Pumapawi ng Kadiliman ang Liwanag Mula sa Diyos!
“Pinagliliwanag ni Jehova ang kadiliman ko.”—2 SAMUEL 22:29.
1. Paano nauugnay ang liwanag sa buhay?
“ANG Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Sa gayon ay nagkaroon ng liwanag.” (Genesis 1:3) Sa pamamagitan ng mahalagang mga salitang iyon, ipinakikilala ng ulat ng paglalang sa Genesis na si Jehova ang pinagmumulan ng liwanag, na kung wala ito ay magiging imposible ang buhay sa lupa. Si Jehova rin ang pinagmumulan ng espirituwal na liwanag, na mahalaga bilang patnubay natin sa daan ng buhay. (Awit 43:3) Ipinakita ni Haring David ang malapit na kaugnayan ng espirituwal na liwanag at ng buhay nang isulat niya: “Nasa iyo ang bukal ng buhay; sa pamamagitan ng iyong liwanag ay nakakakita kami ng liwanag.”—Awit 36:9.
2. Gaya ng ipinakita ni Pablo, ang liwanag ay may malapit na kaugnayan sa ano?
2 Mga 1,000 taon pagkalipas ng panahon ni David, tinukoy ni apostol Pablo ang ulat ng paglalang. Sa pagsulat sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, sinabi niya: “Ang Diyos ang siyang nagsabi: ‘Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman.’ ” Pagkatapos ay ipinakita ni Pablo na may malapit na kaugnayan ang espirituwal na liwanag sa kaalaman mula kay Jehova nang sabihin pa niya: “Siya ay sumikat sa ating mga puso upang bigyang-liwanag ang mga ito ng maluwalhating kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” (2 Corinto 4:6) Paano nakaaabot sa atin ang liwanag na ito?
Ang Bibliya Tagapaghatid ng Liwanag
3. Sa pamamagitan ng Bibliya, anong liwanag ang inilalaan ni Jehova?
3 Pangunahin nang ipinaaabot ni Jehova ang espirituwal na liwanag sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. Kaya habang pinag-aaralan natin ang Bibliya at kumukuha ng kaalaman mula sa Diyos, hinahayaan nating sumikat sa atin ang kaniyang liwanag. Sa pamamagitan ng Bibliya, nililiwanag ni Jehova ang kaniyang mga layunin at sinasabi sa atin kung paano natin magagawa ang kaniyang kalooban. Nagbibigay ito ng layunin sa ating buhay at tumutulong upang masapatan ang ating espirituwal na mga pangangailangan. (Eclesiastes 12:1; Mateo 5:3) Idiniin ni Jesus na dapat nating pangalagaan ang ating espirituwal na mga pangangailangan nang sabihin niya, bilang pagsipi sa Kautusang Mosaiko: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ”—Mateo 4:4; Deuteronomio 8:3.
4. Sa anong paraan “liwanag ng sanlibutan” si Jesus?
4 May malapit na kaugnayan si Jesus sa espirituwal na liwanag. Sa katunayan, tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “ang liwanag ng sanlibutan” at sinabi: “Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Tumutulong sa atin ang pananalitang ito upang maunawaan ang napakahalagang papel ni Jesus sa pagpapaabot ng katotohanan sa sangkatauhan tungkol kay Jehova. Upang maiwasan natin ang kadiliman at makalakad sa liwanag ng Diyos, dapat tayong makinig sa lahat ng sinasabi ni Jesus at mahigpit na sumunod sa kaniyang halimbawa at mga turo gaya ng nakaulat sa Bibliya.
5. Ano ang naging pananagutan ng mga tagasunod ni Jesus pagkamatay niya?
5 Ilang araw bago siya mamatay, si Jesus, na muling tumukoy sa kaniyang sarili bilang liwanag, ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: “Ang liwanag ay mapapasagitna ninyo nang kaunting panahon pa. Lumakad kayo habang nasa inyo ang liwanag, upang hindi manaig sa inyo ang kadiliman; at siya na lumalakad sa kadiliman ay hindi nakaaalam kung saan siya paroroon. Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, upang maging mga anak ng liwanag.” (Juan 12:35, 36) Natutuhan niyaong naging mga anak ng liwanag ang “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” ng Bibliya. (2 Timoteo 1:13, 14) Pagkatapos ay ginamit nila ang nakapagpapalusog na mga salitang ito upang akayin palabas sa kadiliman ang ibang tapat-pusong mga indibiduwal tungo sa liwanag ng Diyos.
6. Anong saligang katotohanan tungkol sa liwanag at kadiliman ang masusumpungan sa 1 Juan 1:5?
6 Sumulat si apostol Juan: “Ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman kung kaisa niya.” (1 Juan 1:5) Pansinin ang pagkakahambing dito ng liwanag at kadiliman. Nagmumula kay Jehova ang espirituwal na liwanag, at hindi maaaring iugnay sa kaniya ang espirituwal na kadiliman. Kung gayon, sino ang pinagmumulan ng kadiliman?
Espirituwal na Kadiliman Ang Pinagmumulan Nito
7. Sino ang nasa likod ng espirituwal na kadiliman ng sanlibutan, at anong impluwensiya ang nagagawa niya?
7 Binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” Sa pananalitang iyan, ang tinutukoy niya ay si Satanas na Diyablo. Sinabi pa niya na ‘binulag [ng isang ito] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.’ (2 Corinto 4:4) Marami ang nag-aangkin na naniniwala sila sa Diyos; gayunman, dumarami sa kanila ang hindi naniniwala sa isang Diyablo. Bakit? Ayaw nilang tanggapin na posibleng umiiral at nakaiimpluwensiya sa paraan ng kanilang pag-iisip ang isang kapangyarihan na balakyot at nakahihigit sa tao. Gayunpaman, gaya ng ipinakikita ni Pablo, talagang umiiral ang Diyablo at talagang iniimpluwensiyahan niya ang mga tao upang hindi nila makita ang liwanag ng katotohanan. Ang kapangyarihan ni Satanas na impluwensiyahan ang pag-iisip ng tao ay makikita sa makahulang paglalarawan sa kaniya bilang “ang . . . nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Bunga ng mga gawain ni Satanas, ang kalagayang inihula ni propeta Isaias ay kumakapit ngayon sa buong sangkatauhan maliban sa mga naglilingkod kay Jehova: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa.”—Isaias 60:2.
8. Sa anong mga paraan ipinakikita niyaong mga nasa espirituwal na kadiliman na nalilito sila?
8 Imposibleng makita ang anumang bagay sa pusikit na kadiliman. Ang isa ay madaling maligaw o malito. Gayundin naman, yaong mga nasa espirituwal na kadiliman ay walang pang-unawa at di-magtatagal ay malilito sa espirituwal na diwa. Maaari silang mawalan ng kakayahang makilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa kabulaanan at ng mabuti sa masama. Tinukoy ni propeta Isaias ang mga nasa gayong kadiliman nang sumulat siya: “Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, silang nagtuturing na ang kadiliman ay liwanag at ang liwanag ay kadiliman, silang nagtuturing na ang mapait ay matamis at ang matamis ay mapait!” (Isaias 5:20) Yaong mga namamalagi sa espirituwal na kadiliman ay naiimpluwensiyahan ng diyos ng kadiliman, si Satanas na Diyablo, at dahil dito ay napapahiwalay sila sa bukal ng liwanag at buhay.—Efeso 4:17-19.
Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag Ang Hamon
9. Ipaliwanag kung paanong ang mga manggagawa ng kamalian ay naaakit sa kadiliman kapuwa sa literal at sa espirituwal na diwa.
9 Itinawag-pansin ng tapat na si Job ang pagkaakit ng mga manggagawa ng kamalian sa literal na kadiliman nang sabihin niya: “Kung tungkol sa mata ng mangangalunya, hinihintay nito ang kadiliman ng gabi, na sinasabi, ‘Walang matang makakakita sa akin!’ At sa kaniyang mukha ay naglalagay siya ng pantakip.” (Job 24:15) Ang mga manggagawa ng kamalian ay nasa espirituwal na kadiliman din, at maaaring napakatindi ng kadilimang iyon. Sinabi ni apostol Pablo na ang seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, kasakiman, paglalasing, panlalait, at pangingikil ay karaniwan na sa mga nasilo ng kadilimang iyon. Subalit sinumang lumalapit sa liwanag ng Salita ng Diyos ay maaaring magbago. Nililiwanag ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto na posible ang gayong pagbabago. Marami sa mga Kristiyanong taga-Corinto ang dating namimihasa sa mga gawain ng kadiliman, gayunman ay sinabi ni Pablo sa kanila: “Ngunit hinugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
10, 11. (a) Paano nagpakita ng konsiderasyon si Jesus sa isang lalaki na ang paningin ay kaniyang pinapanauli? (b) Bakit hindi pinipili ng marami ang liwanag?
10 Kapag lumalabas ang isang tao mula sa pusikit na kadiliman tungo sa liwanag, malamang na kakailanganing sanayin sandali ang kaniyang mga mata sa liwanag. Sa Betsaida, pinagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag ngunit may-kabaitang ginawa ito nang unti-unti. “Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, dinala siya sa labas ng nayon, at, pagkadura sa kaniyang mga mata, ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at pinasimulan siyang tanungin: ‘May nakikita ka bang anuman?’ At ang lalaki ay tumingin at nagsimulang magsabi: ‘Nakakakita ako ng mga tao, sapagkat may namamasdan akong tila mga punungkahoy, ngunit sila ay naglalakad.’ Pagkatapos ay muli niyang ipinatong ang kaniyang mga kamay sa mga mata ng lalaki, at ang lalaki ay nakakita nang malinaw, at nanauli siya, at nakita na niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.” (Marcos 8:23-25) Lumilitaw na unti-unting pinapanauli ni Jesus ang paningin ng lalaki upang masanay ng lalaki ang kaniyang sarili sa liwanag ng sikat ng araw. Maguguniguni natin ang kagalakan ng lalaking iyon nang makakita na siya.
11 Gayunman, ang kagalakang nadama ng lalaking iyon ay nahihigitan ng kagalakan na nadarama niyaong mga natulungang lumabas, nang unti-unti, mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag ng katotohanan. Kapag namamasdan natin ang kanilang kagalakan, maaaring magtaka tayo kung bakit marami ang hindi naaakit sa liwanag. Ibinibigay ni Jesus ang dahilan: “Ito ang saligan sa paghatol, na ang liwanag ay dumating sa sanlibutan ngunit inibig ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot. Sapagkat siya na gumagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay hindi masaway.” (Juan 3:19, 20) Oo, marami ang umiibig sa paggawa ng “buktot na mga bagay”—gaya ng imoralidad, paniniil, pagsisinungaling, pandaraya, at pagnanakaw—at ang espirituwal na kadiliman ni Satanas ay tamang-tamang kapaligiran para magawa nila ang gusto nila.
Paggawa ng Pagsulong sa Liwanag
12. Sa anong mga paraan tayo nakikinabang dahil sa nalaman natin ang tungkol sa liwanag?
12 Mula nang malaman natin ang tungkol sa liwanag, anong mga pagbabago ang nakita natin sa ating sarili? Makabubuti kung minsan na alalahanin at suriin ang nagagawa nating pagsulong sa espirituwal. Anong masasamang kinaugalian ang naiwaksi na natin? Anong mga problema sa ating buhay ang naituwid na natin? Paano nagbago ang ating mga plano para sa hinaharap? Sa pamamagitan ng lakas ni Jehova at sa tulong ng kaniyang banal na espiritu, patuloy tayong makagagawa ng mga pagbabago sa ating personalidad at paraan ng pag-iisip na magpapakitang tumutugon tayo sa liwanag. (Efeso 4:23, 24) Ganito ang pagkakasabi rito ni Pablo: “Kayo ay dating kadiliman, ngunit kayo ngayon ay liwanag may kaugnayan sa Panginoon. Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag, sapagkat ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at katuwiran at katotohanan.” (Efeso 5:8, 9) Kung hahayaan nating patnubayan ng liwanag ni Jehova ang ating sarili, magbibigay ito sa atin ng pag-asa at layunin at magdudulot ng kaluguran sa buhay ng mga nakapalibot sa atin. At kaylaki ngang kagalakan ang idudulot sa puso ni Jehova ng gayong mga pagbabago!—Kawikaan 27:11.
13. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa liwanag ni Jehova, at ano ang kailangan para sa gayong landasin?
13 Ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa mas maligayang buhay na tinatamasa natin sa pamamagitan ng pagpapamalas ng liwanag ni Jehova—anupat ibinabahagi ang ating natutuhan mula sa Bibliya sa ating mga kapamilya, kaibigan, at mga kapitbahay. (Mateo 5:12-16; 24:14) Sa mga ayaw makinig, ang ating pangangaral lakip na ang ating huwarang landasin ng buhay bilang Kristiyano ay nagiging isang saway. Ipinaliliwanag ni Pablo: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon; at tigilan ninyo ang pakikibahagi sa kanila sa di-mabungang mga gawa na nauukol sa kadiliman, kundi, sa halip ay sawayin pa nga ninyo sila.” (Efeso 5:10, 11) Kailangan natin ang lakas ng loob sa pagtulong sa iba na talikuran ang kadiliman at piliin ang liwanag. Higit na mahalaga, kailangan ang habag at pagmamalasakit sa iba at ang taos-pusong hangarin na ibahagi sa kanila ang liwanag ng katotohanan para sa kanilang walang-hanggang kapakinabangan.—Mateo 28:19, 20.
Mag-ingat sa Mapandayang mga Liwanag!
14. Hinggil sa liwanag, anong babala ang dapat nating bigyang-pansin?
14 Para sa mga nasa laot ng dagat sa mga oras na madilim, anumang liwanag ay kalugud-lugod sa paningin. Noon, ang apoy ay pinagniningas sa mabato at matarik na mga dalisdis ng Inglatera upang ipahiwatig kung saan makasusumpong ng kanlungan mula sa mga unos. Ang mga tripulante ng barko ay nalulugod na magabayan ng mga liwanag na ito patungo sa ligtas na mga daungan. Gayunman, mapandaya ang ilang apoy. Sa halip na makasumpong ng daungan, maraming sasakyang pandagat ang nailigaw at nawasak sa mabatong baybayin, kung saan ninakaw ang kanilang mga kargamento. Sa mapanlinlang na sanlibutang ito, dapat tayong maging maingat na huwag maakit sa mapandayang mga liwanag na makararahuyo sa atin tungo sa espirituwal na pagkawasak. “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag,” ang sabi sa atin. Gayundin naman, ang kaniyang mga lingkod, lakip na ang mga apostata, ay “mapanlinlang na mga manggagawa” na ‘lagi ring nag-aanyong mga ministro ng katuwiran.’ Kung binibigyang-pansin natin ang bulaang mga pangangatuwiran ng gayong mga tao, maaaring humina ang ating pagtitiwala sa Salita ng katotohanan ni Jehova, ang Bibliya, at baka mamatay ang ating pananampalataya.—2 Corinto 11:13-15; 1 Timoteo 1:19.
15. Ano ang tutulong sa atin upang manatili sa daan na umaakay patungo sa buhay?
15 Sumulat ang salmista: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Oo, ang ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay’ ay maliwanag na tinatanglawan ng ating maibiging Diyos, si Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (Mateo 7:14; 1 Timoteo 2:4) Ang pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya ay mag-iingat sa atin upang hindi lumihis sa masikip na daang iyon tungo sa mga landas ng kadiliman. Sumulat si Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Habang sumusulong tayo sa espirituwal, tinuturuan tayo ng Salita ng Diyos. Sa liwanag ng Salita ng Diyos, maaari nating sawayin ang ating sarili o, kung kinakailangan, maaari tayong sawayin ng maibiging mga pastol sa kongregasyon. Gayundin naman, maaari nating ituwid ang mga bagay-bagay at mapagpakumbabang tanggapin ang disiplinang salig sa katuwiran upang makapanatili tayong lumalakad sa daan ng buhay.
Mapagpahalagang Lumakad sa Liwanag
16. Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa kamangha-manghang liwanag na inilalaan ni Jehova?
16 Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa kamangha-manghang liwanag na inilalaan ni Jehova? Sinasabi sa atin ng Juan kabanata 9 na nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking isinilang na bulag, napakilos ang lalaki na ipahayag ang kaniyang pagpapahalaga. Paano? Nanampalataya siya kay Jesus bilang ang Anak ng Diyos at hayagan siyang ipinakilala bilang “isang propeta.” Bukod dito, may-katapangan siyang nagsalita laban sa mga nagsikap na hamakin ang himala ni Jesus. (Juan 9:17, 30-34) Tinawag ni apostol Pedro na “isang bayang ukol sa pantanging pag-aari” ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Bakit? Sapagkat mayroon din silang mapagpahalagang saloobin katulad ng lalaki na isinilang na bulag at pinagaling. Ipinakikita nila ang pagpapahalaga kay Jehova, ang kanilang Tagapagpala, sa pamamagitan ng ‘pagpapahayag nang malawakan tungkol sa mga kagalingan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 2:9; Colosas 1:13) Taglay rin ng mga may makalupang pag-asa ang gayong mapagpasalamat na saloobin, at sinusuportahan nila ang kanilang mga pinahirang kapatid sa pangmadlang pagpapahayag tungkol sa “mga kagalingan” ni Jehova. Wala ngang katulad na pribilehiyo ang ipinagkakaloob ng Diyos sa di-sakdal na mga tao!
17, 18. (a) Ano ang pananagutan ng bawat indibiduwal? (b) Bilang pagtulad kay Timoteo, sa ano pinasisiglang umiwas ang bawat Kristiyano?
17 Mahalaga ang pagkakaroon ng taos-pusong pagpapahalaga sa liwanag ng katotohanan. Tandaan, walang sinuman sa atin ang isinilang na may kaalaman sa katotohanan. Natutuhan ito ng ilan nang sila ay mga adulto na, at agad nilang nakita ang kahigitan ng liwanag sa kadiliman. Tinamasa naman ng iba ang dakilang pribilehiyo na mapalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos. Para sa gayong mga indibiduwal, baka madaling ipagwalang-bahala ang liwanag. Inamin ng isang Saksi, na ang mga magulang ay naglilingkod na kay Jehova bago pa siya isinilang, na maraming panahon at pagsisikap ang kaniyang ginugol upang maunawaan ang lubos na kahulugan at kahalagahan ng mga katotohanan na itinuro sa kaniya mula sa pagkasanggol. (2 Timoteo 3:15) Bata man o matanda, bawat isa sa atin ay kailangang maglinang ng masidhing pagpapahalaga sa katotohanan na isinisiwalat ni Jehova.
18 Ang kabataang lalaki na si Timoteo ay tinuruan tungkol sa “banal na mga kasulatan” mula sa kaniyang pagkasanggol, ngunit naging may-gulang na Kristiyano lamang siya sa pamamagitan ng pagpapagal sa kaniyang ministeryo. (2 Timoteo 3:15) Siya noon ay karapat-dapat na tumulong kay apostol Pablo, na nagpayo sa kaniya: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” Iwasan nawa nating lahat, gaya ni Timoteo, ang paggawa ng anumang bagay na maaaring ikahiya natin—o magiging dahilan upang ikahiya tayo ni Jehova!—2 Timoteo 2:15.
19. (a) Gaya ni David, tayong lahat ay may dahilan para sabihin ang ano? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Taglay natin ang lahat ng dahilan upang purihin si Jehova, na nagbigay sa atin ng liwanag ng kaniyang katotohanan. Gaya ni Haring David, sinasabi natin: “Ikaw ang aking lampara, O Jehova, at pinagliliwanag ni Jehova ang kadiliman ko.” (2 Samuel 22:29) Gayunman, hindi tayo dapat maging kampante, yamang maaari itong humantong sa pagbabalik natin sa kadiliman na mula roon ay sinagip na tayo. Dahil dito, tutulungan tayo ng susunod na artikulo na suriin kung paano natin pinahahalagahan sa ating buhay ang katotohanang mula sa Diyos.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Paano nagbibigay ng espirituwal na kaliwanagan si Jehova?
• Anong hamon ang inihaharap ng espirituwal na kadilimang nakapalibot sa atin?
• Anong mga panganib ang dapat nating iwasan?
• Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa liwanag ng katotohanan?
[Larawan sa pahina 8]
Si Jehova ang bukal ng pisikal at espirituwal na liwanag
[Larawan sa pahina 10]
Kung paanong unti-unting pinagaling ni Jesus ang isang taong bulag, gayon niya tayo tinutulungang lumabas mula sa espirituwal na kadiliman
[Larawan sa pahina 11]
Ang pagkaligaw dahil sa mga mapandayang liwanag ni Satanas ay nagbubunga ng espirituwal na pagkawasak