Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 11/15 p. 21-22
  • “Ipanalangin Ninyo ang Isa’t Isa”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ipanalangin Ninyo ang Isa’t Isa”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Dapat Ipanalangin ang Isa’t Isa?
  • Ano ang Dapat Ipanalangin?
  • Napalalago ang mga Katangiang Kristiyano
  • Patuloy na Ipanalangin ang Isa’t Isa
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Paglapit sa Diyos sa Panalangin
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
  • Lumapit sa Diyos sa Panalangin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 11/15 p. 21-22

“Ipanalangin Ninyo ang Isa’t Isa”

SI Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Sa tuwina’y kaniyang dinirinig ang panalangin ng mga buong-pusong nakatalaga sa kaniya, at natitiyak natin na kaniyang pinakikinggan pagka kanilang ipinananalangin ang isa’t isa.

Ngunit bakit ipananalangin ang isa’t isa? Tungkol sa ano ang dapat na laman ng gayong mga panalangin? At anong maka-Diyos na mga katangian ang napasusulong pagka tayo’y nananalangin para sa isa’t isa?

Bakit Dapat Ipanalangin ang Isa’t Isa?

Sa Kasulatan ang bayan ni Jehova ay hinihimok na ipanalangin ang isa’t isa. Ang mga panalangin alang-alang sa iba ay bahagi ng mga panalangin ni Pablo sa Diyos. (Colosas 1:3; 2 Tesalonica 1:11) Bukod diyan, ang apostol na si Santiago ay sumulat: “Ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”​—Santiago 5:16.

Ang mga panalangin para sa mga iba pang lingkod ng Diyos ay mabisa. Ito ay ipinakikita sa Santiago 5:13-18, na kung saan ang isang Kristiyano na may sakit sa espirituwal ay pinapayuhan na hayaang ang matatanda sa kongegasyon ay “ipanalangin nila siya, na pahiran nila siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” Baka pagka narinig ang kanilang panalangin ang taong may suliranin ay lumakas at makumbinse na sasagutin din ng Diyos ang kaniyang sariling mga panalangin. (Awit 23:5; 34:18) Bukod sa pananalangin kasama ng indibiduwal, ang matatanda ay magsisikap na ipanumbalik ang kaniyang espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng maka-Kasulatang mga kaisipan na mistulang langis na nagpapaginhawa.

Isinususog ni Santiago: “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova.” Oo, ang taong may sakit sa espirituwal ay malamang na matulungan ng “panalangin ng pananampalataya” ng matatanda. Bukod dito, “ibabangon siya” ng Diyos upang mapasauli sa espirituwal na kalusugan kung siya’y handang patulong sa pamamagitan ng Kasulatan. Ngunit kumusta naman kung ang espirituwal na sakit ay bunga ng malubhang pagkakasala? Bueno, kung ang taong iyon ay magsisi, siya’y patatawarin ni Jehova.

“Kung gayon,” ang sabi ni Santiago, “hayagang ipagtapat ninyo sa isa’t isa ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, upang kayo’y magsigaling. Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid. Si Elias . . . ay nanalangin na huwag umulan; at hindi umulan sa lupain nang may tatlong taon at anim na buwan. At muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan at ang lupain ay namunga ng kaniyang bunga.” (1 Hari 17:1-7; 18:1, 42-45) May bisa ang panalangin ng isang taong matuwid na kasuwato ng kalooban ng Diyos.​—1 Juan 5:14, 15.

Ano ang Dapat Ipanalangin?

Anumang bagay ay maaaring maging paksa ng ating mga panalangin para sa isang kapuwa mananampalataya. Halimbawa, ang iba’y hinilingan ni Pablo na ipanalanging siya’y magkaroon sana ng kakayahan na magsalita ng mabuting balita. (Efeso 6:17-20) Ano naman kung batid natin na may isang tinutukso? Tayo’y makapananalangin na ‘siya sana’y huwag gumawa ng masama’ at huwag sana siyang pabayaan ng Diyos na matukso kundi iligtas siya sa masama, si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 13:7; Mateo 6:13) At kung ang sinuman ay maysakit sa pisikal, ating mahihiling kay Jehova na bigyan siya ng lakas ng loob na kailangan upang matiis niya ang kaniyang karamdaman.​—Awit 41:1-3.

Sa tuwina’y angkop na manalangin para sa pinag-uusig ng mga kapuwa mananamba kay Jehova. Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay dumanas ng matinding pag-uusig, at kaniyang sinabi sa mga Kristiyano sa Corinto: “Kayo man ay makatutulong din sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin, upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin ukol sa may kabaitang ibinibigay sa amin dahilan sa maraming mga nananalangin.” (2 Corinto 1:8-11; 11:23-27) Kahit na kung tayo man ay mabilanggo, tayo ay makapananalangin alang-alang sa mga ibang pinag-uusig na mga kapatid, laging tinatandaan na si Jehova’y nakikinig sa “panalangin ng mga matuwid.”​—Kawikaan 15:29.

Lalo nang dapat nating ipanalangin ang ating mga kapatid na bumabalikat ng malalaking pananagutan sa loob ng organisasyon ni Jehova. Kasali na rito yaong mga nangangasiwa sa organisasyon at naghahanda ng espirituwal na pagkain na ipinamamahagi ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Halimbawa, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay karapat-dapat na ating ipanalangin, at maipananalangin natin na pagkalooban sila ng Diyos ng “espiritu ng karunungan.”​—Efeso 1:16, 17.

Napalalago ang mga Katangiang Kristiyano

Sa pananalangin natin para sa ating kapuwa kapananampalataya, ating ipinakikitang tayo’y may malasakit, walang pag-iimbot, at maibigin. Ang walang pag-iimbot, maibiging pagmamalasakit ukol sa ating espirituwal na mga kapatid ay kasuwato ng binanggit na punto ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng kaniyang sariling mga kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Ang pananalangin para sa iba ay isang paraan ng pagsunod sa utos na “tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.” (Filipos 2:4) Pagka ang espirituwal na kapakanan ng iba ay ating binabanggit sa ating panalangin, atin ding nakikita na tayo’y nagiging lalong malapit sa kanila sa pag-iibigang pangmagkakapatid na nagpapakilala sa mga alagad ni Jesus.​—Juan 13:34, 35.

Ang katangian ng pakikipagkapuwa ay napasusulong para sa mga taong ating ipinananalangin. (1 Pedro 3:8) Tayo’y may simpatiya sa kanila, nakikibahagi sa kanilang mga intereses at mga kahirapan. Sa katawan ng tao, pagka ang isang kamay ay nasaktan, iyon namang isa ang nag-aalaga at kumikilos upang pagaangin ang pagdurusa na dulot ng sugat. (Ihambing ang 1 Corinto 12:12, 26.) Sa katulad na paraan, ang pananalangin ukol sa nagdurusang mga kapatid ay nagpapalago ng ating simpatiya sa kanila at tumutulong sa atin upang sila’y laging isaisip. Tayo rin ang mawawalan kung ang ating tapat na mga kapuwa Kristiyano ay hindi natin isinali sa ating mga panalangin, sapagkat sila’y hindi pinababayaan ng Diyos at ni Kristo.​—1 Pedro 5:6, 7.

Ang sarisaring maka-Diyos na mga katangian ay lumalago pagka tayo’y nanalangin para sa iba. Tayo’y nagiging lalong maunawain at matiyaga sa pakikitungo sa kanila. Nabubunot ang maaaring nagkakaugat na sama ng loob, nagbibigay-daan para sa nakapagpapatibay na mga kaisipan na ginagawa tayong maibigin at may kagalakan. Ang pananalangin para sa iba ay nagpapasulong din ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng bayan ni Jehova.​—2 Corinto 9:13, 14.

Patuloy na Ipanalangin ang Isa’t Isa

Katulad ni Pablo, maaari nating hilingin sa iba na tayo’y ipanalangin. Bukod sa pananalanging kasama natin, ang ating mga kaibigan ay maaaring sarilinang manalangin sa Diyos alang-alang sa atin, na tinutukoy ang ating pangalan, binabanggit ang ating suliranin, at hinihiling na tayo’y tulungan niya. At darating ang tulong, sapagkat “si Jehova ay marunong magligtas buhat sa pagsubok sa mga taong may maka-Diyos na debosyon.”​—2 Pedro 2:9.

Ang mga Saksi ni Jehova na bumabanggit sa atin sa kanilang mga panalangin ay mayroon ding mga dinaranas na pagsubok​—baka pa nga lalong matindi kaysa ating sariling pagsubok. Gayunman, kanila pa ring ipinagmamalasakit tayo sa harap ng Haring Walang-Hanggan, marahil sila’y lumuluha pa nga alang-alang sa atin. (Ihambing ang 2 Corinto 2:4; 2 Timoteo 1:3, 4.) Anong laki ang dapat nating ipagpasalamat dahil dito! Kung gayon, bilang pagpapahalaga at ukol sa mga iba pang kadahilanan na katatalakay lamang, ating ipanalangin ang isa’t isa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share