Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagbibigay sa mga Anak ng Atensiyong Kailangan Nila
MAY panahon ba ang Anak ng Diyos para sa mga bata? Inakala ng ilan sa kaniyang mga alagad na wala. Minsan nilang sinikap pigilan ang mga bata na lumapit kay Jesus. Tumugon siya sa pagsasabing: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” Saka niya maibiging tinanggap ang isang grupo ng mga bata at kinausap sila. (Marcos 10:13-16) Sa gayong paraan ipinakita ni Jesus na handa siyang magbigay ng kaniyang atensiyon sa mga bata. Paano matutularan ng mga magulang sa ngayon ang kaniyang halimbawa? Sa pamamagitan ng tamang pagsasanay sa kanilang mga anak at paggugol ng panahon kasama nila.
Sabihin pa, sinisikap ng responsableng mga magulang na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mapangalagaan nang mabuti ang kanilang mga anak at iniiwasan nilang pagmalupitan sila. Masasabi pa ngang “likas” lamang sa mga magulang na magpakita ng paggalang at konsiderasyon sa kanilang mga anak. Gayunman, nagbababala ang Bibliya na marami sa ating panahon ang mawawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-3) At sa mga talagang nagnanais na patuloy na magkaroon ng maibiging interes sa kanilang mga anak, laging marami pang matututuhan tungkol sa pagiging responsableng mga magulang. Kaya ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya ay magandang mga paalaala sa mga magulang na naghahangad ng pinakamainam para sa kanilang mga anak.
Pagsasanay Nang Hindi Nang-iinis
Minsang sinabi ni Dr. Robert Coles, isang tanyag na guro at nagsasaliksik na saykayatris: “May nabubuong pagkadama ng tama at mali sa bata. Sa palagay ko ay bigay-Diyos iyon, at hinahangad nila ang moral na patnubay.” Sino ang sasapat sa pagkagutom at pagkauhaw sa moral na patnubay na ito?
Sa Efeso 6:4, nagpapayo ang Kasulatan: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Napansin mo ba na sa ama partikular na iniaatang ng kasulatan ang pananagutang ikintal sa kaniyang mga anak ang pag-ibig sa Diyos at ang malalim na pagpapahalaga sa mga pamantayan ng Diyos? Sa talata 1 ng Efeso kabanata 6, tinukoy ni apostol Pablo kapuwa ang ama at ina nang sabihan niya ang mga anak na ‘maging masunurin sa kanilang mga magulang.’a
Mangyari pa, kung wala ang ama, ang ina ang dapat bumalikat ng pananagutang ito. Maraming nagsosolong ina ang nagtagumpay sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ng Diyos na Jehova. Gayunman, kapag nag-asawa ang ina, ang Kristiyanong asawang lalaki ang dapat manguna. Ang ina ay dapat na handang sumunod sa pangungunang iyan ng ama sa pagsasanay at pagdidisiplina sa kanilang mga anak.
Paano mo didisiplinahin o sasanayin ang iyong mga anak nang hindi sila ‘iniinis’? Wala namang sekretong pormula, lalo na yamang naiiba ang bawat bata. Pero dapat pag-isipang mabuti ng mga magulang ang kanilang paraan ng pagdidisiplina, anupat palaging nagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa kanilang mga anak. Kapansin-pansing inulit sa Kasulatan sa Colosas 3:21 ang hindi pang-iinis sa mga anak. Doon ay pinayuhan ang mga ama: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”
Ang ilang magulang ay nambubulyaw at naninigaw sa mga anak. Walang-alinlangang nakayayamot ito sa kanilang mga anak. Subalit humihimok ang Bibliya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Sinasabi rin ng Bibliya na “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.”—2 Timoteo 2:24.
Bigyan Mo Sila ng Iyong Panahon
Ang pagbibigay sa iyong mga anak ng atensiyong kailangan nila ay nangangahulugang handa mong isakripisyo ang iyong mga kaluguran at personal na mga kaalwanan alang-alang sa kapakanan ng iyong mga anak. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”—Deuteronomio 6:6, 7.
Sa ngayon, iilang magulang lamang ang nakakasama ng kanilang mga anak nang buong araw dahil sa mahigpit na mga obligasyong pinansiyal. Gayunman, idiniriin ng Deuteronomio na dapat gumugol ng panahon ang mga magulang kasama ng kanilang mga anak. Kailangan ang mahusay na pag-oorganisa gayundin ang pagsasakripisyo upang magawa ito. Pero kailangan ng mga anak ang gayong atensiyon.
Isaalang-alang ang resulta ng isang pag-aaral sa mahigit na 12,000 tin-edyer. Ganito ang konklusyon ng mga mananaliksik: “Ang pinakamainam na garantiya sa kalusugan ng isang tin-edyer at ang pinakamatatag na hadlang sa mga paggawing makapagsasapanganib ng kanilang kapakanan ay ang matibay na emosyonal na kaugnayan sa magulang.” Oo, inaasam-asam ng mga anak ang atensiyon mula sa kanilang mga magulang. Minsang itinanong ng isang ina sa kaniyang mga anak, “Kung makakamtan ninyo ang anumang gusto ninyo, ano ang pinakagusto ninyong makamtan?” Sumagot silang apat, “Mas maraming panahon kasama sina Inay at Itay.”
Kung gayon, ang pagiging responsableng magulang ay nangangahulugang tinitiyak mong nasasapatan ang mga pangangailangan ng iyong mga anak, lakip na ang kanilang pangangailangan sa espirituwal na pagtuturo at matalik na pakikipagkaibigan sa kanilang mga magulang. Nangangahulugan ito ng pagtulong sa mga anak na maging mahuhusay, magagalang, at matatapat na mga adulto na mabait na nakikitungo sa kanilang kapuwa at nagbibigay ng kaluwalhatian sa kanilang Maylalang. (1 Samuel 2:26) Oo, nagiging responsable ang mga magulang kapag sinasanay at dinidisiplina nila ang kanilang mga anak sa makadiyos na paraan.
[Talababa]
a Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na go·neuʹsin, mula sa go·neusʹ, na nangangahulugang “magulang.” Subalit ginamit niya sa talata 4 ang salitang Griego na pa·teʹres, na nangangahulugang “mga ama.”
[Larawan sa pahina 13]
Ang pambubulyaw at paninigaw ay nagdudulot ng kaigtingan sa mga bata
[Larawan sa pahina 13]
Gumugol ng panahon kasama ng iyong mga anak