailangan o magdulot ng kaligayahan sa isa na tumatanggap nito. Maituturing na isang kaloob ang isang matanda kapag ginagamit niya ang kaniyang mga kakayahan upang tumulong at magdulot ng kaligayahan sa kawan. Paano niya magagawa ito? Ang sagot, na masusumpungan sa mga salita ni Pablo sa Efeso 4:7-16, ay nagtatampok sa maibiging pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga tupa.
“Mga Kaloob na mga Tao”—Mula Saan?
4. Bilang katuparan ng Awit 68:18, sa anong paraan ‘umakyat sa kaitaasan’ si Jehova, at sino ang “mga kaloob sa anyong mga tao”?
4 Nang gamitin ni Pablo ang pananalitang “mga kaloob na mga tao,” sinisipi niya ang sinabi ni Haring David tungkol kay Jehova: “Umakyat ka sa kaitaasan; nagdala ka ng mga bihag; tumanggap ka ng mga kaloob sa anyong mga tao.” (Awit 68:18) Nang mga ilang taon nang nasa Lupang Pangako ang mga Israelita, makasagisag na “umakyat” si Jehova sa Bundok ng Sion at ang Jerusalem ay ginawang kabisera ng kaharian ng Israel na ang hari ay si David. Ngunit sino ang “mga kaloob sa anyong mga tao”? Sila ang mga taong dinalang-bihag noong masakop ang lupain. Nang maglaon, ang ilan sa mga bihag na ito ay ginamit ng mga Levita upang tumulong sa gawain sa tabernakulo.—Ezra 8:20.
5. (a) Paano ipinakita ni Pablo na ang Awit 68:18 ay natutupad sa kongregasyong Kristiyano? (b) Sa anong paraan ‘umakyat sa itaas’ si Jesus?
5 Sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso, ipinakita ni Pablo na ang mga salita ng salmista ay may mas malaking katuparan sa kongregasyong Kristiyano. Bilang pagpapakahulugan sa Awit 68:18, sumulat si Pablo: “Ngayon sa bawat isa sa atin ang di-sana-nararapat na kabaitan ay ibinigay ayon sa kung paano sinukat ng Kristo ang walang bayad na kaloob. Dahil dito ay sinasabi niya: ‘Nang umakyat siya sa itaas ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.’ ” (Efeso 4:7, 8) Ikinapit ni Pablo ang awit na ito kay Jesus bilang kinatawan ng Diyos. “Dinaig [ni Jesus] ang sanlibutan” sa pamamagitan ng kaniyang tapat na landasin. (Juan 16:33) Nagtagumpay rin siya sa kamatayan at kay Satanas sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya ng Diyos. (Gawa 2:24; Hebreo 2:14) Noong 33 C.E., ang binuhay-muling si Jesus ay pumailanlang “nang lubhang mataas pa sa lahat ng mga langit”—mas mataas pa sa lahat ng iba pang makalangit na nilalang. (Efeso 4:9, 10; Filipos 2:9-11) Bilang isang mananakop, si Jesus ay kumuha ng “mga bihag” mula sa mga kaaway. Paano?
6. Simula noong Pentecostes 33 C.E., paano sinimulang wasakin ng umakyat na si Jesus ang bahay ni Satanas, at ano ang ginawa niya sa “mga bihag”?
6 Nang nasa lupa, itinanghal ni Jesus ang kahigitan ng kaniyang kapangyarihan kay Satanas sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga inaalipin ng mga demonyo. Para bang nilusob ni Jesus ang bahay ni Satanas, iginapos ito, at kinuha ang kaniyang mga ari-arian. (Mateo 12:22-29) Isip-isipin lamang, matapos buhaying muli at pagkatiwalaan ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa,’ anong laking pandarambong ang magagawa ni Jesus kung gayon! (Mateo 28:18) Mula noong Pentecostes 33 C.E., sinimulang wasakin ng umakyat na si Jesus, bilang kinatawan ng Diyos, ang bahay ni Satanas sa pamamagitan ng ‘pagdadala ng mga bihag’—mga taong matagal nang naging alipin ng kasalanan at kamatayan at nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Ang “mga bihag” na ito ay kusang-loob na naging “mga alipin ni Kristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos nang buong-kaluluwa.” (Efeso 6:6) Sa diwa, pinakawalan sila ni Jesus mula sa kontrol ni Satanas at, sa ngalan ni Jehova, ibinigay sila sa kongregasyon bilang “mga kaloob na mga tao.” Gunigunihin ang desperadong poot ni Satanas habang sila’y inaagaw mula sa mismong harapan niya!
7. (a) Sa anong mga kapasidad naglilingkod sa kongregasyon “ang mga kaloob na mga tao”? (b) Anong pagkakataon ang ibinibigay ni Jehova sa bawat lalaki na naglilingkod bilang isang matanda?
7 Nasusumpungan ba natin ang gayong “mga kaloob na mga tao” sa kongregasyon ngayon? Aba, oo! Nasusumpungan natin sila na naglilingkod bilang matatanda, nagpapagal bilang ‘mga ebanghelisador, pastol, at mga guro’ sa mahigit na 87,000 kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong lupa. (Efeso 4:11) Lubhang malulugod si Satanas na makitang minamaltrato nila ang kawan. Subalit hindi iyan ang dahilan kung bakit sa pamamagitan ni Kristo ay ibinigay sila ng Diyos sa kongregasyon. Sa halip, inilaan ni Jehova ang mga lalaking ito para sa kapakanan ng kongregasyon, at sila’y mananagot sa kaniya para sa mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila. (Hebreo 13:17) Kung naglilingkod ka bilang isang matanda, binigyan ka ni Jehova ng isang kahanga-hangang pagkakataon na patunayang isa kang kaloob, o pagpapala, sa iyong mga kapatid. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtupad sa apat na mahahalagang pananagutan.
Kapag May Pangangailangan Ukol sa “Pagbabalik sa Ayos”
8. Sa anu-anong paraan kailangan tayong lahat kung minsan na maibalik sa ayos?
8 Una, ang “mga kaloob na mga tao” ay inilaan “may kinalaman sa pagbabalik sa ayos ng mga banal,” sabi ni Pablo. (Efeso 4:12) Ang Griegong pangngalan na isinaling “pagbabalik sa ayos” ay tumutukoy sa paglalagay ng isang bagay “sa tamang pagkakahanay.” Bilang di-sakdal na mga tao, tayong lahat ay paminsan-minsang nangangailangang ibalik sa ayos—ilagay ang ating pag-iisip, saloobin, o paggawi “sa tamang pagkakahanay” sa pag-iisip at kalooban ng Diyos. Maibiging naglaan si Jehova ng “mga kaloob na mga tao” upang tulungan tayong gumawa ng kinakailangang pagbabago. Paano nila ginagawa ito?
9. Paano makatutulong ang isang matanda na maibalik sa ayos ang isang tupang nagkasala?
9 Kung minsan, baka mahilingan ang isang matanda na tumulong sa isang tupa na nagkasala, na marahil ay ‘nakagawa ng maling hakbang bago niya nabatid ito.’ Paano makatutulong ang isang matanda? “Magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan,” sabi ng Galacia 6:1. Samakatuwid, kapag nagpapayo, hindi kagagalitan ng matanda ang isa na nagkasala, anupat gagamit ng masasakit na salita. Ang payo ay dapat na makapagpatibay-loob, hindi ‘makasindak,’ sa isa na tumatanggap nito. (2 Corinto 10:9; ihambing sa Job 33:7.) Maaaring nahihiya na ang taong iyon, kaya iiwasan ng maibiging mga pastol na sirain pa ang loob ng isang iyon. Kapag ang payo, kahit ang mahigpit na saway, ay maliwanag na nauudyukan at ibinibigay nang may pag-ibig, malamang na isaayos nito ang pag-iisip o paggawi ng nagkasala, sa gayon ay mapanumbalik siya.—2 Timoteo 4:2.
10. Ano ang nasasangkot sa pagbabalik sa iba sa ayos?
10 Sa paglalaan ng “mga kaloob na mga tao” para sa ating pagbabalik sa ayos, nasa isip ni Jehova na ang matatanda’y dapat na maging nakapagpapaginhawa sa espirituwal at nararapat tularan ng kaniyang bayan. (1 Corinto 16:17, 18; Filipos 3:17) Nasasangkot sa pagbabalik sa ayos, hindi lamang ang pagtutuwid sa mga tumatahak sa maling landasin, kundi pati na ang pagtulong sa mga tapat na manatili sa tamang landasin.a Sa ngayon, na napakaraming suliranin na nakapanghihina ng loob, marami ang nangangailangan ng pampatibay-loob upang makapanatili. Ang ilan ay maaaring nangangailangan ng magiliw na tulong upang ang kanilang pag-iisip ay maging kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. Halimbawa, maaaring pinaglalabanan ng ilang tapat na mga Kristiyano ang pagkadama na sila’y walang-kakayahan o hindi karapat-dapat. Maaaring nadarama ng gayong “mga kaluluwang nanlulumo” na hindi na sila kailanman maaaring ibigin ni Jehova at na hindi magiging kaayaaya sa kaniya maging ang kanilang pinakamagaling na pagsisikap na paglingkuran ang Diyos. (1 Tesalonica 5:14) Ngunit ang ganitong paraan ng pag-iisip ay hindi kasuwato sa talagang nadarama ng Diyos sa mga sumasamba sa kaniya.
11. Ano ang maaaring gawin ng matatanda upang matulungan yaong mga nakadarama na sila’y hindi karapat-dapat?
11 Mga matatanda, ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang gayong mga tao? May-kabaitang ibahagi sa kanila ang patotoo ng Kasulatan na si Jehova ay nagmamalasakit sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod at tiyakin sa kanila na ang mga tekstong ito sa Bibliya ay personal na kumakapit sa kanila. (Lucas 12:6, 7, 24) Tulungan silang maunawaan na ‘inilapit’ sila ni Jehova upang maglingkod sa kaniya, kaya tiyak na nakikita niya ang kanilang kahalagahan. (Juan 6:44) Tiyakin sa kanila na hindi sila nag-iisa—maraming tapat na lingkod ni Jehova ang nagkaroon ng katulad na mga damdamin. Minsa’y labis na nanlumo si propeta Elias anupat ibig na niyang mamatay. (1 Hari 19:1-4) Nadama ng ilang pinahirang Kristiyano noong unang siglo na sila’y ‘pinatawan ng hatol’ ng kanilang sariling puso. (1 Juan 3:20) Nakaaaliw malaman na ang mga tapat noong panahon ng Bibliya ay nagkaroon ng “damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Maaari mo ring repasuhin kasama ng mga nasisiraan ng loob ang nakapagpapatibay na mga artikulo sa Ang Bantayan at Gumising! Ang iyong maibiging pagsisikap na maibalik ang pagtitiwala ng gayong mga indibiduwal ay hindi kalilimutan ng Diyos na nagbigay sa iyo bilang “mga kaloob na mga tao.”—Hebreo 6:10.
“Pagpapatibay” sa Kawan
12. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “pagpapatibay sa katawan ng Kristo,” at ano ang susi sa pagpapatibay sa kawan?
12 Ikalawa, ang “mga kaloob na mga tao” ay ibinigay ukol sa “pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efeso 4:12) Gumamit dito si Pablo ng salitang patalinghaga. Ang “pagpapatibay” ay nagpapaalaala ng pagtatayo, at ang “katawan ng Kristo” ay tumutukoy sa mga tao—ang mga miyembro ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (1 Corinto 12:27; Efeso 5:23, 29, 30) Kailangang tulungan ng matatanda ang kanilang mga kapatid upang tumibay sa espirituwal. Layunin nila na ‘patibayin at hindi gibain’ ang kawan. (2 Corinto 10:8) Ang susi sa pagpapatibay sa kawan ay pag-ibig, sapagkat “ang pag-ibig ay nagpapatibay.”—1 Corinto 8:1.
13. Ano ang ibig sabihin ng pagpapakita ng empatiya, at bakit mahalaga na magpakita ng empatiya ang matatanda?
13 Ang isang pitak ng pag-ibig na tumutulong sa matatanda upang patibayin ang kawan ay ang empatiya. Ang pagpapakita ng empatiya ay nangangahulugang nadarama natin ang nadarama ng iba—nauunawaan ang kanilang pag-iisip at damdamin, anupat isinasaalang-alang ang kanilang mga limitasyon. (1 Pedro 3:8) Bakit mahalaga na magkaroon ng empatiya ang matatanda? Higit sa lahat, sapagkat si Jehova—ang isa na nagbigay ng “mga kaloob na mga tao”—ay Diyos na may empatiya. Kapag nagdurusa o nasasaktan ang kaniyang mga lingkod, nadarama niya ang kanilang nadarama. (Exodo 3:7; Isaias 63:9) Isinasaalang-alang niya ang kanilang mga limitasyon. (Awit 103:14) Paano, kung gayon, makapagpapakita ng empatiya ang matatanda?
14. Sa anu-anong paraan makapagpapakita ang matatanda ng empatiya sa iba?
14 Kapag may isang nasisiraan ng loob na lumapit sa kanila, sila’y nakikinig, na kinikilala ang damdamin ng isang iyon. Sinisikap nilang maunawaan ang mga karanasan, personalidad, at mga kalagayan ng kanilang mga kapatid. Pagkatapos, kapag ang matatanda ay nagbibigay ng nakapagpapatibay na tulong mula sa Kasulatan, nagiging madali para sa mga tupa na tanggapin iyon sapagkat galing sa mga pastol na talagang nakauunawa at nagmamalasakit sa kanila. (Kawikaan 16:23) Pinakikilos din ng empatiya ang matatanda na isaalang-alang ang mga limitasyon ng iba at ang damdamin na maaaring ibunga nito. Halimbawa, baka makadama ng pagkakasala ang ilang taimtim na Kristiyano dahil sa kakaunti ang nagagawa nila sa paglilingkod sa Diyos, marahil dahil sa katandaan o mahinang kalusugan. Sa kabilang banda, baka nangangailangan ng pampatibay-loob ang ilan upang mapasulong ang kanilang ministeryo. (Hebreo 5:12; 6:1) Pakikilusin ng empatiya ang matatanda na hanapin ang “nakalulugod na mga salita” na nakapagpapatibay sa iba. (Eclesiastes 12:10) Kapag napatitibay at nagaganyak ang mga tupa ni Jehova, ang kanilang pag-ibig sa Diyos ay magpapakilos sa kanila na gawin ang kanilang buong makakaya sa paglilingkod sa kaniya!
Mga Taong Nagtataguyod ng Pagkakaisa
15. Ano ang kahulugan ng pananalitang “pagiging-isa sa pananampalataya”?
15 Ikatlo, ang “mga kaloob na mga tao” ay inilaan upang “tayong lahat ay makaabot sa pagiging-isa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos.” (Efeso 4:13) Ang pananalitang “pagiging-isa sa pananampalataya” ay nangangahulugan ng pagkakaisa, hindi lamang sa mga paniniwala kundi pati rin naman sa gitna ng mga mananampalataya. Kung gayon, ito ay isa pang dahilan kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng “mga kaloob na mga tao”—upang itaguyod ang pagkakaisa ng kaniyang bayan. Paano nila ginagawa ito?
16. Bakit mahalaga na panatilihin ng matatanda ang kanilang pagkakaisa?
16 Una, kailangang panatilihin nila ang kanila mismong pagkakaisa. Kung nagkakabaha-bahagi ang mga pastol, baka mapabayaan ang mga tupa. Ang mahalagang panahon na dapat sana’y ginugugol sa pagpapastol sa kawan ay maaaring nauubos lamang sa mahahabang pulong at pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay. (1 Timoteo 2:8) Maaaring hindi kaagad nagkakasundo ang matatanda sa bawat bagay na tinatalakay nila, sapagkat sila’y mga lalaking may iba’t ibang personalidad. Hindi naman isinasaisantabi ng pagkakaisa ang kanilang pagkakaroon ng magkakaibang opinyon o maging ang pagpapahayag dito sa isang timbang na paraan sa panahon ng malayang pag-uusap. Iniingatan ng matatanda ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng magalang na pakikinig sa isa’t isa nang hindi patiunang humahatol. At hangga’t walang nilalabag na simulain sa Bibliya, bawat isa ay dapat na handang magbigay-daan at tumangkilik sa pangwakas na pasiya ng lupon ng matatanda. Ang mapagbigay na espiritu ay nagpapakitang inaakay sila ng “karunungan mula sa itaas,” na “mapayapa, makatuwiran.”—Santiago 3:17, 18.
17. Paano makatutulong ang matatanda upang maingatan ang kapayapaan sa kongregasyon?
17 Alisto rin ang matatanda na itaguyod ang pagkakaisa ng kongregasyon. Kapag ang bumabahaging mga impluwensiya—gaya ng nakapipinsalang tsismis, hilig na magparatang ng maling motibo, o ugaling palatalo—ay nagsasapanganib sa kapayapaan, agad silang nagbibigay ng nakatutulong na payo. (Filipos 2:2, 3) Halimbawa, baka may alam ang matatanda na mga indibiduwal na palapintasin o mahilig manghimasok sa buhay ng iba, sa gayo’y nagiging mga mapakialam. (1 Timoteo 5:13; 1 Pedro 4:15) Sisikapin ng matatanda na tulungan ang mga taong ito na kilalaning salungat sa itinuro sa atin ng Diyos ang ganitong landasin at na bawat isa ay dapat ‘magdala ng kaniyang sariling pasan.’ (Galacia 6:5, 7; 1 Tesalonica 4:9-12) Sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan, ipaliliwanag nila na ipinauubaya ni Jehova sa ating indibiduwal na budhi ang maraming bagay, at sinuman sa atin ay hindi dapat humatol sa iba hinggil sa gayong mga bagay. (Mateo 7:1, 2; Santiago 4:10-12) Upang sama-samang makapaglingkod nang nagkakaisa, kailangang umiral ang tiwala at paggalang sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng pagpapayo mula sa Kasulatan kung kailangan, tinutulungan tayo ng “mga kaloob na mga tao” upang maingatan ang ating kapayapaan at pagkakaisa.—Roma 14:19.
Ipinagsasanggalang ang Kawan
18, 19. (a) Ipinagsasanggalang tayo laban kanino ng “mga kaloob na mga tao”? (b) Sa anong iba pang panganib kailangang ipagsanggalang ang mga tupa, at paano kumikilos ang matatanda upang ipagsanggalang ang mga tupa?
18 Ikaapat, naglalaan si Jehova ng “mga kaloob na mga tao” upang ipagsanggalang tayo sa impluwensiya “ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa lalang na pagkakamali.” (Efeso 4:14) Ang orihinal na salita para sa “pandaraya” ay sinasabing nangangahulugang “madaya sa dais” o “kahusayan sa paghawak ng dais.” Hindi ba nagpapaalaala iyan sa atin kung gaano katuso ang pamamaraan ng mga apostata? Sa pamamagitan ng madudulas na argumento, ginagamit nila ang Kasulatan sa pagtatangkang akitin ang mga tunay na Kristiyano na lumihis sa kanilang pananampalataya. Dapat na bantayan ng matatanda ang gayong “mapaniil na mga lobo”!—Gawa 20:29, 30.
19 Kailangan din namang ipagsanggalang ang mga tupa ni Jehova mula sa iba pang panganib. Walang-takot na ipinagsanggalang ng sinaunang pastol na si David ang kawan ng kaniyang ama laban sa mga maninila. (1 Samuel 17:34-36) Ngayon din naman, maaaring bumangon ang mga pangyayari na doo’y kailangang magpakita ng lakas ng loob ang nababahalang mga pastol na Kristiyano upang maipagsanggalang ang kawan sa sinuman na magmamaltrato o mang-aapi sa tupa ni Jehova, lalo na yaong mahihina. Agad na aalisin ng matatanda sa kongregasyon ang mga kusang nagkakasala na sadyang gumagamit ng pandaraya, panlilinlang, at pakana upang gumawa ng kabalakyutan.b—1 Corinto 5:9-13; ihambing ang Awit 101:7.
20. Bakit nakadarama tayo ng katiwasayan sa pangangalaga ng “mga kaloob na mga tao”?
20 Laking pasasalamat natin dahil sa “mga kaloob na mga tao”! Sa kanilang maibiging pangangalaga, nakadarama tayo ng katiwasayan, sapagkat magiliw nilang ibinabalik tayo sa ayos, maibiging pinatitibay tayo, anupat handa silang ingatan ang ating pagkakaisa, at malakas ang loob nila na ipagsanggalang tayo. Ngunit paano dapat malasin ng “mga kaloob na mga tao” ang kanilang papel sa kongregasyon? At paano natin maipapakitang pinahahalagahan natin sila? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Sa Griegong Septuagint na bersiyon, ang pandiwa ring ito na isinaling “ibalik sa ayos” ay ginamit sa Awit 17[16]:5, kung saan nanalangin ang tapat na si David na sana’y manatili ang kaniyang mga hakbang sa landas ni Jehova.
b Halimbawa, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Nobyembre 15, 1979, na labas ng The Watchtower, pahina 31-2, at “Kamuhian Natin ang Balakyot” sa Enero 1, 1997, na labas ng Ang Bantayan, pahina 26-9.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino ang “mga kaloob na mga tao,” at bakit ibinigay sila ng Diyos sa kongregasyon sa pamamagitan ni Kristo?
◻ Paano ginagampanan ng matatanda ang kanilang pananagutang ibalik sa ayos ang kawan?
◻ Ano ang maaaring gawin ng matatanda upang mapatibay ang kanilang kapananampalataya?
◻ Paano makatutulong ang matatanda upang maingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon?
[Larawan sa pahina 10]
Ang empatiya ay tumutulong sa matatanda na patibayin yaong mga nasisiraan ng loob
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagkakaisa ng matatanda ay nagtataguyod ng pagkakaisa ng kongregasyon