Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/22 p. 4-8
  • Tayo ba’y Nabubuhay sa mga Huling Araw?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tayo ba’y Nabubuhay sa mga Huling Araw?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • HIGIT PANG MGA KATIBAYAN NG MGA HULING ARAW
  • “ANG TANDA NG IYONG PAGKANARIRITO”
  • ANO ANG NASA UNAHAN?
  • Talaga Kayang Nabubuhay Na Tayo sa “mga Huling Araw”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ito Na ang mga Huling Araw!
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Nakatutulong na Pagtuturo Ukol sa Ating mga Panahong Mapanganib
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Inihula Ba ng Bibliya na Magiging Ganito ang Ugali ng mga Tao sa Ngayon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/22 p. 4-8

Tayo ba’y Nabubuhay sa mga Huling Araw?

ANG pariralang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay isinalin buhat sa Griegong kai·roiʹ kha·le·poiʹ. (2 Timoteo 3:1) Ang salitang kha·le·poiʹ ang maramihang anyo ng salitang literal na nangangahulugang “mabangis” at naghahatid ng kaisipang banta at panganib. Isang komentarista sa Bibliya ang nagsasabi na ang salita ay tumutukoy sa isang “matinding pagsalakay ng masama.” Samakatuwid, bagaman ang naunang mga panahon ay dumanas ng kaligaligan, “ang mga huling araw” ay magiging katangi-tanging mabangis. Gaya ng pagkakasabi rito ng 2 Timoteo 3:13, “ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama.”

Inilalarawan ba nito ang ating panahon? Ating suriin ang ilang espesipikong mga katibayan na nakaulat sa 2 Timoteo 3:2-5 upang makita kung ang mga ito’y nagpapahiwatig na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw.

“Ang mga tao ay magiging . . . mga maibigin sa salapi.”​—2 Timoteo 3:2.

Ang pandaraya ay naging, gaya ng tawag dito ng U.S.News & World Report, “isang walang habas na pagsasaya sa krimen sa ekonomiya.” Sa Estados Unidos, ang kabuuang pandaraya sa pangangalagang-pangkalusugan lamang ay nananatiling nasa pagitan ng $50 bilyon at $80 bilyon sa bawat taon. Nakalulungkot nga, ang gayong kawalan ng katapatan ay pangkaraniwan. Gaya ng sabi ni Gary Edwards, pangulo ng Ethics Resource Center, mayroon tayong “kultura na kung minsa’y ipinagdiriwang ang kawalan ng katapatan.” Aniya: “Ginagawa nating mga bida ang mga kontrabida, mga taong pulitiko, mga negosyante na dinadaya ang gobyerno at hindi napaparusahan.”

“Mga palalo.”​—2 Timoteo 3:2.

Minamalas ng taong palalo ang iba na may paghamak. Talagang kitang-kita ito sa pagtatangi ng lahi at bansa sa ngayon! “Lahat ng minoridad ay mga tudlaan,” sabi ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. “Ang karahasan dahil sa lahi ay dumarami sa Alemanya, ang Ku Klux Klan ay aktibo sa Estados Unidos at ang mga swastika ay nagpaparumi sa mga bangketa at mga sinagoga sa Toronto.” Si Irving Abella, pangulo ng Canadian Jewish Congress, ay nagsasabi: “Nakikita natin ito saanman: sa Sweden, Italya, Holland at Belgium gayundin sa Alemanya.”

“Mga masuwayin sa mga magulang.”​—2 Timoteo 3:2.

“Ang mga taong ipinanganak noong panahon ng mabilis na pagdami ng bata pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II ang binibigyang kredito ng marami sa pagpapalaki ng isang salinlahi ng mga mabunganga, palaaway, walang-galang na mga bata,” sabi ng The Toronto Star. Ang paghihimagsik na nagsisimula sa tahanan ay kadalasang makikita sa mga paggawi sa paaralan. Napapansin ng isang guro na ang mga batang kasimbata ng apat na taóng gulang ay walang-galang na sumasagot. “Ang mga guro ay gumugugol ng higit na panahon sa pakikitungo sa paggawi kaysa pagtuturo,” aniya. Mangyari pa, hindi lahat ng mga kabataan ay mapaghimagsik. Gayunman, “bilang kausuhan,” ganito ang sabi ng beteranong guro sa haiskul na si Bruce MacGregor, “para bang sila ay walang gaanong paggalang sa lahat ng bagay.”

“Mga walang likas na pagmamahal.”​—2 Timoteo 3:3.

Masasaksihan ng mga huling araw ang pagsamâ sa loob ng pamilya​—kung saan, higit sa anumang dako, ang likas na pagmamahal ay dapat na umiral. Ang The New York Times ay nag-uulat na “ang karahasan sa sambahayan ang nangungunang sanhi ng pinsala at kamatayan sa mga babaing Amerikana, nagiging sanhi ng higit na pinsala kaysa mga aksidente sa sasakyan, panghahalay at pambubugbog na pinagsama.” Karamihan ng mga pagmolestiya sa bata ay isinasagawa ng pinagkakatiwalaang mga miyembro ng pamilya. Ang mataas na bilang ng diborsiyo, ang pag-abuso sa mga may edad na, at aborsiyon ay nagpapatunay rin na marami ang “lubusang walang . . . normal na pagmamahal sa tao.”​—Phillips.

“Mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.”​—2 Timoteo 3:3.

“Ang mga kabataang pumapatay ay hindi nangangailangan ng motibo sa pagpatay,” sulat ng kolumnista sa pahayagan na si Bob Herbert. “Maraming kabataan ang tumatanggap sa idea na pagpatay sa isang tao sa pamamagitan ng pagbaril ‘nang walang kadahi-dahilan.’ ” Kahit na ang ilang magulang ay tila hindi nababahala sa moral. Nang isang pangkat ng mga lalaking tin-edyer ang paratangan ng pagpapaligsahan sa paramihan ng puntos kung tungkol sa dami ng mga babaing nakatalik niya, isang ama ang nagkomento: “Walang ginawa ang anak kong lalaki na hindi gagawin ng sinumang masiglang batang Amerikano sa gulang niya.”

“Mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”​—2 Timoteo 3:4.

Ayon sa isang tantiya, ang mga tin-edyer ay gumugugol ng 15 oras sa elektronikong media sa bawat oras na ginugugol nila sa isang relihiyosong grupo. “Sa ngayon,” ulat ng Altoona Mirror, “ang kulturang lubhang naimpluwensiya ng media na makikita sa mga shopping mall at sa mga pasilyo ng paaralan ang nangingibabaw sa buhay ng mga tin-edyer. Ang impluwensiya ng pamilya ang pumapangalawa. Sa dulo ng listahan [ay] ang simbahan.” Ang Mirror ay nagsabi rin, “kung wala ang mga magulang, at ang mga simbahan ay hindi nagbibigay ng kasagutan, kung gayon ang media ang pinakamaimpluwensiya sa buhay ng mga kabataan.”

“May anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”​—2 Timoteo 3:5.

Ang katotohanan ng Bibliya ay may lakas upang baguhin ang mga buhay. (Efeso 4:22-24) Subalit ang ilan sa pinakamasamang pagkilos ay nangyayari sa ilalim ng lambong ng relihiyon. Isang kalunus-lunos na halimbawa ay ang seksuwal na pag-abuso ng mga klero sa mga bata. Ayon sa The New York Times, isang abugado sa Estados Unidos ang “nagsasabi na mayroon siyang 200 kaso na nakabinbin sa 27 estado alang-alang sa mga kliyenteng nagsasabing sila’y minolestiya ng mga pari.” Tunay, ang anumang anyo o pagkukunwang maka-Diyos na debosyon na ipinakikita ng mga klerigong ito ay inilalantad bilang pagpapaimbabaw sa pamamagitan ng kanilang balakyot na mga gawa.

HIGIT PANG MGA KATIBAYAN NG MGA HULING ARAW

ANG 2 TIMOTEO 3:2-4 AY BUMABANGGIT DIN NA ANG MGA TAO AY MAGIGING. . .

□ Mga mapagmapuri-sa-sarili

□ Mga mamumusong

□ Mga walang utang-na-loob

□ Mga di-matapat

□ Mga hindi bukás sa anumang kasunduan

□ Mga maninirang-puri

□ Mga walang pagpipigil-sa-sarili

□ Mga mapagkanulo

□ Mga matigas ang ulo

□ Mga mapagmalaki sa pagmamapuri

“ANG TANDA NG IYONG PAGKANARIRITO”

Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan, si Jesus ay tinanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Espesipikong ibinigay ni Jesus ang mga kalagayan at mga pangyayari na magpapakilala sa mga huling araw. Suriin natin ang ilan sa mga ito.

“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.”​—Mateo 24: 7.

“Ang ikadalawampung siglo​—bagaman karaniwan nang isang sosyal na pagsulong at pinasidhi ang pagkabahala ng pamahalaan sa mga buhay ng mahihirap​—ay napangibabawan ng machine gun, tangke, B-52, bomba nuklear at, sa wakas, ng missile. Ito’y ipinakikilala ng mga digmaan na mas madugo at mapangwasak kaysa anumang ibang panahon.”​—Milestones of History.

“Mga lindol sa iba’t ibang dako.”​—Mateo 24:7.

Sa dantaong ito, ang mga lindol na sumusukat mula 7.5 hanggang 8.3 sa Richter scale ay naranasan sa Chile, Tsina, India, Iran, Italya, Hapón, Peru, at Turkey.

“Magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin.”​—Lucas 21:11.

Dahil sa nakatatakot na mga pangyayari nitong nakalipas na mga taon, ang takot marahil ang pinakamalaking nag-iisang damdamin sa buhay ng mga tao. Ang mga tao ay natatakot sa digmaan, krimen, polusyon, sakit, implasyon, at marami pang ibang bagay na nagbabanta sa kanilang katiwasayan at sa kanila mismong mga buhay.

“Mga kakapusan sa pagkain.”​—Mateo 24:7.

“Ang Gutom ay Unti-Unting Lumilitaw Samantalang ang mga Pangkat na Tumutulong ay Nagtatalo,” pahayag ng isang ulong-balita sa magasing New Scientist. Ayon sa dating pangulo ng E.U., ang taggutom ay nagbabantang wasakin ang planeta sa loob ng dalawang dekada. “Sa kabila ng gayong nakatatakot na mga hula,” sabi ng artikulo, “ang dami ng tulong na ibinibigay ng mayayamang bansa para sa pag-unlad ng agrikultura sa nagpapaunlad na mga bansa ay lubhang lumiliit.”

“Sa iba’t ibang dako ay mga salot.”​—Lucas 21:11.

Ayon sa isang pangkat ng mga dalubhasa, ang pakikipagbaka ng pamahalaan ng E.U. laban sa AIDS​—na nagkakahalaga ng mahigit na $500 milyon sa bawat taon—​ay tinawag na isang malungkot na kabiguan. “Nawawala natin ang isang buong salinlahi ng pagiging mabunga dahil sa AIDS,” babala ni Dr. Donna Sweet, na gumagamot sa mga 200 hanggang 300 pasyente. Sa Estados Unidos, ang AIDS ngayon ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga lalaking ang edad ay 25 hanggang 44.

“Paglago ng katampalasanan.”​—Mateo 24:12.

Isang surbey sa E.U. ng 2,500 kabataan ay nagsisiwalat na 15 porsiyento ang nagdala ng isang baril sa isang partikular na panahon sa nakalipas na 30 araw, 11 porsiyento ang nabaril noong nakalipas na taon, at 9 na porsiyento ang nakabaril ng isang tao.

ANO ANG NASA UNAHAN?

Gaya ng nakita natin, ang tao ay lumayo sa tamang landasin, malayo sa isang mapayapang daigdig. Kung tungkol sa laki nito, ang mga nabanggit na mga kalagayan ay walang-katulad. Oo, nasusumpungan ng sambahayan ng tao ang sarili nito sa di-pamilyar na teritoryo. Ito’y dumaraan sa isang panahon na tinatawag na mga huling araw.

Ano ang darating pagkatapos ng yugtong ito?

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Michael Lewis/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share