Ang Himala ng Wika—Kung Paano Natin Ito Natatamo
NARANASAN mo na bang maubusan ng salita? Ang gayong mga pagkakataon ay bihira, sapagkat tayo ay kadalasang nasisiyahan sa pakikipagtalastasan ng ating mga naiisip at mga nadarama. Pinangyayari ng wika na gawin natin iyon. Sabi ng isang awtoridad: “Ang kaisipan ay imposible kung walang wika.”
Totoo, sa daigdig ng mga hayop, ang mga nilikha ay nakapagpapalitan ng impormasyon nang walang mga salita: ang mga ibon ay umaawit, ang mga leon ay umuungal, ang mga dolphin ay pumipito, ang mga bubuyog ay sumasayaw. Ginagamit ng ibang mga nilikha ang mga ayos at kilos ng katawan, paghipo at tunog—pati ng pang-amoy—bilang mga paraan sa pakikipagtalastasan. ‘Lumayo ka!’ ‘Mag-ingat ka!’ ‘Halika at samahan mo ako!’ Ito ang mga mensahe ng mga hayop na malinaw na nauunawaan!
Ang pakikipagtalastasan ng mga hayop, gayunman, ay lubhang limitado. Sa kabilang dako, ang wika ay nagpapangyari sa mga tao na mag-usap tungkol sa anumang bagay na nakikita o naguguniguni nila. Kaya ang propesor sa edukasyon na si Dennis Child ay nagsabi: “Ang wika ay isang bagay na mahalaga sa tao.” Subalit paano ba natin natatamo ang kahanga-hangang mahalagang bagay na ito? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapaunlad ito?
Ang Wika at ang Utak
Kung paano tayo natututong magsalita ay ipinagtataka ng mga iskolar sa loob ng mga dantaon. Kapuna-puna, ang mga batang hindi pa nga nakakalakad at napapakain ang kanilang mga sarili ay natututong magsalita nang hindi man lamang nalalaman ang mga tuntunin ng balarila at nang walang anumang pantanging pagtuturo! Ganito ang sulat ng lingguwistang si Ronald A. Langacker: “Nauunawaang lubós [ng bata] . . . ang isang sistema sa wika. Ginagawa niya ito batay sa di-tuwiran at pira-pirasong katibayan, at sa gulang na hindi pa niya kaya ang makatuwiran, sumusuring pag-iisip.”
Sa gayon naniniwala ang karamihan sa mga siyentipiko na ang kakayahang matuto ng isang wika—hindi ang espisipikong wika—ay katutubo, isang kakayahan na nahahayag sa maagang mga taon ng bata.
Sa simula, gayon man, ang utak ng bata ay napakamura pa upang lubusang maunawaan ang pag-unlad ng wika. Ito, mangyari pa, ay hindi nagpapatigil sa isang bata na magsikap. Oo, ang ibang mga mananaliksik ay naniniwala na ang pagngangawa ng munting sanggol ay isang bahagi ng pag-unlad ng wika, isang uri ng ensayo para sa pagbigkas niya ng mga salita sa dakong huli. Habang nagsisikap ang sanggol sa pagsasalita, mabilis na inihahanda rin ng kaniyang utak ang sarili nito para sa wika. Bagaman ang katawan ng bata ay mabagal na lumalaki sa mga taon bago siya maging tin-edyer, nararating ng kaniyang utak ang 90 porsiyento ng adultong timbang nito sa gulang na lima. (Nararating nito ang ganap na adultong timbang nito sa gulang na 12.) Iyan ay nangangahulugan na ang unang limang taon sa buhay ang mahalagang mga taon ng pagkatuto, lalo na ang unang dalawang taon.
Sa panahong iyon, bilyun-bilyong mga selula ng nerbiyos sa cortex ng utak ang lumalaki at nagsasanga, nag-aanyo ng napakaraming magkakaugnay na sistema. Sa pagitan ng 15 at 24 na buwang gulang, nagaganap ang isang mabilis na paglaki sa selula ng utak. Ngayon ang utak ay handa nang matuto ng wika. Kaya, mahalaga na ang isang bata ay mailantad sa wika sa maagang mga taon na ito.
Kawili-wili, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa binatang si Timoteo na tinuruan ng Bibliya “mula sa pagkasanggol.”—2 Timoteo 3:15.
Pagtulong sa mga Bata na Linangin ang Kanilang mga Kasanayan sa Wika
Ang mga ina ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagsasalita ng bata. Nakikilala ng isang sensitibong ina ang mga hudyat ng kaniyang sanggol at makikipag-usap na madalas sa kaniyang sanggol, bago pa man maunawaan nito ang kaniyang sinasabi. Gayumpaman, ang pundasyon sa wika ay nailatag na. Hindi magtatagal ang bata ay tumutugon sa mga pananalita ng ina sa pamamagitan ng kaniya mismong mga salita. Ang mananaliksik na si M. I. Lisina ay nagsasabi: “Maliwanag na ang pagsasalita ng bata ay pangunahing lumalabas bilang isang paraan ng reaksiyon nito sa nakapaligid na mga tao.” Kaya ang mga ama, mga bata, mga ninuno, at mga kaibigan ay maaari ring makibahagi sa pagsasalita ng bata sa pamamagitan ng pakikipag-usap, pagkukuwento, at pagbabasa.
Napansin pa ng sikologong taga-Sweden na si C. I. Sandström na ang mga batang magaling sa wika ay “sa katamtaman nagkaroon ng maraming mas mabuting pakikisalamuha sa mga may sapat na gulang. Ang mga pamilya ay karaniwang nag-aalmusal na sama-sama, at ang mga bata ay pinapayagang makibahagi sa pag-uusap.” Sa kabaligtaran, ang mga bata na may mahinang kakayahan sa wika ay “karaniwan nang nag-aalmusal na mag-isa” at “hindi gaanong nakikibahagi sa pag-uusap kung hapunan.” Ang pagsasama-sama ng pamilya sa mga panahon ng pagkain sa gayon ay nagpapasigla sa pag-unlad ng wika.
Ang pagsasama sa mga bata sa pamamasyal ay naglalaan din sa inyo ng mabuting mga pagkakataon upang linangin ang kaniyang pagsasalita sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga bagay sa kaniya sa simpleng mga termino. Magkasama, tingnan ninyo ang pinaka-bibig ng isang bulaklak, masdan ninyo ang isang higad na kinakain ang isang dahon, o ang gagamba na naghahabi ng sapot nito. Gamitin ang likas na pagkamausisa ng inyong anak upang palawakin ang kaniyang wika. Pag-usapan ang tungkol sa mga hayop na nakita ninyo sa zoo, ang mga kabibi at mga bato sa daanan habang kayo ay naglalakad, at ang sarisaring pagkain na nagugustuhan mo. Oo, lahat ng ito ay nangangailangan ng panahon at pagtitiyaga, subalit ang mga resulta ay sulit!
Nasumpungan ng mga magulang ang isa pang mahalagang tulong sa pagtuturo sa kanilang mga anak sa maagang gulang na magsalita. Ito’y ang hayaan silang makinig nang regular sa cassette rekording ng My Book of Bible Stories.a
Hindi lamang bibigyan ng kulay ng bagong mga salita, bagong mga parirala at mga ekspresyon, bagong lalim ng pagkaunawa ang pananalita ng iyong anak kundi pararamihin din nito ang kaniyang intelektuwal na kakayahan. At kapag ipinakita mo kung paano nauugnay sa kanilang Maylikha ang likas na kahanga-hangang mga bagay o kapag ipinaliwanag mo sa kanila ang mga layunin ng Diyos, ang pag-ibig at pagpapahalaga ng bata sa Maylikha ay tumitindi rin.—Deuteronomio 6:6-9.
Sa kabutihang palad, ang potensiyal upang paramihin at pagbutihin ang kalidad ng wika ay hindi limitado sa ating mga taon ng kabataan. Araw-araw, maaari nating pasakdalin ang ating kakayahang makipagtalastasan sa pamamagitan ng pag-aaral ng bagong mga salita at paggamit ng mabuting balarila. Sa ganitong paraan, tayo ay nakikibahagi sa pagpapatuloy sa hiwaga ng wika, at tayo’y bihirang maubusan ng mga salita.
[Talababa]
a Makukuha mula sa mga tagapaglathala ng magasing ito.