Ang Kalinisang-asal ang Kagandahan ng Kabataan
“Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, . . . at lumakad ka ng mga lakad ng iyong puso at sa paningin ng iyong mata. Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.”—ECLESIASTES 11:9.
1, 2. (a) Ano ba ang nais ni Jehova para sa kabataan? (b) Bakit isang kahangalan na gawin ang anumang nakaaakit sa iyong puso at mga mata?
“ANG kabataan, kasiglahan, at kamusmusan ay mistulang mga araw ng tagsibol. Sa halip na ipagreklamo . . . ang kaiklian ng mga ito, sikapin na tamasahin ang ligaya sa mga ito.” Ganiyan ang isinulat ng isang makatang Aleman noong ika-19 na siglo. Ang mga salitang iyan ng pagpapayo sa inyo na mga kabataan ay kababanaagan niyaong mga isinulat na pananalita libu-libong taon na ang lumipas sa aklat ng Bibliya na Eclesiastes: “Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong pagkabinata [o, pagkadalaga], at lumakad ka ng mga lakad ng iyong puso at sa paningin ng iyong mga mata.” (Eclesiastes 11:9a) Samakatuwid ang Diyos na Jehova ay hindi naman laging may negatibong pangmalas sa mga bagay na nakaaakit sa ninanasa ng kabataan. Nais niya na lubusang tamasahin mo ang ligaya ng pakinabang sa lakas at sigla ng iyong kabataan.—Kawikaan 20:29.
2 Subalit, ito ba’y nangangahulugan na maaari mong gawin ang anumang nakaaakit sa iyong puso at mga mata? Tunay na hindi! (Bilang 15:39; 1 Juan 2:16) Ang teksto ay nagpapatuloy pa ng pagsasabi: “Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng ito [ang mga gawain na ginagawa mo upang matupad ang iyong mga naisin] ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” (Eclesiastes 11:9b) Oo, hindi mo maiiwasan ang mga ibubunga ng iyong ginagawa; ang mga kabataan, tulad din ng mga nakatatanda sa kanila, ay sumasailalim ng kahatulan ni Jehova.—Roma 14:12.
3, 4. (a) Bakit kailangang manatili sa isang mataas na pamantayan ng kalinisang-asal? (b) Anong panggigipit ang napapaharap sa iyo na may layuning maihiwalay ka sa malinis na katayuan sa harap ng Diyos, at anong mga tanong ang bumabangon?
3 Ang pagtanggap ng pagsang-ayon ni Jehova ay umaakay tungo sa hindi lamang buhay na walang hanggan kundi sa isang matalik na kaugnayan sa Diyos ngayon. Subalit, kailangang manatili ka sa isang mataas na pamantayan ng kalinisang-asal. Ganito ang pagkasabi ng Awit 24, talatang 3 hanggang 5: “Sino ang aahon sa bundok ni Jehova, at sino ang tatayo sa kaniyang dakong banal? Siyang may malilinis na kamay at may dalisay na puso, siyang hindi nagwalang-kabuluhan sa Aking kaluluwa, ni nanumpa man nang may kabulaanan. Siya’y tatanggap ng pagpapala kay Jehova at ng katuwiran sa Diyos ng kaniyang kaligtasan.” Oo, ikaw ay maganda sa mga mata ni Jehova pagka ikaw ay nanatili sa kalinisang-asal.
4 Subalit, may palaging panggigipit sa iyo na maihiwalay ka sa malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Habang nagtatapos ang mga huling araw na ito, may salot ng imoralidad at mga pangit na impluwensiya. (2 Timoteo 3:1-5) Kailanman ay ngayon pinakamalaki ang hamon sa kabataan na manatili sa kalinisang-asal. Ikaw ba ay nagtatagumpay sa pagharap sa hamon? Patuloy ka bang magtatagumpay?
Ang Hamon na Napapaharap sa Iyo
5. Ano ang mga pangit na impluwensiya kung kaya mahirap na manatili sa malinis na katayuan sa harap ng Diyos?
5 Ang mga panoorin ay ginagamit ng media sa pag-impluwensiya sa kabataan upang itakuwil ang mga bagay na mararangal at luwalhatiin yaong tahasang imoral. Halimbawa, pagkatapos ilabas ang isa sa serye ng mga pelikulang tungkol sa karahasan at kakilabutan, isang kritiko sa pelikula ang sumulat: “Ang hali-haliling nakagigitlang napakaraming mga eksena sa sekso, sa patayan, at sa kahalayan ang halos laman ng pelikulang ito. Pagka ito’y pinagdumugan ng mga tao, ito ay magsisilbing alaala tungkol sa isa pang pag-urong ng . . . panlasa sa mga panooring pelikula.” Isinama sa gayong pelikula ang mga awitin na ang liriko’y nagbibilad sa sekso at mga programa sa telebisyon na lumuluwalhati sa bawal na pagtatalik. Maaatim mo bang ihantad ang iyong sarili sa gayong napakalinaw na paglalarawan sa “pusali ng pagpapakasamâ” at manatili pa rin sa iyong malinis na katayuan sa harap ng Diyos? (1 Pedro 4:4) Gaya ng sinasabi ng kawikaan: “Makakukuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuotan?”—Kawikaan 6:27.
6. Anong panggigipit ang napapaharap sa mga kabataan buhat sa kanilang mga kaedad?
6 Ang panggigipit sa iyo na maihiwalay ka sa iyong malinis na katayuan sa harap ng Diyos ay may isa pang pinanggagalingan—ang iyong mga kaedad. Isang 17-anyos na dalagitang makasanlibutan ang may hinanakit: “Ako’y nakaranas ng aking unang-unang pakikipagtalik na bunga ng maling-maling kadahilanan: sapagkat pinilit ako ng aking nobyo at naisip ko na ginagawa iyon ng lahat.” Hindi gusto ng sinuman na siya’y pagtawanan. Natural lamang na ibig mong magustuhan ka ng iba. Subalit pagka ikaw ay nanindigan sa panig ng kalinisang-asal sa Bibliya, baka libakin ka ng mga ibang kabataan. Ang pagnanais na makibagay, upang kamtin ang pagsang-ayon ng iyong mga kaedad, ay maaaring maglagay sa iyo sa kagipitan upang gawin ang isang bagay na alam mong mali.—Kawikaan 13:20.
7. Bakit ang mga kabataan lalung-lalo na ang nahihirapang paglabanan ang masasamang impluwensiya, subalit ano ang ipinakita tungkol sa kanilang sarili ng libu-libong mga kabataan sa organisasyon ni Jehova?
7 Ang paglaban sa mga impluwensiyang ito ay lalung-lalo nang mahirap sa panahon ng “kasariwaan ng kabataan,” na matindi ang pita ng sekso. (1 Corinto 7:36) Hindi katakataka na isang organisasyon sa pananaliksik ang may ganitong konklusyon: “Namumukod-tangi ang isang kabataan na hindi pa nakararanas ng pakikipagtalik pagsapit ng edad 19 bago mag-asawa.” Subalit, libu-libo sa inyo na mga kabataan sa organisasyon ni Jehova ang nagpakita na kayo’y namumukod-tangi. Inyong hinaharap ang hamon mismo at nananatili kayo sa kalinisang-asal.
8. Bakit pinayagan ng ilang mga kabataang Kristiyano na sila’y mahawa sa imoral na mga saloobin ng sanlibutan, at ano ang resulta?
8 Gayunman, nakalulungkot sabihin na pinayagan ng ilang mga kabataang Kristiyano na sila’y mahawa sa imoral na mga saloobin ng sanlibutan. Bagaman sila’y nag-aangkin na iniibig nila ang mabuti, hindi naman nila kinapopootan ang masama; hindi man lamang sapat ang kanilang pagkapoot doon. (Awit 97:10) Sa mga ilang kaso, baka nga waring iniibig pa nila iyon. Gaya ng pagkasabi ng Awit 52:3: “Iniibig mo ang kasamaan nang higit kaysa kabutihan, ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katuwiran.” May iba na humahantong hanggang sa pagtatakuwil nang tuwiran sa patnubay buhat sa organisasyon ni Jehova sa mga bagay na tulad baga ng pakikipag-date, libangan, at kalinisang-asal. Ang resulta, sila’y malimit na nagdadala ng kahihiyan kapuwa sa kanilang sarili at sa kanilang mga magulang. Kanila ring naiwala ang kanilang kagandahan sa paningin ng Diyos.—2 Pedro 2:21, 22.
Tulong sa Pagharap sa Hamon
9. Ano ang kailangan upang maharap ang hamon na manatili sa kalinisang-asal?
9 Papaano mo haharapin ang hamon na manatili sa kalinisang-asal? Ang ganiyan ding tanong ang iniharap ng salmista: “Sa papaano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?” Pagkatapos ay sinagot niya ito: “Sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” (Awit 119:9) Oo, ikaw ay nangangailangan ng patnubay buhat sa Salita ng Diyos. At pinapangyari ng ating mapagmahal na Ama sa langit na ang kaniyang organisasyon ay maglaan ng gayong patnubay upang tulungan ka na mapaglabanan ang masasamang impluwensiya na ipinanggigipit ng sanlibutang ito.
10, 11. (a) Anong mga publikasyon ang inihanda upang tumulong sa mga kabataan na manatili sa kalinisang-asal? (b) Papaanong ang mga ibang kabataan ay natulungan ng seryeng “Ang Kabataan ay Nagtatanong . . . ”? (c) Papaano ka personal na nakinabang sa seryeng “Ang Kabataan ay Nagtatanong . . . ”?
10 Sa nakalipas na mga taon may mga publikasyong inihanda na ang isinasaisip lalung-lalo na ay mga kabataan, tulad halimbawa ng aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. Sapol noong 1982, ang seryeng “Ang Kabataan ay Nagtatanong . . . ” sa magasing Gumising! ay nakatulong nang malaki sa pagpapayo tungkol sa mga bagay na gaya ng pornograpiya, mga nobelang romansa, at wastong asal sa panahon ng ligawan. Ang ganiyan bang impormasyon ay talagang nakatulong sa mga kabataan? Isaalang-alang ang isang halimbawa. Maraming mga artikulo sa serye ang tumalakay sa kaugalian sa masturbasyon, ipinakikitang ang kaugalian ay pumupukaw ng “pagkagahaman sa sekso” at madaling makahihila sa isa upang mahulog sa imoralidad sa sekso.a (Colosas 3:5) Nagbigay ng praktikal na mga mungkahi sa kung papaano lalabanan ang kaugaliang iyan at kung papaano ang dapat na gawin pagka muling nanumbalik diyan ang isa. Sa pagtugon sa mga artikulo, ang ilang kabataan ay sumulat: “Ako’y nagkaroon ng suliranin sa masturbasyon mula pa nang ako’y 12 anyos. Ako’y 18 na ngayon, at unti-unting nakababangon, salamat na lamang sa inyong mga artikulo.” “Ngayon na sinunod ko ang payo na ibinigay ng mga artikulo, ako’y nasa lalong mainam na lagay ng isip. Ang pakiramdam ko’y mas malinis ako kaysa noong nakaraan.”
11 Panahon ang kailangan upang mabasa at mapag-aralan ang gayong impormasyon, subalit ang paggawa ng gayon ay makatutulong sa iyo na manatiling may kalinisang-asal. Lubusan bang sinasamantala mo ang gayong lathalang materyal? Bilang tugon sa artikulo na “Pagtatalik Bago Mag-asawa—Bakit Huwag?”b sa “Ang Kabataan ay Nagtatanong . . . ?” isang dalagita, na nag-aaral noon ng Bibliya ang sumulat: “Batid ko ang masama, makasalanan, at naninibugho na mga damdaming bumabangon pagkatapos makipagtalik bago pakasal, at lubhang pinagsisisihan ko iyan. Sa araw-araw ay napasasalamat ako kay Jehova sa kaniyang pagtanggap at sa kaniyang pagpapatawad sa akin. Inaasahan kong ang inyong artikulo ay tutulong sa mga iba pa bago nila gawin ang gaya ng ginawa ko. Talagang masakit. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit kalooban ng Diyos na Jehova na tayo’y ‘umiwas sa pakikiapid.’”—1 Tesalonica 4:3.
12. Ano ang magpapakilos sa atin na magnasang palugdan si Jehova?
12 Ito’y nagdadala sa atin sa isa pang bagay na tutulong sa iyo na harapin nang matagumpay ang hamon: Kailangan mong kilalanin na si Jehova ang Pansansinukob na Soberano at dapat na sumunod sa kaniya. (Apocalipsis 4:11) Siya rin naman ay isang mapagmahal na Ama sa langit, at nasa puso niya ang pinakamagaling na kapakanan natin. (Kawikaan 2:20-22; Isaias 48:17) Ang layunin ng kaniyang mga kautusan ay mabigyan tayo ng proteksiyon, hindi ang tayo’y higpitan nang walang dahilan. Ang pagsunod sa mga ito samakatuwid ang daan ng karunungan. (Deuteronomio 4:5, 6) Ang pagkaunawang malinaw kung bakit kalinisang-asal ang ipinasusunod ni Jehova ay tutulong sa iyo na makita ang tunay na kagandahan na taglay nito at magpapakilos sa iyo na magnasang palugdan siya.—Awit 112:1.
13. Papaano mo ipaliliwanag na ang kautusan ni Jehova na nagbabawal ng pakikiapid ay nagsasapuso ng ating pinakamagaling na kapakanan?
13 Pag-isipan ang bagay na ang mag-asawa lamang ang pinapayagan ng Diyos na magtalik at mahigpit na ipinagbabawal niya ang pakikiapid. (Hebreo 13:4) Ang pagsunod ba sa kautusang ito ay nagkakait sa iyo ng anumang bagay na mabuti? Ang isa bagang mapagmahal na Ama sa langit ay gagawa ng isang kautusan upang nakawan ka ng kaligayahan sa buhay? Siyempre hindi! Masdan mo ang nangyayari sa buhay ng iyong mga kaedad na nagwalang-bahala sa kautusan ng Diyos sa moral. Ang pagdadalang-tao sa pagkadalaga ay kadalasan umaakay sa kanila sa pagpapalaglag o, marahil, sa pag-aasawa nang wala pa sa hustong edad. Sa maraming kaso ito ay humahantong sa pagpapalaki sa anak na walang katulong na asawa. Isa pa, ang mga kabataang namihasa sa pakikiapid ay ‘nagkakasala laban sa kanilang sariling mga katawan’ at ibinibilad ang kanilang sarili sa mga sakit na napapasalin sa pamamagitan ng pakikipagtalik. (1 Corinto 6:18) At kapag ang isang kabataan na nag-alay kay Jehova’y nagkasala ng pakikiapid, ang emosyonal na epekto pagkatapos ay maaaring kapinsa-pinsala. Ang pagsisikap na sugpuin ang patu-patuloy na paninisi ng isang nagkasalang budhi ay maaaring maging sanhi ng kapaguran at mga gabing di-pagkatulog. (Awit 32:3, 4; 51:3) Hindi ba maliwanag, kung gayon, na ang kautusan ni Jehova na nagbabawal ng pakikiapid ay nilayon na magsilbing proteksiyon sa iyo? May tunay na kapakinabangan sa pananatili sa kalinisang-asal!
14. Tungkol sa sinasabing ang pag-aasawa ng isang tinedyer ay isang proteksiyon, ipaliwanag kung papaano natin dapat malasin ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 7:9 at 7:36.
14 Ipagpalagay nga, hindi madali ang sumunod sa istriktong mga kautusan ng Diyos sa kalinisang-asal. Dahilan dito, may mga kabataan na sumapit sa konklusyon na ang pinakamagaling na proteksiyon ay mag-asawa habang sila’y mga tinedyer pa lamang. ‘Sapagkat,’ ang pangangatuwiran pa nila, ‘hindi ba sinasabi ng 1 Corinto 7:9: “Kung sila’y hindi makapagpigil, magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas ang pita”?’ Ngunit, ang ganiyang pangmalas ay makitid ang pananaw. Ang mga salita ni Pablo ay hindi ukol sa mga tinedyer kundi sa mga “lampas na sa kasariwaan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Sa karamihan ng kaso yaong mga nasa kasariwaan pa ng kabataan ay hindi nakapagpaunlad ng sapat na gulang sa emosyon at espirituwalidad upang makaharap sa mga kagipitan at responsabilidad na kasama ng pag-aasawa. Ganito ang pag-uulat ng Journal of Marriage and the Family: “Ang mga taong nag-aasawa nang maaga ay dumaranas ng mas kakaunting kasiyahan sa pag-aasawa sapagkat sila’y kulang ng paghahanda ukol sa gagampanan nilang tungkulin bilang asawa. Ang di-mahusay na pagganap ng papel bilang asawa ay nagbabawas ng kasiyahan, na humahantong naman sa kawalang-katatagan ng pag-aasawa.” Kaya’t ang sagot ay, hindi ang pag-aasawa samantalang ang isa’y nasa kabataan, kundi ang pananatiling walang kapintasan habang hindi ka pa nag-aasawa hanggang sa mapaunlad mo ang lahat ng mga katangian na kailangan upang magkaroon ka ng isang matagumpay na pag-aasawa.
Manatili Kang Malinis!
15. Anong matatatag na hakbangin ang kailangan kung nais mong manatili sa kalinisang-asal?
15 Si apostol Pablo ay sumulat: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso.” (Colosas 3:5) Oo, matatatag na hakbangin ang kailangan; ikaw ay kailangang disididong manatiling may kalinisang-asal. Bilang komento sa pandiwa na isinaling “patayin,” ganito ang sinasabi ng The Expositor’s Bible Commentary: “Ito’y nagpapahiwatig na hindi lamang natin susugpuin o susupilin ang masasamang gawa at saloobin. Kailangang ang mga ito ay ating palisin, lubusang alisin ang dating paraan ng pamumuhay. ‘Lubus-lubusang patayin’ ang marahil magpapahayag ng puwersa nito. . . . Kapuwa ang kahulugan ng pandiwa at ang puwersa ng panahunan ay nagpapahiwatig ng isang mapuwersang, masakit na gawang may personal na determinasyon.”—Ihambing ang Mateo 5:27-30.
16. Upang manatili sa kalinisang-asal, bakit kailangan kang magsumikap na manatiling malinis ang kaisipan, at papaano mo magagawa iyan?
16 Papaano mo nga magagawang “lubus-lubusang patayin” o “palisin” ang imoral na mga gawa at saloobin? Si Jesus ay tumungo sa ugat ng suliranin nang kaniyang sabihin: “Mula sa loob, buhat sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip: pakikiapid, . . . pangangalunya, kasakiman.” (Marcos 7:21, 22) Bahagi ng makasagisag na puso ang pakultad ng pag-iisip, kung kaya ito ay may kaugnayan sa “pangangatuwiran.” Kung gayon, upang makapanatiling may kalinisang-asal ikaw ay kailangang magsumikap na manatiling may malinis na kaisipan. Sa papaano? Yamang sa mga sentido o pandamdam dumaraan ang mga bagay na pumapasok sa isip, kailangang pakaingat ka laban sa minamasdan mo ng iyong mga mata, iwasan ang mga aklat, mga palabas sa TV, o sa sine na kapapanooran ng imoralidad sa sekso o nagkikibit-balikat dito. At, mag-ingat ka rin tungkol sa iyong pinakikinggan ng iyong mga tainga, iniiwasan ang mga awitin na may lirikong nagbibilad ng sekso. Kailangan ang lakas ng loob upang makagawa ng gayong paninindigan, lalo na sa gitna ng iyong mga kaedad, subalit ang paggawa mo nang ganiyan ay tutulong sa iyo na manatiling may kalinisang-asal at respeto-sa-sarili.
17. Bakit ang imoralidad ay hindi man lamang dapat banggitin sa gitna ninyo?
17 Si apostol Pablo ay nagpayo rin: “Ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal.” (Efeso 5:3; tingnan din ang Efe 5 talatang 12.) Samakatuwid ang imoralidad ay hindi man lamang dapat banggitin, samakatuwid baga, isip-isipin o gamitin na paksa sa pagbibiro. Bakit hindi? Gaya ng pagkasabi ng iskolar ng Bibliya na si William Barclay: “Ang pag-uusap tungkol sa isang bagay, ang pagbibiro tungkol sa isang bagay, upang ito’y gawing isang malimit na paksa ng usapan ay pagpapasok nito sa isip, at patuloy na paglapit sa aktuwal na pagsasagawa niyaon.” (Santiago 1:14, 15) Kailangan ang tunay na determinasyon upang ‘maingatan ang iyong dila ng paningkaw,’ lalo na kung ang ibang mga kabataan ay nagbibida ng malalaswang biro o gumagamit ng masasagwang pangungusap upang tumukoy sa mga gawang may kinalaman sa sekso. (Awit 39:1) Subalit sa pamamagitan ng pananatiling matuwid at malinis, pagagalakin mo ang puso ni Jehova.—Awit 11:7; Kawikaan 27:11.
18. (a) Upang magwagi sa labanan laban sa imoralidad, bakit hindi sapat ang tanggihan ang maruruming pag-iisip at pananalita? (b) Papaano ka makikinabang sa payo ni Pablo sa mga taga-Filipos?
18 Upang magwagi sa labanan laban sa imoralidad, hindi sapat na tanggihan ang maruruming pag-iisip at pananalita. Isang kawikaang Intsik ang nagsasabi: “Ang bakanteng isip ay bukás sa lahat ng mungkahi.” (Ihambing ang Mateo 12:43-45.) Kinilala ni Pablo ang pangangailangan na punuin ang isip ng kapaki-pakinabang, malilinis na kaisipan. Kaya naman, kaniyang ipinayo sa mga taga-Filipos: “Anumang bagay ang totoo, anumang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, anumang bagay ang matuwid, anumang bagay ang malinis, anumang bagay ang kaibig-ibig, anumang bagay ang may mabuting ulat, kung may anumang kagalingan at kung may anumang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito [‘gawin ito na paksa nang maingat na pagbubulay-bulay’c].”—Filipos 4:8.
19. Bakit kailangan ang masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos, at sa papaano tutulong ito sa iyo upang manatili sa kalinisang-asal?
19 Ito’y nangangahulugan ng masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Josue 1:8; Awit 1:2) Ito’y magpapatibay sa iyong isip at puso at tutulong sa iyo na magpaunlad ng isang matalik na personal na relasyon kay Jehova. Sa gayo’y lalong huhusay ang iyong katayuan upang mapaglabanan ang mga tukso na padala sa gawang imoralidad. Ikaw ay malalayo rin sa panganib na magdala ng kalapastanganan sa pangalan ni Jehova at ilagay sa kahihiyan ang iyong pamilya at ang kongregasyon. Sa halip, ang lakas at sigla ng iyong kabataan ay gagamitin mo sa paraan na sa bandang huli’y hindi mo pagsisisihan. Oo, susundin mo ang daan ng kalinisang-asal, na tunay ngang kagandahan ng mga kabataan na naglilingkod kay Jehova!—Kawikaan 3:1-4.
[Mga talababa]
a Tingnan ang mga labas ng Gumising! ng Setyembre 8, 1987, pahina 19-21; Nobyembre 8, 1987, pahina 18-20; at Gumising! Marso 8, 1988, pahina 20-3.
b Gumising! Mayo 8, 1986, pahina 10-12.
c The Expositor’s Greek Testament.
Mga Kabataan—Papaano Ninyo Sasagutin?
◻ Bakit kailangang kayo’y manatili sa mataas na pamantayan ng kalinisang-asal?
◻ Anong mga panggigipit ang nagsisilbing hamon sa pananatiling may malinis na katayuan sa harap ng Diyos?
◻ Ano ang tutulong sa inyo na harapin ang hamon na manatili sa kalinisang-asal?
◻ Anong matatag na hakbangin ang kailangan kung nais ninyong manatiling malinis?
[Larawan sa pahina 13]
Karamihan sa mga nasa kasariwaan pa ng kabataan ay totoong mga bata pa upang mag-asikaso ng mga pananagutan ng mga magulang