Ang Kahulugan ng mga Balita
“Isang Masamang Ideya”
Ang lumalagong pagkabahala sa kontaminadong dugo ang pumupuwersa sa mga propesyonal sa medisina na higit na suriin kung kailangan nga ang pagsasalin ng dugo. Si Henry B. Soloway, M.D., editor ng lathalaing Pathologist, ay nagpahayag na sa mula’t sapol ng pagsasalin ng dugo ay hindi na ito hinihiwalayan ng mga problema. “Maaga pa,” ayon sa kaniyang paliwanag, “ang pagsasalin ng dugo na kontaminado samantalang kinukulekta at iniimbak ito . . . ang sanhi ng maraming pagkamatay buhat sa sepsis [infection] at endotoxic [nakalalason] na kabiglaanan. Ang pagkahawa sa hepatitis B sa pamamagitan ng dugo at mga produkto ng dugo ang sanhi ng maraming pagkakasakit noong Digmaang Pandaigdig II.” Kahit na nang sumapit ang teknikal na mga kaayusan at sa layuning masiguro ang isang “ligtas” na suplay ng dugo, ang pagkahawa sa mga sakit na gaya ng AIDS ay nagpapatuloy.
Mayroong mga bagong pagkabahala na lumalaganap ngayon tungkol sa pangmatagalang pagkaligtas ng mga pasyenteng may kanser pagkatapos ng kanilang operasyon na kung saan sila’y sinalinan ng dugo. Ang sabi ni Soloway: “May malaking panganib na di makaligtas pagka . . . sinalinan ng dugo ang mga pasyenteng inoopera sa kanser ng baga, suso, at kolon.” Kung gayon, ano ang maaaring maihalili? Ganito ang inamin ni Soloway: “Iginigiit ng mga Saksi ni Jehova . . . na ang pagsasalin ay isang masamang ideya. Baka balang araw sila ay mapatunayan na nagkakamali. Samantala mayroong marami-raming ebidensiya na sumusuporta sa kanilang sinasabi, bagama’t ang mga bangkero ng dugo ay tutol sa kanilang sinasabi.”
Sa aktuwal, dahil sa pagtalima sa kautusan ng Diyos kung kaya ang mga Saksi ni Jehova ay nalilibre sa maraming pinsala na nagagawa ng pagsasalin ng dugo. Ang Levitico 17:14 ay nagsasabi: “Huwag kang kakain ng dugo ng anumang uri ng laman, sapagkat ang kaluluwa ng bawat uri ng laman ay ang dugo niyaon.” At sa mga Kristiyano ay sinabi na sila’y ‘magsiiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Maliwanag, ang pangmalas ng Diyos sa pagkain ng anumang uri ng dugo ay “isang masamang ideya.”
“Isang Agwat sa Ebolusyon”
“Ang mga pakpak ng mga insekto ay hindi bunga ng ebolusyon buhat sa anumang mga panlabas na bagay o sa ano pa man. Ito’y nagsimula bilang pagkaliliit na mga usli sa likod nila.” Ganiyan ang sabi ng pahayagan ng Sweden na Svenska Dagbladet, nang mag-ulat tungkol sa isang kamakailang pananaliksik sa kung paano nagkaroon ng mga pakpak ang mga insekto. “Sang-ayon sa isang teoriya,” ang sabi ng report, “marahil ay ginamit nila ang kanilang inaasahang magiging mga pakpak bilang isang panghuli ng mga insekto, hanggang sa isang araw ay matuklasan nila na sila’y nakakalipad din naman at buhat sa lupa ay naiaangat nila ang kanilang sarili upang pumaitaas o pumaibaba buhat sa mga punongkahoy.”
Ipinakikita rin ng report na ang mga biologo ay nag-uusap-usap tungkol sa ideya na ang “inaasahang mga pakpak,” bagaman napakaliit para gamitin sa paglipad, ay maaaring magsilbing mga gamit para sa pagpapainit sa araw at pagpapasigla sa katawan. Ano’t ang mga ito ay lumaki buhat sa pinakamaliit hanggang sa lubos na paglaki? “Narito ang isang agwat sa isang ebolusyon na mahirap ipaliwanag,” ang sabi ng report.
Datapuwat, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya kung paano nakamit ng mga insekto ang kanilang mga pakpak. “Nilalang ng Diyos . . . ang bawat may pakpak at lumilipad na kinapal ayon sa kaniyang uri,” ang sabi ng Genesis 1:21. Samantalang ang mga taon ng pananaliksik ng mga siyentipiko ay walang naibunga kundi haka-hakang mga teoriya at isang “agwat . . . na mahirap ipaliwanag,” ang ulat ng Bibliya ay sinusuhayan ng kilalang mga katibayan. Ang kagila-gilalas na disenyo at gamit ng mga pakpak ng insekto ay nagpapatunay na ito’y hindi bunga ng bulag na ebolusyon kundi likha ng isang marunong na Maylikha.
Pag-aabuso sa May Edad
Ang matatanda na ay higit at higit na nagiging mga biktima ng pag-aabuso at ng kapabayaan. Karaniwan na ngayon ang makabalita na ang mga may edad ay minamaltrato, ninanakawan, binubugbog, at pinapatay—maging sa mga lupain man na kung saan ang mga may edad ay kinaugalian nang kaalang-alanganan. Sa isang bansa sa Silangan, “isang social worker ang nagbalita tungkol sa isang matandang babae na itinanikala ng kaniyang pamilya sa loob ng labing-apat na taon at pinayagan lamang na maligo nang minsan sa dalawang linggo,” ayon sa pag-uulat ng Asiaweek. Isinusog pa na ang 60-anyos na babae sa isa pang bansa sa Asia ang “namatay kamakailan sa isang ampunan para sa mga may edad. Ang kaniyang anak na lalaki at pati manugang ay hindi man lamang dumalaw sa kaniya bago siya pumanaw.” Ganiyan din ang kalagayan sa mga bansa sa Kanluran. “Humigit kumulang 1 sa 25 na mga may edad na Amerikano ang pinababayaan o inaabuso, maging sa tahanan man o sa mga institusyon,” ang sabi ng U.S.News & World Report. “Ang kapabayaan ang pinakakaraniwang anyo ng pagmaltrato . . . Subalit kapuwa ang pisikal na pag-aabuso at ang seksuwal na pag-aabuso ay dumarami.”
Ang mga mamamayan ng sinaunang Israel at gayundin ang mga miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ay pinayuhan na magpakita ng paggalang, konsiderasyon, at magparangal sa mga may edad. (Exodo 20:12; Levitico 19:32; Efeso 6:1, 2; 1 Timoteo 5:1, 2) Subalit si apostol Pablo ay humula na sa mga huling araw tayo’y daranas ng “mapanganib na mga panahon” na ang mga tao ay lalayo nang lalayo sa patnubay ng Diyos. (2 Timoteo 3:1) Isa sa mga ugali na idiniin ni Pablo sa kaniyang mga binanggit ay na ang mga tao’y “lubusang magkukulang sa . . . likas na pagmamahal na taglay ng tao.” (2 Timoteo 3:2, 3, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Sino ba ang makapag-aalinlangan sa pagiging totoo ng kaniyang sinabi?