Patuloy Mong Isagawa ang Iyong Sariling Kaligtasan!
“Mga iniibig, . . . patuloy ninyong isagawa ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”—FILIPOS 2:12.
1, 2. Anong popular na mga ideya ang umakay sa maraming tao upang mag-akala na hindi nila kontrolado ang kalalabasan ng kanilang buhay?
“IPINANGANAK ka ba na ganiyan?” Kamakailan, ang tanong na ito ang nakalimbag sa pabalat ng isang popular na magasin. Sa ilalim ng uluhan ay lumitaw ang mga salitang: “Ang personalidad, ugali, maging ang mga pasiya sa buhay. Ipinakikita ng mga bagong pag-aaral na sa kalakhang bahagi ay nasa mga gene mo ito.” Dahil sa gayong mga pag-aangkin kung kaya inaakala ng ilan na hindi nila kontrolado ang kanilang sariling buhay.
2 Pinangangambahan ng iba na ang hindi mabuting pagpapalaki ng kanilang mga magulang o ang hindi mahusay na pagtuturo ng kanilang mga guro sa paano man ay nagtalaga sa kanila sa isang malungkot na buhay. Inaakala nilang nakatakda nilang ulitin ang mga pagkakamali ng kanilang mga magulang, kumilos ayon sa kanilang pinakamasamang hilig, mapatunayang di-tapat kay Jehova—sa madaling salita, gumawa ng maling pagpapasiya. Ganiyan ba ang itinuturo ng Bibliya? Tiyak na may mga relihiyosong tao na maggigiit na ang Bibliya ay nagtuturo ng ganitong bagay, ang doktrina ng pagtatadhana. Ayon sa doktrinang ito, matagal nang itinadhana ng Diyos ang bawat pangyayari sa iyong buhay.
3. Anong nakapagpapasiglang mensahe ang taglay ng Bibliya hinggil sa ating kakayahang managot para sa ating kinabukasan?
3 Ang lahat ng iba’t ibang ideyang ito ay may iisang mensahe: Wala kang mapagpipilian, anupat hindi mo kontrolado ang kalalabasan ng iyong buhay. Nakasisira ng loob ang mensaheng iyan, hindi ba, at ang pagkasira ng loob ay nakadaragdag sa suliranin. Sinasabi ng Kawikaan 24:10: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo ay uunti.” Subalit pinasisigla tayong malaman, na ayon sa Bibliya, maaari nating ‘isagawa ang ating sariling kaligtasan.’ (Filipos 2:12) Paano natin patitibayin ang ating pagtitiwala sa ganitong positibong turo ng Kasulatan?
Ang “Pagtatayo” na Ginagawa Natin sa Ating Sarili
4. Bagaman bumabanggit ang 1 Corinto 3:10-15 ng tungkol sa pagtatayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy, ano ang hindi nito ipinahihiwatig?
4 Isaalang-alang ang ilustrasyon ni apostol Pablo na masusumpungan sa 1 Corinto 3:10-15. Doon, bumanggit siya ng isang gawaing pagtatayo ng mga Kristiyano, at ang simulain ng kaniyang ilustrasyon ay maaaring kumapit sa panloob at panlabas na ministeryo. Ipinahihiwatig ba niya na ang pagpili sa wakas ng isang alagad na paglingkuran si Jehova at manatili sa pasiyang iyan ay pananagutan lamang niyaong nagturo at nagsanay sa kaniya? Hindi. Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pagsisikap ng guro na gawin ang kaniyang buong makakaya sa gawaing pagtatayo. Ngunit gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, hindi niya sinabing wala nang magagawa ang estudyante o alagad sa bagay na iyon. Totoo, ang ilustrasyon ni Pablo ay nagtutuon ng pansin sa gawain natin ukol sa iba, hindi sa pagpapatibay ng ating sarili. Maliwanag ito sapagkat binanggit ni Pablo ang walang-ingat na gawaing pagtatayo na nawasak samantalang naligtas ang tagapagtayo mismo. Gayunpaman, kung minsan ay ikinakapit ng Bibliya ang patalinghagang pagpapahayag ding ito sa ginagawa natin sa ating sarili.
5. Anong mga Kasulatan ang nagpapakita na ang mga Kristiyano ay dapat gumawa ng isang gawaing “pagtatayo” sa kanilang sarili?
5 Halimbawa, tingnan ang Judas 20, 21: “Kayo, mga iniibig, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, ay panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos.” Ginamit dito ni Judas ang salitang Griego na ginamit din ni Pablo sa 1 Corinto kabanata 3, ngunit ang punto niya ay waring yaong pagpapatibay ng ating sarili sa pundasyon ng ating pananampalataya. Si Lucas naman, nang isulat ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng malaking bato, ay gumamit ng gayunding salitang Griego para sa “pundasyon” na ginamit ni Pablo sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa pagtatayo ng mga Kristiyano. (Lucas 6:48, 49) Isa pa, ginamit ni Pablo ang larawan ng pagiging itinatag sa isang “pundasyon” nang pinapayuhan ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na sila’y sumulong sa espirituwal. Oo, itinuturo ng Salita ng Diyos na mayroon tayong gawaing “pagtatayo” sa ating sarili.—Efeso 3:15-19; Colosas 1:23; 2:7.
6. (a) Ilarawan kung paanong ang bawat Kristiyanong alagad ay bunga ng isang pinagtulungang proyekto sa pagtatayo. (b) Anong pananagutan ang taglay ng bawat indibiduwal na alagad?
6 Ang pagtatayo ba ng isang Kristiyano ay trabaho ng isang tao lamang? Buweno, gunigunihin na ikaw ay nagpasiyang magtayo ng bahay. Pupunta ka sa isang arkitekto para sa mga plano. Bagaman nilayon mong ikaw lamang ang gagawa ng kalakhang bahagi ng trabaho, uupa ka ng isang kontratista para magtrabahong kasama mo at magpayo sa iyo tungkol sa pinakamahuhusay na pamamaraan. Kung maglalatag siya ng isang matibay na pundasyon, tutulungan ka na maunawaan ang mga plano, magmumungkahi ng pinakamahuhusay na materyales na bibilhin, at magtuturo pa nga sa iyo ng maraming bagay tungkol sa pagtatayo, malamang na sasang-ayon ka na mahusay ang ginawa niya. Subalit paano kung ipagwawalang-bahala mo ang kaniyang payo, bibili ka ng mumurahin o marurupok na materyales, at hindi pa man din susundin ang plano ng arkitekto? Tiyak na hindi mo maaaring sisihin ang kontratista o ang arkitekto kapag gumuho ang bahay! Sa katulad na paraan, bawat Kristiyanong alagad ay bunga ng isang pinagtulungang proyekto sa pagtatayo. Si Jehova ang dalubhasang arkitekto. Sinusuportahan niya ang tapat na Kristiyano na, bilang isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos,” nagtuturo at nagpapatibay sa estudyante. (1 Corinto 3:9) Subalit nasasangkot din ang estudyante. Sa pangwakas na pagsusuri, siya ang may pananagutan sa kaniyang sariling landasin sa buhay. (Roma 14:12) Kung ibig niyang magkaroon ng maiinam na katangiang Kristiyano, dapat siyang magpagal upang matamo ang mga ito, at patibayin ang mga ito sa kaniyang sarili.—2 Pedro 1:5-8.
7. Anong mga hamon ang nakakaharap ng ilang Kristiyano, at ano ang makaaaliw sa kanila?
7 Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na walang kabuluhan ang pinagmanahan, kapaligiran, at ang kalidad ng ating mga guro? Hindi naman. Kinikilala ng Salita ng Diyos na mahalaga at may impluwensiya ang bawat isa sa mga ito. Maraming makasalanan at negatibong hilig ang likas at maaaring napakahirap paglabanan. (Awit 51:5; Roma 5:12; 7:21-23) Maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kabataan ang pagsasanay ng magulang at ang kapaligiran sa tahanan—sa ikabubuti o sa ikasasama. (Kawikaan 22:6; Colosas 3:21) Tinuligsa ni Jesus ang mga Judiong lider ng relihiyon dahil sa masasamang epekto ng kanilang turo sa iba. (Mateo 23:13, 15) Sa ngayon, nakaaapekto sa ating lahat ang gayong mga salik. Halimbawa, ang ilan sa bayan ng Diyos ay nakaharap sa mga hamon bunga ng di-mabuting karanasan noong sila’y bata pa. Kailangan nila ang ating kabaitan at empatiya. At maaaliw sila sa mensahe ng Bibliya na sila’y hindi nakatakdang umulit sa mga pagkakamali ng kanilang mga magulang o mapatunayang sila’y di-tapat. Tingnan kung paano inilalarawan ng ilan sa mga hari sa sinaunang Juda ang puntong ito.
Mga Hari sa Juda—Gumawa Sila ng Sariling mga Pasiya
8. Anong masamang halimbawa ang nakita ni Jotam sa kaniyang ama, subalit ano ang pinili niya?
8 Si Uzias ay naging hari ng Juda sa murang edad na 16 at namahala siya sa loob ng 52 taon. Sa kalakhang bahagi ng panahong ito, “patuloy siyang gumawa ng matuwid sa paningin ni Jehova, ayon sa lahat ng ginawa ni Amazias na kaniyang ama.” (2 Hari 15:3) Pinagpala siya ni Jehova sa pamamagitan ng sunud-sunod na tagumpay sa militar. Subalit nakalulungkot, lumaki ang ulo ni Uzias dahil sa tagumpay. Siya’y naging mapagmataas at nagrebelde kay Jehova sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso sa altar sa templo, isang tungkulin na para lamang sa mga saserdote. Sinaway si Uzias ngunit nagalit lamang siya. Pagkatapos ay hiniya siya—dinapuan ng ketong at napilitang mamuhay nang nakabukod sa nalalabing mga araw ng kaniyang buhay. (2 Cronica 26:16-23) Ano ang naging reaksiyon ng kaniyang anak na si Jotam sa lahat ng ito? Ang kabataang ito ay madali sanang naimpluwensiyahan ng kaniyang ama at tumanggi sa pagtutuwid ni Jehova. Ang bayan sa pangkalahatan ay maaari sanang naging isang negatibong impluwensiya yamang nagsagawa sila ng mga maling gawaing relihiyoso. (2 Hari 15:4) Ngunit gumawa si Jotam ng sariling pasiya. “Patuloy niyang ginagawa ang tama sa paningin ni Jehova.”—2 Cronica 27:2.
9. Ano ang ilan sa mabubuting impluwensiya para kay Ahaz, ngunit ano ang kinalabasan ng kaniyang buhay?
9 Namahala si Jotam sa loob ng 16 na taon, na nanatiling tapat kay Jehova. Samakatuwid, nagkaroon ng napakahusay na halimbawa ng isang tapat na ama ang kaniyang anak na si Ahaz. At may iba pang mabubuting impluwensiya para kay Ahaz. Pinagpala siyang mabuhay noong aktibong nanghuhula sa lupain ang tapat na mga propeta na sina Isaias, Oseas, at Mikas. Gayunman, masama ang pinili niya. “Hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova tulad ni David na kaniyang ninuno.” Gumawa siya ng mga imahen ng Baal at sinamba ang mga ito at sinunog pa nga ang ilan sa kaniyang sariling mga anak sa haing usok para sa mga paganong diyos. Sa kabila ng pinakamabubuting impluwensiya, naging kapaha-pahamak ang kaniyang pagkabigo bilang hari at bilang lingkod ni Jehova.—2 Cronica 28:1-4.
10. Anong uri ng ama si Ahaz, ngunit ano ang pinili ng kaniyang anak na si Hezekias?
10 Mula sa pananaw ng dalisay na pagsamba, mahirap isipin ang isang masamang ama na masahol pa kay Ahaz. Gayunman, hindi mapipili ng kaniyang anak na si Hezekias kung sino ang kaniyang magiging ama! Ang mga batang anak na lalaki na pinatay ni Ahaz upang ihain kay Baal ay malamang na sariling mga kapatid ni Hezekias. Napasadlak na lamang ba si Hezekias sa isang buhay ng kawalang-katapatan kay Jehova dahil sa nakapangingilabot na karanasang ito? Sa kabaligtaran, si Hezekias ay naging isa sa iilang tunay na dakilang mga hari ng Juda—isang tapat, marunong, at minamahal na tao. “Si Jehova ay sumakaniya.” (2 Hari 18:3-7) Sa katunayan, may dahilan para maniwalang si Hezekias ang kinasihang manunulat ng ika-119 ng Awit nang siya ay isa pa lamang kabataang prinsipe. Kung gayon, hindi mahirap unawain kung bakit niya isinulat ang mga salitang: “Ang aking kaluluwa ay walang tulog dahil sa pamimighati.” (Awit 119:28) Sa kabila ng kaniyang nakapipighating mga suliranin, hinayaan ni Hezekias na Salita ni Jehova ang umakay sa kaniya sa buhay. Sabi ng Awit 119:105: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” Oo, gumawa si Hezekias ng kaniyang sariling pasiya—ang tamang pasiya.
11. (a) Sa kabila ng mabuting impluwensiya ng kaniyang ama, gaano katindi ang naging pagrerebelde ni Manases laban kay Jehova? (b) Ano ang pinili ni Manases sa dakong huli ng kaniyang buhay, at ano ang maaari nating matutuhan dito?
11 Subalit nakapagtataka, mula sa isa sa pinakamabuting hari ng Juda ay nanggaling ang isa sa pinakamasama. Itinaguyod ng anak ni Hezekias na si Manases ang idolatriya, espiritismo, at lansakang karahasan sa lawak na hindi mapantayan. Sinasabi ng ulat na “si Jehova ay patuloy na nagsalita kay Manases at sa kaniyang bayan,” malamang na sa pamamagitan ng mga propeta. (2 Cronica 33:10) Ayon sa Judiong tradisyon, ipinalagari ni Manases si Isaias bilang kaniyang tugon. (Ihambing ang Hebreo 11:37.) Totoo man ito o hindi, hindi nakinig si Manases sa anumang babala mula sa Diyos. Sa katunayan, ipinasunog niya ang ilan sa kaniyang sariling mga anak bilang hain, kagayang-kagaya ng ginawa ng kaniyang lolo na si Ahaz. Gayunman, ang balakyot na taong ito, sa harap ng matitinding pagsubok nang dakong huli sa kaniyang buhay, ay nagsisi at nagbago ng kaniyang mga daan. (2 Cronica 33:1-6, 11-20) Itinuturo sa atin ng kaniyang halimbawa na ang isang taong nakagawa ng napakasamang mga pasiya ay hindi naman nangangahulugang hindi na maaaring tubusin. Maaari siyang magbago.
12. Ano ang magkaibang pinili ni Amon at ng kaniyang anak na si Josias hinggil sa paglilingkuran kay Jehova?
12 Malaki sana ang natutuhan ng anak ni Manases na si Amon mula sa pagsisisi ng kaniyang ama. Ngunit gumawa siya ng maling mga pasiya. Si Amon ay aktuwal na “nagparami ng pagkakasala” hanggang sa wakas ay napatay siya. Nakapagpapasigla naman ang kaibahan ng kaniyang anak na si Josias. Maliwanag na minabuti ni Josias na matuto mula sa nangyari sa kaniyang lolo. Walong taong gulang pa lamang siya nang magsimula siyang maghari. Nang siya’y 16 lamang, sinimulan niyang hanapin si Jehova at sa gayo’y napatunayang isang uliran at tapat na hari. (2 Cronica 33:20–34:5) Pumili siya—tama naman ang kaniyang pinili.
13. (a) Ano ang natutuhan natin mula sa mga hari ng Juda na ating tinalakay? (b) Gaano kahalaga ang pagsasanay ng magulang?
13 Ang maikling pagsusuring ito sa pitong naging hari sa Juda ay nagtuturo ng isang matinding aral. Sa ilang kalagayan, ang pinakamasamang mga hari ay nagkaroon ng pinakamabuting mga anak at, sa kabaligtaran, ang pinakamabuting hari ay nagkaroon ng pinakamasamang anak. (Ihambing ang Eclesiastes 2:18-21.) Hindi nito minamaliit ang kahalagahan ng pagsasanay ng magulang. Ang mga magulang na nagsasanay ng kanilang mga anak alinsunod sa daan ni Jehova ay talagang nagbibigay sa kanilang supling ng pinakamagandang pagkakataon upang maging tapat na mga lingkod ni Jehova. (Deuteronomio 6:6, 7) Gayunman, piniling tahakin ng ilang anak ang maling landasin sa kabila ng pinakamabubuting pagsisikap ng tapat na mga magulang. Ang ibang mga anak naman, sa kabila ng napakasamang impluwensiya ng mga magulang, ay nagpasiyang ibigin at paglingkuran si Jehova. Dahil sa kaniyang pagpapala, naging matagumpay sila sa buhay. Naiisip mo ba kung minsan kung alin kaya rito ang magiging kalagayan mo? Isaalang-alang, kung gayon, ang ilan sa personal na katiyakang ibinibigay ni Jehova na kaya mong gumawa ng tamang pasiya!
Naniniwala sa Iyo si Jehova!
14. Paano natin nalalaman na nauunawaan ni Jehova ang ating mga limitasyon?
14 Nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay. Sinasabi ng Kawikaan 15:3: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” Ganito ang sabi ni Haring David tungkol kay Jehova: “Nakita ng iyong mga mata ang aking binhi, at sa iyong aklat ay nasulat ang lahat ng mga bahagi nito, hinggil sa mga araw na nabuo ang mga ito at nang wala pa ni isa sa mga ito.” (Awit 139:16) Kaya batid ni Jehova ang negatibong mga hilig na pinaglalabanan mo—iyon man ay minana mo o natutuhan mo bunga ng iba pang impluwensiya na hindi mo kontrolado. Nauunawaan niya kung paanong talagang nakaaapekto sa iyo ang mga ito. Nauunawaan niya ang iyong mga limitasyon nang higit sa inyong sarili. At siya’y maawain. Hindi siya kailanman umaasa mula sa atin nang higit sa makatuwirang makakaya natin.—Awit 103:13, 14.
15. (a) Ano ang isang pinagmumulan ng kaaliwan para sa mga sadyang sinaktan ng iba? (b) Binibigyang-dangal ni Jehova ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng anong pananagutan?
15 Sa kabilang dako, hindi tayo minamalas ni Jehova bilang kaawa-awang mga biktima ng pangyayari. Kung nagkaroon man tayo ng masasamang karanasan noon, makasusumpong tayo ng kaaliwan sa katiyakan na kinapopootan ni Jehova ang lahat ng gayong sinadyang nakasasakit na paggawi. (Awit 11:5; Roma 12:19) Subalit ililibre ba niya tayo kung pagkatapos ay tatalikod tayo at kusang gagawa ng maling mga pasiya? Siyempre hindi. Ganito ang sabi ng kaniyang Salita: “Bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Binibigyang-dangal ni Jehova ang bawat isa sa kaniyang matatalinong nilalang sa pamamagitan ng pananagutang gumawa ng tama at paglingkuran siya. Iyon ay gaya ng sinabi ni Moises sa bansang Israel: “Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harap mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong supling.” (Deuteronomio 30:19) May tiwala si Jehova na makagagawa rin naman tayo ng tamang pasiya. Paano natin nalalaman ito?
16. Paano tayo maaaring maging matagumpay sa ‘pagsasagawa ng ating sariling kaligtasan’?
16 Pansinin ang isinulat ni apostol Pablo: “Dahil dito, mga iniibig ko, . . . patuloy ninyong isagawa ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig; sapagkat ang Diyos ang isa na, alang-alang sa kaniyang mabuting kaluguran, ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” (Filipos 2:12, 13) Ang orihinal na salitang Griego na isinalin dito na “isagawa” ay nangangahulugang pagtatapos sa isang bagay. Kaya walang sinuman sa atin ang nakatadhanang mabigo o sumuko. Tiyak na may tiwala ang Diyos na Jehova na matatapos natin ang gawain na ibinigay niya sa atin—ang gawain na umaakay sa ating kaligtasan—o kung hindi man ay hindi sana niya kinasihan ang gayong pangungusap. Ngunit paano ba tayo magtatagumpay? Hindi sa pamamagitan ng ating sariling lakas. Kung malakas tayo sa ganang sarili natin, wala na ang “takot at panginginig.” Sa halip, si Jehova ay ‘kumikilos sa loob natin,’ ang kaniyang banal na espiritu ay gumagana sa ating isip at puso, anupat tinutulungan tayong “loobin at ikilos” iyon. Sa pamamagitan ng maibiging tulong na iyan, may dahilan pa ba para hindi tayo gumawa ng tamang mga pasiya sa buhay at mamuhay ayon dito? Wala!—Lucas 11:13.
17. Anong mga pagbabago ang maaari nating gawin sa ating sarili, at paano tayo tinutulungan ni Jehova na gawin iyon?
17 May mga hadlang na ating daraigin—marahil isang buong-buhay ng masasamang ugali at nakapipinsalang impluwensiya na maaaring pumilipit sa ating pag-iisip. Gayunpaman, sa tulong ng espiritu ni Jehova, madaraig natin ang mga ito! Gaya ng isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto, gayon na lamang ang puwersa ng Salita ng Diyos anupat maititiwarik nito maging ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag.” (2 Corinto 10:4) Sa katunayan, matutulungan tayo ni Jehova na gumawa ng malalaking pagbabago sa ating sarili. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita na ‘alisin ang lumang personalidad’ at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Talaga bang matutulungan tayo ng espiritu ni Jehova upang gawin ang gayong pagbabago? Tiyak iyon! Ang espiritu ng Diyos ay nagluluwal sa atin ng mga bunga—magaganda at mahahalagang katangian na nais nating lahat na linangin. Ang una sa mga ito ay pag-ibig.—Galacia 5:22, 23.
18. Anong pasiya ang lubusang magagawa ng bawat makatuwirang tao, at dapat tayong matulungan nito na tiyakin ang ano?
18 Narito ngayon ang isang dakila at nagpapalayang katotohanan. Walang takda ang kakayahang umibig ng Diyos na Jehova, at ginawa tayo ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26; 1 Juan 4:8) Kaya maaari nating piliin na ibigin si Jehova. At ang pag-ibig na iyan—hindi ang ating dating buhay, hindi ang ating nagawang mga pagkakamali, hindi ang ating minanang hilig na gumawa ng mali—ang susi sa ating kinabukasan. Pag-ibig sa Diyos na Jehova ang kailangan noon nina Adan at Eva upang manatiling tapat sa Eden. Gayong pag-ibig ang kailangan ng bawat isa sa atin upang makaligtas sa Armagedon at makapasa sa panghuling pagsubok sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. (Apocalipsis 7:14; 20:5, 7-10) Bawat isa sa atin, anuman ang ating kalagayan, ay makalilinang ng gayong pag-ibig. (Mateo 22:37; 1 Corinto 13:13) Maging determinado tayo na ibigin si Jehova at isagawa ang pag-ibig na iyan magpakailanman.
Ano sa Palagay Mo?
◻ Anong popular na mga ideya ang salungat sa positibong turo ng Bibliya hinggil sa pananagutan ng indibiduwal?
◻ Anong gawaing pagtatayo ang dapat gawin ng bawat Kristiyano sa kaniyang sarili?
◻ Paano ipinakikita ng mga halimbawa ng mga hari sa Juda na ang bawat isa ay gumagawa ng sarili niyang pasiya?
◻ Paano tinitiyak sa atin ni Jehova na makagagawa tayo ng tamang mga pasiya sa buhay, anuman ang negatibong impluwensiya sa palibot natin?
[Larawan sa pahina 15]
Itinakda na ba ang iyong kinabukasan sa pamamagitan ng pagmamana?
[Larawan sa pahina 17]
Sa kabila ng masamang halimbawa ng kaniyang ama, pinili ni Haring Josias na maglingkod sa Diyos