‘Ipahalata ang Iyong Pagsulong’
“Ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata.”—1 CORINTO 13:11.
1. Papaano ngang ang paglaki ay isang patotoo ng kababalaghan ng paglalang?
BUHAT sa isang itlog na pagkaliit-liit anupat ito’y makikita lamang sa ilalim ng isang mikroskopyo, ang isang balyena ay maaaring lumaki na isang isdang mahigit na tatlumpung metro ang haba at may timbang na mahigit na 80 tonelada. Sa katulad na paraan, buhat sa isa sa pinakamaliit na mga binhi, ang dambuhalang sequoia ay maaaring lumaki hanggang sa mahigit na 90 metro ang taas. Tunay, ang paglaki ay isa sa mga kababalaghan sa buhay. Gaya ng pagkakasabi ni apostol Pablo, tayo ay makapagtatanim at makapagdidilig, ngunit “ang Diyos ang nagpapalago.”—1 Corinto 3:7.
2. Anong uri ng paglaki ang inihula sa Bibliya?
2 Subalit, may isa pang uri ng paglaki na katulad niyan na nakapanggigilalas. Ito yaong inihula ni propeta Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Ang hulang ito ay may kinalaman sa paglaki ng bayan ng Diyos, at nagaganap ang malaking katuparan nito sa ating kaarawan.
3. Papaano ipinakita ng 1991 taunang ulat ng paglilingkod na pinabibilis ni Jehova ang gawain ng kaniyang bayan?
3 Ang 1991 taóng ulat ng paglilingkod ng pandaigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita na ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa isang bagong peak na 4,278,820, at isang kabuuang bilang na 300,945 katao ang nabautismuhan sa loob ng taon na iyan. Sa pagdagsa ng napakaraming baguhan, 3,191 bagong mga kongregasyon ang natatag, lakip na ang isang katumbas na bilang ng mga bagong sirkito at mga distrito. Iyan ay mahigit na walong bagong mga kongregasyon sa isang araw, halos isang bagong sirkito tuwing dalawang araw. Anong kamangha-manghang paglaki! Maliwanag, pinabibilis ni Jehova ang mga bagay-bagay, at kaniyang pinagpapala ang pagsisikap ng kaniyang bayan.—Awit 127:1.
Panahon Para sa Pagsusuri-sa-Sarili
4. Anong mga tanong ang kailangang isaalang-alang samantalang tayo ay nakatingin sa hinaharap?
4 Bagaman nakagagalak-puso na makita, ang pagpapalang ito ay nagdadala rin ng ilang pananagutan. Magkakaroon ba ng sapat na maygulang at nahahandang mga indibiduwal na mag-aasikaso ng espirituwal na pangangailangan ng lahat ng mga baguhang ito? Samantalang tayo’y nakatingin sa hinaharap, isang palaisipan kung ilang mga pioneer, mga ministeryal na lingkod, matatanda, at naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kakailanganin upang mag-asikaso sa lumalaki at lumalawak na gawain, at gayundin kung ilang mga manggagawang boluntaryo ang kakailanganin sa mga tanggapang sangay at Tahanang Bethel sa buong daigdig upang sumuporta sa gawaing iyan. Saan manggagaling ang napakaraming mga taong ito? Walang alinlangan na marami ang aanihin. Subalit sino ngayon ang nasa posisyon na mag-asikaso sa lahat ng manggagawang kailangan upang maisagawa ang pag-aaning iyan?—Mateo 9:37, 38.
5. Anong mga kalagayan ang umiiral sa ilang lugar dahilan sa mabilis na paglago?
5 Halimbawa, iniulat na sa ilang panig ng daigdig, may mga kongregasyon na may isandaang mga mamamahayag ng Kaharian na pinaglilingkuran ng iisa lamang matanda kasama ang isa o dalawang ministeryal na mga lingkod. Kung minsan isang matanda ang naglilingkod sa dalawang kongregasyon. Sa mga ibang lugar ang pangangailangan ng kuwalipikadong mga ministrong Kristiyano na magdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ay napakalaki anupat ang mga baguhan ay kinakailangang ilagay sa listahan ng mga naghihintay. Sa iba pa ring mga lugar, mga bagong kongregasyon ang naitatag nang napakabilis na anupat tatlo, apat, o hanggang limang mga kongregasyon ang kailangang magkani-kaniyang turno sa paggamit ng iisang Kingdom Hall. Baka ikaw ay nakakita na ng ganitong paglago sa inyong sariling lugar.
6. Bakit ang pagsusuri sa ating sarili ay napapanahon na gawin natin?
6 Ano ba ang sinasabi sa atin ng binanggit na? Na dahilan sa panahong ito, lahat tayo ay kailangang magsuri sa ating mga kalagayan upang alamin kung ginagamit natin sa pinakamabuting paraan ang ating panahon at mga ari-arian upang matugunan ang pangangailangan. (Efeso 5:15-17) Si apostol Pablo ay sumulat sa mga Hebreong Kristiyano noong unang siglo: “Sapagkat bagaman nararapat na sanang kayo’y maging mga guro dahil sa katagalan, ngayon ay kailangan na namang turuan kayo buhat sa pasimula ng mga panimulang aralin ng banal na Salita ng Diyos; at kayo’y naging tulad sa mga nangangailangan ng gatas, hindi ng pagkaing matigas.” (Hebreo 5:12) Gaya ng ipinakikita ng mga salitang iyon, ang bawat isang Kristiyano ay kailangan ding lumaki. At nariyan ang tunay na panganib na ang isa ay magtagal na isang espirituwal na sanggol imbes na sumulong sa pagkamaygulang bilang Kristiyano. Kasuwato nito, tayo’y pinapayuhan ni Pablo: “Laging subukin ninyo kung kayo baga’y nasa pananampalataya, laging suriin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5) Iyo bang sinuri ang iyong sarili upang makita kung ikaw ay lumalaki sa espirituwal magmula noong panahon ng iyong pagkabautismo? O ikaw ba’y nakatayong walang ginagawa? Papaano masasabi ng isa na ganoon nga?
“Ang mga Ugali ng Isang Bata”
7. Upang ang espirituwal na pagsulong ay mahalata, ano ang kailangan nating gawin?
7 “Nang ako’y isang bata, nagsasalita akong gaya ng isang bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata; ngunit ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata,” ang sabi ni apostol Pablo. (1 Corinto 13:11) Sa espirituwal na pag-unlad, minsan lahat tayo ay mistulang mga bata sa ating pag-iisip at pagkilos. Subalit, para mahalata ang pagsulong, kailangang iwanan natin “ang mga ugali ng isang bata,” gaya ng sinabi ni Pablo. Ano ba ang ilan sa mga ugaling ito?
8. Ayon sa mga salita ni Pablo sa Hebreo 5:13, 14, ano ang isang ugali ng espirituwal na sanggol?
8 Una, pansinin ang salita ni Pablo sa Hebreo 5:13, 14: “Ang bawat tumatanggap ng gatas ay walang kasanayan sa salita ng katuwiran, sapagkat siya’y isang sanggol. Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang na, sa kanila na sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.” Ikaw ba ay ‘may kasanayan sa salita ng katuwiran’? Ikaw ba ay may sapat na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, upang gamitin iyon na “makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama”? Sinabi ni Pablo na ang mga taong maygulang na ay makagagawa ng gayon sapagkat sila’y palaging kumakain ng “matigas na pagkain.” Samakatuwid, ang pagnanasa o gana ng isang tao sa matigas na pagkaing espirituwal ay isang mabuting palatandaan ng kung siya’y lumaki na sa espirituwal o nananatili pang sanggol sa espirituwalidad.
9. Papaanong ang espirituwal na gana ng isang tao ay tanda ng kaniyang espirituwal na pagsulong?
9 Kung gayon, kumusta naman ang iyong espirituwal na gana? Papaano mo minamalas ang saganang inilalaang espirituwal na pagkain na palagiang ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng salig-Bibliyang mga publikasyon at mga pulong Kristiyano at mga asamblea? (Isaias 65:13) Walang alinlangan na ikaw ay lubhang nagagalak kung naglalabas ng mga bagong publikasyon sa pandistritong mga kombensiyon taun-taon. Subalit ano ang ginagawa mo sa mga iyan minsang ikaw ay nasa tahanan na? Ano ang ginagawa mo pagdating ng isang bagong labas ng magasing Bantayan o Gumising!? Ikaw ba ay gumugugol ng panahon na basahin ang mga publikasyong ito, o basta binubuklat mo lamang upang tingnan ang tampok na mga bahagi at pagkatapos ay isinasama mo na sa mga iba pang naroroon sa iyong istante ng mga aklat? Katulad na mga tanong ang maaaring maiharap kung tungkol sa mga pulong Kristiyano. Ikaw ba ay palagiang dumadalo sa lahat ng mga pulong? Ikaw ba ay naghahanda at nakikibahagi sa mga pulong na iyan? Makikitang ang iba ay nahulog na sa di-mabuting mga ugali kung tungkol sa espirituwal na pagkain, basta makabasa at makakain nang mabilisan, wika nga. Ibang-iba naman ang salmista na nagsabi: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw.” Gayundin, si Haring David ay nagsabi: “Papupurihan kita sa malaking kapulungan; sa gitna ng napakaraming tao ay pupurihin kita.” (Awit 35:18; 119:97) Maliwanag, ang antas ng ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan ay isang tanda ng ating espirituwal na pagsulong.
10. Anong ugali ng isang espirituwal na sanggol ang binabanggit sa Efeso 4:14?
10 Binanggit ni Pablo ang isa pang ugali ng isang espirituwal na sanggol nang siya’y magbabala: “Tayo ay huwag nang maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pagdaraya ng mga tao, ng katusuhan sa panlilinlang.” (Efeso 4:14) Gaya ng alam na alam ng mga magulang, ang mga bata ay mausisa tungkol sa lahat ng bagay. Sa isang paraan ito ay isang positibong ugali sapagkat pinangyayari nito na sila’y magsaliksik at matuto at unti-unting umunlad tungo sa pagiging mga taong maygulang na. Subalit, ang panganib ay naroroon sa kanilang pagiging madaling magambala nang sunud-sunod na mga bagay. At ang lalong masama, dahilan sa kakulangan ng karanasan, ang pagkamausisang ito ay kalimitang umaakay sa kanila tungo sa malulubhang suliranin, isinasapanganib pa nga ang kanilang sarili at ang iba. Ito’y totoo rin kung tungkol sa espirituwal na mga sanggol.
11. (a) Ano ang sumasaisip ni Pablo ng paggamit sa pananalitang “bawat hangin ng turo”? (b) Anong mga “hangin” ang napapaharap sa atin sa ngayon?
11 Ano, kung gayon, ang sumaisip ni Pablo nang kaniyang sabihin na ang espirituwal na mga sanggol ay sinisiklut-siklot ng “bawat hangin ng turo”? Dito, ang “hangin” ay isinalin buhat sa salitang Griegong aʹne·mos, na tungkol dito ay may puna ang International Critical Commentary na ito ay waring “pinili bilang angkop sa idea ng pagpapabagu-bago.” Ito ay mainam ang ilustrasyon ni Pablo sa susunod na pananalita, “sa pamamagitan ng pagdaraya ng mga tao.” Ang salitang “pagdaraya” sa orihinal na wika ay nangangahulugan na “dais o paglalaro ng dais,” na ang ibig sabihin, isang sugal. Ang punto ay na tayo’y palaging napapaharap sa mga bagong idea at mga tunguhing tila walang naidudulot na pinsala, nakabibighani, na kapaki-pakinabang pa nga. Ang mga salita ni Pablo ay kumakapit unang-una sa mga bagay na may kinalaman sa ating pananampalataya—mga kilusang ekumenikal, panlipunan at pulitikal na mga kapakanan at iba pa. (Ihambing ang 1 Juan 4:1.) Subalit ang simulain ay totoo rin naman kung tungkol sa patuluyang nagbabagong mga moda at kausuhan ng sanlibutan—mga istilo, libangan, pagkain, kalusugan, o mga rutina ng pag-eehersisyo, at iba pa. Dahilan sa kakulangan ng karanasan at ng mahusay na pagpapasiya, ang espirituwal na sanggol ay posible na labis-labis na magambala ng gayong mga bagay at sa gayon ay mahadlangan sa espirituwal na pagsulong at pagganap sa kaniyang lalong mahalagang mga obligasyong Kristiyano.—Mateo 6:22-25.
12. Papaanong ang mga bata ay naiiba sa mga taong nasa hustong edad na kung tungkol sa pananagutan?
12 Ang isa pang ugali ng bata ay ang kanilang laging pangangailangan ng tulong at atensiyon. Sila’y walang kamalayan sa mga pananagutan ni nag-iintindi man nito; ang pagkabata ang panahon ng buhay na halos lahat ng bagay ay katuwaan at mga laro lamang. Gaya ng pagkasabi ni Pablo, sila’y ‘nagsasalita na gaya ng bata, nag-iisip na gaya ng bata, nangangatuwiran na gaya ng bata.’ Kanilang ipinagpapalagay na sila’y aalagaan ng iba. Ganiyan din ang masasabi tungkol sa espirituwal na sanggol. Pagka ang isang baguhan ay nagbibigay ng kaniyang unang pahayag sa Bibliya o sa unang-unang paglabas niya sa ministeryo sa larangan, ang espirituwal na magulang ay natutuwa na gawin ang lahat ng pagtulong na magagawa. Ano ang nangyayari kung ang baguhan ay patuloy na umasa sa gayong tulong at napatunayan na ayaw tumanggap ng pananagutan na asikasuhin ang kaniyang sarili? Maliwanag na iyan ay isang tanda ng kakulangan ng pagkakapit sa sarili ng natutuhan.
13. Bakit bawat isa ay kailangang matutong magdala ng kaniyang sariling pasan?
13 Sa bagay na ito alalahanin ang payo ni apostol Pablo na bagaman tayo’y dapat “magdalahan ng pasanin ng isa’t isa,” gayunman “bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:2, 5) Mangyari pa, nangangailangan ng panahon at pagpapagal upang matutunan ng isa na pumasan ng mga pananagutang Kristiyano, at ito ay maaaring mangahulugan ng pagsasakripisyo sa ilang mga bagay. Gayunman, isang malaking pagkakamali na payagan ng isa na siya’y lubhang mapasangkot sa katuwaan at mga laro ng buhay, maging ang mga iyon man ay paglilibang, pagliliwaliw, appliances, o kahit na yaong di-kinakailangang pagpapagal sa hanapbuhay, na anupat ang isa ay nagiging isang tagapagmasid lamang, wika nga, na walang naisin na palawakin pa ang kaniyang bahagi sa paggawa ng alagad o maghangad ng espirituwal na pagsulong at pananagutan. “Maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran,” ang payo ng alagad na si Santiago.—Santiago 1:22; 1 Corinto 16:13.
14. Bakit hindi tayo masisiyahan kung ang mga ugali ng isang espirituwal na sanggol ang nakikita sa atin?
14 Oo, maraming madaling mahalatang mga ugali na nagpapakita ng pagkakaiba ng isang bata sa isang may edad na. Subalit ang mahalagang bagay, gaya ng pagkasabi ni Pablo, ay na unti-unting iwanan na ang mga ugali ng isang sanggol at lumaki. (1 Corinto 13:11; 14:20) Kung hindi, baka mapigil ang ating paglaki sa espirituwal. Subalit papaano susulong ang isa? Ano ang nasasangkot sa patuloy na paglaki sa espirituwal tungo sa pagkamaygulang?
Kung Papaano Nahahalata ang Pagsulong
15. Ano ang mahahalagang yugto sa paglaki?
15 Bueno, papaano ba nangyayari ang paglaki sa natural na daigdig? “Bawat tao ay nagsisimula ng buhay bilang isang nag-iisang selula,” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia. “Ang selula ay tumatanggap ng mga materyales at ginagawa iyon na mga bloke na kailangang lumaki. Sa gayon, ang nag-iisang selula ay lumalaki buhat sa loob. Ang selulang ito ay maaaring magpakarami at maghati-hati upang bumuo ng iba pang selula. Ang pagtatayo, pagpaparami, at paghahati-hati ay paglaki.” Ang mahalagang punto rito ay na ang paglaki’y nagbubuhat sa loob. Pagka ang nararapat na pagkain ay kinain, tinunaw, at ginamit, ang resulta ay paglaki. Ito’y malinaw na nakikita kung tungkol sa isang bagong kasisilang na sanggol. Gaya ng alam natin, ang isang bagong silang ay tumatanggap ng patuluyang suplay ng pantanging inihandang pagkain, ang gatas, na mayaman sa taba at protina, ang mga materyales na kailangan para sa paglaki. Ang resulta? Ang bilis ng paglaki may kinalaman sa bigat at taas ng sanggol sa unang taon ay hindi kailanman maipaparis sa anumang ibang taon ng normal na paglaki sa nalalabing mga taon ng kaniyang buhay.
16. Anong uri ng paglaki ang nakikita sa karamihan ng bagong mga nag-aaral ng Bibliya at papaano nangyayari iyan?
16 Malaki ang ating matututuhan buhat sa natural na paraang ito ng paglaki na maikakapit natin sa ating espirituwal na pagsulong mula sa mahalagang mga yugto tungo sa pagkamaygulang. Una sa lahat, ang isang patuluyang programa ng pagpapakain ay kailangan. Alalahanin mo ang panahon nang una kang magsimulang mag-aral ng Bibliya. Kung ikaw ay katulad ng karamihan, marahil ay halos wala kang alam na anuman tungkol sa Salita ng Diyos. Subalit, sa linggu-linggo ay naghahanda ka ng iyong mga leksiyon at naidaraos ang iyong pag-aaral sa Bibliya, at sa isang maikling panahon, naunawaan mong lahat ang mahahalagang turo ng Kasulatan. Iyan, aaminin mo, ay pambihirang paglaki, at pawang resulta ng palagiang pag-aaral ng Salita ng Diyos!
17. Bakit ang isang palagiang espirituwal na programa sa pagpapakain ay hindi maaaring kaligtaan?
17 Bueno, kumusta naman ngayon? Ikaw ba ay may sinusunod pa ring programa sa pagpapakain? Hindi dapat isipin ng sinuman na dahilan sa nabautismuhan na, hindi na kailangan ang isang regular at sistematikong pag-aaral upang kumain ng nagpapalusog na pagkaing espirituwal. Kahit na si Timoteo ay isang maygulang na tagapangasiwang Kristiyano, siya’y pinayuhan ni Pablo: “Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.” (1 Timoteo 4:15) Lalong higit na kailangan ng bawat isa sa atin na gumawa ng gayon! Kung ikaw ay interesado na ipahalata ang iyong espirituwal na pagsulong, hindi mo maaaring kaligtaan ang ganiyang pagsisikap.
18. Papaano nahahalata ang espirituwal na pagsulong ng isa?
18 Ang pagpapahalata ng pagsulong ng isa ay hindi nangangahulugan ng paggawa ng pantanging pagsisikap na magpasikat sa kaniyang nalalaman o pagsubok na pahangain ang iba. Sinabi ni Jesus: “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang bayan ay hindi maitatago kung nasa itaas ng isang bundok” at, “sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 5:14; 12:34) Pagka ang ating mga puso at isip ay punô ng mabubuting bagay ng Salita ng Diyos, hindi maaaring hindi natin ipahalata ito sa ating ginagawa at sinasabi.
19. Ano ang dapat na desidido tayong gawin tungkol sa ating espirituwal na pagsulong, at ano ang resulta na maaasahan?
19 Kung gayon, ang tanong ay: Ikaw ba ay palagiang nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong Kristiyano upang kumuha ng nagpapalusog na pagkain na makapagpapasigla sa iyong panloob, na paglaki sa espirituwal? Huwag masiyahan sa pagiging isang walang ginagawang tagapagmasid lamang pagka ang pinag-uusapan ay espirituwal na paglaki. Kumuha ng positibong mga hakbang upang tiyakin na ikaw ay lubusang gumagamit ng saganang espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova. Kung ikaw ay ‘may kaluguran sa kautusan ni Jehova, at ang kaniyang kautusan ay binabasa mo nang may pagbubulay-bulay araw at gabi,’ masasabi rin tungkol sa iyo: “Siya’y magiging parang punungkahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan at ang kaniyang dahon ay hindi malalanta, at lahat niyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:2, 3) Datapuwat, ano ang maaaring gawin upang tiyakin na ikaw ay patuloy na susulong sa espirituwal? Ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Masasagot Mo Ba?
◻ Bakit napapanahon na suriin ang ating espirituwal na pagsulong?
◻ Papaano ang espirituwal na paglaki ay may kaugnayan sa espirituwal na gana?
◻ Ano ang kahulugan ng “bawat hangin ng turo”?
◻ Bakit bawat isa ay kailangang magdala ng kaniyang sariling pasan?
◻ Papaano nakakamit ang espirituwal na pagsulong?
[Larawan sa pahina 10]
Ikaw ba ay gumugugol ng panahon upang magbasa ng mga publikasyong salig-sa-Bibliya?